Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Pag-unawa sa Kamatayan at Pagkabuhay na Muli


Kabanata 8

Pag-unawa sa Kamatayan at Pagkabuhay na Muli

Kapag namatay ang mga mahal sa buhay at kapag iniisip natin ang ating sariling mortalidad, makahahanap tayo ng kaaliwan at katiyakan sa ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa walang hanggang katotohanan ng pagkabuhay na muli.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong unang bahagi ng Agosto 1839, nilisan ni Elder Wilford Woodruff ang kanyang tahanan sa Montrose, Iowa, sa pagsunod sa tawag ng Panginoon na magmisyon sa British Isles. Nagpaalam siya sa kanyang asawa, na si Phoebe, at sa kanyang nag-iisang anak, si Sarah Emma na isang taong gulang. Si Phoebe ay buntis noon kay Wilford Jr., na isisilang pa lang noong Marso 22, 1840.

Ilang buwan pagkaalis sa Montrose, si Elder Woodruff ay nasa silangang bahagi ng Estados Unidos, na nangangaral ng ebanghelyo at naghahandang maglakbay sa Great Britain. Sa kanyang pananatili rito, isinulat niya sa kanyang journal ang tatlong magkakahiwalay na panaginip kung saan nakita niya ang kanyang asawa. Matapos ang unang panaginip isinulat niya ang sumusunod sa kanyang journal: “Nakita ko sa panaginip si Gng. Woodruff na labis na nagdadalamhati doon sa Montrose. Hindi ko nakita si Sarah Emma.”1 Ang ulat niya tungkol sa kanyang pangalawang panaginip ay maikli rin: “Nanaginip ako kagabi at kinakausap si Mrs. Woodruff subalit hindi ko nakita si Sarah Emma.”2 Ang pangatlong panaginip ay mas detalyado: “Labis kaming natuwa sa pag-uusap namin, gayunpaman ang aming pagyayakapan ay may halong lungkot, sapagkat matapos pag-usapan ang tungkol sa kanyang mga gawain sa bahay, tinanong ko kung nasaan si Sarah Emma. … Umiiyak na sinabi niyang. … ‘Patay na siya.’ Nalungkot kami nang labis sa pangyayaring iyon, at nagising ako. … Totoo ba ang panaginip na ito? Matagal bago ko ito nalaman.”3

Noong Hulyo 14, 1840, si Elder Woodruff, na nasa Great Britain noon, ay sumulat sa kanyang journal at ginunita ang isang mahalagang araw para sa kanyang pamilya: “Dalawang taon na si Sarah Emma sa araw na ito. Nawa’y pangalagaan ng Panginoon ang aking asawa at mga anak mula sa sakit at kamatayan hanggang sa ako’y makabalik.” Sapagkat siya’y isang taong palaging tinatanggap ang kalooban ng Panginoon, idinagdag niya, “O Panginoon, ipinauubaya ko po sila sa inyong mga kamay; pakainin, damitan, at aliwin po ninyo sila at mapasainyo ang kaluwalhatian.”4 Pagkalipas ng tatlong araw, namatay ang munting si Sarah Emma.

Hindi agad nalaman ni Elder Woodruff ang pagkamatay ng kanyang anak hanggang sa sumapit ang Oktubre 22, 1840, nang mabasa niya ang mga balita sa sulat na ipinadala sa isa sa kanyang mga kapatid sa Korum ng Labindalawa.5 Pagkalipas ng apat na araw nakatanggap siya sa wakas ng balita mula kay Phoebe, sa sulat na may petsang Hulyo 18. Kinopya niya ang bahagi ng sulat ni Phoebe sa kanyang journal:

“Mahal kong Wilford, ano ang madarama mo kapag sinabi ko sa iyo na nasaksihan ko ang pagpanaw ng ating munting si Sarah Emma sa mundong ito? Oo, wala na siya. Inagaw siya ng malupit na kamay ng kamatayan mula sa aking mga yakap. … Kapag tinitingnan ko siya, madalas kong iniisip na hindi ko kakayanin ang mawalay sa kanya. Naisip ko na hindi ako mabubuhay kung wala siya, lalo na’t wala ang aking asawa. Subalit pumanaw na siya. Iniuwi na siya ng Panginoon sa ilang matalinong layunin.

