Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Ang Kapangyarihan at Awtoridad ng Banal na Priesthood


Kabanata 4

Ang Kapangyarihan at Awtoridad ng Banal na Priesthood

Ipinagkakaloob ng Diyos ang priesthood sa Kanyang mga tao para sa kanilang pagpapala at kaluwalhatian.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong bata pa siya, inasam ni Wilford Woodruff na makahanap ng simbahan na may tunay na awtoridad ng priesthood—na may “kapangyarihang kinikilala ng langit at ng lupa.”1 Sa mensaheng ibinigay niya noong 1889, sinabi niyang:

“Pumupunta ako sa Sunday school, noong bata pa ako. … Nabasa ko roon ang Bagong Tipan. Napag-aralan ko ang bawat talata at bawat Kabanata. Ano ang itinuro sa akin ng Bagong Tipan? Itinuro nito sa akin ang Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan; itinuro nito sa akin ang Ebanghelyo ng kapangyarihan sa langit at lupa. Itinuro nito sa akin ang organisasyon ng Simbahan na binubuo ng mga Propeta, Apostol, Pastor at mga Guro, na may mga katuwang at tagapamahala. Para ano? ‘Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod; sa ikatitibay ng katawan ni Cristo hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.’ [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:28; Mga Taga Efeso 4:11–13.]

“Ito ang mga bagay na natutuhan ko, at nasa isip ko pa rin ang mga ito. Naniwala ako rito; subalit hindi ko kailanman narinig na itinuro ito ng sinumang pari o ministro sa mundo. Noong magbibinata na ako dumalo ako sa mga pulong ng halos lahat ng relihiyon noong panahong iyon. Minsan nakadalo ako sa isa sa mga malakihang pulong na ginaganap kung minsan sa Connecticut, kung saan nagtitipon ang mga apatnapu o limampung ministro ng iba’t ibang relihiyon doon. Ipinagdasal nila na magkaroon ng pagbuhos ng Espiritu tulad ng nangyari sa Pentecostes at sa marami pang ibang mabubuting bagay. Sa pulong na ito pinahihintulutan ang sinuman na magsalita. Batang-bata pa ako noon. Tumayo ako at pumunta sa pasilyo, at sinabi ko sa grupong iyon ng mga ministro: ‘Mga kaibigan, Maaari bang sabihin ninyo sa akin kung bakit hindi ninyo ipinangangaral ang pananampalatayang ibinigay na minsan sa mga Banal? Sabihin nga ninyo kung bakit hindi ninyo ipinangangaral ang Ebanghelyong itinuro ni Jesucristo, at ng Kanyang mga Apostol? Bakit hindi ninyo ipinangangaral ang relihiyong nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan sa harapan ng Diyos, ng kapangyarihang magpagaling ng maysakit, mabigyan ng paningin ang bulag, mapalakad ang mga lumpo, at kapangyarihang nagbibigay sa inyo ng Espiritu Santo at ng mga kaloob at biyayang inihayag simula pa nang likhain ang daigdig? Bakit hindi ninyo itinuturo sa mga tao ang mga alituntuning itinuro ng mga Patriarch at Propeta noon habang sila ay puno ng mga paghahayag ng Diyos? Nasa kanila ang paglilingkod ng mga anghel; sila’y may mga panaginip at pangitain, at patuloy na paghahayag upang gabayan at patnubayan sila sa landas na dapat nilang tahakin.’

“Sabi ng namumunong elder: ‘Iho, magiging napakatalino mong tao, at lubos na kapaki-pakinabang sa mundo kung hindi mo paniniwalaan ang mga kahangalang iyon. Ibinigay iyon sa mga anak ng tao sa panahon ng kadiliman sa mundo, at ibinigay ito upang bigyang-liwanag mismo ang mga anak ng tao noong panahong iyon, upang maniwala sila kay Jesucristo. Ngayon ay nabubuhay tayo sa kaningningan ng maluwalhating liwanag ng ebanghelyo, at hindi natin kailangan ang mga ito.’ Sabi ko: ‘Kung ganoon doon na lang ako sa panahon ng kadiliman ng mundo; doon na lang ako sa panahon kung kailan natanggap ng mga tao ang mga alituntuning ito.’ ”2

