Bagong Tipan 2023
Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5: “Sa Kordero ay ang … Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman”


“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5: ‘Sa Kordero ay ang … Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
tupang nakaupo sa damuhan

Disyembre 4–10

Apocalipsis 1–5

“Sa Kordero ay ang … Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman”

Isiping isulat ang mga tanong mo tungkol sa nabasa mo sa Apocalipsis. Pagkatapos ay maaari mong saliksikin ang mga sagot sa iyong mga tanong o talakayin ang mga ito sa isang miyembro ng pamilya o sa mga klase sa Simbahan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nahirapan ka na bang ipahayag sa iba ang nadama mo sa isang matinding espirituwal na karanasan? Maaaring hindi sapat ang pang-araw-araw na pananalita para ilarawan ang mga espirituwal na damdamin at impresyon. Ito marahil ang dahilan kaya gumamit si Juan ng saganang simbolismo at paglalarawan upang ilarawan ang kanyang kagila-gilalas na paghahayag. Maaari sana niyang sabihin na lang na nakita niya si Jesucristo, ngunit para maipaunawa sa atin ang kanyang karanasan, inilarawan niya ang Tagapagligtas gamit ang mga salitang katulad nito: “Ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy,” “mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim,” at “ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat” (Apocalipsis 1:14–16). Habang binabasa mo ang aklat ng Apocalipsis, sikaping tuklasin ang mga mensaheng gustong ipaalam at ipadama ni Juan sa iyo, kahit hindi mo nauunawaan ang kahulugan sa likod ng bawat simbolo. Bakit kaya niya naikumpara ang mga kongregasyon ng Simbahan sa mga kandelero, si Satanas sa isang dragon, at si Jesucristo sa isang kordero? Sa huli, hindi mo kailangang unawain ang bawat simbolo sa Apocalipsis para maunawaan ang mahahalagang tema nito, pati na ang pinakabantog na tema: Magwawagi si Jesucristo at ang Kanyang mga alagad laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ang pangitain ni Juan ay nagtuturo tungkol sa plano ng Ama sa Langit na iligtas ang Kanyang mga anak.

Ang aklat ng Apocalipsis ay maaaring mahirap maunawaan, ngunit huwag panghinaan ng loob. Ang pangako ni Juan ay maaaring maghikayat sa iyo na patuloy na magsikap: “Mapalad sila na bumabasa, at sila na nakikinig at nakauunawa sa mga salita ng propesiyang ito, at tumutupad sa yaong mga bagay na nasusulat doon, sapagkat ang panahon ng pagparito ng Panginoon ay nalalapit na” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 1:3 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan], idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang isang paraan para mapag-aralan ang Apocalipsis ay hanapin ang mga koneksyon sa plano ng kaligtasan. Maaaring makatulong sa iyo ang pangkalahatang buod na ito:

Habang nagbabasa ka, itanong sa iyong sarili, “Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol sa plano ng Diyos? Ano ang nagawa ng Diyos para tulungan akong madaig ang kasamaan at makabalik sa Kanya? Ano ang Kanyang mga pangako sa matatapat?”

Maaari ding makatulong na malaman na ipinaliliwanag sa Doktrina at mga Tipan 77 ang ilan sa mga simbolong ginamit sa Apocalipsis. Bukod pa rito, nililinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang ilang talata sa Apocalipsis, kaya regular na tingnan ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Tingnan din ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak ni Zebedeo,” “Paghahayag ni Juan.”

Apocalipsis 1

Si Jesucristo ang Buhay na Anak ng Diyos na Buhay.

Inilalarawan ng unang kabanata ng Apocalipsis ang pagpapakita ni Jesucristo kay Juan sa isang pangitain. Marahil ay maaari mong ilista ang lahat ng sinasabi sa kabanatang ito tungkol kay Jesucristo, pati na kung sino Siya, kung ano ang ginagawa Niya para sa atin, at ano ang hitsura Niya.

Ang ilang bagay na natututuhan mo ay magmumula sa mga simbolo. Pagnilayan kung ano ang maaaring sinisikap na ituro sa iyo ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga simbolong ito. Halimbawa, pansinin na tinatawag ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili na “ang Alpha [simula] at ang Omega [wakas]” at “ang una at ang huli.” Sa palagay mo, bakit mahalaga ang mga titulong ito? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga titulong ito tungkol sa Tagapagligtas?