“Ito’y pagsubok sa akin, subalit dinamayan ako ng Panginoon sa kahanga-hangang paraan. Nakikita ko at nadarama na siya ay iniuwi Niya at higit na mapangangalagaan kaysa sa makakaya kong gawin sa maikling panahong ito hanggang sa pumanaw ako at makita siyang muli. Oo, Wilford, may isang munting anghel tayo sa Langit, at palagay ko’y tila dinalaw ka ng kanyang espiritu bago ang panahong ito.

“Mahirap mabuhay nang wala siya. … Nag-iwan siya ng halik sa akin para sa kanyang tatay bago siya namatay. … Binasbasan siya ng mga elder nang maraming beses subalit kinabukasan payapang lumisan ang kanyang espiritu patungo sa kabilang buhay.

“Ngayon, kami ni Wilford Woodruff [Jr.], kasama ang ilang mga kaibigan, ay nagpunta sa Commerce, [Illinois] para makita sa huling pagkakataon ang ating mahal na anak at maayos na ilibing siya. Wala siyang ibang kamag-anak na makikipaglibing at iiyak maliban sa kanyang nanay at ang munting si Wilford. … Paalis ako ngayon para pumunta nang may saya at lungkot sa puntod ni Sarah. Payapa siyang nahihimlay nang mag-isa. Masasabi kong ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi, at purihin ang pangalan ng Panginoon [tingnan sa Job 1:21].”6

Maliban sa pagkopya ng liham ni Phoebe, sumulat si Elder Woodruff nang kaunti tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak. Sinabi lang niya na si Sarah Emma ay “kinuha sa buhay na ito” at siya’y “lumisan at hindi na makikita pa sa buhay na ito.”7

Sa kanyang edad na 91, nakayanan ni Wilford Woodruff ang pagkamatay ng maraming mahal sa buhay, kabilang na ang maraming miyembro ng pamilya at lahat ng Apostol na pinaglingkuran niya sa pamamahala ni Propetang Joseph Smith. Sa mga panahong ito ng kalungkutan, nakahanap siya ng kaaliwan sa kanyang patotoo tungkol sa ibinalik na ebanghelyo at sa “walang hanggang katotohanan” ng pagkabuhay na muli.8 Madalas niyang ituro na ang pagkamatay ng isang matwid na Banal sa mga Huling Araw ay panahon ng kalungkutan at panahon din para magalak. Sa katunayan, tungkol sa katapusan ng kanyang buhay, isinulat niya ang mga sumusunod na tagubilin sa paglilibing sa kanya: “Hindi ko nais magsuot ng anumang tanda ng pagdadalamhati ang aking pamilya o mga kaibigan sa aking libing o pagkatapos nito, sapagkat ako’y tunay at matapat hanggang kamatayan, hindi na kailangan pang ako’y tangisan ng sinuman.”9

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Sa pagkamatay ang bawat espiritu ng tao ay pumapasok sa daigdig ng mga espiritu, kung saan magkasamang nagagalak ang mabubuti at nagpapatuloy sa gawain ng Panginoon.

Napakaraming [tao] ang naniniwala na kapag namatay ang isang tao, ito na ang katapusan niya, na wala nang buhay matapos ang kamatayan. Sinong makatwirang tao ang maniniwala na lumikha ang Diyos ng langit ng dalawa o tatlong daang libong milyung espiritu, at binigyan sila ng mga tabernakulo [mga katawan], upang pumarito lamang at mabuhay sa mundo at pagkamatay ay mabaon sa limot o kaya’y tuluyang mawala? Para sa akin walang taong mag-iisip na panghawakan ang ganitong paniniwala. Ito’y taliwas sa pang-unawa at mabuting pag-iisip.10

Kapag nalulungkot sa pagkamatay ng ating mga kaibigan, naniniwala ako na sa bawat kamatayan ay may pagsilang; iniiwan ng espiritu ang patay na katawan sa atin, at pumaparoon sa kabilang buhay kapiling ang mga dakila at mararangal na tao na gumagawa rin para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos, sa pagtubos at kaligtasan ng nagkasalang mundo.”11

