2014
Magkakapatid sa Tipan
Setyembre 2014


Magkakapatid sa Tipan

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, lahat tayo ay may mga kapatid na babaeng nagmamahal at sumusuporta sa atin—anuman ang sitwasyon ng ating pamilya.

Larawan
August 2010 visit to DR Congo for clean water, Relief Society, District Conference, and other welfare projects.

Sa unang Linggo ko bilang estudyante sa Paris, France, namangha ako sa iba’t ibang miyembro ng bago kong ward. Ang nangangasiwa sa Relief Society ay isang kaaya-ayang babae mula sa Eastern Europe. May ilang kababaihan mula sa West Africa na magiliw akong pinahiram ng kanilang himnaryo. Isang babaeng Asian na buong ingat na isinalin ang kanyang aralin sa French ang nagturo ng isa sa mga pinakatagos sa pusong araling narinig ko. Bagama’t ako ay isang bata pang Amerikana na nakatira 5,000 milya (8,045 km) mula sa bayan kong sinilangan, napanatag ako sa piling ng mabubuting kababaihan ng Simbahan. Kami ay mula sa France, Cambodia, Ivory Coast, Ukraine, at Estados Unidos—ngunit hindi na mahalaga ang pagkakaiba sa edad at kultura. Pinagkaisa kami ng diwa ng kapatiran ng kababaihan.

Sa mga unang taon ko sa kolehiyo, natanto ko sa unang pagkakataon na kahanga-hanga ang grupo ng kababaihang kinabilangan ko sa buong buhay ko. Lumaki ako nang walang sariling mga kapatid na babae, kaya minsan nadama ko na hindi ko maunawaan kung ano ang kapatiran ng kababaihan. Kahit labis akong nagpapasalamat sa mababait kong mga magulang at mga kapatid na lalaki, inasam kong magkaroon ng mga kapatid na babae na makakabahagi, makakatawanan, at makakasama sa buhay. Sa halip, natuto akong umasa sa kababaihang natagpuan ko sa loob ng “pagkakaisa ng pananampalataya” (Mga Taga Efeso 4:13). Maraming karanasan ang nagturo sa akin na makakaasa ako sa matatapat na kababaihang ito—dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo, mayroon nga akong mga kapatid na babae!

Itinuturo sa atin ng mundo na ang pagkakaiba-iba sa pamilya, henerasyon, kultura, o personalidad ay naglalayo sa atin sa isa’t isa. Ang totoo, ang kababaihan ay nagkakaisa sa pagmamahal, sa paglilingkod, at sa ating banal na pamana bilang mga anak ng Ama sa Langit. Tinutulungan tayo ng pagkakaisang ito na tuparin ang ating mga tipan sa binyag. Nangako tayong “lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon” (Mosias 18:8–9).

Lumapit sa Kawan ng Diyos

Ang kababaihan ay nagtutulungan sa pagtupad sa mga tipang iyon sa binyag sa maraming paraan. Si Ting Chang ng Taiwan ay “lumapit sa kawan ng Diyos” noong nasa middle school siya. Dahil maralita ang kanyang pamilya, hindi nanananghalian si Ting para makatipid sa gastos ang pamilya na napansin ni Jina, isang kaklase niya. Nagsimulang maghanda ang nanay ni Jina ng ekstrang pananghalian araw-araw para kay Ting. Di-nagtagal niyaya ni Jina ang kanyang kaibigan na magsimba. Sumapi sa Simbahan ang nanay ni Jina kamakailan, at tinuturuan naman ng mga missionary si Jina. Para kay Ting, nakakaantig ang halimbawa ng pag-ibig sa kapwa na ipinakita ng kababaihang ito, at nagsimula na rin siyang magpaturo sa mga missionary.

Magkasamang binasa nina Ting at Jina ang mga banal na kasulatan at isinulat sa journal ang kanilang mga sagradong karanasan. Tumibay ang bigkis ng kanilang kapatiran nang sabay na mabinyagan ang dalawang dalagang ito. Ngayon, kapwa sila nasa full-time mission para ipalaganap ang kagalakan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Si Jina, ang kanyang ina, at si Ting ay naging magkakapatid sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga pamantayan ng Panginoon at sa pagtataglay ng Kanyang pangalan.

