2018
Impluwensya ng Isang Matwid na Ama
Hunyo 2018


Impluwensya ng Isang Matwid na Ama

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Sa pagbaling sa matwid na mga lalaking itinuring kong ama at sa aking Ama sa Langit, nalaman ko kung ano ang pagiging tunay na ama.

Larawan
Warren family

Larawan ng awtor kasama ang kanyang asawa at anak na kuha ni Jesse Warren

Habang lumalaki ako, wala akong ama sa lupa sa buhay ko para maging pamilyar ako sa klase o uri ng pagmamahal ng aking Ama sa Langit para sa akin. Sa halip, inobserbahan ko ang iba pang mga lalaking kinakitaan ng Kanyang pagmamahal at naging mga halimbawa ng pagiging tunay na ama. Itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Nagbibigay-sulyap sa atin ang marangal na pagkaama sa mga banal na katangian ng ating Ama sa Langit.”1 Sa pamamagitan ng mga halimbawa ng maraming lalaking itinuring kong ama, pati na ng mga kamag-anak, pinuno ng Simbahan, mabubuting lalaki sa mga banal na kasulatan, at pati na ng masisigasig na home teacher, nalaman ko ang tungkol sa mga katangian ng Ama sa Langit at ang mararangal na katangian na maaaring taglayin ng mga ama sa lupa upang tularan Siya. Kalaunan ang sakit ng kalooban na nadama ko sa kawalan ko ng ama sa lupa ay nagawa kong kagalakan dahil sa malapit na kaugnayang maaari kong buuin sa aking Ama sa Langit.

Matatag at Sumusuporta

Ang ating Ama sa Langit ay hindi nagbabago. Nababasa natin na Siya ay “siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Mormon 9:9). Naobserbahan ko na sinusunod ng mararangal na magulang ang halimbawa ng pagiging matatag ng Ama sa Langit. Ang isang marangal na ama ay tumutupad sa kanyang sinasabi sa lahat ng bagay. Nauunawaan niya na ang hindi pagbabago ay nagpapadama ng seguridad at pagmamahal sa kanyang mga anak, at naroroon siya sa mga oras ng kagipitan at kagalakan.

Nauunawaan din ng ating Ama sa Langit ang klase ng pagsisikap na kailangan para maging karapat-dapat na makapiling Siya magpasawalang-hanggan. Kilala Niya ang bawat isa sa atin sa pangalan, at hinahayaan Niya tayong magkaroon ng mga pagsubok para dalisayin tayo. Ang isang marangal na ama sa lupa ay hinahayaan ding mahirapan ang kanyang mga anak paminsan-minsan dahil alam niya na ang mga hamon ay nagbibigay ng mga pagkakataong lumago.

Ang aking asawa ay isang mahusay na martial artist. Tinuruan siya ng kanyang ama at madalas niyang ikinukuwento na mas mahigpit ang kanyang ama sa kanya kaysa sa ibang mga estudyante. Ang pagdisiplina ng kanyang ama ay nagpalakas sa kanya at tinulungan siyang umunlad nang mas mabilis. Tulad ng ating Ama sa Langit, hinihikayat ng mararangal na ama sa lupa ang kanilang mga anak na gawin ang kanilang makakaya habang nagbibigay ng lakas, pagmamahal, at suporta.

“Mga Gawa na Walang Katapusan”

Ang gawain ng ating Ama sa Langit ay walang hanggan at walang katapusan (tingnan sa Alma 12:25–33). Sa gayon ding paraan, ang gawain ng isang marangal na ama sa lupa ay wala ring katapusan. Ang mararangal na ama ay patuloy na gumagawa ng mabubuting gawa at nagsisikap para sa kabutihan. Sila ay tunay at tapat sa kanilang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Isinasantabi nila ang mga makasariling hangarin para sa kabutihan ng kanilang pamilya. Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” itinuro na ng mga buhay na propeta na “sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak.”2 Kabilang dito hindi lamang ang pisikal na proteksyon kundi pati na ang espirituwal na proteksyon. Ang mararangal na ama ay namumuno sa pamamagitan ng halimbawa at minamahal at pinapayuhan ang kanilang mga anak. Nagbababala rin sila laban sa espirituwal na panganib kapag kailangan.

Isang Nagbibigay-Kakayahang Salaysay ng Pamilya

Sa kanyang artikulo sa New York Times na “The Stories That Bind Us,” nagbigay ng buod ng mga pag-aaral si Bruce Feiler tungkol sa pagkasira ng pamilya. Sa mga pag-aaral na ito, nalaman ng mga psychologist na ang mga batang nagpamalas ng pinakamalaking katatagan ay nalantad sa isang nagbibigay-kakayahang salaysay ng pamilya, na nagpadama sa kanila na sila ay kabilang sa isang bagay na mas malaki. “Kung gusto mo ng mas masayang pamilya,” sabi ni Feiler, “buuin, pinuhin at muling isalaysay ang kuwento ng mga positibong sandali ng inyong pamilya at ang kakayahan mong makaraos mula sa mas mahihirap na sandali. Sa paggawa lang niyon, madaragdagan ang posibilidad na tatagal ang inyong pamilya sa maraming henerasyong darating.”3

May isang halimbawa nito na makikita sa Moises 1. Si Moises ay binigyang-kapangyarihan ng kanyang kaalaman tungkol sa plano ng Diyos at sa sarili niyang banal na pagkatao. Nang tuksuhin siya ni Satanas, matatag na sumagot si Moises, “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos, na kawangis ng kanyang Bugtong na Anak; at nasaan ang iyong kaluwalhatian, na dapat kitang sambahin?” (Moises 1:13). Pagkatapos ay nagkaroon pa si Moises ng lakas-ng-loob na utusan si Satanas na lumayas.

