2018
Pagpapakita ng Kanyang Pagmamahal
Hunyo 2018


Pagliwanagin ang Inyong Ilaw

Pagpapakita ng Kanyang Pagmamahal

Larawan
Showing Her Love

Hello! Ako si Love. Pinagliliwanag ko ang aking ilaw sa pagpapakita ng pagmamahal sa aking pamilya.

Tungkol sa Akin

Nakatira ako sa Nigeria. Isang bansa iyon sa Africa. Kasama ko sa bahay ang aking mga magulang at mga kapatid na lalaki. Ang paborito kong kanta ay “Mga Bata sa Buong Daigdig.” Ang paborito kong talata sa banal na kasulatan ay 1 Nephi 3:7.

Malapit sa Templo

Napakalapit ng tirahan namin sa Aba Nigeria Temple. Limang minutong lakaran lang naroon na kami! Napakasaya ko kapag bumibisita ako sa templo. Naghahanda akong makapasok sa loob para magsagawa ng mga pagbibinyag.

Ang Pinakamagandang Lugar sa Lahat

Tuwing Lunes, ipinapaalala ko sa mga kapatid kong lalaki ang family home evening. Gusto ko kapag nagluluto ng hapunan ang tatay ko at sama-sama kaming sumasayaw. Ang tahanan ang pinakamagandang lugar sa lahat.

Pagtulong sa mga Kapatid Kong Lalaki

Tuwing umaga, ginigising ko ang nakababata kong mga kapatid na lalaki para sa aming family devotional. Sama-sama kaming kumakanta ng mga himno, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at lumuluhod at nagdarasal. Pagkatapos ay tinutulungan ko silang maghanda sa pagpasok sa paaralan. Pakiramdam ko tungkulin ko sa aking Ama sa Langit na mahalin at tulungan ang mga kapatid ko.

Pagtatrabaho at Paglalaro

Pagkatapos ng eskuwela tinutulungan ko ang nanay ko sa mga gawaing-bahay. Tinutulungan ko rin ang mga kapatid ko sa mga takdang-aralin nila. Wala akong gaanong oras para maglaro, pero gustung-gusto kong magbisikleta at gumawa ng mga saranggola. Nadarama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit kapag nagpapakita ako ng pagmamahal sa pamilya ko.