Noong Disyembre 29, 1833, sa wakas ay narinig ni Wilford Woodruff ang ebanghelyo mula sa mga awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos. Isinalaysay niya: Sa unang pagkakataon sa buhay ko, nakakita ako ng Elder mula sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya si Zera Pulsipher. Sinabi niya sa akin na binigyang-inspirasyon siya ng Panginoon. Naggigiik siya ng butil sa kanyang kamalig nang marinig niya ang tinig ng Panginoon at sinabi sa kanyang maghanda at pumunta sa hilaga, dahil may ipagagawa sa kanya ang Panginoon doon. Pinuntahan niya si Kapatid na [Elijah] Cheney, na kanyang kapitbahay at miyembro ng Simbahan. Naglakbay sila ng animnapung milya nang naglalakad lamang … sa makapal na niyebe, at ang unang lugar na naisip nilang puntahan ay ang bahay namin ng kapatid ko. Pumasok sila sa bahay at kinausap ang hipag ko, at nagpakilala sila at sinabi kung ano ang pakay nila. Sinabi nila sa hipag ko na nakatanggap sila ng inspirasyon na pumunta sa hilaga, at nadama lang nila na dapat silang tumigil nang makarating sila sa bahay na iyon. Nang sabihin nila sa [hipag ko] ang kanilang mga alituntunin, sinabi niyang pinaniniwalaan ng kanyang asawa at bayaw ang mga alituntuning iyon, at matagal na nilang ipinagdarasal ito. Nagtakda sila ng pulong sa paaralan na nasa aming bukirin.

“Gabi na akong umuwi, at sinabi sa akin ng hipag ko ang tungkol sa pagkikitang ito. Kahahakot ko pa lang ng mga troso mula sa mga baybayin ng Lake Ontario (sa pagawaan ng tabla ang trabaho ko), at inilagak ko na sa pastulan ang mga kabayo ko, hindi na ako huminto para kumain, at nagpunta na sa miting. Nadatnan kong puno ng tao ang bahay at ang bakuran. Sa unang pagkakataon sa buhay ko ay nakarinig ako ng pangaral ng Ebanghelyo na itinuro ng mga Elder ng Simbahang ito. Iyon ang hinahanap ko mula pa pagkabata ko. Inanyayahan ko ang mga lalaking ito sa aking tahanan. Hiniram ko ang ‘Aklat ni Mormon, at magdamag na nagbasa. Kinaumagahan sinabi ko kay Brother Pulsipher na gusto kong magpabinyag. May patotoo ako sa aking sarili na totoo ang mga alituntuning iyon. Kami ng aking kapatid … ay nabinyagan—ang dalawang nauna sa bayang iyon.”3

Bininyagan ni Elder Pulsipher si Wilford Woodruff sa isang ilog noong Disyembre 31, 1833, at kinumpirma siya nang araw ding iyon. Pagkalipas ng tatlong araw, tinanggap ni Wilford Woodruff ang Aaronic Priesthood at naorden sa katungkulan ng teacher. Ito ang simula ng habambuhay na paglilingkod sa Panginoon. Sa paggunita sa araw na iyon, sinabi niya, “Kaagad na nagsimula ang aking misyon.”4

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Isinasagawa ng Diyos ang lahat ng Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

Wala akong alam na ibang paksa sa Simbahan na mas mahalaga para sa mga naninirahan sa mundo at sa ating sarili kaysa sa Banal na Priesthood.5

Sa pamamagitan ng kapangyarihan [ng] Priesthood, ang Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, ay nagtatag ng lahat ng daigdig, at tinubos ang lahat ng natubos na daigdig. Sa Priesthood ding iyon, pinangasiwaan ng kalalakihan sa mundo ang mga ordenansa ng Ebanghelyo ni Cristo.6

Ang Banal na Priesthood ang paraan na gamit ng Diyos sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa mga tao sa mundo; at ang mga sugo ng langit na dumalaw sa mundo upang makipag-usap sa tao ay mga lalaking nagtaglay at gumalang sa priesthood noong nabubuhay pa sila sa mundo, at lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, simula pa sa pagdating ng tao sa mundo hanggang sa pagtubos sa mundo, ay sa bisa at magiging sa bisa ng walang hanggang priesthood.7

