Bagong Tipan 2023
Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas: “Ang Diyos ay Pag-ibig”


“Nobyembre 27–Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas: ‘Ang Diyos ay Pag-ibig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Nobyembre 27– Disyembre 3. 1–3 Juan; Judas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Jesucristo na nakangiti habang nakaupo na may kasamang mga batang nakangiti

Perfect Love [Sakdal na Pag-ibig], ni Del Parson

Nobyembre 27–Disyembre 3

1–3 Juan; Judas

“Ang Diyos ay Pag-ibig”

Habang binabasa mo ang mga Sulat ni Juan at ni Judas, maghangad ng inspirasyon kung paano mo maipapakita ang iyong pag-ibig sa Diyos. Itala ang mga impresyong ito at kumilos ayon dito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang isulat nina Juan at Judas ang kanilang mga sulat, nagsimula nang akayin ng masamang doktrina ang maraming Banal tungo sa apostasiya. Pinagdudahan pa ng ilang bulaang guro kung si Jesucristo ba ay talagang nagpakita “sa laman” (tingnan, halimbawa, sa 1 Juan 4:1–3; 2 Juan 1:7). Ano ang maaaring gawin ng isang lider ng Simbahan sa gayong sitwasyon? Tumugon si Apostol Juan sa pagbabahagi ng kanyang personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas: “Ito ang patotoo na aming ibinibigay tungkol sa yaong buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa [Sa]lita ng buhay” (tingnan sa 1 Juan 1:1). At pagkatapos ay nagturo si Juan tungkol sa pag-ibig: Ang pag-ibig ng Diyos para sa atin at ang pag-ibig na dapat nating taglayin para sa Kanya at sa lahat ng Kanyang anak. Tutal, saksi rin diyan si Juan. Personal na niyang naranasan ang pag-ibig ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 13:23; 20:2), at nais niyang madama rin ng mga Banal ang pag-ibig na iyon. Ang patotoo at mga turo ni Juan tungkol sa pag-ibig ay kailangan din ngayon, kapag pinagdududahan ang pananampalataya kay Jesucristo at lumalaganap ang mga maling turo. Ang pagbabasa ng mga sulat ni Juan ay makakatulong sa atin na harapin ang mga paghihirap ngayon nang may tapang, sapagkat “walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot” (1 Juan 4:18).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

1 Juan; 2 Juan

Ang Diyos ay liwanag, at ang Diyos ay pag-ibig.

Kung pipili ka ng isa o dalawang salita para ilarawan ang Diyos, ano kaya ang mga ito? Sa kanyang mga sulat, madalas gamitin ni Juan ang mga salitang “liwanag” at “pag-ibig” (tingnan, halimbawa, sa 1 Juan 1:5; 2:8–11; 3:16, 23–24; 4:7–21). Habang binabasa mo ang unang dalawang sulat ni Juan, pagnilayan ang mga karanasan ni Juan sa liwanag at pag-ibig ng Tagapagligtas. Halimbawa, isipin ang natutuhan ni Juan mula sa mga turo ni Jesus sa Juan 3:16–17; 12:35–36, 46; 15:9–14; 19:25–27. May nakikita ka bang anumang mga pagkakatulad sa pagitan ng mga turong ito at ng itinuturo sa 1 Juan tungkol sa liwanag at pag-ibig ng Diyos? Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo na ang Diyos ay liwanag at pag-ibig?

1 Juan 2–4; 2 Juan

“Kung tayo’y nag-iibigan sa isa’t isa, ang Diyos ay nananatili sa atin.”

Makikita mo rin ang mga salitang tulad ng “manatili” at “manahan” na inuulit sa buong mga sulat ni Juan. Hanapin ang mga salitang ito, lalo na habang binabasa mo ang 1 Juan 2–4 at 2 Juan. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “manatili” o “mahanan” sa Diyos at sa Kanyang doktrina? (tingnan sa 2 Juan 1:9). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “manatili” o “manahan” ang Diyos sa iyo?

1 Juan 2:243:3

Maaari akong maging katulad ni Jesucristo.

Tila napakatayog ba para sa iyo ang mithiing maging katulad ni Cristo? Isipin ang nakahihikayat na payo ni Juan: “mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala … [at] tayo’y magiging katulad niya” (1 Juan 2:28; 3:2). Ano ang nakikita mo sa 1 Juan 2:243:3 na nagbibigay sa iyo ng tiwala sa sarili at kapanatagan bilang disipulo ni Jesucristo? Habang pinag-aaralan mo ang mga sulat ni Juan, hanapin ang iba pang mga alituntunin o payo na makakatulong sa pagsisikap mong maging higit na katulad ni Cristo.

