Doktrina at mga Tipan 2021
Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110: “Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan”


“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110: ‘Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Setyembre 27–Oktubre 3. Doktrina at mga Tipan 109–110,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
Kirtland Temple

Kirtland Temple, ni Jon McNaughton

Setyembre 27–Oktubre 3

Doktrina at mga Tipan 109–110

“Ito ay Inyong Bahay, Isang Pook ng Inyong Kabanalan”

Patungkol sa Doktrina at mga Tipan 109:24–28, sinabi ni Elder David A. Bednar, “Inaanyayahan ko kayong pag-aralan nang paulit-ulit at mapanalanging pagnilayan ang mga ipinapahiwatig ng mga banal na kasulatan na ito sa inyong buhay at sa inyong pamilya” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 99). Pag-isipan ang paanyayang ito habang ikaw ay nag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga pinto sa Kirtland Temple ay hindi pa dapat magbukas hangga’t wala pang alas-8:00 ng umaga noong Marso 27, 1836. Ngunit ang mga Banal na umasang makadalo sa serbisyo ng paglalaan ay nagsimulang pumila nang alas-7:00. Nang mabilis na napuno ng mga sabik sumamba ang mahahabang upuan at pasilyo, nagmungkahi si Joseph Smith ng isang dagdag na silid na maaaring maokupa ng mga tao. Nang mapuno iyon, nagplano na para sa pangalawang sesyon. At hindi lamang ang mga buhay ang sabik na makadalo. Maraming saksi ang nagpatotoo na nakakita sila ng mga anghel, sa loob ng templo at maging sa bubong, habang nangyayari ang paglalaan at pagkatapos niyon. Talagang tila “ang mga hukbo ng langit” ay pumarito upang “umawit at [upang] sumigaw” na kasama ng mga Banal sa mga Huling Araw (“Ang Espiritu ng Diyos,” Mga Himno, blg. 2).

Bakit may matinding pananabik—sa magkabilang panig ng tabing? Ang pangako na ang mga Banal ay “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” ay isang pangunahing dahilan kung bakit sila nagtipon sa Ohio (Doktrina at mga Tipan 38:32). At higit pang mga bagay ang ipinangako sa hinaharap. “Ito,” sabi ng Panginoon, “ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao” (Doktrina at mga Tipan 110:10). Ang panahon natin ngayon—na pinabilis ang gawain sa templo at mga ordenansa upang matanggap ng milyun-milyong nabubuhay at mga patay—ay nagsimula sa Kirtland, nang “ang tabing sa mundo’y nahahawing unti-unti” (“Ang Espiritu ng Diyos”).

Tingnan din sa Mga Banal, 1:266–276; “A House for Our God,” Revelations in Context, 169–72.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 109

Nais ng Panginoon na basbasan ako sa Kanyang banal na bahay.

Sa ilang paraan, ang Kirtland Temple ay naiiba sa mga templong alam natin ngayon. Walang mga altar at walang bautismuhan noon, at ang mga ordenansang tulad ng binyag para sa mga patay at pagbubuklod ay hindi pa naipanunumbalik. Ngunit ang mga pagpapalang inilarawan sa bahagi 109, na panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple, ay ang mga pagpapalang natatanggap natin sa bahay ng Panginoon ngayon. Rebyuhin ang sumusunod na mga talata upang makita ang ilan sa mga pagpapalang ito. Habang binabasa ang tungkol sa mga ito, pag-isipang mabuti kung bakit mahalaga ang mga ito sa iyo at sa iyong pamilya.

Mga talata 5, 12–13 (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:6–8): Sa loob ng templo ay maipapakita ng Panginoon sa atin ang Kanyang sarili at madarama natin ang Kanyang kapangyarihan.

Mga talata 9, 17–19, 26, 78–79: Sa loob ng templo tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng Panginoon.

Mga talata 22–23: Sa paggawa at pagtupad natin ng mga tipan sa templo, binibigyan tayo ng Panginoon ng kapangyarihan na gawin ang Kanyang gawain.

Mga talata 24–33: Kapag pumupunta tayo nang karapat-dapat sa templo, matatanggap natin ang proteksyon ng Panginoon.

Iba pang mga pagpapala:

Ano ang ipinadarama sa iyo ng Espiritu na gawin mo para matanggap ang mga pagpapalang ito?

Doktrina at mga Tipan 109

Matuturuan ako ng panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple tungkol sa panalangin.

