2017
Mga Panalangin sa Kaarawan ng Tatay Ko
March 2017


Mga Panalangin sa Kaarawan ng Tatay Ko

Larawan
Family by temple

Mga paglalarawan ni Melissa Manwill

Hindi pinalaki sa anumang relihiyon ang aking ama, at naging di-gaanong aktibo ang pamilya ng aking ina noong bata pa ang nanay ko. Pero isang araw ay nadama ng aking ina na parang may kulang sa buhay niya, kaya nagpasiya siyang bumalik sa simbahang kinalakhan niya, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sumama kaming magkakapatid sa kanya. Pero hindi nagustuhan ng aking ama ang pagsisimba namin, at lubhang sinubok nito ang relasyon ng mga magulang ko.

Nabinyagan ako noong walong taong gulang ako, at nalaman ko kung paano maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Taun-taon tuwing kaarawan ko, hinihipan ko ang mga kandila na lihim na hinihiling na mabinyagan ang aking ama. Ipinagdasal ko na lumambot ang puso ng tatay ko. Pagkaraan ng maraming taon, nakakapaghapunan na ang mga missionary sa amin. Pero hindi nabanggit ang ebanghelyo kailanman.

At isang tag-init sinamahan ako ng aking ama sa Young Men camping trip. Bagama’t hindi siya miyembro, ang tatay ko ang pinamahala sa isang fireside! Natakot ako, pero tumulong ang lahat sa pamamagitan ng pakikibahagi sa fireside. Pagkatapos ay nagpatotoo ang kaibigan ko tungkol sa panalangin. Ikinuwento niya na minsa’y natulungan ng aking ama ang bunsong kapatid niya at naging sagot si Itay sa kanyang panalangin. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita kong umiyak ang tatay ko. Nadama niya ang Espiritu.

Pagkatapos ng biyahe, gusto nang matutuhan ng aking ama ang iba pa tungkol sa ebanghelyo nang may panibagong sigla, at isang umaga ay ibinalita niya na gusto na niyang magpabinyag. Hindi kami makapaniwala!

Ang binyag ng aking ama ay isa sa pinakamagagandang araw sa buhay ko. Punung-puno ang chapel ng mga dumalo para suportahan ang tatay ko, at daang beses kong pinraktis ang panalangin sa binyag dahil tuwang-tuwa ako. Ako ang nagbinyag sa tatay ko, at ni hindi ko maipaliwanag ang kaligayahang nadama ko nang yakapin ko ang aking ama sa bautismuhan.

Nang sumunod na taon ibinuklod kami ng pamilya ko sa templo. Pagkatapos ng pagbubuklod, tumayo kami nang pabilog—bilang isang walang-hanggang pamilya—na magkakayakap at may luha ng kagalakan sa aming mukha.

Mula sa karanasang ito nalaman ko na kahit ano ay posible. Huwag sumuko. Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat na mabuklod sa templo sa aking magiging pamilya.

Print