Nagkakaroon ng kagalakan kapag ang espiritu ng Banal ng Buhay na Diyos ay pumapasok sa daigdig ng mga espiritu at sinasalubong ng mga Banal na namatay noon.12

Ang ilan ay gumagawa sa buhay na ito, ang iba ay sa kabilang buhay. Kung mabubuhay tayo rito, inaasahan tayong gagawa para sa layunin ng kaligtasan, at kung paroroon tayo sa kabilang buhay inaasahang itutuloy natin ang ating gawain hanggang sa pagdating ng Anak ng Tao.13

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na muli, magsasanib muli ang kanilang espiritu at imortal na katawan.

Tanggap natin na sa pamamagitan ni Adan ang lahat ay mamamatay, dahil sa pagkahulog ang kamatayan ay daranasin ng buong sangkatauhan, gayundin ng mga hayop sa lupa, mga isda sa dagat at mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng nilikha ng Diyos, na may kaugnayan sa mundong ito. Ito’y isang batas na di nagbabago at di napapalitan. … Ang Tagapagligtas mismo ay dumanas ng kamatayan; namatay Siya para tubusin ang sanlibutan; ang Kanyang katawan ay inihimlay sa libingan, subalit hindi nakaranas ng kabulukan; at pagkaraan ng tatlong araw ay bumangon sa libingan at naging imortal. Siya ang pangunahing bunga ng pagkabuhay na muli.14

Nasisiyahan ako, palagi, sa mga bagay tungkol sa pagkabuhay na muli. Nagagalak ako rito. Ang daan ay nabuksan sa atin sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos.15

Kapag nangyari ang pagkabuhay na muli, babangon tayo na may mga imortal na katawan; at ang pag-uusig, paghihirap, lungkot, sakit at kamatayan, na kaugnay ng mortalidad, ay maaalis magpakailanman.16

Ang doktrina tungkol sa pagkabuhay na muli ng mga patay ay napakaluwalhati. Nakaaaliw, kahit sa espiritu ko man lang, na isipin, na, sa simula ng pagkabuhay na muli, ang aking espiritu ay magkakaroon ng pagkakataong makasamang muli ang katawan ding ito. Bilang mga elder ng Israel, naglakbay kami sa nakapanghihina at nakapapagod na libu-libong kilometro, na ipinangangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng tao. Napakasaya na makamtan muli sa pagkabuhay na muli ang katawan ding iyon na lumakad sa mga latian, kanal, naglakbay at kumilos para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.17

Ang ebanghelyo ay nagbibigay-kaaliwan kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay.

Kung wala ang ebanghelyo ni Cristo ang paghihiwalay dahil sa kamatayan ay isa sa mga pinakamalungkot na paksa na maiisip natin. Ngunit kapag nasa atin ang ebanghelyo at nalaman ang alituntunin ng pagkabuhay na muli, ang kapighatian, kalungkutan at paghihirap na dulot ng kamatayan ay lubos na mapapawi. Madalas kong isipin na, ang makakita ng patay, at ilibing iyon at tabunan ng lupa, ay pinakamalungkot na sandali sa mundo; kung wala ang ebanghelyo ito’y tila pagtalon sa kadiliman. Subalit sa sandaling mapasaatin ang ebanghelyo, sa sandaling maliwanagan ang espiritu ng tao ng inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos, mabibigkas niya ang sinabi ng tao noong una—“Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo? Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, [at ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan], sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.” [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:55–57.] Ang pagkabuhay na muli ng mga patay ay inilahad mismo sa naliwanagang isipan ng tao, at nagkaroon siya ng pundasyon na sasaligan ng kanyang espiritu. Ganito ang kalagayan ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Alam natin mismo, na may alam tayo sa bagay na ito; ipinahayag ito ng Diyos sa atin at nauunawaan natin ang pagkabuhay na muli ng mga patay, at ang ebanghelyo ay nagdala sa liwanag ng buhay at imortalidad [tingnan sa II Kay Timoteo 1:10].18

