2014
Pagbabasbas kay Isa
Agosto 2014


Pagbabasbas kay Isa

Ang awtor ay naninirahan sa Massachusetts, USA.

“Tahanan ko sa t’wina ay pagkasaserdote ang gabay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102).

Larawan
Isa’s Blessing

“May problema ka ba?” tanong ni Inay kay Isa habang sakay sila ng trambya pauwi mula sa simbahan.

Tumitig si Isa sa mga kanal na sanga-sanga sa mga kalye ng Amsterdam. “Sabi po ng titser ko sa Primary ang pagkakaroon daw po ng priesthood sa bahay ay isang pagpapala,” sabi ni Isa. “Pero wala pong priesthood si Itay, kaya hindi po tayo mapagpapala.”

“Magkakaroon pa rin tayo ng priesthood sa bahay natin, kahit hindi miyembro ng Simbahan ang tatay mo,” sabi ni Inay. “Maraming karapat-dapat na mayhawak ng priesthood sa ward na makakatulong sa iyo. Si Brother Van Leeuwen kaya na home teacher natin?”

Gusto ni Isa si Brother Van Leeuwen. Lagi siyang may dalang stroopwafels, paboritong cookie ni Isa, at kinausap siya nito tungkol sa agham o siyensya, ang pinakagusto niyang subject. Pero sa simbahan nagkuwento ang iba pang mga bata tungkol sa kanilang mga tatay na nagbibigay sa kanila ng basbas ng priesthood kapag maysakit sila o balisa. Hindi makakahingi ng basbas si Isa sa tatay niya.

“Mahal ko po si Itay,” sabi ni Isa. “Pero sana may priesthood siya.”

Pagdating nila sa bahay, nasa kusina si Itay at nagluluto ng hapunan. “Kumusta ang pagsisimba n’yo?” tanong nito sa kanila.

Hindi sumagot si Isa. Sa halip, pumasok siya sa kuwarto niya at nahiga sa kama. Gusto niyang maiba ang sitwasyon.

Nang sumunod na linggo kinailangang kumuha ng mahabang pagsusulit si Isa sa paaralan. Lahat ng bata sa Netherlands ay kailangang kumuha ng pagsusulit kapag sila ay 12 taong gulang na para malaman kung saang paaralan sila mag-aaral sa susunod na pasukan. Kahit nag-aral na mabuti at handa si Isa, kabadung-kabado siya. Noong gabi bago iyon, parang sumakit ang tiyan niya dahil sa matinding kaba. Hindi siya makatulog. Habang pabiling-biling siya sa higaan, naalala niya ang lesson sa Primary tungkol sa paghingi ng basbas ng priesthood kung natatakot ka. Kahit hindi siya mabasbasan ng tatay niya, alam niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit kung hihilingin niya.

Bumangon si Isa mula sa higaan at nagpunta sa sala. May ginagawa si Inay, pero nakaupo si Itay sa sopa at nanonood ng TV.

“OK ka lang?” tanong ni Itay.

“Talaga pong kinakabahan ako sa pagsusulit bukas,” sabi ni Isa. “Palagay po ba ninyo puwede nating tawagan si Brother Van Leeuwen at hilingan siyang basbasan ako?”

“Palagay ko magandang ideya iyan,” sabi ni Itay. “Tatawagan ko siya.”

Hindi nagtagal dumating si Brother Van Leeuwen at ang kanyang anak na si Jaan at binasbasan si Isa. Hiniling ni Brother Van Leeuwen sa Ama sa Langit na tulungan si Isa na huwag kabahan sa pagsusulit at makapasa rito. Habang binabasbasan ni Brother Van Leeuwen si Isa, naupo si Itay sa sopa at humalukipkip at pumikit.

Pagkatapos ng basbas gumanda ang pakiramdam ni Isa. Hindi na sumasakit ang tiyan niya, at medyo inantok pa nga siya. “Pagbutihin mo bukas,” sabi ni Brother Van Leeuwen habang paalis sila. “Nag-aral kang mabuti, at alam kong tutulungan kang makapasa ng Ama sa Langit.”

“Ipinagmamalaki kita sa pagsampalataya mo,” sabi ni Itay kay Isa nang pahigain niya ito sa kama. “Kahit hindi ako miyembro ng Simbahan, natutuwa ako’t naniniwala ka sa Diyos, at sana alam mong ako rin.”

“Salamat po, Itay,” sabi ni Isa, at hinagkan siya ng kanyang Itay sa pisngi.

Habang nakabaluktot siya sa ilalim ng kumot, masaya at panatag si Isa. Nagpasalamat siya na may tatay siyang nagmamahal sa kanya. Natuwa siya na naniniwala ang tatay niya sa Ama sa Langit at kay Jesus. At alam niya na siya at ang kanyang pamilya ay palaging mababasbasan ng priesthood.