Tingnan din sa Moroni 7:48; Doktrina at mga Tipan 88:67–68; Scott D. Whiting, “Pagiging Katulad Niya,” Liahona, Nob. 2020, 12–14.

1 Juan 4:12

“[Wala pa bang] sinumang tao … [na] nakakita sa Diyos kailanman”?

Nililinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Juan 4:12 na “walang sinumang tao ang nakakita sa Diyos kailanman, maliban sa kanila na naniniwala” (sa 1 Juan 4:12; tingnan din sa Juan 6:46; 3 Juan 1:11). Nakatala sa mga banal na kasulatan ang ilang pagkakataon na nagpakita ang Diyos Ama mismo sa matatapat na tao, pati na kay Juan mismo (tingnan sa Apocalipsis 4; tingnan din sa Mga Gawa 7:55–56; 1 Nephi 1:8; Doktrina at mga Tipan 76:23; Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

1 Juan 5

Kapag ako ay sumasampalataya kay Jesucristo at isinilang na muli, madaraig ko ang mundo.

Habang binabasa mo ang 1 Juan 5, alamin kung ano ang kailangan nating gawin para madaig ang mundo at magtamo ng buhay na walang-hanggan. Ano kaya ang hitsura ng pagdaig sa mundo sa buhay mo? Maaari ka ring makakita ng mga sagot at kabatiran sa mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Pagdaig sa Sanlibutan” (Liahona, Mayo 2017, 58–62).

Judas 1

“Patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya.”

Ano ang itinuturo sa iyo ng Judas 1:10–19 tungkol sa mga taong kumakalaban sa Diyos at sa Kanyang gawain? Ano ang natututuhan mo mula sa mga talata 20–25 kung paano mapapanatiling malakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

1 Juan 2:8–11.Para matulungan ang inyong pamilya na pagnilayan ang mga turo ni Juan, magtipun-tipon sa isang madilim na silid para maranasan ng mga miyembro ng pamilya ang kaibhan ng paglakad “sa kadiliman” sa paglakad “sa liwanag.” Paano tayo lumalakad sa kadiliman at natitisod dahil sa pagkapoot? Paano naghahatid ng liwanag sa ating buhay ang pag-ibig sa isa’t isa?

1 Juan 3:21–22.Ano sa mga talatang ito ang nagpapaibayo ng “tiwala” natin sa Diyos at sa ating kakayahang tumanggap ng mga sagot sa ating mga dalangin?

Larawan
isang pamilyang sama-samang nakaluhod sa panalangin

Tinutulungan tayo ng pagsunod sa mga utos ng Diyos na madaig ang sanlibutan.

1 Juan 5:2–3.Mayroon bang anumang mga kautusan na itinuturing nating “mabigat” o mahirap sundin? Paano binabago ng ating pag-ibig sa Diyos ang nadarama natin tungkol sa Kanyang mga utos?

3 Juan 1:4.Ano ang ibig sabihin ng “[lumakad] sa katotohanan”? Maaari mong samantalahin ang pagkakataong ito na sabihin sa mga miyembro ng pamilya kung paano mo sila nakitang lumakad sa katotohanan at pag-usapan ang kagalakang hatid nito sa iyo. Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya na sumulat o gumuhit ng mga katotohanang natutuhan nila sa mga bakas ng paa sa papel at gamitin ang mga ito sa paggawa ng isang landas na sama-samang malalakaran ng inyong pamilya.

Judas 1:3–4.Mayroon bang anumang espirituwal na mga panganib na “nakapasok” sa ating buhay at pamilya? (Judas 1:4). Paano natin masusunod ang payo ni Judas na “ipaglaban ang pananampalataya” at labanan ang mga panganib na ito? (Judas 1:3). Ano ang magagawa natin upang matiyak na ang “kapayapaan at pag-ibig ay [mananagana]” sa ating pamilya? (Judas 1:2).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Kung Saan Naroon ang Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 76–77.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang pag-ibig ng Diyos. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “[Ang] ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng pag-ibig—pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa isa’t isa” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 59). Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, isiping itala ang mga katibayan ng pag-ibig ng Diyos.

Larawan
si Jesucristo habang naglalakad sa tabi ng isang lawa

Walk with Me [Lumakad na Kasama Ko], ni Greg K. Olsen