Doktrina at mga Tipan 2021
Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”


“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: ‘Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
pagtakas ng mga Banal mula sa mga mandurumog

C. A. Christensen (1831–1912), Saints Driven from Jackson County Missouri [Mga Banal na Pinalayas mula sa Jackson County Missouri], mga bandang 1878, tempera sa muslin, 77¼ x 113 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C. C. A. Christensen, 1970

Setyembre 6–12

Doktrina at mga Tipan 98–101

“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 98–101, pagtuunan ng pansin ang dumarating na mga ideya at impresyon. Paano kaya makatutulong ang pagkilos ayon sa mga ito upang ikaw ay maging ang uri ng taong nais ng Diyos na kahinatnan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Para sa mga Banal noong 1830s, ang Independence, Missouri, ang literal na lupang pangako. Ito ay “ang tampok na lugar” ng Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 57:3)—ang lungsod ng Diyos sa lupa—kung saan malaki ang ginagawa nilang sakripisyo upang maitayo. Para sa kanila, ang pagtitipon doon ng mga Banal ay isang kapana-panabik at maluwalhating paunang kaganapan sa Ikalawang Pagparito. Ngunit iba ang tingin sa bagay na ito ng mga kapitbahay nila sa lugar. Hindi sila sumasang-ayon sa sinasabing ipinagkaloob ng Diyos sa mga Banal ang lupain, at hindi sila komportable sa mga ibinunga sa pulitika, sa ekonomiya, at sa lipunan ng napakaraming tao mula sa isang hindi pamilyar na relihiyon na mabilisang lumilipat sa lugar na iyon. Hindi nagtagal ang mga pag-aalala ay nauwi sa mga pagbabanta, at ang mga pagbabanta ay nauwi sa pang-uusig at karahasan. Noong Hulyo 1833, ang palimbagan ng Simbahan ay sinira, at noong Nobyembre, ang mga Banal ay sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, Missouri.

Si Joseph Smith ay mahigit 800 milya ang layo sa Kirtland, at nakarating ang balitang ito sa kanya makalipas ang ilang linggo. Ngunit alam ng Panginoon kung ano ang nangyayari, at inihayag Niya sa Kanyang propeta ang mga alituntunin ng kapayapaan at panghihikayat na aalo sa mga Banal—mga alituntunin na maaari ding makatulong sa atin kapag nahaharap tayo sa pang-uusig, kapag ang ating mabubuting hangarin ay hindi natutupad, o kapag kailangan natin ng paalala na sa huli, ang ating mga paghihirap sa araw-araw, kahit paano, ay “magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 98:3).

Tingnan sa Mga Banal, 1:196–223.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–14; 101:1–16

Ang mga pagsubok sa buhay ko ay magkakalakip na gagawa para sa aking ikabubuti.

Ang ilan sa ating mga paghihirap sa buhay ay dulot ng sarili nating mga pagpili. Ang iba ay dulot ng mga pagpili ng iba. At kung minsan ay walang sinumang dapat sisihin—basta nangyayari lamang ang masasamang bagay. Anuman ang dahilan, ang paghihirap ay makatutulong na maisakatuparan ang mga banal na layunin. Habang binabasa mo ang sinabi ng Panginoon tungkol sa paghihirap ng mga Banal na nasa Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–14 at 101:1–16, ano ang nakikita mo na makatutulong sa iyo sa iyong mga pagsubok? Paano maiimpluwensyahan ng mga talatang ito ang pagtingin mo sa mga hamon na kinakaharap mo? Pag-isipang mabuti kung paano ang iyong mga pagsubok ay magkakalakip na gumawa para sa iyong ikabubuti at naisagawa ang mga layunin ng Diyos sa iyong buhay.

Tingnan din sa 2 Nephi 2:2; Doktrina at mga Tipan 90:24.

Doktrina at mga Tipan 98:23–48

Nais ng Panginoon na maghangad ako ng kapayapaan sa Kanyang paraan.

Bagama’t hindi lahat ng nasa Doktrina at mga Tipan 98:23–48 ay angkop sa iyong personal na pakikipag-ugnayan sa iba, anong mga alituntunin ang nakikita mo na maaaring gumabay sa iyo kapag ikaw ay nagawan ng mali ng ibang tao? Maaaring makatulong na markahan ang mga salita o pariralang naglalarawan kung paano nais ng Panginoon na harapin ng mga Banal ang kaguluhan sa Missouri.

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 77–79.