Mahirap, siyempre pa, na mahiwalay sa ating mga kaibigan. … Likas sa atin na ibulalas ang ating nadarama sa pag-iyak kapag inililibing natin ang katawan ng ating mga mahal na kaibigan, at may hangganan ang kalungkutan na siyang nararapat at tama. Subalit kadalasan ay sumusobra ang pagluluksa at kalungkutan, na hindi nararapat o tama para gayahin ng mga Banal sa mga Huling Araw.19

Sa di ko malamang dahilan, naranasan ko ang dumalaw sa burol at makipaglibing sa maraming namatay na Propeta at Apostol at marami sa mga Banal na gumawa sa Simbahang ito sa kanilang panahon at henerasyon. … Hindi ko kailanman nadama ang kalungkutan sa aking espiritu sa pakikipaglibing ko sa kahit sinong Propeta, Apostol, at Banal ng buhay na Diyos, na tunay at tapat sa Diyos, at sa Kanyang mga tipan, na tumanggap sa Ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga ordenansa nito, at sa banal na Priesthood. Natapos ng kalalakihan at kababaihang iyon ang kanilang misyon dito sa lupa nang may dangal, may paggawa, may pagmamahal, hanggang sa sila’y bawian ng buhay. Namatay sila nang may pananampalataya, at tatanggap sila ng korona ng kaluwalhatian.

Ganito ang nadarama ko sa pagkamatay nina Pangulong [Brigham] Young, Brother [Heber C.] Kimball, Brother [John] Taylor, ng Labindalawang Apostol, at lahat ng kalalakihang tumanggap ng Ebanghelyo ni Cristo at naging tunay at tapat sa misyong iyon. May walang hanggang katotohanan—na malalaman ng buong mundo—sa buhay. May walang hanggang katotohanan sa kamatayan. May walang hanggang katotohanan sa pagkabuhay na muli, at sa darating na paghuhukom, at sa pakikitungo ng Diyos sa lahat ng tao sa hinaharap ayon sa mga nagawa nila dito sa lupa. At kapag tinanggap ng isang lalaki o babae na nakipagtipan sa Panginoon ang Ebanghelyo at mga ordenansa nito, at naging tunay at tapat sa kanyang araw at henerasyon, at pinauwi na sa daigdig ng mga espiritu, sinong tao na nakauunawa sa mga alituntuning ito ang magdadalamhati para sa kapatid na lalaki o babae na iyon?20

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng bata na namatay bago sumapit sa edad ng pagkakaroon ng pananagutan ay magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal.

Lahat ng sanggol o bata na namatay bago sumapit sa edad ng pagkakaroon ng pananagutan ay tinubos, at samakatwid ay di sakop ng mga paghihirap sa impiyerno. … Hinahamon ko ang sinumang tao na maghanap ng anumang ordenansa na itinatag para sa kaligtasan ng mga walang malay na bata sa alinmang talaan ng banal na katotohanan; hindi na ito kailangan pa, at ang bagay lamang na makikita rito ay kinarga ni Jesus ang mga bata at binasbasan sila, na siyang tamang gawin ayon sa kaayusan ng Diyos. Subalit ang pagbibinyag ng mga sanggol sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig o ang doktrinang pumupunta ang mga sanggol sa impiyerno sa anupamang kalagayan, ay doktrinang itinatag ng tao at hindi ng Diyos, at samakatwid ay hindi mahalaga at talagang mali at hindi kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iyan lamang ang masasabi namin tungkol sa mga sanggol. … Sila’y tinubos ng dugo ni Jesucristo.21

