Bagong Tipan 2023
Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22: “Ang Magtagumpay ay Magmamana ng [Lahat ng] Bagay”


“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22: ‘Ang Magtagumpay ay Magmamana ng [Lahat ng] Bagay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Jesucristo na binabati ang mga tao sa Kanyang Ikalawang Pagparito

The City Eternal [Ang Lunsod na Walang Hanggan], ni Keith Larson

Disyembre 25–31

Apocalipsis 15–22

“Ang Magtagumpay ay Magmamana ng [Lahat ng] Bagay”

Ang pinakamalaking balakid sa pagkatuto kung minsan ay ang palagay natin na hindi natin kailangang matuto—na alam na natin. Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, maging bukas sa mga bagong kabatirang nais ibigay ng Panginoon sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Tulad ng maaalala mo, ang aklat ng Apocalipsis ay nagsisimula sa pagpapahayag ng Tagapagligtas na Siya mismo ang “pasimula at ang wakas” (Apocalipsis 1:8). Marapat naman na nagtatapos ito sa mga salita ring iyon: “Ako … ang pasimula at ang wakas” (Apocalipsis 22:13). Ngunit ano ang ibig sabihin nito? Ang pasimula at ang wakas ng ano? Ang aklat ng Apocalipsis ay mabisang nagpapatotoo na si Jesucristo ang pasimula at ang wakas ng lahat ng bagay—ng dakila at kamangha-manghang drama ng buhay at kaligtasan ng tao. Siya “[ang] Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan” (Apocalipsis 13:8). At Siya ang Hari ng mga hari na nagwawakas sa kasamaan, kalungkutan, at maging ng kamatayan mismo at nagpapasimula sa “isang bagong langit at … isang bagong lupa” (Apocalipsis 21:1).

Subalit bago dumating ang bagong langit at bagong lupang ito, marami tayong kailangang daigin: mga salot, digmaan, laganap na kasamaan—na pawang malinaw na inilalarawan sa Apocalipsis. Ngunit kasama rin natin si Jesucristo sa bahaging ito. Siya ang “maningning na tala sa umaga” na nagniningning sa madilim na kalangitan bilang pangako na malapit nang magbukang-liwayway (Apocalipsis 22:16). At ito ay malapit nang dumating. Siya ay darating. Kahit inaanyayahan Niya tayong, “Lumapit kayo sa akin” (Mateo 11:28), lumalapit din Siya sa atin. “Ako’y malapit nang dumating,” pahayag Niya. At taglay ang pag-asa at pananampalatayang napadalisay sa init ng paghihirap sa mga huling araw, sumasagot tayo ng “Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus” (Apocalipsis 22:20).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Apocalipsis 16–18; 21–22

Inaanyayahan ako ng Panginoon na lisanin ang Babilonia at manahin ang “banal na lunsod.”

Matapos masaksihan ang pagkawasak at mga panganib sa mga huling araw, nakita ni Juan ang isang araw sa hinaharap na maibubuod sa pahayag ng Panginoon na “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay” (Apocalipsis 21:5). Ang isang paraan para maunawaan kung ano ang ibig sabihin niyan ay ang ikumpara ang paglalarawan ni Juan sa Babilonia, ang simbolo ng kamunduhan at kasamaan (tingnan sa Apocalipsis 16–18), sa paglalarawan niya sa bagong Jerusalem, ang simbolo ng kaluwalhatiang selestiyal sa piling ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 21–22). Maaaring makatulong sa iyo ang chart sa ibaba:

Babilonia

Bagong Jerusalem

Babilonia

Apocalipsis 16:3–6

Bagong Jerusalem

Apocalipsis 21:6; 22:1–2, 17

Babilonia

Apocalipsis 16:10; 18:23

Bagong Jerusalem

Apocalipsis 21:23–24; 22:5

Babilonia

Apocalipsis 17:1–5

Bagong Jerusalem

Apocalipsis 21:2

Babilonia

Apocalipsis 18:11, 15

Bagong Jerusalem

Apocalipsis 21:4

Babilonia

Apocalipsis 18:12–14

Bagong Jerusalem

Apocalipsis 21:18–21; 22:1–2

Anong iba pang mga pagkakaiba ang nakikita mo?

Maaari mo ring pagnilayan kung ano ang kahulugan para sa iyo ng “magsilabas” ng Babilonia (Apocalipsis 18:4). Ano ang nakikita mo sa Apocalipsis 21–22 na naghihikayat sa iyo na gawin ito?

Larawan
si Jesus na may mga tao sa liwanag sa Kanyang kanang kamay at mga tao sa kadiliman sa kanyang kaliwa

The Last Judgement [Ang Huling Paghuhukom], ni John Scott

Apocalipsis 20:12–15; 21:1–4

Lahat ng anak ng Diyos ay hahatulan mula sa aklat ng buhay.

