2019
Aalis Ka Ba?
Pebrero 2019


Aalis Ka Ba?

Kung hilingin sa inyo ng Panginoon na umalis, maglilingkod ba kayo ng misyon?

Larawan
young Elder Evans

Paglalarawan ni Ben Simonsen

Ang mga taon ko sa high school at ang unang taon ko sa kolehiyo ay panahon ng Giyera sa Vietnam. Nang magsimula ako sa kolehiyo, nakipagkasundo ang Simbahan sa gobyerno ng U.S. tungkol sa bilang ng mga missionary na makapaglilingkod. Sa kasunduan, ang bawat ward ay makapagpapadala lamang ng dalawang missionary bawat taon, at ang natitirang mga kabataang lalaki ay hindi matatawag at maaaring tawaging maglingkod sa militar. Sa kabila ng kagustuhan kong magmisyon sa buong buhay ko, tila hindi ako makakaalis.

Nag-enrol ako sa University of Utah noong taglagas ng 1969. Sa katapusan ng Enero 1970, nakilala ko at sinimulan kong ideyt ang magiging asawa ko, at pagdating ng tagsibol ay nagkakaibigan na kami.

Tumawag ang Bishop

Isang mainit na hapon ng Hulyo, umuwi ako at sinabi ng aking ina, “David, tumawag si bishop. Gusto ka raw niyang makausap.”

Sumagot ako, “Marami po akong ginagawa.”

Tiningnan ako ni inay at sinabing, “Kung sobrang abala ka para makita si bishop, kunin mo ang telepono at tawagan mo siya at sabihin mo iyan sa kanya.”

Alam ko na hindi naman ako ganoon kaabala, kaya nakipagkita ako kay bishop sa kanyang opisina. Nakaupo siya sa kanyang mesa, na hindi karaniwang malinis o walang nakapatong na gamit. Agad kong naisip na ang interbyu na ito ay hindi ang inaasahan ko.

“David,” sabi niya, “mayroong isang ward na hindi makapagpapadala ng isa sa itinalagang missionary para sa kanila. Binigyan tayo ng pagkakataon na magpadala ng isang pang missionary. Bilang bishopric, nagkainspirasyon kami na itanong sa Ama sa Langit kung may isang tao na dapat umalis ngayon. Ang masasabi ko sa iyo ay ito: ngayon na ang panahon na pinaglilingkod ka ng Panginoon sa misyon.”

Nagulat ako sa sinabi niya. Akala ko na dahil sa giyera at sa nilimitahang bilang, hindi na ako kailanman makakapunta sa misyon. Humiling ako ng kaunting panahon para pag-isipan ito. Tinanong niya ako kung gaano katagal ang panahon na kailangan ko, at sinabi ko sa kanya na kailangan ko ng isang linggo.

Natapos ang aming interbyu, at lumabas ako—na gulat na gulat pa rin—papunta sa aking kotse. Nagmaneho ako sa paligid ng Salt Lake City, para mapag-isipan ko ang mga naganap sa hapong iyon.

Pagpapasiya na Maglingkod

Pagkaraan ng ilang minuto, nagmaneho ako pabalik sa simbahan, iginarahe ang kotse, at naglakad pabalik sa opisina ni bishop. Nakaupo pa rin siya roon at walang anumang bagay ang nasa mesa niya.

Tumingin ako sa kanya at nagtanong, “Bishop, ano po ang ginagawa ninyo?”

Malugod siyang sumagot, “Hinihintay kita.”

Pagkatapos ay sinabi ko, “Kung gayon Bishop, kung ngayon na ang panahon na pinaglilingkod ako ng Panginoon, siyempre po maglilingkod ako.”

Pagdating ko sa bahay, nasa kusina ang aking ina. Natakot ako na kung sasabihin ko sa kanya ang lahat ng nadama ko ay mapapaiyak ako. Kaya sa halip ay sinabi ko, “Inay, hindi ko pa po kayang magsalita tungkol dito, pero kailangan po ninyong malaman na pupunta po ako sa misyon, at malapit na akong umalis.”

