Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Mahahalagang Yaman sa mga Banal na Kasulatan


Kabanata 12

Mahahalagang Yaman sa mga Banal na Kasulatan

Kapag sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan ayon sa Diwa ng pagkakabigay sa mga ito, lalo nating nauunawaan ang kagustuhan ng Diyos.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Noong Marso 1, 1845, nakatanggap ng sulat si Elder Woodruff na noo’y naglilingkod bilang nangungulong awtoridad ng Simbahan sa British Isles, mula sa isang kaibigan sa Estados Unidos. Kalakip ng sulat na iyon ang isa pang sulat, kung saan idinitalye roon ng isang tao ang planong ilimbag ang Doktrina at mga Tipan sa England at kumuha roon ng karapatang-sipi para sa kanyang sarili. Ang gagawin ng taong ito ay maaaring makahadlang sa Simbahan sa pagpapalimbag ng aklat sa England. Ganito ang isinulat ni Elder Woodruff sa kanyang journal: “Walang dudang mapangahas ang gagawing ito, na isang tumiwalag o mga tumiwalag ang magpapalimbag ng mga ginawa ng Simbahan at aagawin ang kikitain nito. Sa pananaw ko awa lamang ng Diyos ang magbibigay sa akin ng dapat kong malaman sa bagay na ito. Ginugol ko ang araw sa pag-aaral ng batas upang tingnan kung ano ang maaari kong malaman tungkol sa pagkuha ng karapatang-sipi.”1 Umupa siya ng tagalimbag para mag-typeset at maglimbag ng 3,000 kopya ng aklat.2 At nang maintindihan niya ang mga batas ng Britanya tungkol sa ka rapatang sipi, kumuha siya ng karapatang-sipi sa pangalan niya noong Hunyo 7, 1845, “apatnapung-walong oras matapos makuha ang huling mga pahina mula sa mga tagalimbag.”3 Kaya naingatan niya ang legal na karapatang ilimbag ang aklat sa England.

Hindi lang ito ang unang pagkakataon na sinikap ni Wilford Woodruff na mapasakamay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga banal na kasulatan. Bago pa man nailimbag ang Doktrina at mga Tipan, kinopya niya sa pamamagitan ng pagsulat ang marami sa mga paghahayag at dinala ito sa kanyang mga paglalakbay sa misyon. Habang naglilingkod siya sa kanyang unang misyon sa England, mula Enero 1840 hanggang Abril 1841, nakipagtulungan siya kina Pangulong Brigham Young at sa iba pa sa pagpapalathala ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon sa labas ng Estados Unidos. Kalaunan ay tinulungan niya si Propetang Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois, para i-typeset ang pahayagan ng Simbahan na pinamagatang Times and Seasons. Sa pagitan ng Marso 1, 1842 at Enero 16, 1843, lumabas ang sumusunod na mga dokumento sa Times and Seasons, maraming taon bago nailathala ang mga ito sa Mahalagang Perlas: ang aklat ni Abraham; Joseph Smith—Kasaysayan; ang sulat ni Wentworth, na naglalaman ng Mga Saligan ng Pananampalataya; at bahagi ng aklat ni Moises.

Matapos tulungan ang mga Banal na mapasakamay nila ang mga banal na kasulatan, hinikayat sila ni Pangulong Woodruff na “isapuso [nila] ang mga ito.”4 Sinabi niya: “Dapat nating ipamuhay ang ating relihiyon. Dapat nating gawin mismo ang ipinangangaral natin. Dapat nating papagyamanin ang mga salita ng buhay. Dapat nating saliksikin ang mga talaan ng banal na katotohanan. Dapat nating unawain ang panahon kung kailan tayo nabubuhay. Sa ganitong paraan ko tinitingnan ang kalagayan natin ngayon. Hindi ko itinuturing ang mga paghahayag na itinala sa mga aklat na ito, tungkol sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, bilang isang bagay na lilipas nang hindi natutupad.”5

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Dapat nating pag-aralan ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, papagyamanin ito sa ating mga puso, at isabuhay ang mga ito.

