Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114: “Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”


“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114: ‘Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Oktubre 4–10. Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
nangangaral si Joseph Smith

Oktubre 4–10

Doktrina at mga Tipan 111–114

“Aking Isasaayos ang Lahat ng Bagay para sa Inyong Kabutihan”

Mapanalanging hilingin ang patnubay ng Espiritu habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 111–14, at itala ang iyong mga impresyon. Pagkatapos ay mag-isip ng mga paraan na makakikilos ka ayon sa mga impresyon na iyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nagkaroon ka na ba ng espirituwal na karanasan na nagpadama sa iyo na sigurado at matatag ka sa iyong pananampalataya—ngunit pagkatapos ay sinubukan ng mga paghihirap sa buhay ang iyong pananampalataya, at natuklasan mong nahihirapan kang madamang muli ang kapayapaang nadama mo noon? Ganito rin ang nangyari sa mga Banal sa Kirtland. Wala pang isang taon matapos ang mga espirituwal na pagbuhos na may kaugnayan sa paglalaan ng Kirtland Temple, nagkaroon ng mga problema. Isang krisis sa pananalapi, pagtatalo sa Korum ng Labindalawa, at iba pang mga pagsubok ang naging dahilan para manghina ang ilan sa kanilang pananampalataya.

Hindi natin maiiwasan ang mga pagsubok, kung gayon ano ang gagawin natin para hindi maging banta ang mga ito sa ating pananampalataya at patotoo? Siguro bahagi ng sagot dito ay matatagpuan sa payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 112, na ibinigay habang tumitindi ang mga paghihirap noon sa Kirtland. Sinabi ng Panginoon, “Padalisayin ang inyong mga puso sa harapan ko” (talata 28), “Huwag maghimagsik” (talata 15), “Bigkisan ang iyong balakang para sa gawain” (talata 7), at “Maging mapagpakumbaba ka” (talata 10). Kapag sinunod natin ang payong ito, “aakayin [tayo] sa kamay” ng Panginoon para malampasan ang paghihirap at magkaroon ng kagalingan at kapayapaan (tingnan sa mga talata 10, 13).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 111

“Isasaayos [ng Panginoon] ang lahat ng bagay para sa [aking] kabutihan.”

Pagsapit ng 1836, ang Simbahan ay nagkaroon ng malaking pagkakautang sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Habang nag-aalala si Joseph Smith at ang iba pa tungkol sa mga utang at nag-iisip ng paraan para mabayaran ang mga ito, sila ay naglakbay papuntang Salem, Massachusetts, marahil dahil nabalita na may perang iniwan sa isang inabandonang bahay doon (tingnan sa section heading ng Doktrina at mga Tipan 111). Pagkarating nila sa Salem, sinabi ng Panginoon, “Maraming kayamanang higit pa sa isa para sa inyo sa lunsod na ito” (talata 10)—mga kayamanan na kinabibilangan ng mga tao na Kanyang “titipunin sa tamang panahon para sa kapakanan ng Sion” (talata 2; tingnan din sa Exodo 19:5). Bagaman walang natagpuang pera sa Salem, ang mga bagong nabinyagan doon na naging bunga ng pagsisikap ng mga missionary kalaunan ay naging bahagi ng katuparan ng pangako ng Panginoon.

Habang binabasa mo ang bahagi 111, isipin ang mga bagay na bumabagabag sa iyo. Isipin kung paano maaaring angkop sa iyo ang salita ng Panginoon kay Joseph. Paano ka natulungan ng Panginoon sa paghahanap ng mga hindi inaasahang “kayamanan”? (talata 10). Isipin kung ano ang ginawa Niya upang “isaayos ang lahat ng bagay para sa inyong kabutihan” (talata 11). Ano ang itinuturo sa inyo ng pariralang “kung gaano ninyo kabilis makayang matanggap ang mga yaon” tungkol sa Ama sa Langit?

Tingnan din sa Mateo 6:19–21, 33.

Doktrina at mga Tipan 112:3–15

Aakayin ng Panginoon ang mga taong mapagpakumbabang hinahangad ang Kanyang kagustuhan.

Ang pagkakaisa sa Korum ng Labindalawa ay humina noong tag-init ng 1837. May mga hindi pagkakasundo tungkol sa mga responsibilidad, at ang ilang miyembro ay nagsasalita laban kay Propetang Joseph Smith. Si Thomas B. Marsh, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ay nag-alala, at dumating siya mula sa Missouri patungong Ohio, na humihingi ng payo mula sa Propeta. Natanggap ito ni Brother Marsh sa pamamagitan ng paghahayag sa bahagi 112. Paano kaya nakatulong ang payo ng Panginoon sa kanya at sa kanyang korum? Ano ang mga aral nito para sa iyo habang sinisikap mong daigin ang pagtatalo at mga hinanakit?

