2023
Magkasama Nating Gagawin Ito
Nobyembre 2023


“Magkasama Nating Gagawin Ito,” Kaibigan, Nob. 2023, 40–41.

Magkasama Nating Gagawin Ito

Natakot si Annie na magsimula sa Young Women.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Larawan
alt text

Kiniskis ni Annie ang tela ng kanyang damit. Nagsikap siyang makinig sa mga tagapagsalita. Pero kinabahan siya at hindi mapakali at balisa.

Ngayon ang araw na magsisimulang dumalo si Annie sa Young Women. Pupunta siya kaagad sa klase pagkatapos ng sacrament meeting. Sinabi ng lahat kay Annie na dapat siyang matuwa, pero sa halip, natakot siya.

Nilingon niya si Tami, na ate niya. Tatlong taon nang nasa Young Women si Tami, at gustung-gusto niya ito. Lagi niyang sinasabi kay Annie kung gaano iyon kaganda. “Marami kang magiging kaibigan,” sabi ni Tami. “Iba iyon sa Primary. Halos parang nasa hustong gulang ka na.”

Pero hindi katulad si Annie ng ate niya. Mahilig si Tami na magkaroon ng mga bagong kakilala, at madali siyang makipagkaibigan. Tahimik si Annie at mas gusto niyang magbasa o magdrowing kaysa makipag-usap sa iba.

May acne o tagihawat rin si Annie, at nahihiya siya sa hitsura niya. Gumamit siya ng espesyal na cream, na nakatulong. Pero hindi mawala ang mapupulang umbok sa balat niya.

Pagkatapos ng sacrament meeting, dahan-dahang naglakad si Annie sa pasilyo. “Hindi po ako makakapunta sa Young Women ngayon,” sabi niya kina Inay at Tami.

Larawan
alt text

Mukhang nag-alala si Inay. “Akala ko sabik ka nang pumunta sa Young Women. Ano’ng nangyari?”

“Wala po akong kilala sa mas nakatatandang mga babae.” Hinawakan ni Annie ang kanyang mukha. “At malamang na pagtawanan po nila ako kapag nakita nila ako.”

Niyakap ni Inay si Annie. “Tandaan mo na naroon din si Tami.”

“Hindi po ako katulad ni Tami,” sabi ni Annie. Tumingin siya sa ate niya. “Mahusay kang makipag-usap sa mga tao.”

“Alam kong mahirap pumunta sa isang bagong klase,” sabi ni Tami. Pero magkasama nating gagawin Ito Natakot din ako noon nang magsimula ako sa Young Women.”

Tumitig si Annie kay Tami na nanlalaki ang mga mata. Parang palaging napakatapang ni Tami! Sinubukan pa niyang sumali sa musikal sa paaralan at siya ang kinuhang bida. Hindi gumagawa ng ganoon si Annie. Sinubukan lang niyang hindi siya mapansin.

“Pero hindi ka natakot kahit kailan,” sabi ni Annie.

Larawan
alt text

Ngumiti si Tami. “Siyempre natatakot ako! Natakot ako nang sumubok ako sa musikal. Alam mo ang ginawa ko?”

Umiling si Annie.

“Nagdasal ako at ginawa ko ang makakaya ko. At tinulungan ko rin ang iba pang mga bata. Parang marami sa kanila ang natatakot na katulad ko. Ang pagtulong sa iba na maging matapang ay nakatulong sa akin na maging matapang.”

Pinag-isipan iyon ni Annie. Maaari ba niyang gawin ang ginawa ni Tami at tulungan ang iba pang mga batang babae sa klase niya na huwag matakot?

“Palagay mo ba makakapunta ka sa Young Women ngayon?” tanong ni Inay.

Huminga nang malalim si Annie. Pagkatapos ay tumango siya. Magagawa niya iyon.

Naglakad sina Annie at Tami papunta sa kuwarto ng Young Women. Tiningnan ni Annie ang ibang mga bata. Mukhang kinakabahan ang ilan sa kanila na katulad niya. Pinilipit ni Julie ang isang hibla ng buhok sa kanyang daliri habang kinakagat naman ni Erica ang kanyang mga kuko.

Naisip ni Annie kung paano niya sila matutulungan. Umupo siya sa tabi ni Julie. “Kinakabahan ka rin ba?” bulong ni Annie. “Magiging OK ang lahat.”

Ngumiti si Julie, at gumanti ng ngiti si Annie. Nabawasan na ang takot ni Annie. Siguro talagang maganda sa Young Women.

Larawan
alt text
Larawan
alt text here

Mga larawang-guhit ni Toby Newsome