Kabanata 8
Isang masamang karumal-dumal na gawain ang pagbibinyag sa mga batang musmos—Ang mga batang musmos ay buhay kay Cristo dahil sa Pagbabayad-sala—Nag-aakay tungo sa kaligtasan ang pananampalataya, pagsisisi, kaamuan at kababaang-loob ng puso, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Mga A.D. 401–421.
1 Ang liham ng aking amang si Mormon, na isinulat sa akin, si Moroni; at ito ay isinulat sa akin pagkatapos na pagkatapos ng pagkatawag sa akin sa ministeryo. At sa ganitong paraan siya sumulat sa akin, sinasabing:
2 Minamahal kong anak, Moroni, labis akong nagagalak na ang iyong Panginoong Jesucristo ay naging maalalahanin sa iyo, at tinawag ka sa kanyang ministeryo, at sa kanyang banal na gawain.
3 Lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin, patuloy na dumadalangin sa Diyos Ama sa pangalan ng kanyang Banal na Anak na si Jesus, na siya, sa pamamagitan ng kanyang walang hanggang kabutihan at biyaya, ay iingatan ka sa pamamagitan ng katatagan ng pananampalataya sa kanyang pangalan hanggang wakas.
4 At ngayon, anak ko, ako ay nangungusap sa iyo hinggil doon sa labis na nakapagpapadalamhati sa akin; sapagkat nakapagpapadalamhati sa akin na may mga pagtatalong lilitaw sa inyo.
5 Sapagkat, kung nalaman ko ang katotohanan, nagkaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa pagbibinyag sa inyong mga musmos na anak.
6 At ngayon, anak ko, nais ko na ikaw ay masigasig na kumilos, upang ang malaking kamaliang ito ay maalis sa inyo; sapagkat sa ganitong layunin ko isinulat ang liham na ito.
7 Sapagkat pagkatapos na pagkatapos kong malaman ang mga bagay na ito mula sa iyo, ako ay nagtanong sa Panginoon hinggil sa bagay na iyon. At ang salita ng Panginoon ay nagpahayag sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sinasabing:
8 Makinig sa mga salita ni Cristo, na iyong Manunubos, na iyong Panginoon at iyong Diyos. Dinggin, ako ay pumarito sa daigdig hindi upang tawagin ang mga matwid kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi; ang walang karamdaman ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi sila na may sakit; anupa’t ang mga batang musmos ay dalisay, sapagkat wala silang kakayahang gumawa ng kasalanan; kaya nga ang sumpa kay Adan ay tinanggal sa kanila dahil sa akin, kung kaya’t wala iyong kapangyarihan sa kanila; at ang batas ng pagtutuli ay natapos na sa akin.
9 At sa ganitong pamamaraan ipinaalam ng Espiritu Santo sa akin ang salita ng Diyos; kaya nga, minamahal kong anak, alam ko na isang malubhang pangungutya sa harapan ng Diyos na inyong binyagan ang mga batang musmos.
10 Dinggin, sinasabi ko sa iyo na ituro mo ang bagay na ito—pagsisisi at pagbibinyag sa mga yaong may pananagutan at may kakayahang gumawa ng kasalanan; oo, turuan ang mga magulang na sila ay kinakailangang magsisi at magpabinyag, at magpakumbaba ng kanilang sarili tulad ng kanilang mga musmos na anak, at silang lahat ay maliligtas kasama ng kanilang mga musmos na anak.
11 At ang kanilang mga musmos na anak ay hindi nangangailangan ng pagsisisi, ni ng binyag. Dinggin, ang binyag ay tungo sa pagsisisi sa katuparan ng mga kautusan para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
12 Subalit ang mga batang musmos ay buhay kay Cristo, maging mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; kung hindi gayon, ang Diyos ay isang may pagkiling na Diyos, at isa ring pabagu-bagong Diyos, at nagtatangi ng mga tao; sapagkat kayraming mga batang musmos ang mga nangamatay nang walang binyag!
13 Anupa’t kung ang mga batang musmos ay hindi maliligtas kung walang binyag, tiyak silang magtutungo sa isang walang katapusang impiyerno.
14 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, siya na nag-iisip na nangangailangan ng binyag ang mga batang musmos ay nasa sukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan; sapagkat siya ay walang pananampalataya, pag-asa, ni pag-ibig sa kapwa-tao; kaya nga, kung mamamatay siya habang nasa ganoong pag-iisip, siya ay tiyak na bababa sa impiyerno.
15 Sapagkat kakila-kilabot na kasamaan ang isiping iniligtas ng Diyos ang isang bata dahil sa binyag, at ang isa ay tiyak na masasawi dahil sa wala siyang binyag.
