2018
Ang Ating Banal na Lugar Tuwing Sabbath
Hunyo 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Ating Banal na Lugar Tuwing Sabbath

Mula sa “The Chapel: Our Sabbath Sanctuary” sa prophets.lds.org.

Kung sisimulan nating isipin na ang chapel ay isang banal na santuwaryo ng pananampalataya at pagsamba para sa sacrament meeting, tayong lahat ay pagpapalain.

Larawan
church building

Ang sacrament meeting ay isang kamangha-mangha at kasiya-siyang oras. Kapag pumapasok tayo sa chapel at naghahandang tumanggap ng sakramento, dapat nating isipin na tayo ay nasa isang santuwaryo, isang sagrado at espesyal na lugar kung saan maaari nating pagnilayan si Cristo at ang Kanyang dakila at maluwalhating misyon. Isinasantabi natin ang mga makamundong bagay at sa halip ay iniisip ang mga bagay na pangwalang-hanggan. Kailangan nating itago ang ating cell phone at pagnilayan ang tungkol kay Jesucristo, ang Anak ng Buhay na Diyos.

Mayroon lamang tayong 70 minuto bawat linggo para magtuon sa ating pagmamahal para sa Tagapagligtas. Kung sisimulan nating isipin na ang chapel ay isang banal na santuwaryo ng pananampalataya at pagsamba para sa sacrament meeting, tayong lahat ay pagpapalain.

Sa pagtatayo natin ng kaharian ng Diyos, wala na akong maisip na mas mahalaga kaysa magkaroon ng sacrament meeting na inihandang mabuti kung saan ang mga tagapagsalita ay nangungusap tungkol kay Cristo, nagpapatotoo tungkol kay Cristo, at nagbabahagi ng patotoo mula sa mga apostol at propeta sa mga banal na kasulatan at sa iba pang mga mapagkukunan.

Bilang isang Simbahan nakatuon na tayo sa araw ng Sabbath. Umunlad na tayo, pero marami pa tayong kailangang gawin. Magpapatuloy tayo sa ating mga pagsisikap hanggang ang bawat miyembro at missionary ay lubos na maganyak sa espirituwal sa oras ng kanilang pagsamba sa araw ng Sabbath para sabihin ng bawat isa sa kanyang mga kapitbahay, investigator, at kamag-anak na, “Magsiparito kayo at inyong makikita. Halina’t samahan kaming sumamba.” Ito ang gusto nating mangyari.

Kung magagawa nating lahat ito bilang isang Simbahan, madarama ng mga tumatanggap sa ating paanyayang “magsiparito kayo at inyong makikita” ang kapangyarihan ng mensahe ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Sa pagsama nila sa ating pagsamba sa ating mga sacrament meeting, ang kanilang mga puso ay maaantig at ang liwanag ng ebanghelyo ay magliliwanag sa kanilang puso’t isipan.