Larawan
Sister missionaries serving at Temple Square.

Magpasan ng mga Pasanin ng Isa’t Isa

Mapagmahal na paglilingkod ang isa pang tanda ng tunay na kapatiran ng kababaihan. Mahabaging paglilingkod at visiting teaching ang paraan ng Simbahan sa paglilingkod na iyon. Isinalaysay ni Jacqueline Soares Ribeiro Lima ng Brazil kung paano pinagpala ng dalawang visiting teacher ang buhay niya at ng kanyang pamilya matapos masuri na may bipolar disorder siya at hindi makasimba palagi: “Ginawa ng asawa kong si Vladimir ang lahat para tulungan akong malagpasan ang pinakamalalang bahagi ng karamdaman. Hinarap niyang mag-isa ang pinakamalulungkot na sandali—hanggang sa maging mga visiting teacher ko ang dalawang mababait na babae.”

Ipinakita ng dalawang babaeng ito, sina Rita at Fátima, ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng dagdag na pag-aaral tungkol sa sakit o karamdaman at pagtulong sa pamilya ni Jacqueline. Nadama niya palagi ang tunay na pagmamalasakit nila sa kanya. Kabilang sa kanilang paglilingkod ang pagdaraos ng munting party para kay Jacqueline at pananahi ng damit para sa kanyang anak na babae. Sa huli, ang tapat na malasakit nina Rita at Fátima ay espirituwal na nakatulong kay Jacqueline, at dahil napasigla siya ng kanilang lakas, muli siyang nagsimba nang regular.

Ang mga pasanin man ng ating mga kapatid ay pisikal, emosyonal, o espirituwal, napakaganda kapag tumulong tayo nang may pagmamahal sa pagod na bata pang ina, sa mahiyaing bagong Beehive, sa nalulumbay na matandang babae, sa Relief Society president na nagsisikap na gampanan ang kanyang tungkulin. Ang mga babae ng tipan ay “nagagalak sa paglilingkod at mabubuting gawa”1 at sa gayon ay hinahanap at tinutulungan ang kanilang mga kapatid na napapagod o napapagal.

Makidalamhati sa mga Yaong Nagdadalamhati

Ang mga babaeng may pananampalataya ay sumusunod sa halimbawa ng Tagapagligtas kapag tumulong sila nang may pagmamahal. Marahil ay walang mas magandang halimbawa ng di-makasariling pagmamahal sa mga banal na kasulatan kaysa kay Noemi ng Betlehem at sa kanyang manugang na si Ruth ng Moab. Pinili ni Ruth na maglingkod sa kanyang biyenan nang mamatay ang asawa at mga anak ni Noemi. Sa kalungkutan, nagpasiya si Noemi na magbalik sa kanyang sariling bansa. Bagama’t ang mga babaeng ito ay nagmula sa magkaibang kultura at relihiyon, naging magkaibigan sila nang suportahan nila ang isa’t isa sa matwid na pamumuhay at magkatulong na hinarap ang mga pagsubok.

Ang halimbawa at paglilingkod ni Ruth ay napakadakila kaya nauwi sa kagalakan ang panaghoy ni Noemi sa kanyang mabuting kapalaran sa pagkakaroon ng kahanga-hangang manugang at kapatid na ito sa ebanghelyo. Napakatibay ng kanilang ugnayan kaya sinabi ng iba pang kababaihan, nang makita ang kanilang pagmamahalan, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, na … [nagbigay sa iyo ng] manugang na nagmamahal sa iyo, … at siya’y mahigit pa sa iyo kay sa pitong anak” (Ruth 4:14–15).

Larawan
A woman pushing an elderly woman in a wheelchair. Another woman is embracing the woman in the wheelchair.

Aliwin Yaong mga Nangangailangan ng Aliw

Napanatag ng maikling sulat ng isang sister sa kanyang ward si Raihau Gariki ng Tahiti, na tinawag bilang guro sa Relief Society isang buwan lang matapos mag-18 taong gulang. Kinabahan siyang magturo sa “mga ina at lola, mga babaeng napakarami nang alam, naharap na sa maraming pagsubok, at dumanas na ng maraming bagay.” Matapos ang kanyang unang aralin, nakatanggap siya ng “maikling liham na puno ng pagmamahal” mula sa isang babae sa klase. Pinalakas ng liham na ito ang kanyang tiwala sa sarili, at idinikit niya ito sa kanyang journal para matulungan siya sa mga oras ng paghihirap.

