Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Pamumuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya


Kabanata 15

Pamumuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Nagsisilakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin, na may katiyakan na palalakasin tayo ng Panginoon sa ating pagsisikap na itayo ang Kanyang kaharian sa lupa.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong Nobyembre 1834, si Wilford Woodruff ay naordenang priest sa Aaronic Priesthood at binigyan siya ng unang gawain bilang full-time na misyonero. Nakatira siya noon sa Clay County, Missouri, mula nang matapos maglingkod sa Kampo ng Sion. Bago siya magmisyon, nakipag-usap siya sa kanyang bishop, na siyang nagbigay sa kanya ng gawain. Tinanong niya ang rutang daraanan niya sa kanyang misyon. Tinanong din niya kung maglalakbay silang magkompanyon nang walang supot ng salapi o pagkain, tulad ng iniutos ng Panginoon sa mga misyonero noong panahong iyon (tingnan sa D at T 24:18; 84:78, 86). Ang maglakbay nang walang supot ng salapi o pagkain ay nangangahulugang paglalakbay nang walang dalang pera, na umaasa sa kabutihan ng mga miyembro ng Simbahan at ng iba pa sa pagbibigay ng pagkain at tirahan. Naalala kalaunan ni Pangulong Woodruff ang pag-uusap nila ng kanyang bishop:

“Mapanganib noon para sa sinuman sa ating mga kapatid ang pumunta sa Jackson County [Missouri]. Gusto niyang pumunta ako sa Arkansas, na ang kalsada ay tuluy-tuloy papasok sa Jackson County. Tinanong ko siya kung doon kami dapat dumaan (may kompanyon ako—isang elder).

“Sabi niya, ‘Kung may pananampalataya kang gawin ito, gawin mo; pero ako wala.’

“Inakala kong isa itong kakatwang sagot mula sa isang bishop.

“ ‘Okay’, sabi ko, ‘sinasabi ng Panginoon na dapat kaming maglakbay nang walang supot ng salapi o pagkain; gagawin ba namin iyon?’

“Sabi niya, ‘Iyan ang batas ng Diyos; kung may pananampalataya kang gawin ito, magagawa mo ito.’ ”1

Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, nagpunta na si Wilford Woodruff at ang kanyang kompanyon sa kanilang misyon, at naglakbay tuluy-tuloy sa Jackson County nang walang pera o pagkain. Kalaunan sinabi ni Pangulong Woodruff: “Naglagay kami ng ilang Aklat ni Mormon at ilang damit sa aming bag, itinali ang mga ito sa aming likod, at nagsimulang maglakad. Itinawid namin ang bangka sa Jackson County, at pumasok dito. May ilang pagkakataon na iniligtas kami ng Panginoon mula sa mga mandurumog.”2

Dagdag pa sa pagprotekta sa dalawang misyonero mula sa mga mandurumog ng Jackson County, pinangalagaan sila ng Panginoon sa iba pang panganib na madaraanan nila. Ikinuwento ni Pangulong Woodruff ang isa sa mga karanasang iyon. Nang malapit na silang magkompanyon sa kakahuyan, isang malaki’t itim na oso ang lumabas papalapit sa kanila. “Hindi kami takot sa kanya,” ang sabi niya, “dahil nasa gawain kami ng Panginoon at hindi namin hinamak ang propeta ng Diyos tulad ng ginawa ng apatnapu’t dalawang masasamang bata na nagsabi kay Elisha na ‘Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo,’ na siyang dahilan kaya’t nilapa sila ng mga oso [tingnan sa II Mga Hari 2:23–24]. … Nang ang layo ng oso ay walong dipa sa amin [na ang distansya ay mga 44 na yarda o 40 metro] tumingkayad siya at tiningnan kami sandali, at tapos tumakbo palayo; at nagpatuloy kami sa paglalakbay na nagagalak.”3

Madalas banggitin ni Pangulong Woodruff ang tungkol sa una niyang misyon na ito, na naaalala ang mga biyayang natanggap niya sa paglilingkod sa Panginoon nang may pananampalataya: “Hindi pa kailanman sa buhay ko, bilang isang apostol, pitumpu, o bilang isang elder, na mas napangalagaan ako ng Panginoon kaysa noong nasa tungkulin ako [ng] priest. Ang Panginoon ay nagpahayag sa akin sa pamamagitan ng mga pangitain, paghahayag, at ng Espiritu Santo, ng maraming bagay na makikita kong mangyayari.”4

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Habang narito tayo sa lupa, kailangan nating magsilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.

