2010
Sa mga Nakauwi nang Misyonero
Setyembre 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Sa mga Nakauwi nang Misyonero

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2001. Para sa buong teksto, mangyaring bisitahin ang www.conference.lds.org.

Ang kailangan nati’y magiting na hukbo ng mga nakauwi nang misyonero na muling naglilingkod.

Larawan
Elder L. Tom Perry

Nalaman ko mula sa maraming pakikipag-usap sa mga nakauwi nang misyonero na kung minsan ay mahirap para sa inyo ang pag-uwi mula sa misyon at pagbabalik sa mundong inyong iniwan. Hayaan ninyong magbigay ako ng ilang mungkahi.

Madalas, Palagian, at Taimtim na Panalangin

Isa sa mga pinakanatatandaan kong karanasan bilang misyonero ay ang pagiging malapit ko sa Panginoon sa regular kong pananalangin. Noong kapanahunan ko ang mission home ay nasa State Street sa Salt Lake City. Malaking bahay ito na ginawang sento sa pagsasanay ng mga misyonero. Mayroon itong malalaking silid at bawat isa ay naglalaman ng 10 kama. Linggo ng gabi ang pagdating namin doon.

Kasabik-sabik na panahon ang buong linggo bago ako pumunta sa misyon. Napakaraming parti at mga pamamaalam. Nangangamba ako na baka hindi ako makapagpahinga nang sapat at maging handa sa pagsasanay ko sa mission home. Nang matapos ang unang araw namin sa mission home, pagod na pagod na ako. Humiga ako sa kama at nakatulog habang naghihintay sa iba pang mga misyonerong naghahanda sa pagtulog. Gayunman, nagising ako nang maramdaman kong napapaligiran ako. Habang napapalis ang antok ko nakarinig ako ng pagdarasal. Sa pagmulat ko ay nabigla ako nang makita ko ang lahat ng mga elder sa silid namin na nakaluhod sa paligid ng kama ko, na tinatapos ang araw na iyon sa panalangin. Agad akong pumikit at kunwari ay tulog ako. Hiyang-hiya akong tumayo mula sa kama at sumali sa kanila. Bagaman naging kahiya-hiya ang una kong karanasan sa panalangin bilang misyonero, ito ang simula ng kahanga-hangang dalawang taon nang madalas kong paghingi ng paggabay sa Panginoon.

Sa buong misyon ko, nagdarasal ako tuwing umaga kasama ang kompanyon sa pagsisimula namin sa bawat araw. Ginagawa namin ito muli bago matulog. Nagdarasal kami bago mag-aral, bago umalis ng apartment para maghanap ng matuturuan, at nag-alay rin kami ng mga espesyal na panalangin kapag kailangan ng espesyal na gabay sa aming gawaing misyonero. Ang dalas ng pagsamo namin sa ating Ama sa Langit ay nagbigay sa amin ng lakas at tapang upang sumulong sa gawaing ibinigay sa amin. Minsan dumarating ang mga sagot sa mga paraang direkta at positibo. Tila lalong nadaragdagan ang paggabay ng Espiritu Santo habang lalo kaming sumasamo ng gabay sa Ama sa Langit sa bawat araw.

Habang ginugunita ko ang buhay ko matapos ang misyon, nalaman ko na may mga panahong napapanatili ko ang pagkamalapit sa Panginoon na nadama ko nang nasa misyon pa ako. May mga panahon ding mas matimbang ang makamundong gawain at hindi na ako ganoon kataimtim magdasal.

Di ba magandang pagkakataon ito para suriin ang ating sarili kung nadarama pa rin ba natin ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit na nadama natin noon sa misyon? Kung inililihis tayo ng daigdig sa pagdarasal, nawawalan na tayo ng espirituwal na kapangyarihan. Marahil panahon na para gisingin nating muli ang diwang misyonero sa madalas, palagian, at taimtim na pagdarasal.

Sarilinan at Magkasamang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ang isa pang gusto kong gunitain bilang misyonero ay ang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan. Ang disiplina sa pagsunod sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para matutuhan ang ebanghelyo ay isang napakaganda at makabuluhang karanasan. Maihahayag sa maluwalhating paraan ang kaalaman sa mga aral ng mga banal na kasulatan sa pag-aaral nang sarilinan. Bilang misyonero, naaalala ko ang pagkamangha sa paraan ng paghahanda ng Panginoon ng plano para sa Kanyang mga anak sa mundo, kung paanong sa lahat ng dispensasyon ng panahon, binigyang-inspirasyon Niya ang isipan ng Kanyang mga propeta na itala ang mga pakikipag-ugnayan Niya sa kanila. Laging positibo at direkta ang mga salita Niya, inihahayag ang mga biyayang dulot ng pagsunod sa Kanyang batas at pamamaraan.

Gumugugol din kami ng isang oras o higit pa araw- araw upang magkasama kaming mag-aral. Ang magkasama naming pagsusuri sa doktrina ng kaharian ay tila nagdagdag sa aming pang-unawa. Magkasama kaming nagbabasa at nagbabahaginan ng mga ideya.

