2014
Mga Katotohanan na Napakahalagang Malaman
Agosto 2014


Mga Katotohanan na Napakahalagang Malaman

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 6, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Larawan
Final official portrait of Elder Boyd K. Packer, President of the Quorum of the Twelve Apostles, 2000. Passed away 3 July 2015.

Kung nagkamali o nawala kayo sa loob ng maikling panahon, maaari kayong sumulong nang may pananampalataya at hindi na magpagala-gala pa sa mundo.

Larawan
A young adult man wearing a backpack looking out over a lake

Ang pagkoleta o panonood ng pornograpiya ay parang paglalagay ng isang makamandag na ahas sa backpack ninyo.

Paglalarawan ni PeteSherrard/iStock/Thinkstock at ni Brenda A. Carson/iStock/Thinkstock

Ang ilang kabataan ay may mga tanong at naghahanap ng patnubay. Ang iba naman ay nag-iisip kung paano sila napalayo sa landas ng ebanghelyo at kung paano sila makakabalik. Habang nagsasalita ako sa lahat, marubdob akong nagsasalita sa taong naghahangad.

Ang Inyong Espirituwal na Pagkakautang

Lahat tayo ay nabubuhay sa espirituwal na pagkakautang. Sa anumang paraan, ang utang ay palaki nang palaki. Kung patuloy kayong magbabayad, huwag kayong gaanong mag-aalala. Hindi magtatagal at matututo kayo ng disiplina at malalaman ninyo na may takdang-araw ng paniningil ng bayad. Dapat kayong matutong patuloy na magbayad ng inyong espirituwal na pagkakautang sa halip na hayaan itong patuloy na tumubo at magkaroon ng multa.

Dahil kayo ay sinusubukan, inaasahan na gagawa kayo ng ilang pagkakamali. Palagay ko may mga nagawa kayo sa buhay na pinagsisisihan ninyo, mga bagay na ni hindi ninyo maihingi ng paumanhin, o maitama man lang; kung gayon, may pasanin kayo. Marahil ay nadarama ninyo na mahina ang inyong isip at katawan kumpara sa iba at naliligalig o nabibigatan kayo sa pasaning dulot ng ilang espirituwal na pagkakautang na may markang “lagpas na sa taning.” Kapag nakaharap ninyo ang inyong sarili sa mga sandaling iyon ng tahimik na pagninilay (na sinisikap iwasan ng marami sa atin), may ilang bagay ba kayong hindi pa nabayaran na gumugulo sa inyong isipan? May bumabagabag ba sa inyong budhi? Kayo ba, sa anumang paraan, ay nakagawa ng maliit o malaking kasalanan?

Napakadalas nating tumanggap ng mga liham mula sa mga taong nakagawa ng malalaking pagkakamali at nabibigatan. Ang samo nila: “Mapapatawad pa ba ako? Magbabago pa kaya ako?” Ang sagot ay oo! (Tingnan sa I Mga Taga-Corinto 10:13.)

Ang Pagsisisi ay Nakakaginhawa

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na ang ginhawa mula sa pagdurusa at pagkaligalig ay matatamo sa pamamagitan ng pagsisisi. Maliban sa iilan—na kakaunti lamang—na tumalikod tungo sa kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang nakagawian, walang adiksyon, walang rebelyon, walang paglabag, walang kasalanan maliit man o malaki na hindi saklaw ng ipinangakong lubusang kapatawaran. Anuman ang nangyari sa buhay ninyo, naghanda ng daan ang Panginoon para kayo makabalik kung diringgin ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

Ang ilan ay puno ng nakahihikayat na pamimilit, isang tuksong paulit-ulit na pumapasok sa isipan, marahil para makagawian, pagkatapos ay mauwi sa adiksyon. Mahilig tayong gumawa ng ilang paglabag at kasalanan at mangatwiran din na wala tayong kasalanan dahil ipinanganak tayong ganito. Nahuhulog tayo sa bitag, kaya dumarating ang pasakit at pagdurusang tanging ang Tagapagligtas ang makapagpapagaling. May kapangyarihan kayong tumigil at matubos.

