“Setyembre 20–26. Doktrina at mga Tipan 106–108: ‘Upang Mabuksan ang Langit,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 20–26. Doktrina at mga Tipan 106–108,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Setyembre 20–26
Doktrina at mga Tipan 106–108
“Upang Mabuksan ang Langit”
Itinuro ni Elder Ulisses Soares, “Kailangan nating sumunod sa [Tagapagligtas], magbasa ng mga banal na kasulatan, magalak dito, matutuhan ang Kanyang doktrina, at sikaping mamuhay na katulad Niya” (“Paano Ako Makauunawa?” Liahona, Mayo 2019, 7). Habang nagtutuon ka sa Doktrina at mga Tipan 106–8, itala ang mga paraan na maipamumuhay mo ang mga katotohanang natutuklasan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa unang tingin, ang Doktrina at mga Tipan 107 ay tila tungkol lamang sa pag-oorganisa ng mga katungkulan sa priesthood para maging istruktura ng pamumuno sa Simbahan ng Panginoon. Sa katunayan, noong inilathala ang paghahayag na ito, ang pagdami ng mga miyembro ng Simbahan ay lampas na sa kakayahan ng ilang lider na nakatalaga na. Kaya ang pagbalangkas ng mga tungkulin at responsibilidad ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, Pitumpu, mga bishop, at mga quorum presidency ay tiyak na kailangan at kapaki-pakinabang. Ngunit may higit pa sa banal na tagubilin na nasa bahagi 107 kaysa kung paano lang isasaayos ang mga katungkulan sa priesthood at mga korum. Dito ay itinuturo sa atin ng Panginoon ang tungkol sa isang sinaunang orden ng priesthood na “itinatag sa mga araw ni Adan” (talata 41). Ang layunin nito sa simula pa lamang ay gawing posible para sa mga anak ng Diyos—pati na sa iyo—na tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo at matamasa ang “lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan—upang magkaroon ng pribilehiyong makatanggap ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, [at] mabuksan ang langit sa kanila” (mga talata 18–19).
Tingnan sa “Restoring the Ancient Order,” Revelations in Context, 208–12.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 106; 108
Tinatagubilinan, hinihikayat, at sinusuportahan ng Panginoon ang mga tinatawag Niyang maglingkod.
Sa Doktrina at mga Tipan 106 at 108, nagbigay ang Panginoon ng payo at mga pangako sa dalawang miyembro na tinawag na maglingkod sa Simbahan. Anong mga parirala sa mga paghahayag na ito ang nagbibigay ng panghihikayat at mga pananaw tungkol sa sarili mong paglilingkod sa kaharian ng Diyos? Narito ang dalawang ideyang isasaalang-alang:
-
Paano ka nakatanggap ng “biyaya at katiyakan” upang makayanan mong “tumayo”? (Doktrina at mga Tipan 106:8).
-
Paano ka “magiging mas maingat mula ngayon sa pagtupad sa iyong mga panata,” o mga tipan? (Doktrina at mga Tipan 108:3).
Ano ang iba pang mga parirala mula sa mga bahagi 106 at 108 ang makahulugan sa iyo?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 68–75;“Warren Cowdery,” Revelations in Context, 219–23; “‘Wrought Upon’ to Seek a Revelation,” Revelations in Context, 224–28.
Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.
Habang pinag-aaralan mo ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, siguro ay napansin mo na hindi karaniwang ipinapaliwanag ng Panginoon ang isang doktrina nang lubusan sa isang paghahayag. Sa halip, inihahayag Niya ang mga bagay na ito nang “taludtod sa taludtod” (Doktrina at mga Tipan 98:12) kapag hinihingi ng pagkakataon. Bagama’t ipinagkaloob ng Panginoon ang tagubilin tungkol sa priesthood noong 1829 (tingnan, halimbawa, ang mga bahagi 20 at 84), Siya ay nagbigay ng karagdagang tagubilin sa mga Banal noong 1835 tungkol sa partikular na mga katungkulan sa priesthood na kailangan upang pamunuan at gabayan ang Kanyang lumalaking kawan.
Habang binabasa mo ang tungkol sa sumusunod na mga katungkulan sa priesthood, pag-isipan kung paano mo masusuportahan ang mga naglilingkod sa mga tungkuling ito sa pamamagitan ng iyong “pagtitiwala, pananampalataya, at [mga] panalangin” (Doktrina at mga Tipan 107:22).
