2010
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Setyembre 2010


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang ilang lathalain sa isyung ito ay tumatalakay sa gawaing misyonero. Isaalang-alang na gamitin ang family home evening sa pagpaplano ng gawaing misyonero ng pamilya, kabilang na ang mga mithiing makakatulong na maibahagi ng inyong pamilya ang ebanghelyo. Matatalakay rin ninyo ang mga bagong mensahe tungkol sa gawaing misyonero sa katatapos na kumperensya (tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Paghahanda ay Naghahatid ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2010, 64; Ronald A. Rasband, “Ang Banal na Tawag ng Isang Misyonero,” Liahona, Mayo 2010, 51).

“Ang Sarili Kong Aklat ni Mormon,” pahina 6: Pagkatapos basahin ang kuwentong ito, pag-isipang anyayahan ang mga kapamilya na isingit at isulat ang kanilang pangalan sa paboritong banal na kasulatan para ipakitang maaari silang makatulad ng matwid na kalalakihan at kababaihan sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, “Ako, [pangalan ng miyembro ng pamilya], ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos sa akin ng Panginoon …” (1 Nephi 3:7).

“Pagdadala Kay Cristo sa Ating Tahanan,” pahina 14: Pagkatapos basahin ng pamilya ang lathalaing ito, maaari ninyong mithiing isaulo ang “Ang Buhay na Cristo” at magtipon ng mga larawan ng Tagapagligtas para tulungan ang mga kapamilya na “lagi siyang alalahanin” (Moroni 4:3).

Simple Ngunit Malalim

Kamakailan lang lumipat ang aming pamilya mula sa Korea patungong Estados Unidos. Abalang-abala kami sa aming paglipat. Sa unang Lunes, nagdaos kami ng simpleng home evening. Ang mga banal na kasulatan lamang ang aming mapagkukunan ng lesson, kaya binasa namin sa 3 Nephi ang tungkol sa pagpapakita ni Cristo sa mga Nephita. Nadama naming bagama’t nasa bago kaming kalagayan, lugar, at bansa, pinangangalagaan kami ng Panginoon, tulad ng ginawa Niya sa mga Nephita.

Lumuhod kaming pamilya nang nakapabilog at nagdasal. Sa kabila ng pagod na dulot ng paglipat, nakadama kami ng matinding kaaliwan, nalalamang laging naririto kami para sa isa’t isa at may Ama sa Langit at Tagapagligtas na masasandigan. Alam naming pinakamainam ang hahantungan ng lahat. At nagkagayon nga.

Yun Jung Nam, Texas, USA