16 Sa aba nila na magliligaw sa mga landas ng Panginoon sa ganitong pamamaraan, sapagkat sila ay masasawi maliban kung magsisisi sila. Dinggin, nangungusap ako nang buong tapang, nang may karapatan mula sa Diyos; at hindi ako natatakot kung anuman ang magagawa ng tao; sapagkat ang sakdal na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot.
17 At ako ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao, na walang katapusang pag-ibig; kaya nga, ang mga batang musmos ay magkakatulad sa akin; kaya nga, mahal ko ang mga batang musmos nang may sakdal na pag-ibig; at silang lahat ay magkakatulad at mga kabahagi sa kaligtasan.
18 Sapagkat nalalaman ko na ang Diyos ay hindi isang Diyos na may pagkiling, ni isang pabagu-bagong katauhan; kundi siya ay hindi pabagu-bago mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.
19 Ang mga batang musmos ay hindi makapagsisisi; kaya nga, kakila-kilabot na kasamaan ang ipagkait ang mga dalisay na awa ng Diyos sa kanila, sapagkat sila ay buhay na lahat sa kanya dahil sa kanyang awa.
20 At siya na nagsasabing nangangailangan ng binyag ang mga batang musmos ay ikinakaila ang mga awa ni Cristo, at pinawawalang-kabuluhan ang kanyang pagbabayad-sala at ang kapangyarihan ng kanyang pagtubos.
21 Sa aba sa gayon, sapagkat sila ay nanganganib sa kamatayan, impiyerno, at isang walang katapusang pagdurusa. Buong tapang kong sinasabi ito; Diyos ang nag-utos sa akin. Makinig sa mga iyon at sumunod, o ang mga iyon ay sasaksi laban sa inyo sa hukumang-luklukan ni Cristo.
22 Sapagkat dinggin, ang lahat ng batang musmos ay buhay kay Cristo, at gayundin sa kanilang lahat na wala ang batas. Sapagkat ang kapangyarihan ng pagtubos ay napapasakanilang lahat na wala ang batas; kaya nga, siya na hindi isinumpa, o siya na hindi napasaiilalim ng sumpa, ay hindi makapagsisisi; at sa mga gayon ay walang pakinabang ang binyag—
23 Kundi iyon ay pangungutya sa harapan ng Diyos, ikinakaila ang mga awa ni Cristo, at ang kapangyarihan ng kanyang Banal na Espiritu, at nagtitiwala sa mga walang kabuluhang gawa.
24 Dinggin, anak ko, ang bagay na ito ay hindi nararapat mangyari; sapagkat ang pagsisisi ay para sa kanila na nasa ilalim ng kahatulan at ilalim ng sumpa ng nilabag na batas.
25 At ang mga unang bunga ng pagsisisi ay binyag; at nangyayari ang binyag sa pamamagitan ng pananampalataya tungo sa pagtupad sa mga kautusan; at ang pagtupad sa mga kautusan ay nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan;
26 At ang kapatawaran ng mga kasalanan ay nagdudulot ng kaamuan, at kababaang-loob ng puso; at dahil sa kaamuan at kababaang-loob ng puso, dumarating ang pagdalaw ng Espiritu Santo, kung aling Mang-aaliw ay pumupuno ng pag-asa at sakdal na pag-ibig, kung aling pag-ibig ay tumatatag sa pamamagitan ng masigasig na panalangin, hanggang sa dumating ang wakas, kung kailan ang lahat ng banal ay mananahanan kasama ng Diyos.
27 Dinggin, anak ko, ako ay susulat na muli sa iyo kung hindi ako kaagad hahayo laban sa mga Lamanita. Dinggin, ang kapalaluan ng bansang ito, o ng mga tao ng mga Nephita, ang nagpapatunay sa kanilang pagkalipol maliban kung magsisisi sila.
28 Ipanalangin sila, anak ko, upang ang pagsisisi ay matagpuan nila. Ngunit dinggin, natatakot ako na baka tumigil na ang Espiritu sa pagpupunyagi sa kanila; at sa bahaging ito ng lupain ay kanila ring hinahangad na ibagsak ang lahat ng kapangyarihan at karapatang nagmumula sa Diyos; at kanilang itinatatwa ang Espiritu Santo.
29 At matapos na tanggihan ang gayong kalaking kaalaman, anak ko, sila ay tiyak na malapit nang masawi, sa katuparan ng mga propesiyang winika ng mga propeta, gayundin ang mga salita na rin ng ating Tagapagligtas.
30 Paalam, anak ko, hanggang sa ako ay muling makasulat sa iyo, o sa pagkikita nating muli. Amen.