“Pag-tag sa mga Banal na Kasulatan at sa Iba Pang mga Turo ng Ebanghelyo,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pag-tag sa mga Banal na Kasulatan at sa Iba Pang mga Turo ng Ebanghelyo
Ipaliwanag
Ipaliwanag na ang pag-tag ay isang kapaki-pakinabang na paraan para maorganisa ang mga paboritong scripture passage, mga turo mula sa mga lider ng Simbahan, at iba pang nilalaman ng Simbahan. Ang pag-tag ay nagtutulot sa atin na gumawa ng personal at customized library ng mga paksa ng ebanghelyo para madali tayong makahanap ng mga paboritong scripture passage at turo kapag kailangan natin ang mga ito. Ang paghahanap sa ating mga tag ay makatutulong sa atin kapag nag-aaral o nagbabahagi ng ebanghelyo at kapag naghahanda ng mensahe o lesson.
Ipakita
Maikling ipakita kung paano i-tag ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyanteng nakakaalam kung paano mag-tag ng mga banal na kasulatan sa Gospel Library para maipakita ang kasanayang ito sa kanilang mga kaklase sa maliliit na grupo.
Paalala: Makakakita ka ng karagdagang resources, mga tip, at video sa bahaging “Tulong” ng Gospel Library app, kabilang ang “Gospel Library User Guide (iOS)” at ang “Gospel Library User Guide (Android).”
Itanong sa mga estudyante kung paano maaaring i-tag ng isang taong gumagamit ng aklat ng mga banal na kasulatan ang mga scripture passage ayon sa paksa. Maaaring kabilang sa ilan sa mga ideyang ibinahagi nila ang mga sumusunod:
-
Pagsusulat ng mga paksa sa tabi ng mga talata
-
Pag-highlight o pagsulat ng mga reperensya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan
-
Paggamit ng isang notebook (o blangkong pahina sa kanilang banal na kasulatan) para maikategorya ang mga banal na kasulatan at mga sipi
-
Paglalagay ng maliit at may kulay na sticky notes o stickers (para kumatawan sa ilang paksa) sa gilid ng mga pahina nito
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na pag-aaralan para sa linggong ito o gamitin ang isa sa mga sumusunod na ideya upang anyayahan ang mga estudyante na praktisin ang kasanayang ito. Maaaring markahan ng mga estudyante ang mga salita, parirala, o mga katotohanang napakahalaga para sa kanila at pagkatapos ay gumawa ng tag para sa scripture passage o idagdag ang passage sa isang tag na naroon na. Maaaring ibahagi ng mga estudyante nang magkakapartner ang nagawan nila ng tag at kung paano nila ito nagawan ng tag.
Mga karagdagang ideya para mapraktis ang kasanayang ito:
-
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay hinilingan silang magbigay ng mensahe tungkol sa pagsisisi. Sabihin sa kanila na gumawa ng isang tag na tinatawag na “Pagsisisi” at magdagdag ng kahit dalawang banal na kasulatan at isang pahayag ng isang lider ng Simbahan. Maaaring hanapin ng mga estudyante ang “pagsisisi” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o sa Gospel Library.
-
Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng isang tag na tinatawag na “Mga Pangalan at mga Titulo ni Cristo.” Bigyan sila ng isang listahan ng mga scripture passage na naglalaman ng ilan sa mga pangalan at mga titulo ni Jesucristo (halimbawa, Job 19:25; Isaias 7:14; Juan 15:1; 1 Timoteo 4:10; Mga Hebreo 9:15; Apocalipsis 1:8; Mosias 3:8; at Doktrina at mga Tipan 93:8–9). Sabihin sa mga estudyante na pumili ng apat o limang passage na babasahin, at sabihin sa kanila na i-tag ang mga paborito nilang pangalan at titulo ni Jesus. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang isa sa mga pangalan o titulo na na-tag nila at ipaliwanag kung ano ang maituturo sa atin ng pangalan o titulo na iyon tungkol sa Kanya.
-
Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pinakahuling sesyon ng pangkalahatang kumperensya sa Gospel Library. Anyayahan silang pumili ng isang mensahe na interesado sila at basahin ang isang bahagi nito. Hikayatin silang i-tag ang anumang mga pahayag na nakikita nila na talagang makabuluhan. Maaari nilang ibahagi sa isang tao sa klase kung ano ang na-tag nila at kung bakit.
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng mga tag sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at sa oras ng mga talakayan sa klase. Tandaan na mag-follow-up sa mga susunod na klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng mga scripture passage at mga turo mula sa mga lider ng Simbahan na na-tag nila. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga paraan na ginamit nila ang pag-tag sa kanilang personal na pag-aaral at sa pagbabahagi o pagtuturo ng ebanghelyo. Maghanap ng mga paraan para patuloy na marebyu at magamit ang kasanayang ito sa klase.