Mga Banal na Kasulatan
Abraham 3


Kabanata 3

Nalaman ni Abraham ang tungkol sa araw, buwan, at mga bituin sa pamamagitan ng Urim at Tummim—Ipinahayag ng Panginoon sa kanya ang walang hanggang katangian ng mga espiritu—Nalaman niya ang tungkol sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, ang pagtalaga, ang Paglikha, ang pagpili ng isang Manunubos, at ang ikalawang kalagayan ng tao.

1 At ako, si Abraham, ay may taglay na Urim at Tummim na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon kong Diyos, sa Ur ng mga taga-Caldeo;

2 At nakita ko ang mga bituin, na ang mga ito ay napakaningning, at ang isa sa mga ito ay pinakamalapit sa trono ng Diyos; at marami pang nangagniningningan na malapit dito;

3 At sinabi sa akin ng Panginoon: Ang mga ito ang tagapamahala; at ang pangalan ng pinakamaningning ay Kolob, sapagkat ito ay malapit sa akin, sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos: Inilagay ko ang isang ito upang mamahala sa lahat ng yaong nabibilang sa gayon ding kaayusan na gaya ng iyong kinatatayuan.

4 At sinabi sa akin ng Panginoon, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, na ang Kolob ay alinsunod sa pamamaraan ng Panginoon, alinsunod sa mga oras at kapanahunan ng mga pag-inog niyon; na ang isang pag-inog ay isang araw sa Panginoon, alinsunod sa pamamaraan ng kanyang pagbilang, ito na katumbas ng isanlibong taon alinsunod sa panahong itinakda sa lugar na iyong kinatatayuan. Ito ang pagbilang ng oras ng Panginoon, alinsunod sa pagbilang ng Kolob.

5 At sinabi sa akin ng Panginoon: Ang planetang di gaano ang liwanag, na di kasinliwanag ng yaong namamayani sa umaga, maging sa gabi, ay nakahihigit o nakalalamang kaysa sa iyong kinatatayuan sa dako ng pagbilang, sapagkat gumagalaw ito sa kaayusan nang higit na mabagal; ito ay nasa ayos sapagkat ito ay nakatayo sa itaas ng mundo kung saan ka nakatayo, anupa’t ang pagbilang ng oras nito ay di gaanong marami kung ihahambing sa bilang ng mga araw nito, at ng mga buwan, at ng mga taon.

6 At sinabi sa akin ng Panginoon: Ngayon, Abraham, umiiral ang dalawang katotohanang ito, masdan, nakikita ito ng iyong mga mata; ipinagkakaloob sa iyo na malaman ang pagbilang ng mga panahon, at ang itinakdang panahon, oo, ang itinakdang panahon ng mundo kung saan ka nakatayo, at ang itinakdang panahon ng nakahihigit na liwanag na inilagay upang mamayani sa araw, at ang itinakdang oras ng di gaano ang liwanag na inilagay upang mamayani sa gabi.

7 Ngayon ang itinakdang oras ng di gaano ang liwanag ay may higit na mahabang panahon ng pagbilang nito kaysa sa pagbilang ng panahon sa mundo kung saan ka nakatayo.

8 At kung saan ang dalawang katotohanang ito ay umiiral, magkakaroon ng iba pang katotohanang nakahihigit sa mga ito, iyon ay, magkakaroon ng iba pang planeta na ang pagbilang ng panahon ay magiging mahaba rin;

9 At sa gayon magkakaroon ng pagbilang ng panahon ng isang planeta na higit sa iba, hanggang sa makalapit ka sa Kolob, kung aling Kolob ay alinsunod sa pagbilang ng panahon ng Panginoon; kung aling Kolob ay inilagay na malapit sa trono ng Diyos, upang mamahala sa lahat ng yaong planeta na nabibilang sa gayon ding kaayusan na gaya ng kung saan ka nakatayo.

10 At ipinagkakaloob sa iyo na malaman mo ang mga itinakdang panahon sa lahat ng bituing inilagay upang magbigay ng liwanag, hanggang sa makalapit ka sa trono ng Diyos.

