2014
Isang Himala sa Airport
Agosto 2014


Mula sa Misyon

Isang Himala sa Airport

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Maaaring baguhin ng isang maliit na pahiwatig ang mga buhay tungo sa kabutihan.

Larawan
Illustration depicting two elder missionaries at an airport in Japan.

Mga paglalarawan ni David Malan

Bilang isang bagong missionary sa Japan, nahirapan akong maunawaan ang kahit sino, lalo pa ang makilala sila. Mahirap matutong mahalin ang mga taong ni hindi ko kilala, lalo na kapag hindi ko maunawaan ang sinasabi nila. Ngunit sinikap kong ipakita ang pagmamahal ko sa kanila, at pinasalamatan ko ang kanilang mga pagsisikap sa pagtulong sa akin.

Bawat linggo, kami ng kompanyon ko ay tumatanggap ng tinapay na lutong-bahay mula sa isang sister sa ward na nagngangalang Sister Senba. Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa mga missionary sa pagluluto ng tinapay at pagsulat ng mga maiikling liham na puno ng damdamin.

Naantig ako na may nagmamalasakit sa akin. Nadama ko na dapat ko siyang pasalamatan sa maliit na paraan. Sinabi ko sa kanya sa maikling liham kung gaano ako nagpapasalamat para sa kanya at sa mga sakripisyo niya at ng kanyang pamilya para tulungan ang mga missionary. Naging magkaibigan kami, at sinimulan ko siyang ituring na “ina na malayo sa bahay.”

Lumipas ang mga buwan. Isang Miyerkules ng umaga tumanggap ako ng tawag mula sa aking mission president, na pinalilipat ako sa Okinawa. Nang ibaba ko ang telepono, magkahalong lungkot at saya ang nadama ko. Nalungkot akong magpaalam. Bawat tawag sa telepono para sabihin sa mga miyembro ng ward na aalis na ako kinabukasan ay masakit sa akin. Ang pagpapaalam sa mga taong natutuhan ko nang mahalin ay mas mahirap kaysa inakala ko.

Nang matapos na ako sa pagtawag, napansin ko na ang tanging hindi sumagot sa telepono ay si Sister Senba. Nalungkot ako na hindi ako makakapagpaalam sa isang miyembrong naging malapit sa puso ko.

Kinabukasan umalis na ako kasama ang dalawa pang missionary papunta sa airport. Nang makarating kami sa ticket counter at bumili kami ng mga tiket, sinabi sa amin ng mga nagtatrabaho doon na tinanggihan ang mga card namin. Wala na kaming perang pambayad sa mga tiket, at paalis na ang eroplano sa loob ng 10 minuto! Nataranta kaming tatlo. Hindi na namin mahahabol ang paalis na eroplano at mamamalagi kami sa airport maghapon.

Ngunit nawala ang lahat ng pagkataranta ko at napanatag ako nang lumingon ako at makita ko si Sister Senba na papasok sa airport. Nagulat ako na naroon siya dahil hindi niya alam kung anong oras ang lipad namin. Nang makarating siya sa amin, ngumiti siya at binigyan kaming lahat ng tinapay na babaunin namin sa eroplano.

Nang ipaliwanag namin sa kanya na hindi kami makakasakay, nalungkot siya. Hindi namin alam ang gagawin. Pagkatapos ay sinimulang kalkalin ni Sister Senba ang kanyang pitaka, sa paghahanap ng isang bagay na makakatulong sa amin. Masaya siyang napatalon nang makita niya ang maliit na sobre sa kanyang pitaka na ilang linggo na ang nakararaan ay nilagyan niya ng ¥50,000—ang eksaktong halaga ng perang kailangan namin. Ibinigay niya sa amin ang pera, at nakabili kami ng mga tiket sa oras. Pinasalamatan namin siya nang labis mula sa kaibuturan ng aming kaluluwa, nagpaalam kami, at humangos na paakyat sa eroplano.

Nang lumipad na ang eroplano, bumaling sa akin ang kapwa ko missionary at nagsabing, “Kahanga-hanga siya?! Iyon ay isang himala!”

At naisip ko na talagang himala nga iyon. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ano’ng sabi sa maikling liham mo?” Nakita kong binabasa niya ang maikling liham na kasama ng tinapay na ibinigay ni Sister Senba sa kanya. Nang matanto kong mayroon din pala ako, inilabas ko ang liham at binasa ang munting piraso ng papel na para sa akin, at agad tumulo ang mga luha sa aking mga mata. Sabi roon, “Mahal kita! Huwag mo sana akong kalimutan! Hinding-hindi kita malilimutan!”

Sa sandaling iyon nadama ko ang Espiritu nang mas matindi kaysa rati. Itinuro sa akin ng halimbawa ni Sister Senba kung gaano kahalagang sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu—gaano man kaliit o kataka-taka ang pahiwatig. Sa pamamagitan ng mga pahiwatig na ito may kapangyarihan tayong baguhin ang mga buhay tungo sa kabutihan. Alam kong hindi lamang nagkataon na dumating siya sa airport. Iyon ay isang himala.

Talagang gumagamit ang Panginoon ng maliliit na paraan upang maisakatuparan ang Kanyang gawain. Napakapalad natin bilang mga miyembro ng Simbahang ito na madama ang Kanyang impluwensya sa buhay natin. Tayong lahat nawa ay manatiling karapat-dapat na tumanggap ng mga panghihikayat na ito at pagpalain ang buhay ng mga anak ng Diyos.