2019
Palagi akong bumibigay sa parehong mga tukso. Nakapanlulumo ito. Paano ko malalampasan ang mga ito?
Pebrero 2019


Palagi akong bumibigay sa parehong mga tukso. Paano ko malalampasan ang mga ito?”

Larawan
boy taking cookies

Larawan ng isang batang lalaki mula sa Getty Images

Layuan ang Pinagmumulan ng mga Tukso

Kung nahuhumaling ka sa paggamit ng iyong phone, sikaping alisin ito o sabihin sa mga magulang mo na maglagay ng mga restriksyon dito. O kung ang mga kaibigan mo naman ang tumutukso sa iyo, humanap ng mabubuting kaibigan at sikaping mapaligiran ng mabubuting tao na tumutulong sa iyo na palaging madama ang Espiritu. Kung nasa iyo ang Espiritu at napaliligiran ka ng mabubuting kaibigan, mas magiging madali na labanan ang mga tukso. Dumarating ang tukso kaninuman, pero hangga’t napaglalabanan natin ang mga ito, magiging maayos tayo.

Kolten B., 17 taong gulang, Alberta, Canada

Manalangin nang Madalas

Isa akong convert, at malakas ang panunukso sa akin dahil mayroon akong mga nakagawian noon na hindi gawi sa Simbahan. Unti-unti kong naunawaan na ang pakikipag-usap sa Ama sa Langit ay nagpalakas sa akin at mas nagpadali para mapaglabanan ko ang lahat.

Pamela S., 19 na taong gulang, Llanquihue Province, Chile

Kontrolin ang Iyong Pag-iisip

Ang ating mga iniisip ang sanhi ng ating mga ikinikilos. Ang mga tukso, na katulad ng himig ng isang awitin na naaalala mo, ay maaaring manoot sa ating isipan. Kapag pumasok ang mga ito sa iyong isipan, sikaping alisin ang mga kaisipan na ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa iyong sarili kung paano kumilos at mag-isip. Mayroon kang kapangyarihan para gawin ito!

Taynara S., 19 na taong gulang, São Paulo, Brazil

Magpatulong sa Iba

Maging malapit sa isang tao na mahal mo, tulad ng pamilya o malalapit na kaibigan, na mayroong pamantayan na katulad ng sa iyo. Maaari itong makatulong sa iyo na lumayo sa tukso. Makibahagi sa mga aktibidad ng inyong pamilya at sa Simbahan, higit sa lahat sa gawaing misyonero at family history. Huwag makadama ng pagkabigo; ang kamay ng Panginoon ay palaging nakaunat sa mga nagnanais na magsisi.

Elder Tucay, 20 taong gulang, Ghana Cape Coast Mission

Hanapin ang Kapanatagan sa Pamamagitan ng Panalangin

Ang isang bagay na mairerekomenda ko ay ang pagdarasal tungkol dito. Alam ko na hindi kaagad dumarating ang mga sagot, pero palaging maaaring madama ang kapanatagan. Maaari mo ring mahanap ang kapanatagan sa pamamagitan ng pag-aalis sa iyong isipan ng bagay na bumabagabag sa iyo at pag-iisip ng isang bagay na nagbibigay sa iyo ng kasiyahan. Anumang paraan ang makapapanatag sa iyo, alam ko na mahahanap mo ito sa pamamagitan ni Jesucristo.

Anna P., 12 taong gulang, Utah, USA