Hindi kailanman nagkaroon ang Panginoon ng simbahan sa ibabaw ng mundo, simula pa nang unang itatag ito hanggang ngayon, nang hindi inoorganisa ang simbahang iyon sa pamamagitan ng paghahayag, kasama na ang mga propeta at apostol, pastor, guro, katuwang at tagapamahalang pinagkalooban ng Banal na Priesthood—ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng Diyos sa tao. Ito ang nagpapahintulot sa tao na maging kinatawan ng Diyos; at kung wala ang Priesthood na ito walang lalaki, mula pa sa pag-iral ng mundo, na may karapatang mangasiwa sa alinman sa mga ordenansa ng kanyang banal na bahay. Ni walang karapatan ang sinumang lalaki sa Priesthood na iyon maliban kung siya ay tawagin ng Diyos tulad ni Aaron na, sabi sa atin, ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag [tingnan sa Mga Hebreo 5:4]. Para saan ang Priesthood na ito? Ito ay para mapangasiwaan ang mga ordenansa ng Ebanghelyo, maging ang Ebanghelyo ng ating Ama sa Langit, ang walang hanggang Diyos, ang Elohim ng mga Judio at ang Diyos ng mga Gentil.8

Tanging sa kapangyarihan lamang ng Banal na Priesthood nagkakaroon ang tao ng awtoridad mula sa Diyos para isagawa ang mga ordenansa ng buhay at kaligtasan sa mga anak ng tao. Ang kapangyarihan ng Priesthood na iyon ay nasa mga Banal sa mga Huling Araw.9

Ang mga maytaglay ng Priesthood ay dapat gamitin ang priesthood sa paglilingkod at pagtatayo ng kaharian ng Diyos, hindi para iangat ang kanilang sarili.

Napakalaking responsibilidad ang magtaglay ng makalangit, walang hanggan, walang katapusang priesthood na ito!4 At dapat nating panagutan ito. Ang mga Apostol, Pitumpu, High Priest, Elder, at lahat ng mga taong may bahagi sa Priesthood na ito na ibinigay sa atin, ay pananagutin dito.10

May gawaing nakaatang sa ating mga balikat. Mayroon din si Joseph Smith, mayroon din si Brigham Young, mayroon din ang Labindalawang Apostol, mayroon tayong lahat, at parurusahan tayo kung hindi natin ito gagawin. Malalaman natin ito kapag sumakabilang-buhay na tayo. … Sa pag-iisip ko maraming beses kong pinangarap na maunawaan ko nang ganap ang responsibilidad ko sa Diyos, at ang responsibilidad ng bawat lalaking maytaglay na priesthood sa henerasyong ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo mga kapatid, sa aking palagay ang ating mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito. Hindi natin pinahahalagahan, tulad ng dapat asahan sa mga kalalakihang nagtataglay ng Banal na Priesthood sa henerasyong ito, ang malaking responsibilidad sa Diyos at sa langit, gayundin sa lupa. Sa palagay ko’y napakalayo natin sa Panginoon.11

Kung tayo …, na nagtataglay ng banal na priesthood ay ginamit ang priesthood na iyon sa ibang layunin sa ilalim ng langit at hindi upang itayo ang Kaharian ng Diyos, kung gayon ang ating gagawin ay babagsak ang ating kapangyarihan. … Maraming mabubuting tao ang sumubok nito—mga lalaking may priesthood, maging mga Apostol … upang iangat ang kanilang sarili sa awtoridad ng priesthood. At nasaan na sila ngayon? Maaari na ninyong sabihing amen sa kanilang kapangyarihan at awtoridad. … Pag-isipan natin ang mga bagay na ito. Sinasabi ko rin ito sa sarili ko. Sinasabi ko rin ito sa mga Apostol, Pitumpu at High Priest. Hindi ninyo magagamit ang priesthood sa iba pang layunin sa mundong ito maliban lamang sa pagtatayo ng kaharian at paggawa ng kagustuhan ng Diyos; at kung tangkain ninyong gawin ang kabaligtaran nito, aalisin sa inyo ang inyong kapangyarihan.12