11 Sa gayon ako, si Abraham, ay nakipag-usap sa Panginoon, nang harapan, tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kapwa; at sinabi niya sa akin ang tungkol sa mga gawang nilikha ng kanyang mga kamay;

12 At sinabi niya sa akin: Anak ko, anak ko (at ang kanyang kamay ay nakaunat), masdan aking ipakikita sa iyo ang lahat ng ito. At inilagay niya ang kanyang kamay sa aking mga mata, at nakita ko ang mga bagay na yaon na nilikha ng kanyang mga kamay, na marami; at dumami ang mga ito sa harapan ng aking mga mata, at hindi ko makita ang wakas niyon.

13 At sinabi niya sa akin: Ito ang Shinehah, na siyang araw. At sinabi niya sa akin: Kokob, na siyang bituin. At sinabi niya sa akin: Olea, na siyang buwan. At sinabi niya sa akin: Kokaubeam, na nangangahulugang mga bituin, o lahat ng nangaglalakihang tanglaw, na nasa kalawakan ng langit.

14 At ito ay sa oras ng gabi nang sinabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa akin: Pararamihin kita, at ang iyong mga binhi na susunod sa iyo, na tulad ng mga ito; at kung hindi mo magagawang bilangin ang bilang ng mga buhangin, ay gayon ang magiging bilang ng iyong mga binhi.

15 At sinabi sa akin ng Panginoon: Abraham, ipinakikita ko sa iyo ang mga bagay na ito bago ka magtungo sa Egipto, upang maipahayag mo ang lahat ng salitang ito.

16 Kung ang dalawang bagay ay umiiral, at may isang nakahihigit sa isa, may mas nakahihigit na mga bagay sa kanila; samakatwid, ang Kolob ang pinakamaningning sa lahat ng Kokaubeam na iyong nakita, sapagkat ito ang pinakamalapit sa akin.

17 Ngayon, kung may dalawang bagay, ang isa ay nakahihigit sa isa, at ang buwan ay nasa itaas ng mundo, kung gayon ay maaaring may isang planeta o isang bituing umiiral sa itaas nito; at walang anumang bagay ang isasapuso ng Panginoon mong Diyos na gawin maliban kung kanyang gagawin ito.

18 Paanong kanyang nilikha ang nakahihigit na bituin; gaya rin, kung may dalawang espiritu, at ang isa ay higit na matalino kaysa sa isa, gayon man ang dalawang espiritung ito, sa kabila nang ang isa ay higit na matalino kaysa sa isa ay walang simula; nabuhay sila noon, sila ay hindi magkakaroon ng wakas, sila ay mabubuhay pagkatapos, sapagkat sila ay gnolaum, o walang hanggan.

19 At sinabi sa akin ng Panginoon: Ang dalawang katotohanang ito ay umiiral, na may dalawang espiritu, ang isa ay higit na matalino kaysa sa isa; at magkakaroon pa ng higit na matalino kaysa sa kanila; ako ang Panginoon mong Diyos; ako ay higit na matalino kaysa sa kanilang lahat.

20 Ang Panginoon mong Diyos ang nagsugo ng kanyang anghel upang iligtas ka mula sa mga kamay ng saserdote ni Elkenah.

21 Ako ay nananahanan sa gitna nilang lahat; ako ngayon, samakatwid, ay bumaba sa iyo upang ipahayag sa iyo ang mga gawang nilikha ng aking mga kamay, kung saan ang aking karunungan ay nangingibabaw sa kanilang lahat, sapagkat ako ang naghahari sa itaas ng kalangitan, at sa lupa sa ilalim, nang buong karunungan at kahinahunan, sa lahat ng katalinuhang nakita ng iyong mga mata mula sa simula; ako ay bumaba sa simula sa gitna ng lahat ng katalinuhang iyong nakita.

22 Ngayon ipinakita ng Panginoon sa akin, si Abraham, ang mga katalinuhang binuo bago pa ang mundo; at sa lahat ng ito ay marami ang marangal at dakila;

23 At nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong mga tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang.

24 At may isang nakatayo sa kanila na tulad ng Diyos, at kanyang sinabi sa mga yaong kasama niya: Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;

25 At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

26 At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.

27 At sinabi ng Panginoon: Sino ang isusugo ko? At ang isa ay sumagot gaya ng Anak ng Tao: Narito ako, isugo ako. At may isa pang sumagot at nagsabi: Narito ako, isugo ako. At sinabi ng Panginoon: Aking isusugo ang una.

28 At ang ikalawa ay nagalit, at hindi napanatili sa kanyang unang kalagayan; at, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya.