2019
Ang Himala ng Pagiging Kabilang sa Tipan
Pebrero 2019


Ang Himala ng Pagiging Kabilang sa Tipan

Mula sa mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference, “Strengthen One Another in the Lord,” noong Mayo 4, 2018.

Ang armonya ng ating mga tipan at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maririnig sa mga himig at descant habang ang paglapit sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay tinutulungan tayo na tuparin ang ating mga tipan sa mas bago at mas banal na paraan.

Larawan
man and woman shaking hands

Sa ating buhay sa mundong ito, inaanyayahan tayo ng Panginoon na matuto at lumago sa panghabangbuhay at walang hanggang mga paraan sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanya bago ang iba pa at pagpapalakas sa bawat isa sa Kanyang pagmamahal.

Ang pagpapalakas sa bawat isa sa Panginoon at sa Kanyang pagmamahal ay nakapaloob sa una at pangalawang dakilang utos. Tulad ng itinuro ng Unang Panguluhan kamakailan lamang, “Ipinakita ng paglilingkod ng Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos: ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili’ (Mateo 22:37, 39).” Ipinagpatuloy ng liham ng Unang Panguluhan: “Sa diwa nito, itinuro rin ni Jesus na, ‘Kayo yaong aking mga piniling maglingkod sa mga taong ito’ (3 Nephi 13:25).”1

Ipinagdiriwang ng awit ng pagmamahal ng mapagtubos na pag-ibig ng ating buhay na Tagapagligtas ang pagkakaisa ng mga tipan na nag-uugnay sa atin sa Diyos at sa bawat isa; at tinutulungan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na hubarin ang likas na tao at dinggin ang mga “panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Mosias 3:19).

Ang pagkakaisa na ito ay ipinahayag sa plano ng kaligayahan, kung saan natututo at lumalago tayo sa pamamagitan ng paggamit ng ating indibiduwal na moral na karapatang pumili at kung saan hindi tayo iniwanan upang gumala-gala tayo kundi binigyan tayo ng landas ng tipan at kaloob ng Espiritu Santo. Ang Alpha at Omega (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 61:1), ang Panginoong Jesucristo ay kasama natin mula sa simula. At kasama natin Siya hanggang sa huli, kapag “papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng [ating] mga mata” (Apocalipsis 7:17), maliban na lamang ang ating mga luha ng kaligayahan.

Inuugnay tayo ng ating mga tipan sa Diyos at sa bawat isa. Sinadyang maging walang hanggan, kabilang sa ating mga tipan ang Diyos ang Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak, si Jesucristo. Ang mga walang hanggang tipan ay nakapagdadala ng kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos—upang magbigay ng pag-asa at magdagdag ng pagmamahal; upang mag-angat at magpabago; upang magpatatag at magpabanal; upang tumubos at magpadakila.

Sa paghahayag ng ating tunay at banal na mga sarili sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Diyos, natututuhan natin na kilalanin at mahalin ang ating mga kapatid na tulad ng pagmamahal Niya. Ang mas malalim na pagmamahal at karunungan ay nag-aanyaya, nagpapalakas, at nagpapabanal sa atin upang malaman at, sa ating paraan, maging mas tulad Niya.

Mga Tipan at ang Pagbabayad-sala ng Panginoon

Ang armonya ng ating mga tipan at Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maririnig sa mga himig at descant habang ang paglapit sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay tinutulungan tayo na tuparin ang ating mga tipan sa mas bago at mas banal na paraan. Magkatuwang, ang ating mga tipan at ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay maaaring hubugin ang ating mga naisin, nakikita, at nararanasan sa pang-araw-araw na mortalidad at inihahanda tayo sa paninirahan sa langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:2).

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makahahanap tayo ng pananampalataya, lakas, at tiwala na lumapit kay Cristo, nalalaman na ang kasakdalan ay nasa Kanya. Ang karunungan na ito ay nagiging daan palabas sa laging balisang treadmill ng pagiging perpekto. Maaaring may kaunting katotohanan sa kantang “Let It Go”2 kung ang ibig sabihin nito ay ang “pagpapakawala” ng ipinataw sa sarili na mga inaasahan ng mundo na hindi natatapos at kung ang ibig sabihin nito ay na “kumapit” sa inihahandog ng Panginoon na maluwalhating pag-asa at pangako mula sa Diyos.

Napansin ba ninyo na sa bawat ordenansa ay tinatawag tayo sa pangalan natin at iniuugnay tayo sa pamamagitan ng pangalan natin sa pangalan ni Jesucristo?

