2018
Dalawang Misyon, Dalawang Pamilyang Pinagpala
Hunyo 2018


Dalawang Misyon, Dalawang Pamilyang Pinagpala

Juan Manuel Gomez, Rosario, Argentina

Larawan
planes over globe

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Habang naglilingkod sa Arizona Mesa Mission, madalas akong makatanggap ng mga email mula sa ate ko sa Argentina. Si Natalia ay hindi miyembro ng Simbahan. Ilang taon na ang nakararaan, nang mamatay ang kanyang anak na babae, sinubukan ng aming pamilya na ibahagi sa kanya ang ebanghelyo, pero hindi niya ito tinanggap.

Patuloy kong ibinahagi ang aking patotoo sa kanya noong nasa misyon ako. Sa isang email, ikinuwento ko sa kanya ang isang babaeng nakilala namin ng kompanyon ko. Namatay rin ang kanyang anak na babae. Nagpatotoo kami tungkol sa mga walang-hanggang pamilya at nakadama siya ng pag-asa sa ibinahagi namin. Sinabi ko kay Natalia na madarama rin niya iyon. Tumugon siya sa akin, na sinasabi na gusto niyang madama ang pag-asang iyon ngunit inakala niya na hindi sapat ang lakas ng kanyang pananampalataya.

Ipinasiya kong magpadala ng isang sulat-kamay na liham kay Natalia na inaanyayahan siyang ipagdasal na tulungan siyang maniwala. Nahiwatigan ko ring sumulat ng isang talata sa Ingles at ipadala iyon sa isang missionary. Español lang ang alam ni Natalia, kaya sinabi ko sa kanya na hanapin ang mga missionary at hilinging magsalin sila para sa kanya. Naisip ko na marunong mag-Ingles ang isang missionary.

Pagkatapos niyon, nakatanggap ako ng email mula kay Natalia. Nahanap niya ang mga missionary at hiniling niya sa kanila na isalin ang sulat ko. Tahimik nila itong binasa at napangiti sila. Nang itanong ni Natalia kung ano ang isinulat ko, sumagot sila, “Pag-usapan natin ito!” Isinulat ko na nahihirapan si Natalia sa pagkamatay ng kanyang anak na babae, at hiniling ko sa mga missionary na turuan siya tungkol sa plano ng kaligtasan.

Nagbahagi ng maikling mensahe ang mga missionary, at nagustuhan ni Natalia ang itinuro nila. Pagkatapos ay sinabi sa kanila ni Natalia na nagmimisyon ako sa Mesa, Arizona, USA. Sinabi ng isang elder, si Elder Larson, na tagaroon siya.

Pagkaraan ng isang taon, nalipat ako sa lugar kung saan nakatira ang pamilya ni Elder Larson. Nakilala ko ang pamilya niya tulad ng pagkakilala niya sa pamilya ko, at kapwa pinagpala ang dalawang pamilya. Matagal nang ipinagdarasal ni Elder Larson ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki, na nanghihina ang patotoo. Nakasama ko sa pagpapalitan ng kompanyon ang kapatid niyang lalaki at natulungan siyang palakasin ang kanyang patotoo. Patuloy na tinuruan ni Elder Larson at ng kanyang kompanyon si Natalia at nabinyagan siya kalaunan. Alam ko na ipinadala kami ng Panginoon sa dalawang direksyon, ako sa Arizona, at si Elder Larson sa Argentina, para pareho namin Siyang matulungan na patatagin ang aming pamilya sa ebanghelyo.