2014
Maghapong nagtatrabaho ang nanay ko. Paano ko mas mapapabuti pa ang aming ugnayan?
Agosto 2014


Mga Tanong at mga Sagot

“Maghapong nagtatrabaho ang nanay ko. Paano ko mas mapapabuti pa ang aming ugnayan?”

Dahil hindi mo madalas makita ang nanay mo, tiyakin na ang oras ninyong magkasama talaga ay magagamit ninyo nang husto. Maaari mong kausapin ang nanay mo kung paano gagawin ito. Nais din niyang maging maganda ang relasyon ninyo at tutulungan ka niyang gawin ito. Subukan siyang tanungin kung ano ang ikasisiya niya: umuwi sa isang bahay na malinis? magkasama kayo sa isang aktibidad? basta magkausap lang kayo? Habang regular mong ginagawa ang mga aktibidad na ikinasisiya ng nanay mo, gaganda ang relasyon ninyo.

Mangyari pa, maaari kayong magplano ng masasayang aktibidad na magkasama ninyong gagawin, ngunit anumang makabuluhang oras na magkasama kayo—tulad ng paghuhugas ng mga pinggan o pagbabasa ng mga banal na kasulatan—ay maaaring isang magandang paraan para tumibay ang inyong relasyon.

Magplano rin ng oras para makapag-usap. Ang pag-unawa sa isa’t isa ay mahalagang sangkap sa magagandang relasyon. Ang isang bagay na tatalakayin ay kung paano maaapektuhan ng iskedyul ng trabaho ng nanay mo ang relasyon ninyong dalawa. Maiiwasan mo ang mga di-pagkakaunawaan kung pag-uusapan ninyo kung ano ang mga inaasahan mo at ng nanay mo.

Makakatulong ang panalangin. Ang mga pamilya ay mahalaga sa Ama sa Langit, kaya bibigyan ka Niya ng inspirasyong malaman kung paano pagagandahin ang relasyon ninyo ng nanay mo. Huwag balewalain ang pahiwatig na gawin ang isang bagay na tila maliit (tingnan sa Alma 37:6). Ang yakap at ngiti, halimbawa, ay makakagawa ng malaking kaibhan.

Sumulat ng Maikling Liham

Kahit kaunti lang ang oras na magkasama kayo, maipapahayag mo pa rin ang pagmamahal mo sa iyong ina. Palihim siyang sulatan ng maiikli at magiliw na liham. Kapag binasa niya ito sa trabaho, maiisip ka niya. Gawin ang lahat ng magagawa mo para sa kanya. Isipin siya nang mas madalas at ipagdasal siya. Hilingin sa Panginoon na bigyan ka ng inspirasyon at ipahiwatig sa iyo kung paano mo mapapaganda ang inyong relasyon.

Irinka E., edad 20, Odessa, Ukraine

Sikaping Unawain Siya

Sikaping unawain ang kanyang sitwasyon, dahil nagtatrabaho siya para sa iyong kapakanan. Maaari kang magsimula sa pagtulong sa mga gawain sa bahay, gaya ng paglilinis ng bahay, pagtulong sa iyong mga kapatid, at pagluluto. Maaari ka ring magbahagi sa nanay mo ng talata sa mga banal na kasulatan, magkasamang manalangin, at gawin ang mga aktibidad na gusto ninyong gawin nang magkasama.

Morony M., edad 18, Chihuahua, Mexico

Magkaroon ng Isang Espesyal na Araw ng Linggo

Sa ilang araw ng Linggo may espesyal na tanghalian o hapunan kami na may kasamang bagong panghimagas, nag-uusap-usap kami, at sa huli ay kumakanta kami ng mga himno. Ito ang nagbibigkis sa amin at tinutulungan kaming maging mas matalik na magkaibigan!

Rebeca N., edad 12, São Paulo, Brazil

Subukan ang Isang Eksperimento

Naglalaan kami ng oras para magkasama-sama: nagdaraos kami ng family home evening, naglalaro, nagpupunta sa dalampasigan, sabay-sabay na nanananghalian. Lahat ng ito ay nakakatulong para manatili ang maganda naming relasyon. Kapag hindi kami magkasundo, iniiwasan naming mamintas. Alam ko na kung minsan ay hinihiling ko na huwag akong pagawin ng gawaing-bahay, ngunit nakakaragdag ito sa di-pagkakasundo sa tahanan. Mula nang simulan ko ang eksperimentong ito—huwag gaanong magreklamo, hinaan ang boses ko, tumulong sa iba pang gawaing-bahay, at kausapin nang mas madalas ang nanay ko—nagkaroon ng katiwasayan sa aming tahanan at mas nagkaisa kami.

Glenda C., edad 18, Bahia, Brazil

Tulong sa Tahanan

Dagdagan ang paggawa ng gawaing-bahay. Maghapong nagtatrabaho ang nanay mo. Kung mababawasan ang gawain niya sa bahay pag-uwi niya, siguro mas sasaya siya at mas marami kayong oras para mag-usap at magkasamang gumawa. Habang nag-uusap kayo, maaari mong kumustahin ang trabaho niya sa maghapon. Ipapakita nito sa kanya na nagmamalasakit ka, at magbibigay ng mga pagkakataong mapag-usapan ninyo ang iba pang mga paksa, para lalo kayong magkalapit.

Heather B., edad 18, Oregon, USA

Maghanap ng Isang Bagay na Pareho Ninyong Gustong Gawin

Malaki ang ipinagbago ng relasyon namin ni Inay nang sabihin kong, “Gusto ko pong pag-ukulan kayo ng mas maraming oras, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin o kailan ito gagawin.” Nagkataon na paglalaro ng board games ang paborito naming libangan. Kaya naglaan kami ng oras para magkasama kaming maglaro, magtawanan, at bumuo ng mga alaala. Kapag wala kang lihim sa mga magulang mo, sa huli ay sila ang magiging pinakamabuti mong mga kasama. Makakausap mo sila tungkol sa anumang bagay, at makakatiyak ka na tapat ang isasagot sa iyo. Iyan ay tanda ng isang mabuting relasyon.

Ephraim S., edad 15, New South Wales, Australia

Magkasamang Basahin ang mga Banal na Kasulatan

Kapwa kayo makapagtatakda ng mithiin na magkasamang magbasa araw-araw, kahit limang minuto lang, mula sa Aklat ni Mormon o sa iba pang aklat ng Simbahan. Patatatagin nito ang inyong relasyon at pangangalagaan kayo ng salita ng Diyos para maging handa kayong harapin ang bawat araw. Alalahanin ding manalangin sa Diyos at hingin ang tulong Niya. Alam kong naririnig at mahal ka Niya.

Laura M., edad 19, Córdoba, Argentina