Mga Banal na Kasulatan
Moises 1


Mga Pinili Mula sa Aklat ni Moises

Hango mula sa pagsasalin ng Biblia ayon sa pagkakahayag kay Joseph Smith, ang Propeta, Hunyo 1830–Pebrero 1831.

Kabanata 1

(Hunyo 1830)

Ipinakita ng Diyos ang kanyang sarili kay Moises—Nagbagong-anyo si Moises—Hinarap siya ni Satanas—Nakita ni Moises ang maraming daigdig na pinananahanan—Mga daigdig na di mabilang ang nalikha sa pamamagitan ng Anak—Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay maisakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.

1 Ang mga salita ng Diyos, na kanyang sinabi kay Moises noong panahong si Moises ay dinala sa napakataas na bundok,

2 At kanyang nakita ang Diyos nang harapan, at siya ay nakipag-usap sa kanya, at ang kaluwalhatian ng Diyos ay napasa kay Moises; kaya nga, natagalan ni Moises ang kanyang pagharap.

3 At ang Diyos ay nangusap kay Moises, sinasabing: Masdan, ako ang Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, at Walang Hanggan ang aking pangalan; sapagkat ako ay walang simula ng mga araw o wakas ng mga taon; at hindi ba ito walang hanggan?

4 At, masdan, ikaw ay aking anak; dahil dito, tingnan, at ipakikita ko sa iyo ang gawa ng aking mga kamay; subalit hindi lahat, sapagkat ang aking mga gawa ay walang katapusan, at gayon din ang aking mga salita, sapagkat ang mga ito ay hindi kailanman magwawakas.

5 Dahil dito, walang tao ang maaaring makamalas ng lahat ng aking gawain, maliban kung mamamasdan niya ang lahat ng aking kaluwalhatian; at walang taong maaaring makamalas ng lahat ng aking kaluwalhatian, at pagkatapos ay manatili sa laman sa mundo.

6 At ako ay may gawain para sa iyo, Moises, aking anak; at ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak; at ang aking Bugtong na Anak ay at ang magiging Tagapagligtas, sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan; subalit walang Diyos maliban sa akin, at lahat ng bagay ay kapiling ko, sapagkat aking nalalaman silang lahat.

7 At ngayon, masdan, ito ang isang bagay na ipakikita ko sa iyo, Moises, aking anak, sapagkat ikaw ay nasa daigdig, at ngayon ipakikita ko ito sa iyo.

8 At ito ay nangyari na, na si Moises ay tumingin, at namasdan ang daigdig kung saan siya nilalang; at namasdan ni Moises ang daigdig at ang mga hangganan niyon, at ang lahat ng anak ng tao na naroroon, at mga nalalang; sa mga yaon, siya ay labis na nanggilalas at namangha.

9 At nilisan ng Diyos si Moises, kung kaya ang kanyang kaluwalhatian ay nawala kay Moises; at si Moises ay naiwan sa kanyang sarili. At nang siya ay naiwan sa kanyang sarili, siya ay nalugmok sa lupa.

10 At ito ay nangyari na, na maraming oras ang lumipas bago natanggap muli ni Moises ang kanyang likas na lakas tulad ng sa tao; at sinabi niya sa kanyang sarili: Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman.

11 Subalit ngayon ay namasdan ng sarili kong mga mata ang Diyos; subalit hindi ng aking mga likas na mata, kundi ng aking mga espirituwal na mata, sapagkat ang aking mga likas na mata ay hindi maaaring makamalas; sapagkat ako sana ay naluoy at namatay sa kanyang harapan; subalit ang kanyang kaluwalhatian ay napasaakin; at aking namasdan ang kanyang mukha, sapagkat ako ay nagbagong-anyo sa kanyang harapan.

12 At ito ay nangyari na, nang sabihin ni Moises ang mga salitang ito, masdan, dumating si Satanas na tinutukso siya, nagsasabing: Moises, anak ng tao, sambahin mo ako.

13 At ito ay nangyari na, na tumingin si Moises kay Satanas at nagsabi: Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos, na kawangis ng kanyang Bugtong na Anak; at nasaan ang iyong kaluwalhatian, na dapat kitang sambahin?

14 Sapagkat masdan, hindi ko magawang tumingin sa Diyos, maliban kung mapasaakin ang kanyang kaluwalhatian, at ako ay magbagong-anyo sa kanyang harapan. Subalit nakatitingin ako sa iyo bilang likas na tao. Hindi nga ba’t totoo?

15 Purihin ang pangalan ng aking Diyos, sapagkat ang kanyang Espiritu ay hindi lubusang binawi sa akin, o kung hindi ay nasaan ang iyong kaluwalhatian, sapagkat ito ay kadiliman sa akin? At ako ay maaaring humatol sa pagitan mo at ng Diyos; sapagkat sinabi sa akin ng Diyos: Sambahin ang Diyos, sapagkat siya lamang ang iyong paglilingkuran.

16 Lumayo ka, Satanas; huwag mo akong linlangin; sapagkat sinabi sa akin ng Diyos: Ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak.

17 At binigyan din niya ako ng mga kautusan nang tawagin niya ako mula sa nagliliyab na palumpong, sinasabing: Manawagan ka sa Diyos sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, at sambahin ako.

18 At muli, sinabi ni Moises: Hindi ako titigil na manawagan sa Diyos, may mga ibang bagay pa akong itatanong sa kanya: sapagkat ang kanyang kaluwalhatian ay napasaakin, kaya nga ako ay maaaring humatol sa pagitan mo at niya. Lumayas ka, Satanas.

19 At ngayon, nang sabihin ni Moises ang mga salitang ito, si Satanas ay sumigaw sa malakas na tinig at naghuhumiyaw sa lupa, at nag-utos, sinasabing: Ako ang Bugtong na Anak, sambahin ako.