Basahin ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan at ang mga talang ibinigay sa atin ng Panginoon, at papagyamanin ang mga paghahayag na ito at alamin ang ipinangako sa atin ng Panginoon. Sa ganitong paraan ay pinagyayaman natin ang isang bagay na mahalaga sa atin.6

Tungkulin natin … bilang mga Banal sa mga Huling Araw na pagnilayin, pag-isipang mabuti, basahin ang salita ng Diyos, at sikaping unawain ang ating kalagayan, katayuan, at responsibilidad sa Panginoon.7

Ang daigdig ay malayo sa Panginoon. Tayo rin mismo ay napakalayo sa Panginoon bilang mga tao. Kailangan nating lumapit sa Panginoon, at sikaping mapasaatin ang Banal na Espiritu, upang kapag binabasa natin ang mga paghahayag ng Diyos ay mabasa natin ang mga ito ayon sa Diwa ng pagkakabigay sa mga ito. Sa gayong paraan ay mauunawaan natin ang [kahulugan] ng mga ito kapag ibinigay sa mga anak ng tao.8

Ang diyablo ay nasa lupa, at wawasakin niya ang bawat taong mawawasak niya. Saliksikin ang mga banal na kasulatan na ibinigay para talaga sa atin, gayundin ang mga nakasulat sa Biblia, at pag-aralang unawain ang iniisip at ninanais ng Diyos, na magagawa natin sa pamamagitan ng pagbasa sa mga ito kapag nasa atin ang liwanag ng Banal na Espiritu, at sa gayon ay maihanda ninyo ang inyong sarili sa mga mangyayari sa buhay.9

Ang mga bagay [mga alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan] ay totoo. Dapat nating pag-aralan ang mga ito; isapuso ang mga ito, at ipamuhay.10

Itinala ng mga Propeta, Apostol, at mga Patriarch ang kanilang binigyang-inspirasyong mensahe upang magamit at mapakinabangan natin, at pananagutin tayo sa pipiliin nating paraan ng pagtanggap sa Salita ng Diyos na ipinarating sa atin.11

Ang Biblia at Aklat ni Mormon ay nagkakaisa sa pagpapahayag ng kabuuan ng ebanghelyo.

Hindi ako nahihiyang aminin na matibay ang paniniwala ko sa literal na katuparan ng Biblia, gayundin ang bawat pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao.… Naniniwala ako na ang mga banal na tao noong unang panahon ay nagsulat at nagsalita ayon sa patnubay ng Espiritu Santo, at ginawa nila ang sinabi nila at sinabi ang ginawa nila, at … “alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.” [Tingnan sa II Ni Pedro 1:20–21.]12

Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay itinalaga ng Makapangyarihang Diyos bilang Propeta sa huling dispensasyon at kaganapan ng panahon; na inilabas niya ang Aklat ni Mormon at isinalin ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos para sa kapakinabangan ng daigdig sa mga huling araw. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo at isang talang binigyang-inspirasyon ng langit.13

Nasa atin ang Biblia—ang tungkod ng Juda—na naglalaman ng batas ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ng mga propeta at patriarch noong unang panahon. Ipinasa-pasa ito sa nakalipas na libu-libong taon hanggang sa mapasaatin. Samantalang ang mga aklatan, tulad ng akalatan ni Alexandria … ay nawala na, ang Biblia ay iningatan para sa atin, at kailangan natin itong basahin. Ibinibigay sa atin nito ang batas ng Diyos na ibinigay sa mga tao noong unang panahon. Ngunit walang binago sa batas na iyon, kung ebanghelyo ang pag-uusapan, mula sa araw na iyon hanggang ngayon. Ang Biblia—ang Luma at ang Bagong Tipan—ay nagbibigay sa atin ng batas kung saan tayo maaaring madakila at makabalik sa piling ng Diyos at mamuhay na kasama Siya magpakailanman. Ibinibigay sa atin ang landas na tatahakin upang makabahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang tayo’y makabangon na nadaramitan ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Ibinibigay rin sa atin nito ang kasaysayan, hindi lamang ang nangyari sa mga Judio, kundi pati ang mangyayari sa hinaharap. At mayroon tayong Aklat ni Mormon—ang tungkod ng Jose sa mga kamay ng Ephraim—isinulat iyon sa kontinente [ng Amerika] ng mga Apostol at propeta. Kabilang sa mga nilalaman nito ang mga turo ni Jesucristo nang Siya’y nagpakita, matapos Siyang mabuhay na mag-uli, sa Kanyang imortal at niluwalhating katawan, at itinuro ang ebanghelyo rito. Naglalaman ng maraming dakilang alituntunin ang mga paghahayag na iyon. Ipinakikita nito sa atin ang mga huling araw ng mundo, ang sitwasyon ng dakilang Babilonia at ang paghuhukom na magaganap sa mga huling araw bago dumating ang Anak ng Tao.14