Binasa kong mabuti ang pahayag na ibinigay kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang dalangin sa piitan sa Liberty [tingnan sa D at T 121:34–46]. Inisip ko ang paghahayag ng Diyos sa taong iyon, na iilang pangungusap lamang, na naglalaman ng mga alituntuning singdami ng alinmang paghahayag na ibinigay ng Diyos sa tao. Ipinaunawa niya kay Joseph na tinaglay niya ang priesthood, priesthood na ayon sa orden ng Diyos, alinsunod sa orden ni Melchizedek, ang priesthood na gamit ng Diyos nang isagawa niya ang lahat ng kanyang mga gawain sa langit at lupa, at sinumang tao na maytaglay ng priesthood na iyon ay may ganoon ding kapangyarihan. Ang priesthood na iyon ay may pakikipag-ugnayan sa kalangitan, may kapangyarihang pakilusin ang kalangitan, kapangyarihang isagawa ang gawain ng kalangitan. Sa tuwing gagampanang mabuti ng sinumang tao ang tungkuling iyon, inuutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel na bantayan siya at ang kanyang paglilingkod ay may kapangyarihan at bisa sa daigdig na ito at sa susunod na daigdig. Ngunit kung gagamitin ng taong iyon ang priesthood sa ibang layunin at hindi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, na siyang talagang layunin nito, ang kalangitan ay lalayo, mawawala ang bisa ng priesthood, at maiiwan siyang lumalakad sa kadiliman at hindi sa liwanag, at ito ang susi ng apostasiya ng lahat ng tao sa henerasyon mang ito o sa iba pa.13

Taglay natin ang priesthood na ibinigay sa atin, at kung hindi natin ito gagamitin nang wasto, tayo ay parurusahan. Samakatwid, ihanda natin ang ating sarili at itayo ang kaharian. Sikapin nating kamtin ang Espiritu Santo—at kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo—na ipinagkatiwala sa ating mga kamay, at kung gagawin natin ito, pagpapalain ng Diyos ang ating mga pagsisikap.14

Tinutulungan ng Panginoon ang sinumang maytaglay ng Priesthood, siya man ay Priest, Elder, pitumpu, o Apostol, kung ginagampanan niyang mabuti ang kanyang tungkulin.

Tuwang-tuwa ako nang makita ko minsan ang ilang Deacon na ginagampanan ang kanilang tungkulin. … Naglibot sila sa buong lungsod at ipinagsibak nila ng kahoy ang bawat balo sa bayang iyon. Si Brother [George] Teasdale, Pangulo ng Stake, ay may tatlo o apat na salansan ng panggatong sa bakuran niya. Pag-uwi niya isang gabi natuklasan niyang nawala ito. Nagtaka siya kung ano ang nangyari, ngunit nang hanapin niya ito sa paligid nakita niyang nasibak na itong lahat sa kanyang bodega ng kahoy. Ginawang mabuti [ng mga Deacon] ang tungkulin doon.

Tayo ngayon, sa ilang aspeto, ay kakaiba ang kalagayan. Dapat tayong magtiwala sa Panginoon at gawin ang tama. Alam kong ibinigay ang Priesthood para iligtas ang mga tao at pangasiwaan ang mga ordenansa para sa mga buhay at patay. Libu-libo ang natubos sa daigdig ng mga espiritu ng kanilang mga kaanak na nabubuhay sa mundo at may hawak ng mga susi ng kaligtasan ng kanilang mga patay. Ang mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion ay inihanda, habang ang kaharian ay sa Panginoon, tulad ng sabi ni Obadias [tingnan sa Obadias 1:21]. Ginagawa ng mga taong ito ang gawaing ito ngayon. Kasama ninyo ang Panginoon, at ang inyong mga ninuno sa daigdig ng mga espiritu ay magagalak. Maging tapat tayo, kung gayon, habang tayo’y naririto. Pinili tayo ng Panginoon na taglayin ang Priesthood na ito. Sa … milyunmilyong tao sa mundo pinili ng Panginoon ang maliit na bilang ng kalalakihang ito upang taglayin ito; mag-orden, mag-organisa, bigyang-babala ang daigdig, ipangaral ang Ebanghelyo sa kanila. Umaasa ako na tatandaan ng kalalakihang nagtataglay nito ang kahalagahan nito. …

