“Makabuluhang mga Pag-uusap,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mayo 2021.
Sesyon sa Linggo ng Umaga
Makabuluhang mga Pag-uusap
Mga Sipi
Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagiging katulad ng ating Tagapagligtas ay hindi nangyayari nang walang ginagawa. Ang sadyang pagmamahal, pagtuturo, at pagpapatotoo ay makatutulong sa mga bata na magsimulang madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa murang edad. Ang Espiritu Santo ay mahalaga sa patotoo at pagbabalik-loob ng ating mga anak kay Jesucristo. …
Isipin ang kahalagahan ng mga pag-uusap ng pamilya tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, makabuluhang mga pag-uusap, na makapag-aanyaya ng Espiritu. Kapag gayon ang mga pag-uusap natin ng ating mga anak, tinutulungan natin silang lumikha ng isang saligan, “na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan [nila] ay hindi sila maaaring bumagsak” [Helaman 5:12].
Ang mahahalagang talakayang ito ay maaaring umakay sa mga bata na:
-
Maunawaan ang doktrina ng pagsisisi.
-
Manampalataya kay Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.
-
Piliing magpabinyag at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo pagsapit ng walong taong gulang.
-
At manalangin at “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon”[Doktrina at mgaTipan 68:28]. …
Habang natututo at umuunlad ang mga bata, masusubok ang kanilang mga paniniwala. Ngunit kapag sila ay nasandatahan nang wasto, lalago ang kanilang pananampalataya, tapang, at tiwala, maging sa gitna ng matinding oposisyon.
Itinuro sa atin ni Alma na “[ihanda] ang mga isipan ng [mga bata]” [Alma 39:16]. Inihahanda natin ang bagong henerasyon na maging mga tagapagtanggol ng pananampalataya sa hinaharap, na maunawaan “na [sila] ay malayang makakikilos para sa [kanilang] sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan” [2 Nephi 10:23]. Nararapat maunawaan ng mga bata ang dakilang katotohanang ito: hindi tayo dapat magkamali tungkol sa kawalang-hanggan.
Nawa’y makatulong sa ating mga anak ang ating simple ngunit makabuluhang mga pakikipag-usap upang sila ay “magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan” ngayon upang matamasa nila ang “buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian” [Moises 6:59; idinagdag ang pagbibigay-diin].