Sinabi ni Ezekiel na sa mga huling araw ang tungkod ng Jose sa mga kamay ng Ephraim ay dapat isama sa tungkod ng Juda, sa paningin ng mga bansa sa mga kamay ng Panginoon, para sa isang espesyal na layunin—ang tipunin ang sangbahayan ni Israel sa mga huling araw [tingnan sa Ezekiel 37:15–28]. Ang dalawang talaang ito ay gagamitin din sa pangangaral ng kabuuan ng walang katapusang ebanghelyo sa mga Judio at Gentil; at ang mga ito ay sasaksi sa hukuman laban sa mga henerasyon na nabuhay sa mundo nang maganap ang mga ito.15

Narito ang Biblia, ang talaan ng mga Judio, ibinigay nang may inspirasyon ng Panginoon sa pamamagitan nina Moises at mga sinaunang patriarch at propeta. Isa ba itong huwad, at gawa ng tao tulad ng sinasabi ng mga di naniniwala? Hindi, walang kapangyarihan ang sinumang taong nabuhay sa mundo na gumawa ng gayong aklat nang walang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Ganoon din sa Aklat ni Mormon—lahat ng katalinuhan ng lahat ng tao sa ilalim ng langit ay hindi makalilikha at makapaglalahad sa daigdig ng aklat tulad ng Aklat ni Mormon. Banal ang mga alituntunin nito—mula ito sa Diyos. Hindi ito kailanman manggagaling sa isipan ng isang manlilinlang, o mula sa isipan ng nobelista. Bakit? Sapagkat ang mga pangako at propesiya ng mga nilalaman nito ay natutupad sa paningin ng buong mundo.16

Naiiba ba ang nilalamang ebanghelyo ng Aklat ni Mormon sa nilalaman ng Biblia? Hindi. Ito ang kasaysayan ng mga taong nanirahan sa lupalop [ng Amerika] noong unang panahon, na nagsasabi ng pinagmulan nila at paano sila napunta rito, nagsasabi ng paki kipag-ugnayan sa kanila ng Diyos, at ng pagtatatag ng Simbahan ni Cristo sa kanila. Dinalaw sila ni Jesus matapos ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Kaya nga sinabi Niya “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor” [Juan 10:16.] … Pareho ang ebanghelyong nilalaman ng dalawang aklat. Kahit kailan iisa lang ang ebanghelyo at walang ibang ipapahayag sa pamilya ng tao.17

Ang Doktrina at mga Tipan ay ating tipan sa mga huling araw

Mayroon din tayong Aklat ng Doktrina at mga Tipan, na nasa inyong mga bahay at mababasa ninyo. Ang tinipong paghahayag na ito ay ipinasabi kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng Urim at Tummim at iba pang pamamaraan. Ang aklat na ito ay naglalaman ng ilan sa mga pinakamaluwalhati at pinakadakilang paghahayag na ibinigay ng Diyos sa tao. Ipinakikita nito sa atin kung ano ang ating hinaharap, ano ang naghihintay sa bansang ito at sa mga bansa ng mundo; at ano ang malapit nang mangyari sa mga nabubuhay sa mundo. Malinaw ang mga bagay na ito, maliwanag ang mga ito, matibay ang mga ito, at ang mga ito’y paghahayag ng Diyos, at matutupad, maniwala man o hindi ang mga tao.18

Hawak ko ngayon ang Doktrina at mga Tipan, na naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong nabubuhay pa siya. Basahin ang mga paghahayag na iyon, at mula sa simula hanggang katapusan ay nakikiisa ang mga ito sa lahat ng dispensasyon ng Diyos sa mundo.19

Para sa akin ang Doktrina at mga Tipan, na ating Tipan, ay naglalaman ng tinipong paghahayag na napakabanal at makadiyos na ibinigay sa pamilya ng tao. Tutukuyin ko lang ang “Pangitain” [sa bahagi 76], bilang isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan; saan tayo galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon. Sapagkat alam ng sinumang tao ang mga batas na sinusunod nila, at ang mga batas na sinusunod ng mga tao ang magtatakda ng kanilang magiging kalagayan; pangangalagaan sila ng mga batas na iyon at makatatanggap ng mga biyayang para sa kanila.20

Ang Doktrina at mga Tipan [ay] tinipong paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith. Nilalaman ng aklat na ito ang ilan sa mga pinakamaluwalhating paghahayag ng doktrina, ng alituntunin, ng pamamahala, ng kaharian ng Diyos at iba’t ibang kaluwalhatian, at ng maraming dakilang bagay na umaabot sa walang hanggang mga daigdig.21

Ang Mahalagang Perlas ay naglalaman ng maluwalhating mga katotohanang ipinahayag kay Propetang Joseph Smith.

