2018
3 Paraan para Maging Isang Lalaking Maituturing na Ama
Hunyo 2018


Digital Only

3 Paraan para Maging Isang Lalaking Maituturing na Ama

Ano ang magagawa mo para maging isang lalaking maituturing na ama ng mga tao sa inyong ward at komunidad?

Larawan
father and sons

Ang ilang lalaki ay magkakaroon ng pribilehiyong maging isang ama, samantalang ang iba ay maaaring hindi makaranas ng pagiging ama hanggang sa makaraan ang Pagkabuhay na Mag-uli. Anuman ang sitwasyon mo, narito ang tatlong paraan na maaari kang maging isang maimpluwensyang lalaking maituturing na ama ng mga nasa paligid mo:

  1. Gampanang mabuti ang iyong Tungkulin sa Simbahan

    Miyembro ka man ng bishopric o isang guro sa nursery, ang tungkulin mo ay nagbibigay sa iyo ng maraming pagkakataong tumulong nang may sigasig at sigla sa mga nasa paligid mo na nangangailangan ng gabay at pagmamahal. Ang isang deacons quorum adviser ay maaaring palakasin ang loob ng mga kabataang lalaking nahihirapan sa mga espirituwal o temporal na problema. Ang isang home teacher ay maaaring mapagyaman ang buhay ng pamilyang binibisita niya. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin sa Simbahan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong lubos na maunawaan ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at mapagpala ang buhay ng mga nasa paligid mo (tingnan sa D at T 84:32–33).

  2. Tumulong

    Maging pamilyar sa mga talento at interes ng mga kabataang nakakasalamuha mo. Sumulat ng mga email at liham sa mga missionary. Magbuo ng mga ugnayan sa iyong mga kapatid, mga pamangkin, mga pinsan, at iba pang mga kapamilya. Maaaring hindi ka agad magkaroon ng pagkakataong maging isang lalaking maituturing na ama, ngunit kapag bumubuo ka ng mga ugnayan at lalo mong pinakinggan ang mga taong maaaring nahihirapan, maaaring nasa posisyon ka para tulungan ang isang kabataan na gumawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.

  3. Magpakita ng Tunay na Pagmamahal

    Ang ilang kabataang lalaki at babaeng nakakasalamuha mo ay maaaring pangit ang asal o masama ang ugali na maaaring nakakainis. Maaari kang matukso paminsan-minsan na disiplinahin o bigyan ng hangganan ang mga kabataan o batang iyon. Kahit maaaring kailangan ito sa ilang pagkakataon, maaaring hindi ito ang pinakamabisang paraan para itama sila, lalo na kung hindi mo sila anak. Sikaping tularan ang halimbawa ng ating Ama sa Langit, na “puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob” (Mga Awit 86:15).