Higit sa lahat, maaari mong pagnilayan ang talata 10. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “[akayin] ka sa kamay” ng Panginoon? Bakit kailangan ang pagpapakumbaba para sa ganitong uri ng patnubay?

Tingnan din sa Ulisses Soares, “Maging Maamo at may Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Nob. 2013, 9–11.

Larawan
dalawang taong nagdarasal

Kung tayo ay mapagpakumbaba, gagabayan tayo ng Panginoon at sasagutin ang ating mga dasal.

Doktrina at mga Tipan 113

Si Joseph Smith ay “isang tagapaglingkod sa mga kamay ni Cristo.”

Tinawag ni Isaias ang isa sa mga inapo ni Isai o Jesse na isang “usbong” at isang “ugat” (Isaias 11:1, 10). Sa bahagi 113, ipinaliwanag ng Panginoon na ang inapong ito, na lingkod ni Cristo, ay magiging kasangkapan sa pagtitipon ng mga tao ng Panginoon sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 113:4, 6)—isang propesiya na naglalarawan nang saktong-sakto kay Propetang Joseph Smith. Paano kaya nahikayat ang mga Banal nito at ng iba pang mga katotohanan sa bahagi 113 sa panahon ng kaguluhan na nararanasan nila noon sa Kirtland? Ano ang nakikita mo sa paghahayag na ito na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na makibahagi sa gawain ng Panginoon ngayon?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesse,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; 2 Nephi 21:10–12; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 111:2, 9–11.Ang mga talatang ito ay maaaring makahikayat ng isang talakayan kung ano ang mga walang-hanggang “yaman” na pinahahalagahan ng inyong pamilya. Maaari kang gumawa ng isang treasure hunt sa paligid ng bahay sa pamamagitan ng pagtatago ng mga bagay na pinahahalagahan ng Panginoon. Habang nahahanap ng inyong pamilya ang bawat bagay, talakayin kung ano ang magagawa ninyo para ipakita na pinahahalagahan ninyo ito.

Doktrina at mga Tipan 112:10.Inilarawan ni Elder Ulisses Soares ang mga mapagpakumbabang tao sa ganitong paraan: “Ang mga mapagpakumbaba ay madaling turuan, nakikilala nila na dumedepende sila sa Diyos at hinahangad na mapailalim sa Kanyang kagustuhan. Ang mga mapagpakumbaba ay maamo at may kakayahang impluwensyahan ang iba na gawin din ang gayon” (“Maging Maamo at may Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Nob. 2013, 10). Mag-isip ng mga paraan na matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang ibig sabihin ng magpakumbaba. Maaari ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpapakumbaba, tulad ng “Magpakumbaba Ka” (Mga Himno, blg. 75), habang inaakay “sa kamay” ng isang miyembro ng pamilya ang iba pa at ginagabayan sila sa paligid ng inyong tahanan. O magbahagi ng mga karanasan nang inakay “sa kamay” ng Panginoon ang mga miyembro ng inyong pamilya at nagbigay ng “kasagutan sa [kanilang] mga panalangin.”

Doktrina at mga Tipan 112:11–14, 26.Ano ang kaibhan ng pag-alam sa pangalan ng isang tao at ng pagkilala sa kanila? Ano ang matututuhan natin mula sa mga talata 11–14 tungkol sa ibig sabihin ng makilala ang Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 112:15.Ano ang ibig sabihin ng “maghimagsik” laban sa propeta? Ano ang nakikita natin sa talatang ito na tumutulong sa atin na sang-ayunan ang propeta?

Doktrina at mga Tipan 113:7–8.Ano ang matututuhan natin mula sa talata 8 na makatutulong na “muling ibalik ang Sion” at matubos ang Israel?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Magpakumbaba Ka,” Mga Himno, blg. 75.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang iyong patotoo. “Itinuturo mo kung sino ka,” pagtuturo ni Elder Neal A. Maxwell. ‘Mas maaalala ang mga katangian mo … kaysa sa isang partikular na katotohanan sa isang partikular na lesson’” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13).

Larawan
sina Thomas B. Marsh at Joseph Smith

Itinala ni Thomas B. Marsh ang paghahayag na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ni Joseph Smith. Be Thou Humble [Magpakumbaba Ka], ni Julie Rogers.