Ang mga bata ay inosente sa harapan ng Panginoon; tungkol sa kanilang kamatayan at ang dahilan nito, iyon ay nasa pagpapasiya ng Diyos, at hindi tayo dapat magreklamo kailanman sa Panginoon o sa Kanyang ginagawa tulad ni Job. … May kasiyahang kaugnay ang bagay na ito—sila’y mga inosente at hindi sila nagkasala. Nabayaran na nila ang kaparusahan ng batas ng kamatayan na ibinigay ng Diyos kay Adan at sa buo niyang angkan; subalit kapag iniwan na ng kanilang espiritu ang kanilang mga katawan at naparoon sa daigdig ng mga espiritu, natatapos ang kanilang pagdurusa at paghihirap. … Babangon sila sa kanilang libingan sa simula ng pagkabuhay na muli, … na nabibihisan nang kaluwalhatian, imortalidad at buhay na walang hanggan, sa walang hanggang kagandahan at kasiglahan, at sila’y ibibigay sa mga kamay ng kanilang mga magulang, at sila’y tatanggapin nila sa organisasyon ng pamilya sa selestiyal na mundo, at makakapiling ng kanilang mga magulang magpakailanman. Sila’y mabubuhay habang buhay ang kanilang Diyos. Ito, para sa mga Banal sa mga Huling Araw, na naniniwala sa pagkabuhay na muli, ang dapat pagkunan ng kaaliwan at kaligayahan.

… Maaaring maitanong natin—“Bakit kinuha ng Panginoon ang aking mga anak?” Ngunit hindi ko masasagot iyan, dahil hindi ko alam; ito’y kapasiyahan ng Panginoon, at ganito na mula nang likhain ang mundo hanggang sa katapusan. Ang mga bata ay namamatay sa kanilang kamusmusan, at pumupunta sila sa daigdig ng mga espiritu. Isinisilang sila sa lupa at tinutupad ang layunin ng kanilang pagparito, iyon ay ang pagkakaroon ng katawan. Isinisilang sila para subukin at tumanggap ng mana sa mundo; nagkaroon sila ng katawan, o tabernakulo, at ilalaan ang katawang iyon para sa kanila. At sa simula ng pagkabuhay na muli ang mga espiritu at katawan ay magsasamang muli. At tulad ng nakikita natin sa pamilya dito sa lupa na may mga anak na iba-iba ang edad, mula sa pinasususong sanggol sa dibdib ng ina hanggang paglaki, ganoon din ang organisasyon ng pamilya sa selestiyal na daigdig. Ibabalik sa atin ang ating mga anak sa gayunding anyo tulad ng sila’y ilibing, kung tayo, na kanilang mga magulang, ay mananatiling tapat at mapatunayang karapat-dapat para makamtan ang buhay na walang hanggan; at kung tayo ay hindi karapat-dapat, maliligtas pa rin ang ating mga anak at magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal. Ito ang pananaw ko tungkol sa lahat ng sanggol na namatay, sila man ay ipinanganak na Judio o Gentil, sa mabuti o masama. Sila’y nagmula sa kanilang walang hanggang Ama at Ina na nagsilang sa kanila sa walang hanggang daigdig, at ibabalik sila sa kanilang walang hanggang angkan; at lahat ng mga magulang dito na nagkaroon ng mga anak ayon sa orden ng Diyos at banal na priesthood, kahit sa alinmang panahon sila nabuhay, ay makukuha ang mga batang iyon sa simula ng pagkabuhay na muli, at sila ay ibibigay sa kanilang mga magulang at magiging biyaya sa kanilang pamilya sa kahariang selestiyal …

… Sasabihin ko sa mga nagdadalamhati nating mga kaibigan, kinuha ang inyong mga anak at wala kayong magagawa rito, walang magagawa ang sinuman sa atin rito; hindi sisisihin ang mga magulang kapag ginawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya. Hindi dapat sisihin ang isang ina dahil hindi niya maililigtas ang kanyang maysakit na anak, at ipaubaya natin ito sa kamay ng Diyos. Maikling panahon lang ito at sila’y muling ibabalik sa atin. …

Tungkol sa pag-unlad, kaluwalhatian o kadakilaan ng mga bata sa buhay na darating, walang anumang inihayag ang Diyos sa akin tungkol sa paksang ito, o tungkol sa mga anak ninyo, sa mga anak ko o ninuman, basta’t ang nalalaman natin ay ligtas sila. At nadarama kong dapat tayong magtiwala sa Panginoon sa mga pagdadalamhating ito, dapat tayong umasa sa Kanya at humingi ng kaaliwan. Hindi tayo nagdadalamhati sa mga kalungkutang ito na para bang wala nang pag-asa; hindi tayo nagdadalamhati sa pagkamatay ng ating mga anak na para bang hindi na natin sila makikitang muli, sapagkat higit pa rito ang nalalaman natin. Tinuruan tayo nang lubos ng Panginoon, at gayundin ng ebanghelyo; ipinakita sa atin ng mga paghahayag ni Jesucristo na ibabalik sila sa atin sa pagkabuhay na muli ng mabubuti. …

