Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Joseph Smith: Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag


Kabanata 2

Joseph Smith: Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag

Si Joseph Smith, ang Propeta ng dispensasyong ito, ay naging tapat sa mga paghahayag na natanggap niya mula sa kaitaasan, at isinakatuparan ang pagkahirang sa kanya noon pa man at tinatakan ang kanyang patotoo ng kanyang sariling dugo.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Mula pa noong bagong miyembro pa lang siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, si Wilford Woodruff ay may patotoo na sa Propetang Joseph Smith. Sabi niya: “Naniniwala na ako noon pa na Propeta si Joseph bago ko pa man siya nakita. Wala akong duda sa kanya.”1 Noong Abril 1834, mga apat na buwan matapos siyang binyagan, naglakbay si Brother Woodruff papuntang Kirtland, Ohio, kung saan nakita niya sa unang pagkakataon ang Propetang Joseph. Ganito ang kuwento niya sa huli:

“Hindi pangkaraniwan ang unang pagkikita namin. Nakita ko siya sa bukid kasama ang kapatid niyang si Hyrum; may suot siyang lumang sumbrero, at abala sa pag-asinta sa isang bagay. Ipinakilala ako sa kanya at niyaya niya ako sa kanyang tahanan.

“Tinanggap ko ang imbitasyon at pinagmasdan ko siyang mabuti, para alamin kung ano ang maaari kong matutuhan mula sa kanya. Sinabi niya, habang nagdaraan sa kanyang bahay, na ngayon lang siya ulit nakapaglibang matapos ang matagal na panahon.

“Pagkadating namin sa kanyang bahay ay nagpunta siya sa kalapit na silid at lumabas na may dalang balat ng lobo, at sinabing, ‘Brother Woodruff, gusto kong tulungan mo akong gawin itong balat,’ kaya hinubad ko ang aking amerikana, nagtrabaho at tinulungan siya, at nakadama ng karangalan sa paggawa ng gayon. … Gusto niyang ilagay ang balat ng lobong ito sa upuan ng kanyang bagon. …

“Ito ang una naming pagkikita ng Propetang Joseph Smith, ang dakilang Tagakita ng huling dispensasyong ito.”2

Sa paggunita sa karanasang ito, sinabi ni Pangulong Woodruff na hindi magugustuhan ng ilang tao na makita ang isang lider ng simbahan na sumasali sa gayong mga gawain. Ngunit ang kanyang sariling obserbasyon kay Joseph Smith, kapwa sa publiko at sa pribado, ay nagpalakas lamang sa kanyang patotoo sa misyon ng Propeta. Mula sa mga unang araw na ito sa Kirtland hanggang sa pagkamatay ng Propeta makaraan ang 10 taon, matapat na pinaglingkuran ni Wilford Woodruff si Joseph Smith, kahit na nagalisan sa Simbahan ang mga kaibigan at kasamahan. Sabi niya, “Sa kabila ng lahat ng mga nag-apostasiya, at lahat ng mga kahirapan at pagsubok na aming dinanas, … hindi ako natuksong magduda sa gawaing ito ni magduda na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.”3

Noong Marso 19, 1897, ang 90-taong gulang na si Pangulong Woodruff ay gumawa ng audio recording ng kanyang patotoo. Siya ang unang Pangulo ng Simbahan na gumawa ng gayon. Sa kanyang maikling mensahe gumugol siya ng maraming oras sa pagpapatotoo sa misyon ni Propetang Joseph, na ginugunita ang buong-buhay na katapatan sa kanyang kaibigan at pinuno:

“Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay totoong propeta ng Diyos, na inorden ng Diyos para ilatag ang pundasyon ng Kanyang Simbahan at kaharian sa huling dispensasyon at kaganapan ng panahon. … Inalay ni Propetang Joseph ang kanyang buhay para sa salita ng Diyos at patotoo kay Jesucristo, at siya’y kokoronahan bilang martir sa harap ng Diyos at ng Kordero. Sa lahat ng kanyang patotoo sa atin, ang kapangyarihan ng Diyos ay naipamalas nang husto sa Propetang Joseph.”4

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Sa publiko at sa pribadong buhay, ang Propetang Joseph Smith ay mapagkawanggawa, maawain, tapat, at totoo.