… Maging totoo at tapat tayo. Huwag nating hayaang mawala ang karapatan natin sa Priesthood, ni sa kaharian ng Diyos. Manalangin tayo nang lihim sa Panginoon at magsumamo sa Kanyang banal na pangalan. Doon nakasalalay ang ating lakas.16

Kung tayo ay tapat sa ating mga tipan at responsibilidad, matatanggap natin ang mga pagpapala ng priesthood sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Kapag nagbibigay ang Panginoon sa mga anak ng tao ng mga kaloob na may kaugnayan sa priesthood, ang mga tumatanggap ng mga kaloob na iyon ay mananagot sa paggamit nila ng mga ito.17

Kapag ang isang apostol o pangulo, bishop o sinumang maytaglay ng priesthood ay tumutupad sa tungkulin, siya ay nangangasiwa sa pamamagitan ng awtoridad ng Panginoong Jesucristo. Sa ganitong paraan ay magkakabisa ang priesthood na iyon at lahat ng pagpapalang ibibigay ng Diyos sa mga anak ng tao ay magkakabisa sa buhay na ito at sa buhay na darating. Kung may pagpapalang ibinigay sa akin ang banal na priesthood, o kung nakatanggap ako ng pagpapala mula sa patriarch, ang mga kaloob at pagpapalang iyon ay magkakabisa sa kabilang daigdig. At, kung ako ay tapat sa aking mga tipan sa buhay na ito, makakamtan ko ang bawat pagpapalang ipagkakaloob sa akin, dahil ang awtoridad na ginamit upang maibigay iyon ay inorden ng Diyos. Sa pamamagitan ng awtoridad na iyon isinasagawa ng mga anak na lalaki ng Kataastaasan ang mga ordenansa ng buhay at kaligtasan sa mga anak ng tao, at ang mga pangangasiwang iyon ay magkakabisa sa mga taong iyon sa kabilang buhay gayundin sa buhay na ito. Ito ang mga totoong kayamanan; ito ang kayamanang tatagal magpakailanman, at sa pamamagitan ng mga pagpapalang ito na ipinagkaloob ng ebanghelyo, may kapangyarihan tayong matanggap muli ang mga katawang ito at mapanatili nang walang hanggan ang ating identidad. Oo, makakamtan natin ito sa bisa ng banal na priesthood.18

Madalas kong pag-isipan ang mga pangakong ginawa tungkol sa priesthood. Sa isang paghahayag tungkol sa paksang ito, sinabi ng Panginoon, … “Sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan. … [L]ahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya. Kaya nga, lahat yaong tumanggap ng [Priesthood], ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni matitinag.” [Tingnan sa D at T 84:33–40.] Kung minsan ay itinatanong ko ito sa aking sarili, Nauunawaan ba natin ang mga bagay na ito? Nauunawaan ba natin na kung susundin natin ang mga batas ng Priesthood tayo ay magiging mga tagapagmana ng Diyos at kasamang mga tagapagmana ni Jesucristo? Natanto ko na hindi pa nakita ng ating mga mata, hindi pa narinig ng ating mga tainga, ni hindi pa pumasok sa ating mga puso ang bagay na ito upang maunawaan ang kaluwalhatiang inilalaan para sa matatapat [tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:9].19

Anong uri ba ng mga tao tayo nararapat maging, tayo na tinawag na makibahagi sa dakilang gawain sa mga huling araw? Dapat tayong maging mga lalaki at babae na may pananampalataya, masigasig sa katotohanang inihayag at ibinigay sa ating mga kamay. Dapat tayong maging mga lalaki at babae na may integridad sa Diyos at sa Kanyang banal na Priesthood, tapat sa Kanya at sa isa’t isa. Hindi natin dapat hayaan ang mga bahay at lupain, ginto at pilak, ni ang anumang yaman sa daigdig na ito na maging hadlang sa pagkakamit ng dakilang layuning ipinatutupad sa atin ng Diyos. Maringal ang ating layunin, dakila ang ating kahihinatnan at hindi natin dapat biguin ang milyun-milyong nasa daigdig ng mga espiritu, na sabik na nagmamasid sa atin at nag-aalala na baka hindi natin gaanong nauunawaan. Ang mga ito ang dakila at napakalaking bagay na hinihingi sa atin ng Diyos. Hindi tayo magiging karapat-dapat sa kaligtasan, sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Diyos, kung may hahadlang sa atin sa katotohanan o sa pagmamahal dito.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Ano ang mga impresyong naisip at nadama ng batang si Wilford Woodruff na humikayat sa kanya para saliksikin ang totoong Simbahan? (Tingnan sa mga pahina 38–41.) Paano nauugnay ang mga impresyong ito sa priesthood?