Isang Makamandag na Ahas na Tinatawag na Pornograpiya

Sinabi minsan sa akin ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Huwag lang silang sabihan para sila makaunawa, sabihan sila para hindi sila magkamali sa pag-unawa.”

Kaya’t makinig! Magsasalita ako nang malinaw bilang isang taong tinawag at may obligasyong gawin ito.

Nabubuhay kayo sa panahon na laganap ang pahirap ng pornograpiya sa iba’t ibang panig ng mundo. Mahirap itong takasan. Ang pornograpiya ay nakatuon sa bahagi ng inyong likas na pagkatao na nagbibigay sa inyo ng kapangyarihang lumikha ng buhay.

Ang pagpapasasa sa pornograpiya ay humahantong sa mga paghihirap, diborsyo, karamdaman, at iba’t ibang problema. Walang bahagi rito na bunga ng kawalang-malay. Ang pagkolekta, panonood, o pagdadala ng anumang uri nito ay parang paglalagay ng isang makamandag na ahas sa backpack ninyo. Inilalantad kayo nito sa di-maiiwasang espirituwal na katumbas ng tuklaw ng ahas na may kasamang turok ng nakamamatay na lason. Madaling mauunawaan ng isang tao, sa ganitong klaseng daigdig, na hindi ninyo namamalayan ay nakalantad, binabasa, o pinanonood na pala ninyo ito nang hindi natatanto ang kakila-kilabot na mga bunga nito. Kung ganyan ang ginagawa ninyo, binabalaan ko kayo na itigil na ito. Itigil na ito ngayon!

Itinuturo ng Aklat ni Mormon na lahat ng tao “ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama” (2 Nephi 2:5). Kabilang kayo riyan. Alam ninyo kung ano ang tama at mali. Mag-ingat nang husto para hindi kayo tumawid sa linyang iyon.

Bagama’t halos lahat ng pagkakamali ay maaaring ipagtapat nang lihim sa Panginoon, may ilang paglabag na nangangailangan ng higit pa riyan para mapatawad. Kung ang inyong mga pagkakamali ay mabigat, makipagkita sa inyong bishop. Kung hindi, puwede na ang karaniwang pagtatapat, na tahimik at personal. Ngunit tandaan, maaaring hindi dumating kaagad ang maningning na umaga ng kapatawaran. Kung nagkamali kayo noong una, huwag sumuko. Ang pagdaig sa panghihina ng loob ay bahagi ng pagsubok. Huwag sumuko. At tulad ng payo ko noon, kapag naipagtapat at tinalikuran na ninyo ang inyong mga kasalanan, huwag na itong lingunin.

Laging nariyan ang Panginoon. Handa Siyang magdusa at bayaran ang kaparusahan kung handa kayong tanggapin Siya bilang inyong Manunubos.

Ang Pagdurusa ng Tagapagligtas para sa Ating mga Kasalanan

Bilang mga mortal, maaaring hindi—talagang hindi—natin lubusang mauunawaan kung paano isinakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit sa ngayon ang paraan ay hindi kasinghalaga ng dahilan ng Kanyang pagdurusa. Bakit Niya ito ginawa para sa inyo, para sa akin, para sa buong sangkatauhan? Ginawa niya ito dahil sa pag-ibig sa Diyos Ama at sa buong sangkatauhan. “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan” (Juan 15:13).

Sa Getsemani, humiwalay si Cristo sa Kanyang mga Apostol para manalangin. Anuman ang nangyari ay wala tayong kapangyarihang malaman! Ngunit alam natin na naisagawa Niya ang Pagbabayad-sala. Handa Siyang akuin ang mga pagkakamali, mga kasalanan at bigat ng konsiyensya, mga pag-aalinlangan at takot ng buong mundo. Nagdusa Siya para sa atin para hindi na tayo magdusa pa.

Ang Lubos na Kapatawaran ay Posible

Larawan
Frontal head and shoulders portrait of Jesus Christ. Christ is depicted wearing a pale red robe with a white and blue shawl over one shoulder. Light emanates from the face.