Libu-libong milya ang nilakbay ko kasama si Joseph Smith. Kilala ko na siya.5

Galak na galak ako sa nakita ko kay kapatid na Joseph, dahil sa publiko o pribadong buhay ay taglay niya ang Espiritu ng Pinakamakapangyarihan, at makikita sa kanya ang kadakilaan ng kaluluwa na hindi ko nakita kahit kanino.6

Ang kanyang kaluluwa ay napakamaawain sa kapakanan ng sangkatauhan.7

Babalutin ng kapatid na Joseph ang buong sangkatauhan ng mga alituntunin ng kaligtasan kung taglay lamang niya ang kapangyarihang iyon.8

Ang dispensasyon na iniatas na pasimulan niya ay ang pinakadakila sa lahat ng ibinigay sa tao; at kinailangan ang isang taong tulad niya para pamunuan ito—isang taong tapat sa Diyos at sa kanyang mga kapatid; isang tagakita at tagapaghayag, at may pananampalataya sa Diyos na hindi natitinag o nagdududa, kundi nagsikap sa kanyang sarili at hinikayat ang iba na sumulong sa dakilang gawaing nasa kanilang harapan.9

Si Joseph Smith ay naorden noon pa para itatag ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.

Pinamalagi si Joseph Smith sa daigdig ng mga espiritu sa loob ng libu-libong taon para isilang sa lupa sa tamang panahon, at mabigyang inspirasyon ng Diyos, madalaw Niya, at maging kwalipikado at handa para sa misyon na ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay.10

Si Joseph Smith ay hinirang ng Panginoon bago pa siya isinilang tulad din ni Jeremias. Sinabi ng Panginoon kay Jeremias—“Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.” [Jeremias 1:5.] Inutusan siyang balaan ang mga naninirahan sa Jerusalem sa kanilang mga kasamaan. Mabigat na gawain iyon para sa kanya, pero sa huli’y nagbabala siya gaya ng iniutos sa kanya. Kaya ang masasabi ko tungkol kay Joseph Smith ay natanggap niya ang pagkahirang sa kanya bago pa man itatag ang mundo, at dumating siya sa takdang panahon ng Panginoon para itatag ang gawaing ito sa mundo.11

Ang Propetang Joseph Smith ay tinuruan ng Diyos Ama, ni Jesucristo, ng Espiritu Santo, at ng mga anghel mula sa langit.

Si Joseph Smith ay madalas tawaging mangmang, taong walang pinag-aralan. Siya’y anak ng isang magsasaka, at kakaunti lang ang pagkakataon para makapag-aral. Ano nga ba ang mayroon siya para siya ang maghayag ng kaganapan ng ebanghelyo sa daigdig? Wala naman talaga, maliban sa tinuruan siya sa pamamagitan ng mga anghel na mula sa langit, sa pamamagitan ng tinig ng Diyos at inspirasyon at kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang mga alituntuning inihayag sa daigdig sa pamamagitan niya ay totoong tulad ng trono ng Diyos. Ang impluwensya ng mga ito ay nadarama na sa mundo, at patuloy na madarama hanggang sa pagdating ng Anak ng Tao.12

Naantig si Joseph Smith ng Espiritu Santo, at siya’y ginabayan nito, bilang sagot sa kanyang mga dasal, sa Ama at sa Anak; at sinabi sa kanya ng Ama, “Ito ang aking pinakamamahal na Anak, pakinggan Siya.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.] Nakinig siyang mabuti sa mga salita ni Jesucristo, at patuloy na ginawa ang gayon hanggang sa siya, tulad ng Tagapagligtas, ay patayin.13

Wala pa akong nabasa kahit saan, ayon sa pagkakaalam ko, tungkol sa kapangyarihan ding iyon na ipinamalas sa mga anak ng tao sa alinmang dispensasyon, na ipinamalas sa Propeta ng Diyos sa pagtatatag ng Simbahang ito, nang magpakita kapwa ang Ama at Anak sa Propetang si Joseph bilang sagot sa kanyang panalangin. … Ito’y napakahalagang paghahayag, na hindi kailanman ipinamalas sa gayong paraan sa alinmang dispensasyon ng mundo, na ibinigay ng Diyos tungkol sa Kanyang gawain. Kaya sa pagtatatag nito, ang Propeta ng Diyos ay ginagabayan ng mga anghel ng langit. Sila ang kanyang mga guro, sila ang kanyang mga tagapagturo, at lahat ng ginawa niya, at lahat ng isinagawa niya mula sa umpisa, mula sa araw na iyon hanggang sa siya ay patayin, ay ginawa sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo.14

