Bagong Tipan 2023
Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14: “Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero”


“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14: ‘Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
nakatayo si Jesus sa gitna ng mga bituin

Composite art ni Eric Johnson: The Grand Council [Ang Dakilang Konseho], ni Robert T. Barrett; kumpol ng mga bituin sa kagandahang-loob ng European Space Agency

Disyembre 11–17

Apocalipsis 6–14

“Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero”

Ipinayo ni Pangulong Boyd K. Packer: “Kung ang wika ng mga banal na kasulatan ay tila kakaiba sa inyo sa una, magpatuloy lang sa pagbabasa. Kalaunan ay makikita ninyo ang kagandahan at kapangyarihan na matatagpuan sa mga pahinang iyon” (“Ang Susi sa Espirituwal na Proteksyon,” Liahona, Nob. 2013, 27).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Isipin na may isang babaeng “nagdadalantao at sumisigaw sa hirap sa panganganak.” Ngayon isipin naman na may “isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay” na umaaligid sa babae, at handang “lamunin ang [kanyang] anak pagkapanganak niya” (Apocalipsis 12:2–4). Para maunawaan ang mga talatang ito sa paghahayag ni Juan, tandaan na ang mga imaheng ito ay kumakatawan sa Simbahan at sa kaharian ng Diyos at sa panganib na kakaharapin nila. Para sa mga Banal na dumanas ng matinding pag-uusig noong panahon ni Juan, mukhang hindi posibleng magtagumpay laban sa kasamaan. Ang tagumpay na ito ay maaaring mahirap ding makinita sa panahong katulad ng sa atin, kung kailan ang kaaway ay “[naki]kipagdigma sa mga banal” at may “kapangyarihan sa [lahat ng] angkan, [at] wika at bansa” (Apocalipsis 13:7). Ngunit ang katapusan ng paghahayag ni Juan ay maluwalhating nagpapakita na mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan. Babagsak ang Babilonia. At ang mga Banal ay “[manggagaling] sa malaking kapighatian” na nakadamit ng puti—hindi dahil sa hindi kailanman narumihan ang kanilang damit kundi dahil ang mga Banal ay “[nahugasan ang] kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero” (Apocalipsis 7:14).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Apocalipsis 6–11

Maraming pangyayaring nakita si Juan sa kasaysayan ng mundo, lalo na sa mga huling araw.

Sa mga kabanatang ito mababasa mo ang tungkol sa isang aklat na may pitong tatak. Kung nag-iisip ka kung ano ang kahulugan niyan, hindi ka nag-iisa. Nag-isip din si Propetang Joseph Smith. Inihayag ng Panginoon kay Joseph na ang aklat na ito at ang mga tatak nito ay kumakatawan sa kuwento ng “panandaliang pananatili [o temporal na pag-iral]” ng mundo, kung saan ang bawat tatak na kumakatawan sa isanlibong taon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:6–7). Maaaring interesado kang malaman na ang mga kaganapan sa unang apat na tatak ay ibinuod sa pangitain ni Juan sa walong talata lamang (Apocalipsis 6:1–8). Inilalarawan sa sumunod na tatlong talata ang ikalimang tatak (mga talata 9–11). Okupado ng mga kaganapan sa huling dalawang tatak ang halos lahat ng natitirang bahagi ng aklat ng Apocalipsis. Sa madaling salita, ang pangunahing tuon ng pangitain ni Juan ay ang mga huling araw—ang ating panahon. Habang nagbabasa ka, pagnilayan kung bakit mahalagang malaman ang isinulat ni Juan tungkol sa mga huling araw.

Habang binabasa mo ang mga kaganapang ipinropesiya ni Juan, isipin ang sumusunod na mga mungkahi at tanong:

Apocalipsis 12–13

Ang Digmaan sa Langit ay nagpapatuloy sa lupa.

Marami tayong hindi alam tungkol sa Digmaan sa Langit, ngunit may malinaw bagama’t maikling paglalarawan tungkol dito sa Apocalipsis 12:7–11. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, isipin na kunwari’y bahagi ka ng premortal na labanang iyon. Ano ang natututuhan mo tungkol sa kung paano nadaraig si Satanas? (tingnan sa talata 11).

