2017
Pagkakaroon ng Paggalang sa Sarili sa Pamamagitan ng Self-Reliance
October 2017


Pagkakaroon ng Paggalang sa Sarili sa Pamamagitan ng Self-Reliance

José Alberto Navas (isinalaysay kay Miriam Sweeney)

San José, Costa Rica

Nag-asawa ako, nagkaroon ng tatlong anak, at wala akong trabaho noon. Dahil sa walang mapasukang trabaho nakadama ako ng kawalan ng pag-asa. Nag-alala ako para sa kaligtasan ng pamilya ko, at tumigil na akong paniwalaan ang sarili ko.

Hinikayat ako ng asawa kong si Carla na dumalo sa isang self-reliance group. Nakakahiyang aminin na wala akong trabaho noon, pero hinikayat niya akong dumalo sa grupo para mapangalagaan ko ang aming pamilya.

Sinubukan ko ito kahit atubili ako. Habang dumadalo sa grupo, natanto ko na ang kasanayan ko sa wikang Ingles ay isang katangiang hinahanap sa isang empleyado. Pinag-aralan ko ang Ingles sa aking misyon, pero ang alam ko lang noon ay magsalita tungkol sa relihiyon. Nag-enrol ako sa mga klase sa Ingles na iniaalok ng Simbahan para madagdagan ang aking bokabularyo. Pag-uwi ko mula sa klase sa Ingles isang araw ay iniabot sa akin ni Carla ang telepono.

“Sino ’yan?” tanong ko.

“Hindi ko alam,” sagot niya. “Ingles ang salita nila.”

Kinatawan pala iyon ng human resources mula sa isa sa pinakamalalaking kumpanya sa Costa Rica na nagtatanong kung pwede akong mainterbyu. Nagulat ako, ngunit naging napakaayos ng interbyu. Nalaman ko kalaunan na si Carla pala ang nagtakda nito.

Natanggap ako sa trabaho, at naaalala ko kung paano ako tinulungan ng aking self-reliance group. Pagkatapos ay naisip ko kung paano ko mas maisasagawa ang natutunan ko. Nagsimula akong maghanap ng mas magandang trabaho at natanggap naman ako. Pagkatapos ay sinikap kong simulan ang sarili kong construction business.

Hindi ko maubos-maisip kung nasaan na kaya ako at ang pamilya ko kung hindi namin natanggap ang inisyatibo mula sa self-reliance. Natuto akong magpakumbaba at humingi ng tulong sa Panginoon. Natutunan ko ring hayaan ang mga taong nais tumulong sa akin na pagpalain ang aking buhay. Napakarami ng aming mga pagpapala. Ngayon ay may paggalang na ako sa sarili ko, at napagpapala ko ang pamilya ko sa perang kinikita ko. Alam kong pinagpapala tayo ng Espiritu kapag tayo ay mapagpakumbaba.