2010
Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal
Mayo 2010


Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal

Ang likas na hangarin nating makaugnay ang ating pamilya ay natutupad kapag nakabigkis tayo sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa sa templo.

Larawan
Elder Russell M. Nelson

Ang mga sulat na natatanggap natin sa panahon ng Paskua o Kapaskuhan ay nagpapasariwa sa alaala ng minamahal nating mga kaibigan at kamag-anak. Ilan sa mga sulat na iyon ay may kalakip na mga retrato ng pamilya. Heto ang isang nakaagaw ng aking pansin.

Isa ito sa aming mga apo-sa-tuhod. Tatawagin ko siyang “Mahal kong si Ruby.” Ipinaalala sa akin ng retratong ito ang kanyang ina noong kaedad siya ni Ruby. Kinuha ko sa aking lalagyan ang retratong ito ng nanay ng “Mahal kong si Ruby”— na isa sa aming mga apo.

Ako ang kumuha sa retratong ito ng ina ng “Mahal kong si Ruby” mga 29 na taon na ang nakalilipas. Ganito pa rin kaasul ang kanyang mga mata.

Nagbalik ang masasayang alaala ng nakalipas na kalahating siglo, noong ang lola ng “Mahal kong si Ruby”—na isa sa aming mga anak—ay bagong silang pa lamang. Isa ito sa kanyang mga retrato noong sanggol pa siya. Ngayon isa na siyang mapagmahal na lola, at ako ay lolo-sa-tuhod ng “Mahal kong si Ruby.” (Hindi ko ipapakita ang retrato ko noong sanggol pa ako. Baka matawa kayo.) Ang mga retratong ito ay nagpapahiwatig ng pagmamahal na nagbibigkis sa aming apat na henerasyon.

Kapag iniisip ko ang pagmamahal na nadarama ko sa bawat miyembro ng aming pamilya, nadarama ko, kahit paano, ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Habang inaatake ang pamilya sa buong mundo, ipinapahayag, itinataguyod, at pinangangalagaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang katotohanan na ang pamilya ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at ang malawak nating gawain sa family history ay dalawa lamang sa mga katibayan kung paano nagbibigay ang Simbahang ito ng pag-asa at tulong sa sagradong institusyon ng pamilya.

Itinuturo natin na ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak ay walang hanggan. Anuman ang lahi, nasyonalidad, o kasarian, mahal Niya silang lahat.1 Ipinadama Niya ito mula sa simula at patuloy itong ipadarama. Inaanyayahan Niya ang lahat na kamtin ang walang hanggang kadakilaan para sa kanilang pamilya. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan—ang kadakilaan—ng Kanyang mga Anak.2 “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”3

Ang Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang naging daan upang matupad ang mga layunin ng Ama. Kung wala ang Pagbabayad-sala, walang imortalidad. Kung walang Pagbabayad-sala, hindi tayo makababalik sa piling ng Ama at hindi magpapatuloy ang pag-iral ng pamilya sa kabilang-buhay.

Dahil sa Pagbabayad-sala, ang pinakadakilang mga pagpapalang ito ay matatamo ng bawat anak ng Diyos na sumusunod sa Kanyang walang hanggang mga batas. Sa paglipas ng panahon, marami sa Kanyang mga anak ang nagtamo ng mga pagpapala ng ebanghelyo, ngunit mas marami ang hindi. Bago itatag ang mundo, nilikha ng ating Ama sa Langit ang ordenansa ng binyag para sa mga namatay nang walang alam tungkol sa ebanghelyo.4 Mahal din Niya ang mga anak na iyon.

Naglaan din Siya ng paraan upang maging bahagi sila ng isang walang hanggang pamilya. Bawat nilalang na isinilang sa mundong ito ay bunga ng mga henerasyon ng mga magulang. Likas sa atin ang hangaring makaugnay ang ating mga ninuno. Nananahan sa ating mga puso ang hangaring ito, anuman ang ating edad.