Sasabihin ko mismo na hindi ako naniniwala na mayroong tao … na mas malapit at nakakikilala sa Diyos Ama, at sa Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, maliban kay Propetang Joseph Ssmith. Nasa kanya ang kapangyarihan ng paghahayag mula noong araw na tawagin siya para tanggapin ang Priesthood hanggang sa sandali na siya ay patayin. Ang kapangyarihan ng inspirasyon ay nasa kanya sa bawat araw. Kitang-kita ito sa mga paghahayag na nasa Aklat ng Doktrina at mga Tipan. Sa tuwing madarama ng Panginoon na dapat siyang kagalitan, si Joseph Smith, sa pamamagitan ng kanyang sariling bibig, ay kinakagalitan niya ang kanyang sarili; at hindi siya nag-alinlangan na ibigay ang salita ng Panginoon, bagama’t laban ito sa kanya. Kaisa siya ng Panginoon; kaisa siya ng Espiritu Santo; kaisa siya ng mga anghel sa langit.15

Masasabing ang mga propesiya, paghahayag, at utos ng Pinakamakapangyarihan, ay nakapalibot sa taong iyon, at kailangan siyang maturuan, hindi ng tao ni sa kagustuhan ng tao, kundi kailangang papuntahin niya ang mga anghel ng Diyos at turuan siya; kailangan ang mga paghahayag ng Diyos para turuan siya, at maraming taon siyang tinuruan sa pamamagitan ng mga pangitain at paghahayag, at mga banal na anghel na isinugo ng Diyos mula sa langit para magturo at magtagubilin sa kanya at ihanda siya para itatag ang pundasyon ng simbahang ito.

… Mismong si Joseph ay hindi kayang unawain, maliban na siya ay nababalot ng mga pangitain ng kawalang-hanggan, ang kahalagahan ng gawain na siya mismo ang nagtatag ng pundasyon. Kapag bukas ang kanyang isipan ay nauunawaan niya, sa maraming aspeto, ang mga layon ng Diyos, at ang mga paghahayag na ito ay pumalibot sa kanya at ginabayan ng mga ito ang kanyang mga hakbang.16

Sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig, ang Propetang Joseph Smith ay nanatiling tapat sa kanyang patotoo.

Nang ilahad ni Joseph sa daigdig ng mga Kristiyano ang mga alituntuning ibinigay sa kanya ng Diyos, sila’y nagalit sa kanya; kinailangan niyang labanan ang mga tradisyon na minana nila sa kanilang mga ninuno na hindi nakakikilala sa Diyos ni sa Kanyang mga paraan, mga tradisyon na naipasa sa kanila sa paglipas ng maraming taon, na kumakalaban sa mga nakapagliligtas na katotohanan ng langit.17

Kinalaban siya ng buong mundo—pari at mga tao. Ano ang dahilan? Simple lang, dahil si Joseph Smith ay tulad din ng iba pang mga propeta at apostol. Siya ang naghatid sa dispensasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo, na napahalo sa mga tradisyon ng mga tao—mga tradisyon na naipasa sa bawat henerasyon.18

Ang kanyang buhay ay patuloy na pakikibaka at pagharap sa magkabi-kabilang pagsalungat, lalo na mula sa mga pari noong panahong iyon; ngunit nalampasan niya iyon at nagalak na mabuti sa kanyang pagsisikap hanggang sa matapos ang kanyang patotoo sa buhay na ito, matapos ang labing-apat na taong pagpupursigi para doon. Kinailangan niyang dumanas ng maraming pagsubok; ngunit hindi siya kailanman nasiraan ng loob o nawalan ng pag-asa kahit na nga kinailangan niyang makipaglaban sa mga kaaway sa loob at labas ng Simbahan. Laging nasa isip niya ang karingalan ng kanyang tungkulin, at ang kabanalan ng gawaing ito; nagsalita siya at kumilos sa gitna ng mga tao sa lahat ng pagkakataon bilang isang tao—na propeta ng Diyos, ang tagakita at tagapaghayag ng huling dispensasyon.19