Larawan
Jesucristo

Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

Doktrina at mga Tipan 100

Pinangangalagaan ng Panginoon ang mga taong naglilingkod sa Kanya.

Ilang linggo lang matapos malaman ni Joseph ang tungkol sa mga pang-uusig sa Missouri, isang bagong binyag ang humiling sa kanya na magpunta sa Canada upang ibahagi ang ebanghelyo sa kanyang mga anak. Pumayag si Joseph, kahit nag-alala siyang lisanin ang kanyang pamilya, lalo na dahil sa pang-uusig at mga pagbabanta sa kanyang pamilya at sa Simbahan. Sa kanilang paglalakbay patungong Canada, si Joseph at ang kanyang kompanyon na si Sidney Rigdon ay nanalangin para sa kapanatagan, at ang bahagi 100 ang sagot ng Panginoon sa kanila. Ano ang nakikita mo sa sagot ng Panginoon na maaaring nakapagpanatag at nakatulong sa kanila?

Nagkaroon ka na rin siguro ng mga karanasan na kinailangan mong balansehin ang pag-aalala sa iyong mga responsibilidad sa Simbahan at pag-aalala para sa iyong pamilya. Paano ka matutulungan ng mga salita ng Panginoon sa bahagi 100 sa ganitong mga sitwasyon?

Doktrina at mga Tipan 101:43–65

Ang pagsunod sa payo ng Diyos ay tumutulong para manatili akong ligtas.

Ang talinghaga sa Doktrina at mga Tipan 101:43–62 ay ibinigay upang ipaliwanag kung bakit pinahintulutan ng Panginoon ang mga Banal na mapalayas sa Sion. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, may nakikita ka bang anumang pagkakatulad ng iyong sarili at ng mga alipin sa talinghaga? Maaari mong itanong sa iyong sarili: Pinagdududahan ko ba ang mga utos ng Diyos? Paano matutulutan ng kawalan ng pananampalataya o katapatan “ang kaaway” na magkaroon ng impluwensya sa aking buhay? Paano ko maipakikita sa Diyos na ako ay “nakahandang maakay sa tama at wastong paraan para sa [aking] kaligtasan”? (tingnan sa mga talata 63–65).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 98:16, 39–40.Ayon sa mga talatang ito, ano ang makatutulong sa atin na magkaroon ng higit na kapayapaan sa ating pamilya? Maaari mong kantahin ang isang awitin tungkol sa kapayapaan o pagpapatawad, tulad ng “Ang Katotohanan sa Atin” (Mga Himno, blg. 172). Baka gusto ng mga bata na magdula-dulaan ng pagpapatawad sa isa’t isa.

Doktrina at mga Tipan 99.Nang si John Murdock ay tinawag na lisanin ang kanyang tahanan “upang ipahayag [ang] walang-hanggang ebanghelyo” (talata 1), kababalik lamang niya mula sa mahirap at isang-taong misyon sa Missouri. Ano ang makikita natin sa bahagi 99 na maaaring nakatulong o nakahikayat kay Brother Murdock? Ano ang mensahe sa atin ng Panginoon sa pahayag na ito?

Doktrina at mga Tipan 100:16; 101:3–5, 18.Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari ninyong talakayin kung paano kailangang painiting mabuti ng panday ang bakal upang maalis ang mga dumi nito at pagkatapos ay maihubog ito sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpukpok. Maaari din kayong sama-samang matuto kung paano dinadalisay ang iba pang mga bagay, tulad ng tubig o asin. Siguro, maaari ninyong dalisayin o linisin ang isang bagay bilang isang pamilya. Bakit gusto nating maging dalisay? Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito kung paano tayo matutulungan ng ating mga pagsubok na maging “dalisay na mga tao”?

Doktrina at mga Tipan 101:22–36.Paano kaya maaaring nakatulong ang mga talatang ito sa mga Banal na nahaharap sa pang-uusig? Paano kaya matutulungan ng mga ito ang mga taong natatakot sa kalagayan ng ating mundo ngayon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang mga alituntunin. Itinuro ni Elder Richard G. Scott: “Sa paghahanap ninyo ng espirituwal na kaalaman, maghanap ng mga alituntunin. … Ang mga alituntunin ay mga makapangyarihang katotohanan, na inihahayag sa paraang maipamumuhay ang mga ito sa iba’t ibang sitwasyon” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 86).

Larawan
inuusig ng mga mandurumog ang mga Banal

Missouri Burning [Pagkasunog ng Missouri], ni Glen S. Hopkinson.