Ang bahagi 109 ay panalangin sa paglalaan na ibinigay kay Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa section heading). Ano ang natututuhan mo tungkol sa panalangin mula sa bahaging ito? Habang binabasa mo ito, maaari mong isipin ang sarili mong mga panalangin. Anong mga impresyon ang natatanggap mo na makatutulong sa iyo na mapagbuti ang pakikipag-ugnayan o pakikipag-usap mo sa Ama sa Langit? Halimbawa, ano ang ipinagdasal ng Propeta sa panalanging ito?

Doktrina at mga Tipan 110:1–10

Maipahahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili sa akin sa templo.

Ano ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:1–10? Paano Siya nagpahayag ng Kanyang Sarili sa iyo sa templo? Sa paanong paraan ka Niya tinutulungan na malaman na tinatanggap Niya ang iyong mga pagsisikap at sakripisyo?

Larawan
loob ng Kirtland Temple

Ang magkabilang dulo ng Kirtland Temple ay mayroong mga pulpito para sa mga lider ng priesthood.

Doktrina at mga Tipan 110:11–16

Ang mga susi ng priesthood na kailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos ay nasa Simbahan ngayon.

Upang maunawaan ang mga susi ng priesthood na ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple, maaari mong basahin ang mensahe ni Elder Quentin L. Cook na “Maghandang Humarap sa Diyos” (Liahona, Mayo 2018, 114–17). Inilarawan ni Elder Cook kung paano tumutugma ang mga susing ito sa gawain ng Simbahan ngayon. Maaari mo ring pag-aralan ang tungkol sa mga sinaunang propetang ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng “Moises,” “Elias,” at “Elijah” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo upang makatulong sa gawain na may kaugnayan sa mga susing ito.

Tingnan din sa “Mga Susi ng Priesthood,” Tapat sa Pananampalataya, 202–03; Henry B. Eyring, “Siya ay Nagpapatiuna sa Atin,” Liahona, Mayo 2020, 66–69.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Doktrina at mga Tipan 109.Bilang pamilya, hanapin ang ilang talata sa bahagi 109 na nagbibigay-inspirasyon sa inyo na gumugol ng mas maraming oras sa templo (halimbawa, tingnan ang mga talatang nakalista sa ilalim ng “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan”). Pag-usapan kung paano ninyo magagawa ang iminungkahi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Humanap ng paraan na regular na makipagkita sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—pagkatapos ay patuloy na gawin ito nang may kahustuhan at kagalakan” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 114). Kung ikaw o ang iyong pamilya ay hindi pa nakapunta sa templo, maaari mong bisitahin ang temples.ChurchofJesusChrist.org para tulungang ihanda ang inyong sarili na makapunta.

Doktrina at mga Tipan 109:78–80.Ang himnong “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2) ay isinulat para sa paglalaan ng Kirtland Temple—at ito ay inaawit sa bawat paglalaan ng templo simula noon. Maaari ninyong sama-samang kantahin ang himnong ito at hanapin ang mga parirala na nakadaragdag sa inyong pasasalamat para sa mga templo sa mga huling araw. Paano nauugnay ang himnong ito sa mensahe ng Doktrina at mga Tipan 109:78–80?

Maaari ninyong mahanap ang panalangin ng paglalaan sa templong pinakamalapit sa inyo sa temples.ChurchofJesusChrist.org.

Doktrina at mga Tipan 110.Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang bahagi 110 at tinitingnan ang larawan na nasa dulo ng outline na ito, anyayahan silang isipin kung ano ang madarama nila kung sila ay nakasama nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Bigyan ang inyong pamilya ng pagkakataong ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas.

Doktrina at mga Tipan 110:15.Ano ang maaaring makatulong para “ibaling ang mga puso” ng inyong mga anak sa kanilang mga ninuno? Makikita ninyo ang ilan sa mga nakatutuwang ideya sa FamilySearch.org/discovery. Maaari kayong magtulungan para matukoy ang mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo at magplanong isagawa ang mga ordenansang iyon sa templo. Maaari din ninyong pag-usapan kung paano dinaragdagan ng gawaing ipinanumbalik ni Elijah sa Kirtland Temple ang inyong pagmamahal para sa inyong mga ninuno.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Espiritu ng Diyos,” Mga Himno, blg. 2.

Larawan
icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Mga Espirituwal na Pagpapakita at ang Kirtland Temple

Larawan
paglalaan ng Kirtland Temple

Like a Fire Is Burning [Tulad ng Nag-aalab na Apoy], ni Glen S. Hopkinson

Nasa ibaba ang mga salita ng mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Kirtland Temple noong ilaan ito at sa iba pang sumunod na mga pulong. Inihambing ng marami ang kanilang mga karanasan sa naranasan ng mga sinaunang Banal nang sila ay “masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas” sa araw ng Pentecostes (Lucas 24:49; tingnan din sa Mga Gawa 2:1–4; Doktrina at mga Tipan 109:36–37).