Ang pananampalataya ang unang alituntunin ng Ebanghelyo. Ano ang pananampalataya? Si Pablo, sa pagliham sa mga Hebreo, ay ipinaliwanag ito. Sinabi niyang “ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita,” at upang patunayan ito nagpatuloy siya sa pagkukuwento ng mga naisagawa ng iba’t ibang kalalakihan sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Mga Hebreo 11]. Itinuturing ko ang pananampalataya na isa sa mga pinakamahalagang alituntunin na inihayag ng Diyos sa tao.5

Kung tama ang pagkakaunawa natin makakakita tayo tulad ng pagkakakita ng Panginoon, at mauunawaan kung paano maisasakatuparan ang kanyang mga layunin; subalit kailangan nating magsilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.6

Kapag tayo’y sumakabilang buhay na, may malalaman tayong mahahalagang bagay. Ngayon tayo’y gumagawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Tayo’y may katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. Ang pagkabuhay na muli, ang walang hanggang paghatol, ang kahariang selestiyal, at ang malalaking biyaya na ibinigay ng Diyos sa mga banal na paghirang at endowment sa mga templo, ay pawang sa hinaharap, at ang mga ito ay matutupad, sapagkat ang mga ito ay mga walang hanggang katotohanan. Hindi natin kailanman lubos na mauunawaan habang nasa mundong ito, at may tabing, ang mangyayari sa atin sa daigdig na darating. Kapaki-pakinabang na paglingkuran ng sinumang tao ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan sa kaunting araw na ilalagi niya sa mundo.7

Mga kapatid, dapat tayong mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, na natatantong sa araw-araw ang lahat ng kapangyarihan ay taglay ng Diyos, at sa pamamagitan Niya ay nabubuhay tayo sa kapayapaan at nananagana.8

Hinihingi ng Ebanghelyo ni Cristo ang pananampalataya sa lahat ng panahon.9

Ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga gawa.

Tunay na mabuti na … marinig ang salita ng Panginoon, at tunay na magandang bagay ang maniwala rito, subalit mas maganda pa ring isagawa ito.10

Ang unang alituntunin ng Ebanghelyo ay pananampalataya. Siyempre, sasabihin ng mga tao sa daigdig, naniniwala kaming lahat kay Jesucristo. Oo, subalit may iba pang gagawin bukod sa paniniwala kay Cristo. Kailangang pagsisihan natin ang ating mga kasalanan, binyagan para sa kapatawaran ng mga ito, at tanggapin ang Espiritu Santo. Ito ang doktrinang itinuro ni Cristo at ng Kanyang mga Apostol.11

Hinihingi ang pananampalataya sa panig ng mga Banal sa pamumuhay nila ng kanilang relihiyon, sa paggawa ng kanilang tungkulin, paglakad nang matwid sa harap ng Panginoon at pagtatatag ng Kanyang Sion sa mundo. Ngayon humihingi ito ng paggawa upang tumugma sa ating pananampalataya. … Tungkulin natin bilang mga tao na magkaisa at huwag mangapagod sa paggawa nang mabuti.12

Kailangan nating manampalataya sa pagtulong natin sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Itong kaloob at alituntunin ng pananampalataya ay mahalaga sa mga Banal sa bawat panahon ng mundo para maitatag nila ang kaharian ng Diyos at maisagawa ang gawaing iniuutos sa kanila.13