Ang mga ordenansa ay kapwa para sa lahat at para sa indibiduwal. Ilang taon na ang nakalipas, bilang high councilor na responsable para sa mga pagbibinyag sa stake, napansin ko na ang ordenansa ng pagbibinyag ay pare-pareho ang panlabas na kaanyuan para sa bawat tao, ngunit naiiba sa paraan na ang bawat binibinyagan ay tinatawag, paisa-isa, sa pamamagitan ng pangalan nila, at ang pangalan nila ay iniuugnay ng tipan sa “ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo” (3 Nephi 11:25).

Ang kahanga-hangang habag ay kasing unibersal at natatangi tulad ng Tagapagligtas mismo. Isang Kordero na walang bahid, ipinakita Niya ang huwaran sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag upang ganapin ang lahat ng katwiran (tingnan sa 2 Nephi 31:6). Tinatawag ito ng banal na kasulatan, at itinuturo ito ng mga missionary natin na “doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:21; tingnan din sa 3 Nephi 11:38–40). Ang doktrina ni Cristo ay kinabibilangan ng “[pagsunod] sa halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa isang taong maytaglay ng awtoridad ng priesthood ng Diyos.”3

Tumutungo tayo sa pasukan ng pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, “at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:17). Ang makipot at makitid na landas—ang landas ng tipan—ay patungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:18). Ito ay bahagi ng kung paano ang bawat isa sa atin ay pinapalakas sa Kanyang pagmamahal.

Ang ating mga tipan at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nag-uugnay rin sa ibang paraan.

Larawan
women hugging

Makabilang sa Tipan

Sa pamamagitan ng banal na tipan, tayo ay napapasa Diyos at sa bawat isa. Ang pagiging kabilang sa tipan ay isang himala. Hindi iyon pansarili lamang. Tulad ng pag-ibig sa kapwa, ito ay “mapaghinuhod at magandang loob; at “hindi nananaghili; … hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo” (I Mga Taga Corinto 13:4; tingnan din sa Moroni 7:45). Nagbibigay ugat at pakpak ang pagiging kabilang sa tipan. Ito ay nagpapalaya sa pamamagitan ng pangako. Ito ay nagpapalaki sa pamamagitan ng pagmamahal.

Sa pagiging kaisa sa tipan, napapalakas natin ang isa’t isa sa pagmamahal ng Tagapagligtas, kung kaya’t mas minamahal ang Diyos at ang isa’t isa. Nangyayari ito dahil ang pagiging kaisa sa tipan ay “hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama” (I Mga Taga Corinto 13:5). Ang pagiging kabilang sa tipan ay “hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan” (I Mga Taga Corinto 13:6). Ang pagiging kabilang sa tipan ay makikita nang harap-harapan, makikilala gaya ng pagkakilala sa atin (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:12). Ang pagiging tapat sa tipan ay pagiging matatag at hindi natitinag (tingnan sa Mosias 5:15; Alma 1:25).

Ang pagiging kabilang sa tipan ay ang pag-asa sa lahat ng bagay, pagtitiis ng maraming bagay, at pag-asang makapagtitiis sa lahat ng bagay” (tingnan sa Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 13:7; Moroni 7:45). Ang pagiging kabilang sa tipan ay ang pananatili ng pananampalataya, Ito ay ang hindi pagsuko sa ating sarili, sa bawat isa, o sa Diyos.

Ang pagiging kabilang sa tipan ay ang pakikigalak kasama ang mga nagagalak at ang pakikisaya kasama ang mga may dahilan upang magsaya, at ang pagtayo bilang mga saksi ng magiliw na awa ng Panginoon at pang-araw-araw na mga himala “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (tingnan sa Mosias 18:8–9).

Ang mapasa Diyos at sa isa’t isa sa pagiging kabilang sa tipan ay ang pagngiti sa mga lugar na hindi inaasahan habang tumitingin tayo nang may mga matang nakakakita at nakikinig nang may tainga na nakakarinig. Binabago Niya tayo at ang ating mga relasyon—kabilang ang ating tipan sa kasal—upang maging mas banal at dakila.

Sa isang klase ng relasyon sa kasal, ang isang ikinasal na estudyante ay nagtaas ng kanyang kamay at sinabi sa guro, “Pasensya na po, ngunit lagi ninyong sinasabi na mahirap ang kasal. Hindi kasal ang mahirap kundi ang buhay ang mahirap, at ang kasal, kasama ang ginhawa at hirap nito, ay maaaring maging isang biyaya kung saan may kasama tayong hinaharap ang ligaya at pagsubok ng buhay.”