Ang magkakapatid sa ebanghelyo ay pinapanatag at sinusuportahan ang isa’t isa sa panahon ng paghihirap. Naaalala ni J. Scott Featherstone, isang stake president sa Utah, ang pagpunta niya kasama ang kanyang asawa para bisitahin ang isang babae sa kanilang stake na kamamatay lang ng asawa. “Niyakap lang siya ng aking asawa, umiyak silang pareho at inaliw siya hanggang sa madama niyang may nagmamahal sa kanya.” Kung minsan ay gayon lang kasimple ang kapatiran ng kababaihan.

Tumayo Bilang mga Saksi ng Diyos

May malakas na kapangyarihan kapag lahat ng kababaihan na magkakaiba ang edad ay nagkakaisang “manindigan sa katotohanan at kabutihan.”2 Ang ating kapatiran sa ebanghelyo ni Jesucristo ay makapagpapalakas sa atin, anuman ang mga sitwasyong kinakaharap natin sa isang mundong lalong nagiging masama. Maging ang mga napakabata pa ay maaaring tumayong mga saksi: Si Jessica Vosaniyaqona ng California, USA, ay tinuruan ng ebanghelyo ng mga anim-na-taong-gulang na batang babae sa kanyang mga klase sa Primary, na nagpaalala at nagpatotoo sa kanya tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya.

Ang matatandang babae ay mahalaga ring halimbawa. Ginunita ni Kimm Frost na taga-Utah ang maraming babaeng nakaimpluwensya sa kanya na manatiling matatag sa ebanghelyo, kabilang na si Ursula Squires. Sabi ni Kimm: “Si Sister Squires ay naging kompanyon ko sa visiting teaching noong siya ay mahigit 90 taong gulang na. Hindi siya makakita o makarinig na mabuti, ngunit lubos ang katapatan niya sa ebanghelyo. Lagi siyang nagsisimba at tapat niyang ginampanan ang tungkulin niya sa visiting teaching. … Naging inspirasyon siya sa akin.” Sa halimbawa man o sa pagbabahagi ng patotoo, maaaring magkaisa ang kababaihan bilang mga disipulo ng Panginoon.

Mga Kababaihan sa Simbahan ng Diyos

Talagang nakakita ako ng mga kapatid nang mamasdan ko ang kababaihan na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Nagkaroon ako ng pagkakataong magmisyon. Nang dumating ang tawag sa akin na maglingkod sa Utah Salt Lake City Temple Square Mission—ang tanging mission sa Simbahan na puro babae—inaamin ko na kinabahan akong mapaligiran ng napakaraming kababaihan. Hindi pala ako dapat nag-alala. Lumakas nang husto ang aking patotoo tungkol sa kapatiran ng kababaihan nang makasalamuha ko ang napakaraming kababaihan na bawat isa ay nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa kanilang ginagawa araw-araw.

Sa aking unang bisperas ng Pasko sa misyon, tinipon ng mission president ko ang lahat ng sister missionary para manood ng isang napakagandang pelikula. May bahagi roon na ipinakita ang dalawang babae na nagtutulungang madaig ang nakakatakot na mga sitwasyon. Naantig ako sa kanilang pagkakaisa. Nang panoorin ko ang pelikula at masdan ang lahat ng masisiglang sister missionary, malakas na pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ang kapatiran ng kababaihan ay walang-hanggang ugnayan na itinakda ng ating Ama sa Langit, at bahagi rin ako nito. Kaygandang katotohanan: hindi tayo nag-iisa kailanman, sapagkat binigyan tayong lahat ng Panginoon ng mga kapatid na babae.

Larawan
Young women laughing together

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA

Mga Tala

  1. “The Relief Society Declaration,” The Latter-day Saint Woman: Basic Manual for Women (2000), xi.

  2. Pansariling Pag-unlad ng Young Women (buklet, 2009), 2.

Larawan ng kababaihan sa Democratic Republic of Congo na kuha ni Howard Collett