Apocalipsis 2–3

Personal akong kilala ni Jesucristo at tutulungan Niya akong madaig ang aking mga hamon.

Inihahayag sa mga salita ng Tagapagligtas sa Apocalipsis 2–3 na naunawaan Niya ang mga tagumpay at pakikibaka na natatangi sa bawat sangay ng Simbahan noong panahon ni Juan. Pinuri niya ang mga pagsisikap ng mga Banal at binalaan din sila tungkol sa mga bagay na kailangan nilang baguhin. Ano ang natututuhan mo mula sa papuri at mga babala ng Tagapagligtas?

Nauunawaan din ng Tagapagligtas ang iyong mga tagumpay at pakikibaka, at nais ka Niyang tulungan. Pansinin ang madadalas na pangakong ibinibigay Niya sa mga nagtatagumpay. Ano ang hinahangaan mo sa mga pangakong ito? Ano ang maaaring nais ng Panginoon na madaig mo? Ano ang magagawa mo para matanggap ang Kanyang tulong?

Apocalipsis 4–5

Si Jesucristo lamang ang maaaring magsakatuparan ng plano ng Ama.

Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit mula sa Apocalipsis 4 at tungkol kay Jesucristo mula sa Apocalipsis 5? Isipin kung ano kaya ang pakiramdam nang matanto nating lahat na gagawing posible ni Jesucristo (ang “Kordero”) ang plano ng Ama sa Langit (maaaring “mabuksan [ng Tagapagligtas] ang aklat at ang pitong tatak nito” [Apocalipsis 5:5]). Bakit si Jesucristo lang ang maaaring gumawa nito? Paano mo maipapakita ang iyong pananampalataya sa Kanya bilang iyong Tagapagligtas?

Tingnan din sa Job 38:4–7; Doktrina at mga Tipan 77:1–7.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Apocalipsis 1:20.Bakit ikinumpara ni Jesus ang Kanyang Simbahan sa mga kandelero? (tingnan sa Mateo 5:14–16). Kumanta ng isang awitin kung paano tayo maaaring maging ilaw sa isang kandelero, tulad ng “Magliwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96).

Apocalipsis 2–3.Kunwari’y hinilingan si Juan na magbigay ng mensahe sa inyong pamilya na kagaya ng mga ibinigay niya sa mga simbahan noong panahon niya. Ano ang sasabihin niya na maayos ang kalagayan? Paano mo maaaring paghusayin ang sarili mo?

Apocalipsis 3:15–16.Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring uminom ang inyong pamilya ng anumang maligamgam na inumin na mas masarap kapag mainit o malamig. Ano ang ibig sabihin ng espirituwal na maligamgam o walang sigla?

Apocalipsis 3:20.Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na kumakatok sa pinto (tingnan sa dulo ng outline na ito) habang binabasa ng inyong pamilya ang Apocalipsis 3:20. Bakit kumakatok si Jesus sa halip na pumasok na lang? Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagkatok sa pinto. Pagkatapos ay maaaring magmungkahi ang isa pa sa pamilya ng isang paraan na maaari nating “buksan ang pinto” sa Tagapagligtas at papasukin ang kapamilya. Ano kaya ang pakiramdam ng makasama sa ating tahanan ang Tagapagligtas?

Apocalipsis 4:10–11.Ano ang ibig sabihin ng sambahin ang Ama sa Langit? Ano ang alam natin tungkol sa Kanya para gustuhin nating sambahin Siya?

Apocalipsis 5:6, 12–13.Bakit tinatawag si Jesucristo na “Kordero”? Ano ang itinuturo sa atin ng titulong ito tungkol sa Kanya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Jesus, Hamak nang Isilang,” Mga Himno, blg. 118.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng mga tanong. Ang mga tanong ay isang pahiwatig na ang mga miyembro ng pamilya ay handang matuto at magbigay ng pananaw kung paano sila tumutugon sa itinuturo sa kanila. Turuan ang inyong pamilya kung paano maghanap ng mga sagot sa mga banal na kasulatan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

Larawan
si Cristo na kumakatok sa isang pinto

Let Him In [Papasukin Siya], ni Greg K. Olsen