Bagamat walang hanggang kasal ang nais natin, ang hindi pagiging tapat, pang-aabuso sa anumang paraan, at hindi malutas na pagkakaiba ay maaaring mangailangan ng agarang proteksyon o paghihiwalay at maaaring diborsyo. Alam natin na ang mga tipan ay nagbibigkis at walang hanggan lamang sa parehong pagpapahintulot ng mga taong may kinalaman dito at kapag kinumpirma ng maawaing pagpapahayag ng langit ng Espiritu Santo, na inilalarawan ng mga banal na kasulatan na “Banal na Espiritu ng pangako” (Doktrina at mga Tipan 88:3).

May aliw, kapayapaan, at pag-asa sa pangako ng Panginoon na ang karapat-dapat na mga indibuduwal ay matatanggap ang lahat ng ipinangakong biyaya.4 Bahagi ng Kanyang pangako na palakasin ang bawat isa sa atin sa Kanyang pagmamahal, sa paraan Niya, at sa oras Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:68).

“Ang Paraan ng Paggana ng Paglilingkod”

Noong ako ay isang bata pang bishop, isang karanasan sa ward namin ang nagturo sa akin tungkol sa pagiging kabilang sa tipan na ipinapakita sa pagpapalakas sa bawat isa sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Ang mga pamilya sa ward na sina Hans at Fay Ritter at Larry at Tina O’Connor, kasama ang kanilang kahanga-hangang mga pamilya, ay palaging naglilingkod sa iba at minamahal ng lahat.

Isang araw, hiniling sa akin ng stake president na bisitahin ang mga Ritter. Pagdating ko sa kanilang tahanan, napansin ko na nakalundo ang sahig at may isang gamit na takure.

“Ganito ang nangyari, Bishop,” sabi ni Brother Ritter. “Nagkaroon ng tagas ang aming water heater, at tumagas ang mainit na tubig sa sahig. Nagkaroon ng mga anay. Kaya lumundo ng kaunti ang sahig. Kinailangan naming patayin ang water heater, at sa takure na kami nag-iinit ng tubig.”

Pinayagan ako ng mga Ritter na pag-usapan ang kanilang sitwasyon sa ward council. Kahanga-hanga ang aming ward council. May kilala ang mga miyembro na isang tao na makakatulong sa pagkumpuni sa sahig o dingding o carpet o mga kasangkapan sa bahay o pintura. Dumating ang mga volunteer at tumulong sa hindi mabibilang na paraan. Kabilang sa kanila si Larry O’Connor, isang mahusay na karpintero na madalas ay nasa bahay ng mga Ritter.

Larawan
man fixing water heater

Naalala ng asawa ni Larry, si Tina, na si Larry at ang iba pang mga miyembro ng korum minsan ay pumupunta sa mga Ritter sa araw ng Biyernes at magdamag na mananatili roon. “Isang Sabado ng umaga, dinalhan ko sila ng almusal,” sabi niya. “Si Larry ay lumabas mula sa palikuran na may dalang mga gamit ng tubero.”

Idinagdag ni Tina na mula sa mga lalaking tulad ni Hans Ritter at iba pa ay “natuto ang aking asawa na maging isang tunay na lalaki—mabait, mapag-isip, malambing. Habang si Larry ay naglilingkod kasama ang mabubuting lalaking iyon, pati na sa nursery, naging mas mahusay siyang asawa at ama.”

Nang natapos ang bahay, lahat kami ay nagsaya.

Sina Hans at Fay Ritter ay medyo matagal nang namatay, ngunit kamakailan ay nakausap ko ang dalawa sa kanilang mga anak, sina Ben at Stephen. Naalala nila na ang tahimik na paglilingkod ng iba ay nagpanatili sa dignidad ng kanilang ama, na walang pagod na nagtrabaho upang alagaan ang kanyang pamilya.

Habang nasa isang ward activity di nagtagal matapos makumpleto ang bahay ng mga Ritter, nakatanggap ng balita sina Larry at Tina O’Connor na nasusunog ang kanilang bahay. Agad silang umuwi at nakakita ng mga basag na bintana (upang lumabas ang usok) at binutas na mga dingding (upang makita ang mga natatagong apoy).

“Nanlumo kami,” sabi ni Tina. Ngunit dumating ang ward.