  • Rebyuhin ang mga pahina 41–43 at hanapin ang mga bagay na isinasagawa ng Panginoon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Paano nakikibahagi ang mga may taglay ng priesthood sa gawain ng Panginoon?

  • Bakit mahalagang malaman kapwa ng mga lalaki at babae ang tungkol sa priesthood?

  • Paano pinagpapala ng Priesthood ang inyong buhay?

  • Sa pagbabasa ninyo ng mga turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa mga responsibilidad ng maytaglay ng priesthood, ano ang mga partikular na alituntuning nakita ninyo? (Tingnan sa mga pahina 43–45.)

  • Ayon kay Pangulong Woodruff, anong mga pag-uugali at kilos ang magiging dahilan para lumayo ang kalangitan sa isang maytaglay ng priesthood? Bakit imposible para sa isang tao na gamitin ang priesthood para sa sariling pakinabang? (Tingnan sa mga pahina 43–45; tingnan din sa D at T 121:34–40.) Paano dapat mamuhay ang isang maytaglay ng priesthood upang magkaroon ng “kapangyarihang isagawa ang gawain ng kalangitan”? (Tingnan sa mga pahina 43–45; Tingnan din sa D at T 121:41–46.)

  • Ano ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang tungkulin sa priesthood? (Tingnan sa mga pahina 45.) Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga kapatid na gumaganap na mabuti sa kanilang mga tungkulin sa priesthood?

  • Rebyuhin ang huling bahagi sa Kabanata (mga pahina 46–48). Sa anong mga paraan nagbibigay ng mga pagpapala ang priesthood sa buhay na ito at sa buhay na darating?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Juan 15:16; Sa Mga Hebreo 5:4–6; Alma 13:1–20; D at T 84:17–18; 107:18–20; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5

Mga Tala

  1. Deseret Weekly, Abril 6, 1889, 450.

  2. Deseret Weekly, Abril 6, 1889, 450.

  3. Deseret Evening News, Marso 1, 1897, 1.

  4. “The Rights of the Priesthood,” Deseret Weekly, Marso 17, 1894, 381.

  5. Deseret Weekly, Marso 17, 1894, 381.

  6. Deseret Weekly, Abril 6, 1889, 450.

  7. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 64.

  8. Deseret News:Semi-Weekly, Hulyo 30, 1878, 1.

  9. Deseret Weekly, Marso 17, 1894, 381.

  10. Deseret Weekly, Marso 2, 1889, 294.

  11. The Discourses of Wilford Woodruff, 102.

  12. Sa Conference Report, Abril 1880, 83.

  13. The Discourses of Wilford Woodruff, 67–68.

  14. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 6, 1880, 1.

  15. Deseret Weekly, Nobyembre 7, 1896, 641.

  16. Deseret Weekly, Marso 17, 1894, 381–82.

  17. Deseret Weekly, Marso 17, 1894, 381.

  18. Deseret News, Pebrero 26, 1862, 273.

  19. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 15, 1883, 1.

  20. Deseret News:Semi-Weekly, Oktubre 18, 1881, 1.

Larawan
Peter and John

Pinagagaling nina Pedro at Juan ang isang pilay (tingnan sa Mga Gawa 3). Hinangad ng batang si Wilford Woodruff ang “pananampalataya na ibinigay na minsan sa mga Banal”—isang relihiyong may gayunding “kapangyarihan sa harapan ng Diyos” tulad ng Simbahan ng Tagapagligtas noong kalagitnaan ng panahon.

Larawan
Zera Pulsipher

Zera Pulsipher

Larawan
laying on of hands

Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff na ang priesthood ay “kapangyarihang ipinagkatiwala ng Diyos sa tao na nagpapahintulot sa tao na maging kinatawan ng Diyos.”

Larawan
blessing the sacrament

“Napakalaking responsibilidad ang magtaglay ng makalangit, walang hanggan, walang katapusang priesthood na ito!”