Kung nagkamali o nawala kayo sa loob ng maikling panahon, kung nadarama ninyo na bihag kayo ng kaaway, maaari kayong sumulong nang may pananampalataya at hindi na magpagala-gala pa sa mundo. May mga taong handang gabayan kayo pabalik sa kapayapaan at katiwasayan. Ang biyaya ng Diyos, tulad ng pangako sa mga banal na kasulatan, ay dumarating “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Ang posibilidad nito, para sa akin, ang katotohanan na napakahalagang malaman.

Ipinapangako ko na maaaring dumating ang maningning na umaga ng kapatawaran. Pagkatapos “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga-Filipos 4:7) ay muling darating sa buhay ninyo, na parang pagsikat ng araw, at kayo at Siya ay “hindi na aalalahanin pa [ang inyong kasalanan]” (Jeremias 31:34). Paano ninyo malalaman na napatawad na kayo? Malalaman ninyo! (Tingnan sa Mosias 4:1–3.)

Ito ang dahilan kaya ako naparito para turuan kayong may mga alalahanin. Mamamagitan Siya at lulutasin ang problemang hindi ninyo kayang lutasin, ngunit kailangan ninyong pagbayaran. Hindi ito dumarating nang hindi ninyo iyan ginagawa. Napakabait Niyang pinuno dahil lagi Niyang babayaran ang halagang kailangan, ngunit nais Niyang gawin ninyo ang dapat ninyong gawin, kahit masakit ito.

Mahal ko ang Panginoon, at mahal ko ang Ama na nagsugo sa Kanya. Ang mga pasanin ng ating pagkasiphayo, kasalanan, at bigat ng konsiyensya ay maaaring ilatag sa Kanyang harapan, at sa Kanyang bukas-palad na kundisyon, bawat utang sa listahan ay maaaring markahan ng “binayaran nang buo.” (Tingnan sa Isaias 1:18–19.)

Mamuhay nang Tapat at Manatiling Karapat-dapat

Larawan
young man on a mountain top looking at mountains

Ipinapangako ko na maaaring dumating ang maningning na umaga ng kapatawaran.

Ang talatang “matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35) ay isang paanyayang may kasamang pangako ng kapayapaan at proteksyon mula sa kaaway. (Tingnan din sa I Kay Timoteo 4:12.)

Huwag asahan na lahat ay magiging maayos habang kayo ay nabubuhay. Maging sa mga taong namumuhay nang nararapat, kung minsan ay kabaligtaran ang mangyayari. Harapin ang bawat hamon sa buhay nang may magandang pananaw at katiyakan, at magkakaroon kayo ng kapayapaan at pananampalataya na magtataguyod sa inyo ngayon at sa hinaharap.

Para sa mga taong wala pa ng lahat ng pagpapala na inaakala ninyong gusto at kailangan ninyo, matibay ang paniniwala ko na walang karanasan o pagkakataong mahalaga sa pagkatubos at kaligtasan na ipagkakait sa inyo na namumuhay nang tapat. Manatiling karapat-dapat; umasa, magtiyaga, at manalangin. May paraan para maisagawa ang mga bagay-bagay. Gagabayan kayo ng kaloob na Espiritu Santo at papatnubayan kayo sa inyong mga kilos.

Kilala ko kayong mga kabataan ng Simbahan, at nauunawaan ko na hindi kayo perpekto, ngunit sumusulong kayo sa landas na iyon. Lakasan ang inyong loob. Dapat ninyong malaman na sinumang taong may katawan ay mas may kapangyarihan kaysa sa taong wala nito.1 Si Satanas ay pinagkaitan ng katawan; kaya kung maharap kayo sa mga tukso, dapat ninyong malaman na madadaig ninyo ang lahat ng tuksong iyon kung gagamitin ninyo ang kalayaang ibinigay kina Adan at Eva sa halamanan at ipinasa sa henerasyong ito mismo.

Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 245.