Kalaunan ng hapong iyon, kinausap ko ang aking ama tungkol sa aking desisyon. Ibinigay niya sa akin ang pinakamatamis at pinaka-nakahihikayat na payo. Pagkatapos ay hinanap ko ang aking nobya (na asawa ko na ngayon) at sinabi sa kanya ang tungkol sa aking desisyon. Naglakad kami at nag-usap at umiyak at nag-usap pa. Ngunit walang pag-aalinlangan sa aming dalawa. Kung kaya kong pumunta, kailangan kong pumunta, at pupunta ako.

Natanggap ko ang pagtawag sa akin na maglingkod sa Japan sa buwan ng Agosto, at noong Oktubre 10, 1970, pumunta ako sa aking misyon.

Kapag Tinawag Ka ng Panginoon, Aalis Ka Ba?

Sa kabanata 24 ng Alma, ang kababalik-loob pa lamang na mga Anti-Nephi-Lehi ay gumawa ng pangako na hindi na muling magpapadanak ng dugo. Nang nilusob sila ng kanilang mga kaaway, handa silang mamatay kaysa balewalain ang pangakong iyon. Pagkatapos sa kabanata 27, iminungkahi ni Ammon sa hari na iwanan nila ang kanilang mga lupain at sumama sa mga Nephita, pero tumanggi ang hari, naniniwalang hindi rin sila tatanggapin ng mga Nephita (tingnan sa Alma 27:3–6). At tinanong ni Ammon ang hari: “Hahayo ako at magtatanong sa Panginoon, at kung sasabihin niya sa atin, bumaba …, maglalakbay ba kayo?” (Alma 27:7). Sumagot ang hari ng mga Anti-Nephi-Lehi: “Magtanong sa Panginoon, at kung sasabihin niya sa aming maglakbay, kami ay maglalakbay; kung hindi, kami ay masasawi sa lupain” (Alma 27:10). Nagtanong si Ammon, at inutusan sila ng Panginoon na lumisan. Nang walang pag-aatubili, lumisan ang mga Anti-Nephi-Lehi

Sa buong buhay ninyo, hihilingin sa inyo ng Panginoon na “umalis.” Kapag ginawa Niya iyon, aalis ba kayo? Gagawin ba ninyo ito kung hiniling Niya sa inyo na gawin ito? Nalaman ko sa aking sariling karanasan na ang karamihan sa mga nararanasan nating espirituwal na paglago at pagpapala sa ating buhay ay dahil sa ating desisyon na tumugon kapag tumawag ang Panginoon. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat araw ay araw ng pagpapasiya, at ang ating mga pagpapasiya ang magtatakda ng ating tadhana” (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 108).

Sa aking misyon sa Japan, nagkaroon ako ng pagkakataon na magturo ng ebanghelyo sa mga tao na natutuhan kong mahalin. Noong 1998, 26 na taon pagkatapos makumpleto ang aking misyon, tinawag ako bilang mission president sa Japan. Nasa ibang area ako sa pagkakataong ito, pero nagbalik ako sa mga taong minahal ko at nagmahal sa akin. Ang aking pamilya ay nakibahagi sa kamangha-manghang karanasang ito ng pagtatayo ng Simbahan ng Panginoon sa Japan.

Ilang taon matapos kaming makabalik ng aking asawa mula sa aming misyon, hiniling ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na makipagkita kami sa kanya. Sa pakikipagkitang iyon, inalok niya ako na maglingkod bilang General Authority. Nagbalik-tanaw siya sa aking mga karanasan bilang bata pang missionary at bilang mission president at sinabi sa amin na kahit na maraming tao ang kwalipikadong maging mga General Authority, ako ay gagamitin ng Panginoon dahil sa aking mga nagdaang karanasan at desisyon.

Mula nang ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ang tungkol sa pagbabago ng edad ng pagmimisyon, ang mga kabataan ay hinihiling na sumangguni sa kanilang mga magulang, sumangguni sa kanilang mga bishop, at sumangguni sa Panginoon sa panalangin. Kapag alam na ninyo na ito na ang panahon para umalis, kailangan niyo nang umalis. Habang kayo ay nagtitiis at nananampalataya, alam kong ipaaalam ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa inyo.

Pinatototohanan ko na kapag sinunod ninyo ang kalooban ng Panginoon, hindi masusukat ang inyong mga pagpapala.