20 At ito ay nangyari na, na si Moises ay nagsimulang matakot nang labis; at habang siya ay nagsisimulang matakot, kanyang nakita ang kapaitan ng impiyerno. Gayon pa man, sa pananawagan sa Diyos, siya ay nakatanggap ng lakas, at siya ay nag-utos, sinasabing: Lumayo ka sa akin, Satanas, sapagkat itong nag-iisang Diyos lamang ang aking sasambahin, na siyang Diyos ng kaluwalhatian.

21 At ngayon si Satanas ay nagsimulang manginig , at ang lupa ay nayanig; at si Moises ay nakatanggap ng lakas, at nanawagan sa Diyos sinasabing: Sa pangalan ng Bugtong na Anak, lumayas ka, Satanas.

22 At ito ay nangyari na, na sumigaw si Satanas sa malakas na tinig, nang nananangis, at nananaghoy, at nagngangalit ang mga ngipin; at siya ay lumayas, maging mula sa harapan ni Moises, upang hindi na niya mamasdan pa siya.

23 At ngayon, sa bagay na ito si Moises ay nagpatotoo; subalit dahil sa kasamaan ito ay hindi napasa mga anak ng tao.

24 At ito ay nangyari na, nang si Satanas ay umalis mula sa harapan ni Moises, itiningin ni Moises ang kanyang mga mata sa langit, na puspos ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak;

25 At nananawagan sa pangalan ng Diyos, namasdan niyang muli ang kanyang kaluwalhatian, sapagkat ito ay napasakanya; at siya ay nakarinig ng isang tinig, sinasabing: Pinagpala ka, Moises, sapagkat ako, ang Pinakamakapangyarihan, ay pinili ka, at ikaw ay palalakasin kaysa sa maraming tubig; sapagkat kanilang susundin ang iyong utos na tila baga ikaw ang Diyos.

26 At masdan, ako ay kasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw; sapagkat palalayain mo ang aking mga tao mula sa pagkaalipin, maging ang Israel na aking pinili.

27 At ito ay nangyari na, habang nangungusap pa ang tinig, iginala ni Moises ang kanyang mga mata at namasdan ang mundo, oo, maging ang kabuuan nito; at walang bahagi nito na hindi niya namasdan, nawawari ito sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.

28 At kanyang namasdan din ang mga naninirahan doon, at wala ni isa mang kaluluwa ang hindi niya namasdan; at nakilala niya sila sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos; at ang kanilang bilang ay napakarami, maging di mabilang gaya ng buhangin sa dalampasigan.

29 At kanyang namasdan ang maraming lupain; at ang bawat lupain ay tinatawag na mundo, at may mga naninirahan sa ibabaw niyon.

30 At ito ay nangyari na, na nanawagan si Moises sa Diyos, nagsasabing: Sabihin sa akin, nagsusumamo ako sa inyo, bakit ganito ang mga bagay na ito, at sa pamamagitan ng mga anong bagay nilikha ninyo ang mga ito?

31 At masdan, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napasa kay Moises, kung kaya’t nakatindig si Moises sa harapan ng Diyos, at nakipag-usap sa kanya nang harapan. At sinabi ng Panginoong Diyos kay Moises: Para sa sarili kong layunin aking nilikha ang mga bagay na ito. Narito ang karunungan at ito ay mananatili sa akin.

32 At sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan, na siyang aking Bugtong na Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan ay nilalang ko ang mga ito.

33 At mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; at akin ding nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak.

34 At ang unang lalaki sa lahat ng kalalakihan ay tinawag kong Adan, na ang ibig sabihin ay marami.

35 Subalit ang ulat lamang ng mundong ito, at ng mga naninirahan dito, ang ibibigay ko sa iyo. Sapagkat masdan, maraming daigdig na ang lumipas sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan. At marami na sa ngayon ang nakatayo, at hindi mabibilang ang mga ito ng tao; subalit ang lahat ng bagay ay bilang sa akin, sapagkat sila ay akin at kilala ko sila.

36 At ito ay nangyari na, na nangusap si Moises sa Panginoon, nagsasabing: Maging maawain sa inyong tagapaglingkod, O Diyos, at sabihin ninyo sa akin ang nauukol sa mundong ito, at sa mga naninirahan dito, at gayon din sa mga kalangitan, at sa gayon ang inyong tagapaglingkod ay masisiyahan.

37 At nangusap ang Panginoong Diyos kay Moises, nagsasabing: Ang mga kalangitan, ang mga ito ay marami, at ang mga ito ay hindi maaaring mabilang ng tao; subalit ang mga ito ay bilang sa akin, sapagkat ang mga ito ay akin.

38 At habang ang isang mundo ay lumilipas, at ang mga kalangitan niyon maging gayon man isa ang darating; at walang katapusan ang aking mga gawain, ni ang aking mga salita.

39 Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.

40 At ngayon, Moises, aking anak, ako ay mangungusap sa iyo hinggil sa mundong ito kung saan ka nakatayo; at iyong isusulat ang mga bagay na aking sasabihin.

41 At sa araw na ipagwawalang-saysay ng mga anak ng tao ang aking mga salita at alisin ang marami sa mga yaon mula sa aklat na iyong isusulat, masdan, ako ay magbabangon ng isa pang tulad mo; at ang mga ito ay muling mapapasa mga anak ng tao—sa kasindami ng maniniwala.

42 (Ang mga salitang ito ay sinabi kay Moises sa bundok, ang pangalan niyon ay hindi ipaaalam sa mga anak ng tao. At ngayon, ang mga ito ay sinasabi sa inyo. Huwag ipakita ang mga ito sa sinuman maliban sa kanila na maniniwala. Gayon nga ito. Amen.)