“Ang lahat ay tumulong,” sabi nina Tina at Larry. “Ang buong ward ay dumating nang may pagmamahal. “Naroon kami bilang isang pamilya.”

At sino ang kabilang sa mga naunang dumating at huli na umalis nang muling itinatayo ang tahanan ng mga O’Connor? Oo, ang pamilya nina Hans at Fay Ritter.

Mapagpakumbabang nagkuwento sina Ben at Stephen ngunit inalala nila na pumunta ang kanilang pamilya upang tulungan ang mga O’Connor. “Naroon kami, magkakasama kaming lahat,” sabi nila. “Sa ganoong paraan gumagana ang paglilingkod. Inaalagaan natin ang isa’t isa, minsan sa pamamagitan ng pagtulong sa iba at minsan sa pagpayag na tulungan tayo ng ibang tao.”

Para sa akin, maaaring magkaroon ng kahanga-hanga, napakabuti, at nagkakaisang pag-uugnayan habang pinalalakas natin ang isa’t isa sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Tinulungan ng mga O’Connor ang mga Ritter, tinulungan ng mga Ritter ang mga O’Connor, habang itinatatag ang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bawat araw sa iba’t ibang paraan, ang bawat isa sa atin ay nangangailangan, at maaaring magbigay ng mapagmahal na paglilingkod at tulong sa maliliit, simple, makapangyarihan, at nakapagpapabago ng buhay na mga paraan.

Kung kaya, nararanasan natin ang dobleng himala ng mga tinapay-at-isda; una, ang isang komunidad ng mga Banal ay maaaring magsama-sama sa di makasariling pagkakaisa upang tugunan ang isang pangangailangan; at pangalawa, kasabay nito, ang pakikisama ng mga Banal ay maaaring mabigkis ng pagmamahal sa pamamagitan ng pang-araw-araw na mapagmahal na paglilingkod sa maraming tahimik na pagkakataon—tulad ng sa pamilya, branch, ward, o komunidad sa loob ng maraming taon—nang walang malaking pangangailangan.

Napalakas sa Pagmamahal ng Tagapagligtas.

Larawan
still shot from Bible videos

Ibinabalik tayo ng lahat ng ito kung saan tayo nag-umpisa—ang una at pangalawang dakilang utos at ang paanyaya na mapalakas at palakasin ang bawat isa sa pagmamahal ng Panginoon.

Makapangyarihang sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”5

Habang nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 32:3) at inuuna ang Diyos (tingnan sa Mateo 6:33), pinalalakas tayo ng Panginoon at pinagpapala ang bawat aspeto ng ating buhay. Mayroong banal na pagkakaisa at napakagandang tunog sa pagiging kabilang sa tipan habang tayo ay pinapalakas sa pagmamahal ng Panginoon at habang pinalalakas natin ang bawat isa sa Kanya.

Inuulit ng mga salita ni Apostol Pablo ang pagkakaisa ng ating mga tipan at Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo:

“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? …

“Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit

ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Mga Taga Roma 8:35, 38–39).

Ito rin ang aking taimtim na patotoo.

Pinatototohanan ko ang Diyos, na Ating Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Mas kilala Nila tayo at mas mahal tayo nang higit sa pagkakaalam at pagmamahal natin sa sarili natin. Maaari tayong magtiwala sa Panginoon nang buong puso natin, at hindi kinakailangang manalig sa ating sariling kaunawaan” (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5).

Sa 159 tahanan ng Panginoon sa 43 bansa, mapapalakas tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mga tipan at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pinagpala tayo ng awtoridad ng priesthood at patuloy na paghahayag ng mga propeta mula kay Propetang Joseph Smith hanggang sa minamahal nating si Pangulong Nelson ngayon. Ang mga pangyayari sa mga nagdaang araw ay mas kinumbinsi ako, at nakadama ako ng pagpapakumbaba, sa katotohanan ng ipinanumbalik na doktrina, mga susi, ordenansa, at mga tipan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Mesiyas.”6

Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo at lahat ng mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos.

Nawa’y ang bawat isa sa atin ay mas makilala pa ang ating Tagapagligtas at maging mas katulad Niya habang tayo ay pinapalakas sa Panginoon at habang pinapalakas natin ang bawat isa sa Kanya at sa Kanyang pagmamahal.

Mga Tala

  1. Liham ng Unang Panguluhan, Abr. 2, 2018.

  2. “Let It Go,” Frozen (2013).

  3. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 43.

  4. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.3.3.

  5. Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19.

  6. Pambungad sa Aklat ni Mormon.