Basahin ang ikalabing-isang Kabanata sa Mga Hebreo at makikita ninyo na, sa simula ng paglikha ng daigdig, ang lahat ng bagay ay naisagawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang buong gawain ng lahat ng sinaunang patriarch at propeta ay naisagawa sa paggamit ng alituntuning ito; at ganoon din ito sa huling dispensasyon ng kaganapan ng panahon.14

Maging ang mga gawain ni Jesus, mula pagsilang hanggang kamatayan, bagama’t ang buong buhay Niya ay puno ng paghihirap, kapighatian, pagdurusa, pag-uusig at panunuya, ay ginawang lahat sa pamamagitan ng pananampalataya. Dahil sa kapangyarihan ng Ama, na ang gawain ay naisakatuparan Niya, kaya Siya napalakas. Lubos Siyang naniwala na Kanyang maisasagawa ang lahat ng sa Kanya’y ipinagagawa. Dahil sa alituntuning ito kung kaya’t naisakatuparan Niya ang lahat ng hinihingi at nasunod ang bawat batas, maging ang pagpapabinyag. … Ang mga apostol, sa kanilang mga gawain, ay kailangang gumawa sa gayunding alituntunin na pinagbatayan ng paggawa ng mga Banal noong una at sa huling araw,—ang alituntunin ng pananampalataya.

Si Joseph Smith ay kinailangang gumawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Totoong may nalalaman siya tungkol sa maraming dakilang bagay, tulad ng mga Banal noong una, subalit sa maraming bagay ay kailangan niyang manampalataya. Naniniwala siya na tinutupad niya ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta. Alam niyang tinawag siya ng Diyos, subalit sa pagtatayo ng Kanyang kaharian kailangang patuloy siyang gumawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Simbahan ay itinatag noong ika-6 ng Abril, 1830, na may anim na miyembro, subalit si Joseph ay nanampalataya na ang kahariang sinimulan, tulad ng butil ng binhi ng mustasa, ay magiging isang malaking simbahan at kaharian sa ibabaw ng lupa. At simula nang araw na iyon hanggang sa araw na tatakan niya ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, ang kanyang buong buhay ay tila ba paglangoy sa malalim na tubig ng pag-uusig at pagmamalupit, na dinanas niya sa mga kamay ng kanyang kapwa. Naranasan niya ang lahat ng ito at napagtiisan sa pamamagitan ng pananampalataya, at siya ay tapat at matatag sa pagpapatotoo kay Jesus hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. …

… Sa ating gawain na itatag ang Simbahan at Kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa, kailangan nating gumawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Hinihingi pa rin ito sa atin.15

Daan-daang tao ang gumagawa sa [mga templo]. Para kanino? Para sa mga buhay at patay. Bakit sila gumagawa para sa mga patay? Nakita na ba nila ang pagkabuhay na muli ng mga patay? Hindi, maliban sa pamamagitan ng pangitain o paghahayag. Gayunpaman sila’y may pananampalataya rito, at bilang patunay sa pananampalatayang iyon isinasagawa nila ang gawaing ito. Inaasam nila ang pagkabuhay na muli at walang hanggang paghuhukom, sa kahariang selestiyal at ang mga dakilang biyaya na inihayag ng Diyos para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng tao. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pananampalataya, at dahil sa kapangyarihang ito ay naisagawa nila ang dapat nilang gawin. … Sa pamamagitan ng pananampalataya ang tabernakulo [ng Salt Lake] ay naitayo, … ang mga templo ay dumami at … natipon ang mga tao mula sa mga bansa ng mundo.