… Dalangin ko sa aking Ama sa Langit na basbasan niya sina Brother at Sister Wheeler [mag-asawang namatayan kamakailan ng mga anak na lalaki na may edad apat at anim] sa kanilang kalungkutan, at ipagkaloob sa kanila ang Banal na Espiritu, na, kapag natulog sila sa gabi at nagising kinaumagahan at maalala ang kanilang mga anak, ay umasa sila sa Panginoon, at maunawaan na ang pagkawalay ng kanilang mga anak ay hindi magpakailanman, subalit sa maikling panahon ay ibabalik silang muli sa kanila. Ito’y para sa ating lahat na namatayan ng mga anak. Inihimlay natin sila sa kanilang libingan, subalit babangon sila sa simula ng pagkabuhay na muli, at kung matapat tayo sa katotohanan, matatanggap natin sila at magagalak kasama nila.22

Mamuhay tayo sa paraang magiging handa tayo na tanggapin ang mga biyayang ibibigay ng Diyos sa atin kapag tayo’y namatay.

Ang ating pupuntahan sa hinaharap ay nakasalalay sa kabilang buhay. Kapag ako’y namatay, gusto kong mapunta sa kinaroroonan ng aking Ama sa Langit at ni Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.23

Dapat nating sikaping pagbutihin ang ating buhay, ang ating mga talento at pagkakataon habang naririto tayo sa lupa. Natanto ko na ang daigdig na ito ay hindi ang lugar na pamamalagian natin. May katibayan tayo nito araw-araw sa ating buhay. Kailangan nating ilibing ang ating mga propeta, apostol, elder, ama, ina, asawa, at anak, ang lahat ng ito ay nagpapakita na hindi tayo mananatili sa mortal na buhay. Samakatwid dapat nating pagbutihin ang ating buhay ngayon.24

Ang sumusunod na babala ay mahigpit na tumutukoy sa mga buhay, “Kayo’y magsihanda naman.” [Mateo 24:44.] At ang tinutukoy nito ay tayong lahat. At nasa atin na bilang mga magulang at elder ng Israel ang paggawa sa layunin ng Diyos, habang pinahihintulutan tayong mabuhay sa mundo; mamuhay alinsunod sa liwanag at kaalaman na ibinigay sa atin. Sapagkat may itinalagang oras sa lahat ng tao; at hinahayaan niyang mamatay ang marami ayon sa kanyang kalooban. Kukunin niya ang gusto niyang kunin, at hahayaang mabuhay ang gusto niyang mabuhay para sa matalino niyang layunin mismo.25

Kapag namatay na tayo at nakamtan ang kagalakan at kaluwalhatiang ipinagkaloob sa atin sa kahariang selestiyal, malalaman na natin ang dahilan ng pagkakaroon ng mga kahirapan sa mortalidad at mapahahalagahan ang mga biyaya na ibibigay ng Diyos sa matatapat.26

Dalangin ko na nawa’y pagsisihan ng mga taong ito ang lahat ng kanilang kasalanan at maging matatag sa espirituwal at magkaroon ng lakas na lumapit sa Diyos, nang sa gayon ay marinig ang kanilang mga panalangin. Nawa’y maging handa ang mga taong ito na ipagtanggol ang kaharian at huwag kailanman talikuran ang kanilang mga tipan at mga kapatid o ipagkanulo ang ebanghelyo. Nawa’y daigin nila ang sanlibutan at maging handa na maging mga kasamang tagapagmana ni Cristo, maging sa kaganapan ng unang pagkabuhay na muli, na inihanda sa mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.27

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Rebyuhin ang kuwento tungkol sa pagkamatay ni Sarah Emma Woodruff (mga pahina 83, 85–86.) Anong mga doktrina ang nagbigay-aliw at nagpalakas kina Elder at Sister Woodruff? Ano ang matututuhan natin sa kuwentong ito?

