2019
Natutuwa Ako’t Nakinig Ako
Pebrero 2019


Natutuwa Ako’t Nakinig Ako

B. Sanderson

Utah, USA

Larawan
doctor with patient

Paglalarawan ni Allen Garns

Sa gitna ng isang abalang araw sa aking neurology clinic, natambakan na ako ng mga gawain. Mabuti na lang, mabilis na natapos ang isang pasyente. Nakahinga ako nang maluwag nang tumayo ako para umalis, pero nagsimula siyang magkuwento ng isang bagay na walang kinalaman sa ikinonsulta niya. Sa kabila ng pagkainip ko, nadama ko na dapat akong umupo ulit at makinig.

Sinabi niya na kamakailan ay sumama ang pakiramdam ng kanyang maybahay. “Alam niya ang nangyayari,” sabi ng lalaki, “pero hindi niya sinabi sa akin dahil takot siyang magpunta sa ospital.”

Sa loob ng ilang araw, nakahiga lang siya sa kama. Naging lito siya at walang katuturan ang sinasabi niya. May malulubhang karamdaman ang pasyente ko mismo, at di-nagtagal parehong lumala ang kanilang kalagayan. Hindi na nila maalagaan ang isa’t isa. Nang bisitahin sila ng hipag ng pasyente ko, nag-alala ito. Tumawag ito ng dalawang ambulansya para dalhin sila sa ospital. Agad natuklasan ng mga doktor na may malalang kanser sa suso ang babae.

“Hindi ko na nakausap ulit ang asawa ko,” sabi ng lalaki.

Inatake sa puso ang asawa niya at nilagyan ng tubo. Ikinuwento ng pasyente ko na itinulak siya sa wheelchair mula sa sariling kuwarto niya sa ospital papunta sa intensive care unit para makita ang asawa niya sa huling pagkakataon. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga doktor na alisin na ang tubo.

Tumigil sa pagsasalita ang lalaki. Mukhang nasabi na niya ang lahat ng gusto niyang sabihin. Sinabi ko sa kanya na nakikiramay ako. Kinamayan niya ako at umalis na. Natutuwa ako na umupo ako ulit para makinig. Natutuwa ako na hindi ako umalis nang binalak kong umalis! Ano kaya ang madarama niya kung nagmadali akong lumabas ng silid sa mismong sandali na ikukuwento niya ang problema niya?

Hindi ko alam kung bakit iyon ikinuwento sa akin ng pasyente ko noong araw na iyon, pero alam ko kung bakit ako nakinig. Itinuro ni Alma na yaong mga naghahangad na mabinyagan at sundin si Jesucristo ay dapat na “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).

May pasanin ang pasyente ko, at sa maliit na paraan, natulungan ko siyang dalhin iyon. Siya ay nagdalamhati, at nakidalamhati ako sa kanya. Nangailangan siya ng aliw, kaya inaliw ko siya. Sa simpleng paraang ito, sinikap kong igalang ang aking pangako na maging higit na katulad ni Cristo.