Paalala: Halos sa buong buhay ni Wilford Woodruff hindi kabilang sa mga aklat ng Simbahan ang Mahalagang Perlas. Gayunman, madalas na binabasa ng mga Banal ang mga turo nito, na ang mga halaw ay unang inilathala sa ilang pahayagan ng Simbahan. Noong Oktubre 10, 1880, ang Mahalagang Perlas ay naging kasama na sa mga aklat ng Simbahan dahil sa pagkilos ng Unang Panguluhan at ng boto ng pagsang-ayon sa pangkalahatang kumperensya.

Sa sumusunod na mga halaw sa kanyang journal, ipinahayag ni Elder Woodruff ang kanyang patotoo tungkol sa aklat ni Abraham na isinalin ni Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at kalaunan ay isinama sa Mahalagang Perlas.

Pinagkalooban ng Panginoon si Joseph Smith ng kapangyarihang ihayag ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos, magsalin … ng sinaunang mga tala at hieroglyphics na singtanda nina Abraham at Adan, na nagpaalab ng aming puso habang pinagmamasdan namin ang maluwalhating katotohanang nabuksan sa amin. Ipinakita sa amin ni Joseph, ang Tagakita, ang ilang bahagi ng aklat ni Abraham, na isinulat ng sariling kamay [ni Abraham] ngunit itinago sa kaalaman ng tao sa nakalipas na apat na libong taon ngunit ngayo’y inilabas na sa liwanag sa pamamagitan ng awa ng Diyos.22

Ang mga katotohanan sa aklat ni Abraham ay tunay na nakapagpapabuti, dakila, at maluwalhati, na kabilang sa mahahalagang yamang inihayag sa atin sa mga huling araw.23

Ang mga propesiya sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin upang mapaghandaan ang mga mangyayari sa mga huling araw.

Mga kapatid, basahin natin ang mga ipinahayag ng Diyos para sa atin, at kapag binabasa natin ang mga ito, paniwalaan natin ang mga ito, at sikaping mamuhay sa paraang magiging handa tayo sa anumang pagpapalang ilalaan sa atin ng Panginoon. Ito ay upang makilala natin ang Kanyang kapangyarihan nang tulad ni Job, at hindi makakita ng mali sa Kanya dahil sa mga ibinibigay Niya sa atin. Kung hindi natin maunawaan ang mga ito ngayon, di magtatagal ay mauunawaan din natin ito.24

“Sino ako, wika ng Panginoon, na nag-uutos at hindi sinusunod? Sino ako, wika ng Panginoon, na nangako at hindi tumupad” [tingnan sa D at T 58:30–32]. … Sinasabi natin, sa tuwi-tuwina, at taun-taon, na nabubuhay tayo sa kakaibang panahon, henerasyon at dispensasyon, at ito ay totoo. Lumilipas ang panahon, taglay ang mga kaganapan nito, at tinutupad ang mga paghahayag ng Diyos, lalung-lalo na sa atin. Nabubuhay tayo sa kadiliman; ang kawalang-paniniwala at kawalang-katapatan ay laganap sa ibabaw ng mundo. … Ikinagugulat ng mga Banal sa mga Huling Araw na makita ang lawak ng kadiliman at kawalang-katapatan na laganap sa mundo. Kaya nga, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, palagay ko hinihingi sa ating dagdagan ang ating katapatan sa pamumuhay ng ating relihiyon, at sa iba’t ibang paghahayag ng Diyos na nasa Biblia, Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan.

Nakikita natin mismo, taun-taon, ang mga tanda sa langit at sa lupa, at ang katuparan ng propesiya, ngunit bilang mga tao gaano ba ang idinaragdag ng pananampalataya natin sa Diyos? Kasingtindi ba ng pag-ibayo ng kawalang-katapatan ng mundo ang pag-ibayo ng pananampalataya natin sa Diyos? Marahil hindi ako hukom, ngunit sa tingin ko hindi natin ito nauunawaan. Ang gawaing kinabibilangan natin, at ang Biblia, ang Aklat ni Mormon at ang Aklat ng Doktrina at mga Tipan ay totoo ngayon tulad din na totoo ito noong nakalipas na dalawampu, tatlumpu, o apatnapung taon.… Sinasabi ko na totoo ang gawaing ito ngayon at noon, gayundin ang kawikaang binanggit ko—“Sino ako, wika ng Panginoon, na nag-uutos at hindi sinusunod? Sino ako, wika ng Panginoon, na nangako at hindi tumupad?” Naniniwala ako na tutuparin ng Panginoon ang sinasabi Niya; Naniniwala ako na tutuparin niya ang mga ipinangako niya sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa mundo, sa Sion at sa Babilonia; at kung gagawin niya iyon ay may naghihintay sa atin, isang bagay na gagawin natin, bilang mga Banal sa mga Huling Araw.25