Pag-isipan ninyo ang espirituwal na ugnayang nabubuo kapag tinutulungan ng isang dalaga ang kanyang lola na magpasok sa kompyuter ng impormasyon tungkol sa pamilya o kapag nakita ng isang binata ang pangalan ng kanyang lolo-sa-tuhod sa rekord ng census. Kapag bumabaling ang ating mga puso sa ating mga ninuno, may nababago sa ating kalooban. Nadarama nating bahagi tayo ng isang bagay na nakahihigit sa ating sarili. Ang likas na hangarin nating makaugnay ang ating pamilya ay natutupad kapag nakabigkis tayo sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa sa templo.

Dahil sa kahalagahan ng gawaing ito, ang Simbahan ay nagtayo ng mga templo nang mas malapit sa mga tao,5 at ang pagsasaliksik sa kasaysayan ng pamilya ay mas pinadadali na kaysa noon. Ang mga pamamaraan ng paghahanap at paghahanda ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo ay pinaghuhusay din. Sa kumperensya noong Oktubre 2005, ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang isang nakakatuwang pagbabago sa gawain sa templo at family history. Sabi niya: “Ang isa sa pinakamalalaking problema sa gawain natin sa templo ay nadodoble ang gawain para sa mga patay dahil sa pagdami ng mga templo sa buong mundo… . Kaya naman kami’y matagal-tagal nang abala sa isang napakahirap na gawain… . Ang solusyon ay nasa isang kumplikadong teknolohiya sa computer.”6

Mula noon, hindi lamang nabawasan ang duplikasyon, kundi pinasimple rin ang proseso kung kaya’t bawat miyembro ng Simbahan ay puwede nang makibahagi sa gawain sa templo at family history. Lumipas na ang panahon na tanging mga eksperto lang ang nakagagawa ng sagradong gawaing ito. Anuman ang inyong sitwasyon, magagawa ninyong maging bahagi ng buhay ninyo ang family history ngayon din. Ang mga bata sa Primary ay maaaring magdrowing ng isang family tree. Ang mga kabataan ay maaaring makilahok sa mga binyag para sa mga patay. Matutulungan din nila ang nakatatandang henerasyon sa paggamit ng kompyuter. Maaaring kuwentuhan ng mga magulang ang kanilang angkan ng tungkol sa kanilang buhay. Ang mga karapat-dapat na miyembrong nasa hustong gulang ay maaaring magkaroon ng temple recommend at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanilang mga kaanak.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang pinakamabigat na responsibilidad sa mundong ito na ibinigay sa atin ng Diyos ay ang saliksikin ang ating mga patay.”7 Ginawang madali ng bagong teknolohiya na magampanan ang responsibilidad na iyan nang higit kailanman. Ang gawain sa templo at family history ay pinadali na ngayon ng system na tinatawag na “bagong Family Search.”8 Tumutulong ang system na ito na ginagamitan ng Internet na matukoy ng mga miyembro ang kanilang mga ninuno, malaman kung anong ordenansa ang kailangang gawin para sa kanila, at ihanda ang kanilang mga pangalan para sa templo. Magagawa ito mula sa bahay, sa family history center,9 o kung saan may Internet. Madali lamang sundin ang proseso.10

Kailangan muna ninyong alamin ang mga taong nais ninyong gawan ng ordenansa sa templo.

Pagkatapos ay magprint kayo ng Family Ordinance Request. Nasa dokumentong ito ang impormasyong kailangan sa templo para hindi na kayo magdala doon ng mga computer disc.

Mula sa Family Ordinance Request, ipi-print sa templo ang mga ordinance card. Matapos maisagawa ang isang ordenansa, inirerekord ito at ipinapasok sa bagong FamilySearch sa araw ding iyon.