Ipagpalagay nang nag-alok ang isang awtor na sumulat ng isang aklat tungkol sa buhay mo. Anong mga detalye o karanasan ang gugustuhin mong isama? Kung alam mo na itatala rin ang mga gagawin mo sa hinaharap, paano mo babaguhin ang takbo ng buhay mo? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Apocalipsis 20:12–15. Ano ang inaasam mong maisulat tungkol sa iyo sa aklat ng buhay? Paano mo ilalarawan ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa iyong aklat ng buhay? Sa iyong opinyon, bakit mahalaga na tinatawag itong “aklat ng buhay ng Kordero”? (Apocalipsis 21:27).

Kung hindi ka komportable sa ideya na tumayo sa harap ng Diyos para mahatulan, isiping basahin ang Apocalipsis 21:1–4. Sa pagtukoy sa mga talatang ito, sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

“Ang Araw ng Paghuhukom na iyan ay magiging araw ng awa at pagmamahal—isang araw na mapagagaling ang mga bagbag na puso, mapapalitan ng luha ng pasasalamat ang mga luha ng pagdadalamhati, at maitatama ang lahat. Oo, magkakaroon ng matinding pagdadalamhati dahil sa kasalanan. Oo, magkakaroon ng panghihinayang at maging ng paghihinagpis dahil sa ating mga pagkakamali, kahangalan, at pagmamatigas na naging dahilan para mawala sa atin ang mga oportunidad para sa mas magandang bukas.

“Ngunit tiwala ako na hindi lamang tayo masisiyahan sa kahatulan ng Diyos; tayo ay manggigilalas at mapupuspos din dahil sa Kanyang walang-katapusang biyaya, awa, kabaitan, at pagmamahal sa atin, na Kanyang mga anak” (“O Kaydakila ng Plano ng Ating Diyos!,” Liahona, Nob. 2016, 21).

Paano nakakaapekto ang mga paghahayag na ito sa pananaw mo tungkol sa Huling Paghuhukom? Ano ang nakahihikayat sa iyo sa mga katotohanang ito para baguhin ang buhay mo?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng Buhay.”

Apocalipsis 22:18–19

Ang ibig bang sabihin ng mga talatang ito ay hindi maaaring magkaroon ng anumang karagdagang banal na kasulatan maliban sa Biblia?

Tinukoy ng ilang tao ang Apocalipsis 22:18–19 bilang dahilan para tanggihan ang Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw. Maaari kang makahanap ng sagot sa pagtutol na ito sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang Aking mga Salita … ay Hindi Kailanman Magwawakas” (Liahona, Mayo 2008, 91–94).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Apocalipsis 15:2–4.Habang tinatalakay ng inyong pamilya ang mga talatang ito, na tumutukoy sa “awit ni Moises” at “awit ng Kordero,” maaari mong basahin ang awit ni Moises sa Exodo 15:1–19, pati na ang iba pang mga awiting binanggit sa mga banal na kasulatan, tulad ng Doktrina at mga Tipan 84:98–102. Bakit kaya maaaring madama ng mga taong “dumaig sa halimaw” (Apocalipsis 15:2) na kumanta ng mga awiting katulad nito? Marahil ay maaaring kumanta ang inyong pamilya ng isang himno o awit ng papuri ng mga bata.

Apocalipsis 19:7–9.Marahil ay maaari ninyong tingnan ang mga larawan ng kasal mula sa kasaysayan ng inyong pamilya o pag-usapan ang isang pagkakataon na dumalo ang inyong pamilya sa isang pagdiriwang ng kasal. Bakit magandang ikumpara ang pagsasama ng mag-asawa sa tipan ng Panginoon sa Kanyang Simbahan? (Tingnan din sa Mateo 22:1–14.)

Apocalipsis 20:2–3.Paano naipauunawa sa atin ng 1 Nephi 22:26 kung ano ang ibig sabihin ng “ginapos” si Satanas?

Apocalipsis 22:1–4.Ano kaya ang ibig sabihin ng maisulat ang pangalan ng Tagapagligtas “sa [ating] noo”? (Apocalipsis 22:4; tingnan din sa Exodo 28:36–38; Mosias 5:7–9; Alma 5:14; Moroni 4:3; Doktrina at mga Tipan 109:22; David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 97–100).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-follow-up sa mga paanyayang kumilos. “Kapag nag-follow-up ka sa isang paanyayang kumilos, ipinapakita mo sa mga [miyembro ng inyong pamilya] na nagmamalasakit ka sa kanila at inaalam mo kung paano pinagpapala ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Binibigyan mo rin sila ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang mga karanasan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas35).

Larawan
si Jesucristo na nakasakay sa kabayo pababa ng langit sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Si Cristo na nakapulang damit habang nakasakay sa isang puting kabayo.