-
Ang Unang Panguluhan at ang Pangulo ng Simbahan (mga talata 9, 21–22, 65–66, 91–92)
-
Ang Labindalawang Apostol (mga talata 23–24, 33–35, 38, 58)
-
Ang Pitumpu (mga talata 25–26, 34, 93–97)
-
Mga Bishop (mga talata 13–17, 68–76, 87–88)
Doktrina at mga Tipan 107:1–20
Ang mga ordenansa ng priesthood ay nagbibigay ng espirituwal at temporal na mga pagpapala sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen: “Ang priesthood ay kapangyarihan at awtoridad na bigay ng Diyos para sa kaligtasan at pagpapala ng lahat—kalalakihan, kababaihan, at mga bata. … Kapag tayo ay karapat-dapat, pinagyayaman ng mga ordenansa ng priesthood ang ating buhay sa lupa at inihahanda tayo para sa magagandang pangako ng mundo sa hinaharap” (“Kapangyarihan sa Priesthood,” Liahona, Nob. 2013, 92). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 107:1–20 (tingnan lalo na ang mga talata 18–20) at ang natitirang bahagi ng mensahe ni Elder Andersen, isaalang-alang ang pagtatala ng mga impresyon na natatanggap mo kung paano pinagyayaman ng kapangyarihan ng Diyos ang iyong buhay at inihahanda ka para sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa mo para mas lubos na matanggap—at tulungan ang iba na matanggap—ang mga pagpapalang iyon?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:19–27; Dallin H. Oaks, “Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi,” Liahona, Mayo 2020, 69–72.
Doktrina at mga Tipan 107:41–57
Pinagpapala ng priesthood ang mga pamilya.
Gusto ni Adan na mapagpala ng priesthood ang kanyang mga inapo. Ano ang mga pangakong natanggap niya? (tingnan sa mga talata 42, 55). Habang binabasa mo kung ano ang ginawa ni Adan, isipin ang sarili mong mga naisin para sa iyong pamilya upang matamasa ang mga pagpapala ng priesthood. Ano ang nahihikayat kang gawin upang matulungan ang iyong pamilya na matanggap ang mga pagpapalang ito?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 106:6.Ano ang magagawa ng ating pamilya na magdudulot ng “kagalakan sa langit”?
-
Doktrina at mga Tipan 107:22.Ano ang ginagawa natin upang sundin ang ating mga pinuno “sa pamamagitan ng … pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin”?
-
Doktrina at mga Tipan 107:27–31, 85.Ang mga alituntunin na gumagabay sa mga kapulungan ng Simbahan ay makatutulong din sa atin na magpayuhan bilang pamilya. Anong mga alituntunin sa mga talatang ito ang magagamit natin sa ating mga family council? (Tingnan sa M. Russell Ballard, “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63–65.)
-
Doktrina at mga Tipan 107:99–100.Bigyan ang isang miyembro ng pamilya ng nakasulat na mga tagubilin para sa isang gawaing-bahay, at anyayahan siya na piliin kung paano ito gagawin: nang buong sigasig, nang buong katamaran, o nang hindi binabasa ang mga tagubilin. Hayaan ang iba pang mga kapamilya na pagmasdan siya sa paggawa ng gawain at hulaan kung aling paraan ang pinili ng miyembro ng pamilya. Pagkatapos ay hayaan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na magkaroon ng pagkakataon. Bakit nais ng Panginoon na kapwa natin matutuhan ang ating mga tungkulin at gawin ang mga ito nang buong sigasig? (Tingnan sa Becky Craven, “Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 9–11.)
-
Doktrina at mga Tipan 108:7.Paano natin mapapatibay ang isa’t isa sa ating mga pakikipag-usap? sa ating mga panalangin? sa ating mga panghihikayat? sa lahat ng ating gawain? Maaari ninyong piliin ang isa sa mga ito para gawin bilang pamilya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Tinig ng Propeta,” Mga Himno, blg. 16.
Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral
Itala ang mga impresyon. Kapag may dumarating sa iyo na mga espirituwal na impresyon o ideya, itala ang mga ito. Kapag ginagawa mo ito, ipinapakita mo sa Panginoon na pinahahalagahan mo ang Kanyang patnubay. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12, 30.)
Melchizedek Blesses Abram [Binabasbasan ni Melquisedec si Abram], ni Walter Rane