Ang digmaang nagsimula sa langit ay nagpapatuloy sa lupa, habang nagpupumilit si Satanas na “digmain … ang mga may patotoo [kay Jesucristo]” (Apocalipsis 12:17). Ano ang natututuhan mo mula sa Apocalipsis 13 kung paano siya nakikipagdigmaan ngayon? Paano ka patuloy na tinutulungan ng “dugo ng Kordero” at ng “salita ng [iyong] patotoo” (Apocalipsis 12:11) sa digmaang ito?

Tingnan din sa 1 Nephi 14:12–14; Moroni 7:12–13; Moises 4:1–4; Doktrina at mga Tipan 29:36–37; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Digmaan sa Langit,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Apocalipsis 14:6–7

“Nakita ko ang isa pang anghel … na may walang hanggang ebanghelyo.”

Nangyari ang isang katuparan ng propesiya sa mga talatang ito nang magpakita si Moroni kay Joseph Smith at dalhin siya nito sa mga talaang isinalin at inilathala niya bilang Aklat ni Mormon. Ang aklat na ito ay naglalaman ng “walang hanggang ebanghelyo” na inuutusan tayong ipangaral sa “sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan” (Apocalipsis 14:6).

Para malaman ang tungkol sa iba pang mga anghel na nakibahagi sa pagpapanumbalik ng walang-hanggang ebanghelyo, tingnan ang Doktrina at mga Tipan 13; 27:5–13; 110:11–16; 128:20–21.

Tingnan din ang “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” SimbahanniJesucristo.org.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Apocalipsis 7:9, 13–15.Ano ang maituturo sa atin ng mga talatang ito kung bakit tayo nagsusuot ng puti para sa ordenansa ng binyag at ordenansa sa templo?

Apocalipsis 7:14–17.Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa mga pangako ng Panginoon sa mga talatang ito. Paano tayo matutulungan ng Kanyang mga pangako kapag tayo ay nasa “malaking kapighatian”? (talata 14).

Apocalipsis 12:7–11; 14:6.Maaaring matuwa ang ilang miyembro ng pamilya na iguhit ang mga larawan ng mga pangitaing nakalarawan sa Apocalipsis. Halimbawa, ang pagguguhit ng mga larawan batay sa Apocalipsis 12 ay maaaring humantong sa mga talakayan tungkol sa Digmaan sa Langit (tingnan sa mga talata 7–11). Ang mga larawan batay sa Apocalipsis 14:6 ay maaaring humantong sa mga talakayan tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Matapos basahin ang Apocalipsis 14:6 nang magkakasama, isiping magpakita ng mga larawan ng anghel na si Moroni at ng iba pang mga anghel na tumulong na ipanumbalik ang ebanghelyo sa ating panahon (tingnan ang mga larawan sa dulo ng outline na ito). Marahil ay maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagtataas ng isa sa mga larawan at pagbabahagi ng mga dahilan kaya sila nagpapasalamat na dumating ang mga anghel “na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa [atin].”

Apocalipsis 12:11.Ano kaya ang kahulugan ng pariralang “salita ng kanilang patotoo”? Paano nakakatulong ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo na madaig natin at ng iba si Satanas?

Apocalipsis 13:11–14.Ano ang mga naiisip ng mga miyembro ng inyong pamilya tungkol sa mandarayang hayop? Paano natin matutuklasan at maiiwasan ang mga panlilinlang na nakikita natin sa mundo ngayon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ako’y Magiging Magiting,” Aklat ng mga Awit Pambata, 85.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito” (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89). Ano ang kahulugan ng “masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos” para sa iyo?

Larawan
si Cristo na kumakatok sa isang pinto

Paikot sa kanan mula sa kaliwa sa itaas: Moroni Delivering the Golden Plates [Si Moroni na Naghahatid ng mga Gintong Lamina], ni Gary L. Kapp; Upon You My Fellow Servants [Sa Inyo na Aking mga Kapwa Tagapaglingkod], nina Linda Curley Christensen at Michael T. Malm (Ipinagkakaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kay Joseph Smith); Keys of the Kingdom [Mga Susi ng Kaharian], nina Linda Curley Christensen at Michael T. Malm (Ipinagkakaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kay Joseph Smith; Vision in the Kirtland Temple [Pangitain sa Kirtland Temple], ni Gary E. Smith (Nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph Smith at Sidney Rigdon).