Bawat damdamin ng kanyang kaluluwa, bawat kaisipan niya, at bawat hakbang sa kanyang buhay, ay nagpatunay na desidido siyang sundin ang alituntunin ng katotohanan, kahit isakripisyo pa niya ang kanyang buhay.20

Sinabi ng Panginoon kay Joseph na siya ay susubukin para malaman kung mananatili siyang tapat sa kanyang tipan o hindi, hanggang kamatayan. Talagang sinubok siya; at kahit salungat sa kanya ang buong mundo, at sa kabila ng pagtataksil ng mga huwad na kaibigan, bagamat puno ng kaguluhan at pagkaligalig at pag-aalala ang kanyang buhay, gayunman, sa lahat ng kanyang paghihirap, ng kanyang pagkabilanggo, ng pandurumog at malupit na pakikitungong dinanas niya, siya’y nanatiling tapat sa kanyang Diyos, at tapat sa kanyang mga kaibigan.21

Taglay ang pangitain sa magiging kapalaran ng Simbahan, inihanda ni Propetang Joseph Smith ang Labindalawang Apostol at binigyan sila ng kapangyarihang isulong ang gawain ng Panginoon.

Ang simbahan ay itinatag noong ika-6 ng Abril, 1830, na may anim na miyembro, ngunit naniwala si Joseph na ang pinasimulang kaharian, tulad ng buto ng mustasa, ay magiging malaking simbahan at kaharian sa mundo.22

Si Joseph Smith ay tulad nga ng sinabi niyang siya, isang propeta ng Diyos, isang tagakita at tagapaghayag. Itinatag niya ang pundasyon ng simbahan at kahariang ito, at nabuhay nang sapat upang ihatid ang mga susi ng kaharian ng mga elder ng Israel, sa labindalawang apostol. Ginugol niya ang huling taglamig ng kanyang buhay, sa loob ng mga tatlo o apat na buwan, sa piling ng korum ng labindalawa, na tinuturuan sila. Hindi iyon ilang oras lamang ng pagtuturo sa kanila ng mga ordenansa ng ebanghelyo; kundi ginugol niya ang bawat araw, bawat linggo at bawat buwan, sa pagtuturo sa kanila at sa ilang iba pa ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.23

Mga ilang panahon bago siya mamatay, ang Propetang Joseph ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon para asahan ang kanyang sariling pagpanaw. Ipinakita ito sa iba’t ibang paraan; ngunit lalo na sa malaking kasabikang ipinakita niya sa pagkakaloob sa Labindalawang Apostol ng lahat ng susi at awtoridad ng Banal na Priesthood na natanggap niya. Binanggit niya kapwa nang pribado at sa publiko na nasa kanila na ang mga bagay na kinakailangan at sila ay talagang kwalipikado, at naipasa na niya sa Labindalawang Apostol ang responsibilidad sa kaharian ng Diyos.

Ako, si Wilford Woodruff, bilang huling taong nabubuhay na naroon sa okasyong iyon, ay dama kong tungkulin ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa Sambahayan ni Israel, at sa buong mundo, na ibigay ang huling patotoo kong ito sa lahat ng bansa, na noong taglamig ng taong 1843–4, si Joseph Smith, ang Propeta ng Diyos, ay tinawag ang Labindalawang Apostol sa Lungsod ng Nauvoo, at namalagi sa piling namin nang maraming araw sa pagbibigay sa amin ng aming mga endowment, at pagtuturo sa amin ng mga maluwalhating alituntunin na inihayag sa kanya ng Diyos. At minsan pa nga ay tumayo siya sa aming harapan sa loob ng halos tatlong oras, na ipinapahayag sa amin ang dakila at huling dispensasyon na isinagawa ng kamay ng Diyos sa lupa sa mga huling araw na ito. Napuspos ang silid ng tila apoy na nakatutupok; ang Propeta ay nabalutan ng kapangyarihan ng Diyos, at ang kanyang mukha ay nagliwanag at naging napakalinaw, at tinapos niya ang pagsasalitang iyon, at hindi na iyon kailanman malilimutan sa panahon o sa kawalang hanggan, gamit ang sumusunod na pananalita:

“Mga kapatid, labis na nalungkot ang puso ko sa takot na baka kunin na ako na taglay ko pa ang mga susi ng kaharian ng Diyos, nang hindi ko naibubuklod ang mga ito sa uluhan ng ibang kalalakihan. Ibinuklod ng Diyos sa aking uluhan ang lahat ng susi ng kaharian ng Diyos na kailangan para sa pagtatatag at pagtatayo ng Simbahan, ng Sion, at ng kaharian ng Diyos sa lupa, at para maihanda ang mga Banal sa pagparito ng Anak ng Tao. Ngayon, mga kapatid, nagpapasalamat ako sa Diyos na nabuhay ako para makita ang araw na nagawa kong maibigay sa inyo ang inyong mga endowment, at naibuklod ko sa inyong uluhan ang lahat ng kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood at pagkaapostol, kasama ang lahat ng mga susi at kapangyarihan nito, na ibinuklod sa akin ng Diyos, at ngayon isinasalin ko na sa inyong balikat ang lahat ng paggawa, pasanin at alalahaning nauukol sa Simbahan at kahariang ito ng Diyos, at inuutusan ko kayo ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na inyong pasanin at isulong ang Simbahan at kahariang ito ng Diyos sa langit at sa lupa, at sa harap ng Diyos, ng mga anghel at ng mga tao; dahil kung hundi ay susumpain kayo.’

At ang Espiritung pumuspos sa silid nang sandaling iyon ay nagalab sa aking dibdib habang inirerekord ko ang patotoong ito.24

Tinatakan ni Propetang Joseph Smith ng kanyang sariling dugo ang kanyang patotoo.

Nabuhay si Joseph Smith hanggang sa maibigay niya ang kanyang huling habilin sa mundo, at nang maibuklod niya ang lahat ng susi, kapangyarihan at pagpapalang ito sa uluhan ni Brigham Young at sa kanyang mga kapatid; nang maitanim niya ang mga susing ito sa mundo upang hindi na sila matigatig pa kahit kailan; nang magawa na niya ito, at mailabas ang tala, ang aklat ng paghahayag, ang proklamasyon na kinapapalooban ng tadhana ng buong henerasyong ito—ng Judio, Gentil, Sion at Babilonia, ng lahat ng bansa ng mundo, ay tinatakan niya ng kanyang sariling dugo ang patotoong iyon sa Carthage Jail, kung saan sila ng kanyang kapatid na si Hyrum ay pinatay ng masasamang taong walang kinatatakutang Diyos.25

Masasabi ko na nagtaka ako noon kung bakit hinayaang mawala sa amin ang Propeta at ang kapatid niyang si Hyrum. Ngunit si Joseph Smith, sa utos ng Diyos at sa kapangyarihan at mga paghahayag ng langit, ay naorden at itinatag niya ang pundasyon ng dakilang dispensasyong ito at ng kaganapan ng panahon. Dinala siya sa daigdig at inorden para itatag ang Simbahang ito ni Cristo sa huling pagkakataon sa mundong ito, para ihanda ito sa pagparito ng Anak ng Tao. Habang iniisip ko ang kanyang pagkamatay, nakumbinsi ako na naorden siyang mamatay—upang ibuhos ang kanyang dugo bilang saksi sa dispensasyong ito.26

Si Joseph … ay totoo, tapat at magiting sa patotoo kay Jesus hanggang sa araw na siya ay mamatay.27

Ibinigay niya ang kanyang patotoo, nag-iwan ng tala nito sa publiko, at tinatakan ito ng kanyang dugo at inialay ang kanyang buhay, at ang patotoong iyon ay may bisa pa rin hanggang ngayon sa buong mundo, at mananatiling gayon hanggang sa katapusan ng panahon.28

Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o habang naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa pahina v–x.

  • Ano ang kakaiba sa pagpapakilala ni Wilford Woodruff kay Joseph Smith? (Tingnan sa mga pahina 13–15.) Ano ang itinuturo ng pangyayaring ito tungkol sa Propetang Joseph Smith?