  • Ayon kay Pangulong Woodruff, anong mga karanasan ang aasahan natin sa daigdig ng mga espiritu? (Tingnan sa mga pahina 86–87.) Paano makatutulong ang kaalamang ito sa inyo?

  • Habang binabasa ninyo ang payo ni Pangulong Woodruff tungkol sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng ating mga mahal sa buhay, anong mga alituntunin ang nakikita ninyo? (Tingnan sa mga pahina 88–90.) Paano kayo nakadama ng kapayapaan sa pagkamatay ng inyong mga mahal sa buhay? Paano natin matutulungan ang mga namatayan sa kanilang kalungkutan?

  • Paano inaalis ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang tibo ng kamatayan? (Tingnan sa mga pahina 87–90, tingnan din sa I Mga Taga Corinto 15:55–57; Mosias 16:6–9.)

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mga turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa mga namatay na maliliit na bata? (Tingnan sa mga pahina 90–93.)

  • Rebyuhin ang pahina 94. Sikaping maalala ang mga kapamilya o kaibigan na parang handa na noong oras na nilang mamatay. Ano ang matututuhan natin sa mga taong ito? Ayon kay Pangulong Woodruff, ano ang dapat nating gawin para makapaghanda sa kabilang buhay? (Tingnan sa mga pahina 93–94.)

  • Paano nakaragdag ang mga turo ni Pangulong Woodruff sa inyong pag-unawa sa kamatayan at pagkabuhay na muli?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 15; Alma 11:42–45; 28:12; 34:32–41; Moroni 8:12–19; D at T 42:45–47; 76:50–70; 138:57

Mga Tala

  1. Journal of Wilford Woodruff, Nobyembre 8, 1839, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  2. Journal of Wilford Woodruff, Nobyembre 11, 1839.

  3. Journal of Wilford Woodruff, Nobyembre 28, 1839.

  4. Journal of Wilford Woodruff, Hulyo 14, 1840.

  5. Tingnan sa Journal of Wilford Woodruff, Oktubre 22, 1840.

  6. Sa Journal of Wilford Woodruff, Oktubre 26, 1840.

  7. Journal of Wilford Woodruff, buod ng taong 1840.

  8. “Leaves from My Journal,” Millennial Star, September 19, 1881, 606.

  9. Sa “President Wilford Woodruff,” Millennial Star, Setyembre 22, 1898, 604.

  10. The Discourses of Wilford Woodruff, sel. G. Homer Durham (1946), 259.

  11. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 245.

  12. Millennial Star, November 28, 1895, 755.

  13. The Discourses of Wilford Woodruff, 246.

  14. The Discourses of Wilford Woodruff, 244.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 17, 1882, 1.

  16. Salt Lake Herald Church and Farm, June 15, 1895, 385.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 28, 1875, 1.

  18. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  19. The Discourses of Wilford Woodruff, 247.

  20. “To the Officers and Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the British Islands,” Millennial Star, February 1845, 141– 42.

  21. The Discourses of Wilford Woodruff, 232–33.

  22. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  23. Deseret Weekly, March 2, 1889, 294.

  24. The Discourses of Wilford Woodruff, 135–36.

  25. The Discourses of Wilford Woodruff, 246.

  26. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  27. Deseret News, Disyembre 31, 1856, 340.

Larawan
Christ emerging from tomb

Pinatotohanan ni Pangulong Woodruff na ang Tagapagligtas ang “pangunahing bunga ng pagkabuhay na muli.”

Larawan
Christ appearing to the five hundred

“Kapag nasa atin ang ebanghelyo at nalaman ang alituntunin ng pagkabuhay na muli, ang kapighatian, kalungkutan at paghihirap na dulot ng kamatayan ay lubos na mapapawi.”

Larawan
Temple Hill Cemetery

Sa pagpapatotoo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, humiling ng kaaliwan si Pangulong Wilford Woodruff para sa mga magulang na namatayan ng maliliit na anak.