Tumalas ang aming isipan sa pagsunod sa araw-araw na pag-aaral nang sarilinan at bilang magkompanyon. Mas pinaglapit kami nito bilang magkompanyon at dinagdagan ang aming pang-unawa sa mga doktrina ng kaharian.

Sa pag-uwi natin mula sa misyon, wala na tayong kompanyon na tutulong sa ating magdisiplina sa pag-aaral, ngunit hindi ibig sabihin niyan na dapat na itong itigil. Sa pag-uwi natin, napakagandang magdaos ng pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. Kung malayo tayo sa pamilya, di ba’t mainam na yayain nating mag-aral ang ating mga kasama sa silid at kaibigan? Sa palagiang pag-aaral ay mananatiling malinaw sa ating isipan ang mga doktrina ng kaharian at mapoprotektahan tayo sa walang-tigil na impluwensya ng daigdig. At kapag nag-asawa tayo, may kompanyon tayo sa kawalang-hanggan na makakasama natin sa pag-aaral at pagbabahagi ng mga turo ng ebanghelyo.

Nariyan lagi ang banal na kasulatan para palalimin ang pang-unawa natin sa layunin ng buhay at kung ano ang dapat nating gawin upang maging mas makabuluhan at kapaki-pakinabang ang buhay. Ipagpatuloy natin ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang sarilinan at nang may kasama.

Ang Galak na Nagmumula sa Pagtuturo ng Ebanghelyo

Naaalala ba ninyo ang galak na nagmumula sa pagtuturo ng ebanghelyo sa taong hindi pa naturuan nito [sa kanyang buhay], ang kasabikang nadarama ninyo kapag itinuturo ang batas ng Panginoon, at ang mga biyaya na natatanggap sa pagsunod sa Kanya? Malilimot ba ninyo ang tuwang nadama sa una ninyong pagbibinyag sa misyon?

Noong misyonero pa ako, wala pang baptismal font ang mga kapilya. Ang una kong pagbibinyag ay sa Scioto River sa estado ng Ohio, USA. Malamig na araw ng taglagas noon, at tila mas malamig pa ang tubig kaysa hangin. Naaalala kong nabigla ako sa tindi ng lamig ng ilog nang magtampisaw ako habang niyayaya kong sumunod sa akin ang investigator. Gayunman, hindi nagtagal at nawala ang lamig ng hangin at tubig habang ginagawa ko ang ordenansa ng pagbibinyag. Ang makita ang maaliwalas na mukha ng taong umahon sa tubig ng binyag ay larawang hindi ko malilimutan kailanman.

Hindi limitado ang mga pagtuturo ng ebanghelyo at pagbibinyag sa mga nakasuot ng name tag na full-time missionary. Nagtataka ako kung bakit hinahayaan nating manlamig ang alab ng pagiging misyonero kapag bumalik na tayo sa araw-araw nating gawain sa mundo.

Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ngayon lang tayo naging mas handang ituro ang ebanghelyo sa mga anak ng ating Ama sa Langit sa mundong ito. At tila mas kailangan nila ito ngayon kaysa noon. Nakikita natin ang paghina ng pananampalataya. Nakikita natin ang ibayong pagnanasa sa kamunduhan at ang kakulangan ng pagpapahalaga sa moralidad na kapwa sanhi ng pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa. Ang kailangan nati’y magiting na hukbo ng mga nakauwi nang misyonero na muling naglilingkod. Bagama’t di na sila magsusuot ng name tag ng full-time missionary, maaari pa rin nilang taglayin ang gayong katapatan at dedikasyon na ihatid ang liwanag ng ebanghelyo sa mundong hirap na naghahanap sa landas nito.

Tinatawagan ko kayong nagsiuwi nang mga misyonero na ilaan muli ang inyong sarili, na mapuspos kayong muli ng hangarin at diwa ng pagmimisyon. Tingnan ninyo ang bahagi, maging bahagi, at kumilos bilang tagapaglingkod ng ating Ama sa Langit. Dalangin ko na magpasiya kayong muli na ipahayag ang ebanghelyo upang lalo kayong maging masigasig sa dakilang gawaing ito na iniatas sa atin ng Panginoon. Nais kong ipangako sa inyo na napakaraming biyayang nakalaan para sa inyo kung patuloy kayong susulong nang may siglang taglay ninyo noon bilang full-time missionary.

Sumulong kayo nang may panibagong sigla at determinasyon, at sa halimbawa ninyo ay paningningin ang liwanag ng ebanghelyo sa magulong daigdig na ito. Ito ang gawain ng Panginoon na gawain din natin. Buhay ang Diyos. Si Jesus ang Cristo. Kabilang tayo sa Kanyang Simbahan. Ito ang patotoo ko sa inyo.

Mga paglalarawan nina Robert Casey at Matthew Reier © IRI

Kaliwa: mga paglalarawan ni Frank Helmrich © 2009 at ni Tokio Onogi © 2006