Nais kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw: Manampalataya sa Diyos, at manampalataya sa Kanyang mga paghahayag, at basahin at pag-isipang mabuti ang mga ito at taimtim na ipanalanging bigyan kayo ng tamang pang-unawa sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, nang kayo ay lumago sa liwanag at kaalaman ng Diyos, at makita ang kahalagahan ng pamumuhay ng inyong relihiyon at ang pamumuhay nang matwid sa harapan Niya.26

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang mga Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magbasa ng mga banal na kasulatan “ayon sa Diwa ng pagkakabigay sa mga ito”? (pahina 127).

  • Rebyuhin ang ikalawang talata sa pahina 129. Paano nagbibigay ng proteksyon ang mga banal na kasulatan laban sa impluwensya ng diyablo?

  • Sa ikatlong talata sa pahina 129, pinayuhan tayo ni Pangulong Woodruff na gawin ang tatlong bagay sa mga banal na kasulatan. Bakit mahalaga ang mga gagawing ito?

  • Bakit mahalagang pag-aralan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon? (Tingnan sa mga pahina 129–31; tingnan din sa 1 Nephi 13:40; 2 Nephi 3:12.)

  • Ano ang nadama ninyo sa patotoo ni Pangulong Woodruff tungkol sa Doktrina at mga Tipan? (Tingnan sa mga pahina 131–33.) Sa anu-anong paraan nagiging “ating Tipan” ang Doktrina at mga Tipan?

  • Sinabi ni Wilford Woodruff na ang mga katotohanan sa aklat ni Abraham ay “mahahalagang yaman” (pahina 134). Ano ang mga yamang natagpuan ninyo sa Mahalagang Perlas?

  • Paano tayo inihahanda ng mga banal na kasulatan “sa mga mangyayari sa buhay”? (Tingnan sa mga pahina 129, 134–35.)

  • Ano ang ginagawa ninyo para gawing makahulugan ang pagaaral ninyo ng banal na kasulatan? Anong mga talata sa banal na kasulatan ang lubos na nakatulong sa inyo? Paano nakatulong sa inyo ang mga talatang ito?

  • Paano matutulungan ng mga magulang, lolo’t lola, at guro ang mga bata at kabataan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsasabuhay ng mga ito?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: I Kay Timoteo 4:13–16; II Kay Timoteo 3:16; 1 Nephi 15:24; Helaman 3:29–30; Moroni 10:3–5

Mga Tala

  1. Journal of Wilford Woodruff, Marso 1, 1845, Archives of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  2. Tingnan sa Journal of Wilford Woodruff, Hunyo 7, 1845.

  3. History of the Church, 7:426; tingnan din sa Journal of Wilford Woodruff, Hunyo 7, 1845.

  4. Millennial Star, November 21, 1887, 742.

  5. Deseret News:Semi-Weekly, Hulyo 6, 1880, 1.

  6. Deseret Weekly, August 17, 1889, 226.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Setyembre 7, 1880, 1.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 6, 1880, 1.

  9. Contributor, August 1895, 639.

  10. Millennial Star, November 21, 1887, 742.

  11. Deseret Weekly, September 21, 1889, 394.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 26, 1878, 1.

  13. “Mormonism Brought Prominently before the Public,” Millennial Star, Agosto 5, 1897, 493.

  14. Deseret Weekly, April 19, 1890, 560.

  15. Deseret News:Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 20, 1873, 1.

  17. Deseret News: Semi-Weekly, Agosto 16, 1881, 1.

  18. Deseret Weekly, April 19, 1890, 560.

  19. Millennial Star, November 10, 1896, 741.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 26, 1881, 1.

  21. “The Keys of the Kingdom,” Millennial Star, September 2, 1889, 548.

  22. Journal of Wilford Woodruff, Pebrero 19, 1842.

  23. Journal of Wilford Woodruff, Marso 19, 1842.

  24. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  25. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  26. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 30, 1878, 1.

Larawan
woman studying scriptures

“Dapat nating papagyamanin ang mga salita ng buhay. Dapat nating saliksikin ang tala ng banal na katotohanan.”

Larawan
Wilford Woodruff’s signature in the Book of Commandments

Ang Aklat ng mga Kautusan, mga naunang tinipon na paghahayag kay Joseph Smith. Ang kopya na ito ng aklat ay nagtataglay ng lagda ni Wilford Woodruff.