Ang mararangal na ama sa lupa ay binibigyang-kakayahan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila tungkol sa kanilang banal na pagkatao bilang mga espiritung anak ng Diyos. Tumutulong silang magbuo ng matatag na pamilya sa pamamagitan ng kanilang mabubuting halimbawa at tinitiyak nila na nakikibahagi rito ang kanilang mga anak. Binibigyan nito ang kanilang mga anak ng matinding layunin sa buhay at ng tiwalang magtagumpay.

Paghahanap ng Isang Marangal na Asawa

Noong nakikipagdeyt ako, naghanap ako ng asawa na makakasama sa walang-hanggan na magiging marangal na ama. Dahil lumaki ako nang walang gayong halimbawa noong bata pa ako, mas mahirap para sa akin na malaman ang lahat ng katangiang dapat taglayin ng isang marangal na ama sa lupa. Nalungkot ako sa patriarchal blessing ko dahil walang detalyadong tagubilin doon tungkol sa taong gusto ng Ama sa Langit na pakasalan ko. Sabi lang doon dapat akong maghanap ng isang taong magdadala sa akin sa templo. Ngunit kahit ang tila simpleng tagubiling ito ay nagkaroon ng hamon. Bagama’t nagkaroon ako ng ilang magagandang karanasan sa pakikipagdeyt, madalas akong mag-alala na wala talagang gayong tao o talagang tadhana kong dumanas ng walang-katapusang mga pagsubok sa pag-ibig.

Sa kabila ng pag-aalala ko dahil sa aking mga karanasan, patuloy kong ipinagdasal na makatagpo ako ng mapapangasawa na magiging mabuting ama sa aking mga anak, na magmamahal sa kanila at palagi nilang makakasama. Tulad ng matapat kong ina, alam ko na anuman ang mangyari, makasasandig ako sa aking Amang Walang Hanggan para sa suporta.

Laking gulat at tuwa ko nang masagot ang aking mga dalangin ayon sa perpektong takdang panahon ng Ama sa Langit. Naging lunas sa akin ang mamasdan ang mapagmahal na halimbawa ng aking asawa sa kung ano dapat ang isang ama. Nagpapasalamat ako na sinusunod niya ang mga halimbawang ipinakita ng mga propeta at apostol at na pinipili niya akong pahalagahan at mahalin sa hindi makasariling paraan. Ang kanyang halimbawa bilang mapagmahal na asawa ay nagpapala din sa aming mga anak. Puspos ng pasasalamat ang puso ko sa kanyang katapatan sa kabila ng mga pagsubok, sa halimbawa ng kanyang kasipagan; sa kanyang pagkamarapat na gamitin ang priesthood, at sa dalisay at matibay na pagmamahal na ipinapamalas niya bilang isang bata pang ama.

Ang mga Ama sa Ating Paligid

Larawan
watercolor painting

Isang watercolor ng asawa’t anak na babae ng awtor na ipininta niya mismo. Nagkainspirasyon siyang magpaturo ng sining sa kanyang home teacher—isa sa mga lalaki sa kanyang buhay na itinuring niyang ama.

Walang hangganan ang impluwensya ng isang lalaki na nauunawaan, gaya ni Moises, kung sino siya. Itinuro ni Sister Sheri Dew, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, na lahat ng kababaihang nangangalaga ay gumaganap sa tungkulin ng ina, kahit hindi pa sila ina. “Lahat tayo’y mga ina sa Israel,” pagpapatotoo niya, “at tungkulin nating mahalin at [akayin ang] bagong salinlahi sa mapanganib na landas ng mortalidad.”4 Ang kalalakihan na mabubuting halimbawa ay gumaganap sa tungkulin ng mga ama sa Israel, at ang kanilang mabubuting halimbawa ay makakaimpluwensya hindi lamang sa kanilang sariling pamilya kundi maging sa iba.

Pagkatapos ng mga hamon ng aking kabataan, tiwala ako na alam ng Ama sa Langit ang mismong kailangan ko para mapagtiwalaan ko ang aking walang-hanggang kabiyak. Naglagay Siya ng maraming matitibay na halimbawa ng pagiging ama sa buhay ko. Kabilang dito ang aking matwid na lolo, na nagmahal sa Panginoon, at ang isang masigasig na home teacher na—dahil nauunawaan ang mga limitasyon sa kabuhayan ng aking pamilya—tinanggap ako bilang estudyante sa kanyang art studio at binigyan ako ng inspirasyon na sundan ang kanyang mga yapak bilang propesyonal. Noong dalaga pa ako, pinagaling din ako ng Diyos sa pamamagitan ng di-inaasahang biyayang magkaroon ng isang matwid na amain, na nagpasensya sa aking pag-aatubiling magtiwala sa isang lalaking itinuring kong ama na patuloy na nagpakita sa akin ng kabaitan.

Sa pamamagitan ng mabuting impluwensya ng mga lalaking ito na itinuring kong ama, nakahanap ako ng pag-asa, lunas, at kagalakan. Nagpapasalamat ako sa lahat ng lalaking sumusunod sa halimbawang ipinakita ng ating Ama sa Langit at nagsisikap na maging mga halimbawa ng pagiging marangal na ama.

Mga Tala

  1. James E. Faust, “Yaong mga Nagpaparangal sa Akin ay Aking Pararangalin,” Liahona, Hulyo 2001, 54.

  2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  3. Bruce Feiler, “The Stories That Bind Us,” New York Times, Mar. 15, 2013, nytimes.com.

  4. Sheri L. Dew, “Hindi Nga Ba Lahat Tayo’y mga Ina?” Liahona, Ene. 2002, 113.