Libu-libong Elder ang tinatawag, hindi galing sa mga kolehiyo, pero mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, at ipinadala sa daigdig para ipangaral ang Ebanghelyo nang walang pera at walang bayad. … Ang mga tao ay nakikinig sa kanila, at sa espiritu o kapangyarihan ay nahikayat sila na ang mga pagpapatototo ng mga Elder na ito ay totoo. … Ano ang naging resulta nito? Libu-libo ang naniwala sa patotoong iyon at napatunayang iyon ay totoo. Ang mga Elder na ito ay nagpagal sa pamamagitan ng pananampalataya; naglakbay sila sa pamamagitan ng pananampalataya; gumawa sila sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pananampalataya ang nagtaguyod sa kanila hanggang sa huli. Sila’y naglakbay nang walang supot ng salapi at pagkain, at sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, pinakain at dinamitan sila ng Diyos ng langit, at binuksan ang daan sa harap nila. … At maraming tao ang naniwala sa patotoo ng mga simpleng kalalakihang ito. Sila ay nagsisi ng kanilang mga kasalanan, nabinyagan para sa mga kapatawaran ng mga ito, sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo; tinanggap nila ang Espiritu Santo na iyon, at nagpapatotoo ito sa kanila ng mga katotohanan ng Ebanghelyo.16

Sa alinman at sa bawat kapanahunan ng mundo kapag tinawag o inutusan ng Diyos ang isang tao o mga tao na isagawa ang isang partikular na gawain, sila sa pamamagitan ng determinasyon at pagsisikap, at pananampalataya sa kanya, ay naisasagawa ito.17

Kapag tinupad natin ang ating mga tipan at sinunod ang mga kautusan, pinalalakas ng Panginoon ang kapangyarihan ng pananampalataya na nasa atin.

Lahat ng gawaing ginagawa natin … ay sa pamamagitan ng pananampalataya, at tayo, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay dapat pahalagahan ito at lumakas sa alituntuning ito.18

Tungkulin natin na patuloy na palakasin ang pananampalataya, nang sa gayon makatatawag tayo sa Panginoon at maririnig Niya tayo.19

Kinikilala ko na hiling ng Panginoon sa bawat lalaki at babae ng Israel, sa bawat Banal sa mga Huling Araw, na kamtan muna natin ang Espiritu Santo [at] pagkatapos ay gumawa tungo sa kaligtasan. Pagkatapos makikita ninyo na tinutupad ng mga taong ito ang kanilang mga tipan at sinusunod ang mga kautusan ng Diyos; ito ang tungkulin nating lahat, at dapat nating ipamuhay ang ating relihiyon at sundin ang mga alituntunin nito. Kapag naisagawa ito, makikita ninyong nagising ang espirituwalidad ng mga taong ito at gagawa ng mga kabutihan, at magkakaroon sila ng pananampalataya, at magkakaroon sila ng kapangyarihan. Sila’y titindig at ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay ipakikita sa pamamagitan ng mga taong ito na pinili ng Panginoon sa dispensasyong ito sa ibabaw ng lupa, at pinagkalooban niya ng Banal na Priesthood.20

Nadarama ko na pinagpala tayo ng Diyos, at dapat nating pahalagahan sa lahat ng bagay ng mundo ang mga salita ng buhay na walang hanggan na ibinigay sa atin. Hangga’t tayo’y pinapatnubayan ng Espiritu Santo, ang ating isipan, at ang ating pananampalataya ay lumalakas at lalakas pa. At gagawa tayo para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.21

Makapangyarihang Ama, palakasin po Ninyo sa amin ang kapangyarihan ng pananampalatayang ibinigay at taglay ng Inyong mga Banal. Palakasin po kami sa pamamagitan ng pag-alaala sa maluluwalhating pagliligtas noon, sa pag-alaala ng mga sagradong tipan na ginawa namin sa Inyo, nang sa gayon, kapag nagbanta ang masasama sa amin, kapag napaligiran kami ng kaguluhan, kapag kami’y nakaranas ng pang-aapi, hindi kami susuko, hindi mag-aalinlangan. Sa halip, sa lakas ng Inyong banal na pangalan ay maisakatuparan ang lahat ng Inyong mabubuting hangarin ukol sa amin, maisakatuparan ang layunin ng pagkakalikha sa amin, at maluwalhating magtagumpay. Sa pamamagitan ng Inyong biyaya, laban sa lahat ng kasalanang pumapalibot sa amin, matubos nawa kami mula sa bawat masama, at mapabilang sa kaharian ng langit kasama ng mga mananahan sa Inyong piling magpakailanman.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Ano ang pananampalataya? (Tingnan sa mga pahina 168–69; tingnan din sa Mga Hebreo 11:1, talibaba o footnote b; Alma 32:21.) Paano natin tinatanggap “ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita”? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “magsilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin”?

