2018
Nakakabagot Kaya ang Relief Society?
Hunyo 2018


Paghahanda sa Buhay

Nakakabagot Kaya ang Relief Society?

Kabadong-kabado akong sumali sa Relief Society, pero dahil sa mabuting pagtanggap nila sa akin, natutuhan ko itong mahalin.

Larawan
young woman teaching in class

Nang mag-18 ako, tuwang-tuwa ako. Sino bang tinedyer ang hindi? Oo, nasa high school pa rin ako, may acne pa rin, at kailangan ko pa ring tumulong sa mga gawain sa bahay namin ng pamilya ko sa California, USA, pero nasa hustong gulang na ako. Papasok na ako sa isang bagong yugto ng buhay, at nasasabik ako tungkol dito. Ang hindi ko gaanong kinasabikan ay ang ideya na makakasama ko ang lahat ng “matatandang babae” sa Relief Society. Mayroon na silang mga anak at trabaho at Crock-Pot at siguro mahilig silang maghurno ng mga pie habang nakasuot ng tsinelas na pambahay. Mayroon akong takdang-aralin at mga paligsahan sa paglangoy at asul na cutex at mahilig akong umiwas sa paglilinis ng kuwarto ko hangga’t maaari. Paano ako makakaugnay sa sinuman doon? Siguradong maaasiwa ako, malulungkot, at mababagot. At dumalo nga ako.

Una sa lahat, hindi naman pala nakakabagot ang Relief Society. Napakaraming ngitian at tawanan. Nagbahagi sila ng kawili-wili at taos-pusong mga komento, pero hindi rin naman sila takot na tumawa. Pangalawa sa lahat, hindi sila gaanong kaiba sa akin. Oo, mas matanda sila sa akin, pero nagbibiruan sila na katulad namin ng mga kaibigan ko. Hindi lang minsang itinanong ng isang tao ang mismong tanong na iniisip ko. At nang ipahayag nila na may enrichment meeting sa linggong iyon, nagulat ako. Mag-aaral sila ng self-defense! Gusto ko iyon!

Kabadong-kabado ako nang patayuin ako ni Sister Larsen, ang Relief Society president, para magpakilala, pero hindi rin naman iyon masama. Nakangiti sa akin ang lahat. Nag-thumbs up sa akin si Sister Edwards, ang aking seminary teacher noong sophomore ako, at sinabi ni Sister Richards, na naalala ako mula sa Primary, na hindi siya makapaniwala na “matanda” na ako. At talagang tinrato nila ako na parang “matanda” na ako. Para akong batang naglalaro ng bihis-bihisan, pero para sa karamihan ng kababaihan noong araw na iyon, isa akong bagong sister.

Simula noon, nagustuhan ko na ang Relief Society, saanmang ward ako naroroon. Pagpasok ko sa silid ng Relief Society, nadarama ko ito: ang pagkakaisang iyon ng mga sister at ang pakiramdam na kabilang ka. Gustung-gusto kong gawin ang lahat ng kaya ko para matulungan ang aking mga kapatid sa Relief Society at matutuhan ang lahat mula sa kanila.

At ang nangyari, medyo magaling na akong maghurno ng mga pie.