  • Buksan sa mga pahina 15–17, at rebyuhin ang bahaging tungkol sa pagkatao ni Joseph Smith. Bakit makabubuting malaman ang pagkatao ni Joseph Smith sa pribadong buhay at sa publiko? Paano naaapektuhan ng ating pribadong pag-uugali ang ating kakayahang magturo at mamuno?

  • Ano ang natanim sa iyong isipan tungkol sa paraan ng pagkaalam ni Joseph Smith sa kaganapan ng ebanghelyo? (Tingnan sa mga pahina 16–19.)

  • Paano tumugon si Propetang Joseph sa kahirapan? (Tingnan sa pahina 19–20.) Paano tayo makikinabang mula sa kanyang halimbawa?

  • Bakit ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang mga susi ng kaharian sa Labindalawang Apostol? (Tingnan sa mga pahina 20–23.) Bakit mahalagang malaman natin na nangyari ito?

  • Rebyuhin ang mga salita ni Pangulong Woodruff tungkol sa pagkamatay ni Joseph Smith (pahina 23). Ano ang nadarama ninyo kapag iniisip ninyo ang sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum?

  • Ano ang nakintal sa iyong isipan nang mabasa mo ang mga salita ni PangulongWoodruff tungkol sa Propetang Joseph Smith?

  • Bakit mahalagang makatanggap ng patotoo tungkol sa Propetang Joseph Smith? Ano ang magagawa natin para mapalakas ang ating mga patotoo tungkol sa Propeta?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: 2 Nephi 3:6–15; D at T 5:10; 135; Joseph Smith—Kasaysayan

Mga Tala

  1. Deseret News, Enero 20, 1858, 363.

  2. Deseret News, Enero 20, 1858, 363.

  3. The Discourses of Wilford Woodruff, seleksyon ni G. Homer Durham (1946), 29–30.

  4. Testimonies of the Presidents of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (videocassette, 1986, aytem bilang 53242).

  5. The Discourses of Wilford Woodruff, 31.

  6. Deseret News, Enero 20, 1858, 363.

  7. The Discourses of Wilford Woodruff, 36.

  8. Deseret News, Disyembre 16, 1857, 324.

  9. Deseret Weekly, Oktubre 26, 1889, 560.

  10. “Revelation and Judgment,” Deseret Weekly, Agosto 25, 1894, 289.

  11. The Discourses of Wilford Woodruff, 281–82.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 20, 1873, 1.

  13. Deseret Weekly, Nobyembre 14, 1891, 658.

  14. Millennial Star, Abril 28, 1890, 258.

  15. Deseret Weekly, Agosto 30, 1890, 306.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Nobyembre 25, 1873, 1.

  17. The Discourses of Wilford Woodruff, 31.

  18. The Discourses of Wilford Woodruff, 42–43.

  19. The Discourses of Wilford Woodruff, 31–32.

  20. The Discourses of Wilford Woodruff, 36.

  21. The Discourses of Wilford Woodruff, 33.

  22. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 21, 1869, 1.

  23. The Discourses of Wilford Woodruff, 35.

  24. “An Epistle to the Members of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Millennial Star, Nobyembre 14, 1887, 722.

  25. Deseret News: Semi-Weekly, Nobyembre 25, 1873, 1.

  26. Deseret Weekly, Nobyembre 14, 1891, 658–59.

  27. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 21, 1869, 1.

  28. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

Larawan
Prophet Joseph Smith

Ganito ang sinabi ni Pangulong Woodruff tungkol sa Propetang Joseph, “Sa kanyang publiko at pribadong buhay ay taglay niya ang Espiritu ng Pinakamakapangyarihan, at makikita sa kanya ang kadakilaan ng kaluluwa na hindi ko nakita kahit kanino.”

Larawan
stained glass

Si Joseph Smith ay “ginabayan, bilang sagot sa kanyang mga panalangin, ng Ama at ng Anak.”

Larawan
Joseph Smith teaching

Naroon si Elder Wilford Woodruff nang ibigay ni Propetang Joseph Smith ang mga susi ng kaharian sa Korum ng Labindalawang Apostol.