  • Paano nakaiimpluwensiya sa ating araw-araw na buhay ang pananampalataya kay Jesucristo? Paano naiimpluwensiyahan ng pananampalataya kay Jesucristo ang ating pag-asam sa buhay na walang hanggan? (Tingnan sa Moroni 7:41–42.)

  • Sa pag-aaral ninyo sa mga turo ni Pangulong Woodruff sa Kabanatang ito, ano ang nakikita ninyong kaugnayan ng ating pananampalataya at ng ating mga gawa? (Tingnan din sa Santiago 2:17–26.)

  • Paano ipinakita ni Wilford Woodruff ang kanyang pananampalataya nang tawagin siya sa kanyang unang full-time na misyon? (Tingnan sa mga pahina 165, 167.) Ano ang mga naranasan ninyo na kinailangan ninyong manampalataya?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pananampalataya mula sa halimbawa ni Jesucristo? mula sa halimbawa ni Propetang Joseph Smith? mula sa halimbawa ng mga misyonero at bagong miyembro ngayon? (Tingnan sa mga pahina 169–72.)

  • Sa paanong paraan biniyayaan kayo ng Panginoon sa pananampalataya ninyo sa Kanya?

  • Pansinin ang salitang kaloob sa ikalimang talata sa pahina 169. Isipin o talakayin ang kahalagahan na alalahaning ang pananampalataya ay kaloob mula sa Diyos. Ano ang kailangan nating gawin para matanggap ang kaloob na ito? (Tingnan sa mga pahina 172–73.)

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Mga Taga Roma 10:17; II Mga Taga Corinto 5:7; Helaman 15:7–8; Eter 12:2–27; Moroni 7:20–33

Mga Tala

  1. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 299–300.

  2. “Leaves from My Journal,” Millennial Star, Mayo 30, 1881, 343.

  3. “More of My First Mission,” Juvenile Instructor, Mayo 1,1867, 69.

  4. The Discourses of Wilford Woodruff, 300.

  5. Deseret Weekly, February 3, 1894, 193.

  6. Deseret News, Setyembre 26, 1860, 234.

  7. Deseret Weekly, February 3, 1894, 194.

  8. The Discourses of Wilford Woodruff, 222.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 30, 1878, 1.

  10. Deseret News, Hunyo 26, 1861, 130.

  11. Millennial Star, November 19, 1896, 739– 40.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 12, 1875, 1.

  13. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 21,1869, 1.

  14. Deseret News, Disyembre 23, 1874, 741.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 21, 1869, 1.

  16. Deseret Weekly, February 3, 1894, 193.

  17. The Discourses of Wilford Woodruff, 278.

  18. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 21, 1869, 1.

  19. Deseret News, Enero 6, 1858, 350.

  20. Deseret News, Pebrero 4, 1857, 379.

  21. Deseret News, Abril 1, 1857, 27.

  22. Mula sa panalangin sa dedikasyon ng Salt Lake Temple, sa The Discourses of Wilford Woodruff, 349.

Larawan
Christ healing a man

“Maging ang mga gawain ni Jesus, … ay ginawang lahat sa pamamagitan ng pananampalataya. Dahil sa kapangyarihan ng Ama, kung kaya ang gawain ay naisakatuparan Niya, kaya Siya naitaguyod.”

Larawan
missionaries sharing the gospel

Sinabi ni Pangulong Woodruff na ang mga misyonero ay “nagpagal sa pamamagitan ng pananampalataya; naglakbay sa pamamagitan ng pananampalataya; gumawa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pananampalataya ang nagtaguyod sa kanila.”