Eliza R. Snow

“Ang mga seremonya ng paglalaang iyon ay maaaring bigkasing muli, ngunit walang salitang makapaglalarawan sa mga pagpapakita ng langit sa di-malilimutang araw na iyon. Nagpakita ang mga anghel sa ilan, habang ang lahat ng naroon ay nakadama ng kabanalan, at bawat puso ay may ‘galak na di-masayod at puspos ng kaluwalhatian.’”1

Sylvia Cutler Webb

“Isa sa aking mga pinakaunang alaala ay ang paglalaan ng Templo. Kinandong kami ng aking Itay at sinabi sa amin kung bakit kami pupunta at ano ang ibig sabihin ng ilaan ang isang bahay sa Diyos. At bagama’t lubhang napakabata ko noon, malinaw ko pang naaalala ang pangyayari. Maaalala ko pa rin ang nakalipas na maraming taon at makikita gaya ng nakita ko noon si Joseph na Propeta, na nakatayo habang nakataas tungo sa langit ang kanyang mga kamay, ang kanyang maputlang mukha, ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi nang magsalita siya sa di-malilimutang araw na iyon. Halos lahat ay tila lumuluha. Punung-puno ang bahay kaya’t karamihan sa mga bata ay kandong ng matatanda; kandong ni Itay ang kapatid kong babae, ako naman ay kandong ng aking ina. Naaalala ko pa ang mga damit na suot namin noon. Napakabata pa ng isip ko noon para lubusang maunawaan ang buong kahalagahan ng lahat ng iyon, ngunit sa paglipas ng mga panahon unti-unti ko itong naunawaan, at nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pribilehiyo na makadalo roon.”2

Oliver Cowdery

“Nang gabing iyon nakipagpulong ako sa mga pinuno ng simbahan sa bahay ng Panginoon. Ibinuhos ang Espiritu—nakita ko ang kaluwalhatian ng Diyos, tulad ng isang malaking ulap, na bumaba at nanatili sa bahay, at pinuno ito na tulad ng pag-ihip ng malakas na hangin. Nakakita rin ako ng mga dilang-apoy, na parang apoy na nanatili sa marami, … habang nagsasalita sila sa ibang mga wika at nagpropesiya.”3

Benjamin Brown

“Maraming pangitain [ang] nakita. May isang nakakita sa tila unan o ulap na nasa ibabaw ng bahay, kasing-liwanag ng pagsikat ng araw sa isang ulap na parang ginto. May dalawang iba pa na nakakita ng tatlong personahe na umaaligid sa silid na may hawak na maningning na mga susi, at may hawak din na makinang na tanikala.”4

Orson Pratt

“Naroon ang Diyos, naroon ang kanyang mga anghel, ang Espiritu Santo ay nasa gitna ng mga tao … at sila ay napuspos mula sa tuktok ng kanilang mga ulo hanggang sa talampakan ng kanilang mga paa ng kapangyarihan at inspirasyon ng Espiritu Santo.”5

Nancy Naomi Alexander Tracy

“[Nang] ang Templo ay matapos at mailaan … ang mga yaon ay dalawa sa pinakamasasayang araw sa buhay ko. Ang angkop na himno na kinatha para sa okasyon ay ‘Ang Espiritu ng Diyos ay Nag-aalab.’ Tunay nga na ang Impluwensya ng Langit ay napasa-bahay na iyon. … Naramdaman ko na iyon ay parang langit na nasa lupa.”6

Mga Tala

  1. Sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 95.

  2. Sa Karl Ricks Anderson, Joseph Smith’s Kirtland: Eyewitness Accounts (1996), 182–83.

  3. Oliver Cowdery diary, Mar. 27, 1836, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Benjamin Brown letter to his wife, Sarah, mga Abril 1836, Benjamin Brown family collection, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  5. Orson Pratt, “Remarks,” Deseret News, Ene. 12, 1876, 788.

  6. Sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, eds., Women of Faith in the Latter Days (2011), 1:442.

Larawan
Sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita sa Kirtland Temple

Moses, Elias, and Elijah Appear in the Kirtland Temple [Sina Moises, Elias, at Elijah ay Nagpakita sa Kirtland Temple], ni Gary E. Smith