Paano naman ang mga taong walang magamit na kompyuter o mas piniling huwag gamitin ang teknolohiyang ito? Huwag mag-alala! Hinay-hinay lang. Simulan sa bahay. Magsimula sa walang lamang kahon, tulad ng iminungkahi ni Pangulong Boyd K. Packer.11 Ilagay sa kahong iyon ang mahahalagang impormasyon tungkol sa inyo at sa inyong pamilya. Idagdag ang mga impormasyong natipon mula sa ibang kapamilya. Pagkatapos ay humingi ng tulong sa family history consultant ng inyong ward o branch. Sa bagong FamilySearch system magagawa ng consultant ang lahat ng gagawin sa kompyuter para sa iyo, kasama na ang paghahanda ng mga pangalan para sa templo. Mga 60,000 consultant ang naglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang isang consultant na nasa inyong ward o branch ay lubos na makatutulong sa iyo.

Binabago ng bagong FamilySearch system ang proseso ng gawain ng family history sa pamamagitan ng paglikha ng iisang pedigree. Noon, mag-isa lang gumagawa ang isang tao at siya lang ang nag-iingat ng sariling rekord ng pamilya. Kadalasan gumagawa ang isang tao nang hindi nalalaman kung ano na ang nagawa ng ibang kapamilya. Ngayon bawat isa ay makapag-aambag ng impormasyon habang nakikipagtulungan sa iba sa pagbuo ng kanilang family tree.

Bagama’t ang bagong FamilySearch ay napakalaking hakbang pasulong, maliit na hakbang pa rin ito. Marami pang gagawin. Dahil pinadadali ng system ang pagkuha ng impormasyong isinumite sa Simbahan maraming dekada na mula sa maraming pinagkunan, maaaring maipakita ng bagong FamilySearch ang ilang nadobleng entry o maling impormasyon na hindi nakita noon. Nakatutulong ang system na ito lalo na sa mga may ninunong kabilang sa mga naunang pioneer. Kailangang itama o iwasto ang mga mali at duplikasyon, at walang ibang mas mahusay na makagagawa nito kundi ang bawat tao ng kani-kanyang pamilya.

Maaaring panghinaan kayo ng loob habang hinaharap ang mga hamong ito. Sana mapanatag kayo na nauunawaang mabuti ang inyong mga alalahanin. Ang Simbahan, sa ilalim ng inspiradong pamumuno ni Pangulong Thomas S. Monson, ay nagsusumikap na alalayan kayo sa paglutas ng mga problemang ito. Sama-sama nating sinisikap na mabuo ang family tree para sa lahat ng mga anak ng Diyos. Ito ay napakalaking gawain na may napakalaking gantimpala.

Ito ay masayang gawain. Tingnan ninyo ang retrato nitong mga bagong miyembro na gumagawa ng gawain sa templo para sa kanilang kamag-anakan. Ang mahal na mga Banal na ito ay mula sa San Salvador El Salvador Ilopango Stake at dumadalo sa Guatemala City Temple sa unang pagkakataon. Hawak nila ang kanilang mga temple card, bawat isa ay may tig-iisang pangalan ng namatay nilang kamag-anak na ginawan nila ng binyag.

Para magtagumpay ang gawain ng family history ng Simbahan, mahalaga ang pamamahala at pamumuno ng priesthood. Nagtuturo at nagpapatotoo ang mga lider tungkol sa doktrinang pinagbatayan ng sagradong gawaing ito.12 Tumatawag sila ng mga taong gagawa nito at tinitiyak na naturuan sila ng gagawin.13 Itinuturing nila ang gawain sa templo at family history na magpapasigla sa diwa ng pagkakaisa ng kanilang ward, magpapalakas sa espirituwalidad ng mga bagong miyembro, at magpapala sa buhay ng lahat ng miyembro.

Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang dakilaan ang kanilang mga pamilya.

Tayo ay dinakila kapag makapananahan tayo kasama ng ating mga kamag-anak sa piling ng Pinakamakapangyarihang Diyos. Nakinita ni Propetang Joseph Smith ang ating tungkulin: “Ang dakilang araw ng Panginoon ay nalalapit na … ,” sabi niya. “Samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan; at ating ialay sa kanyang banal na templo … ang isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.”14

Ang paghahanda ng rekord na iyan ay responsibilidad natin bilang indibiduwal at bilang grupo. Kapag nagtulung-tulong tayo, magagawa nating karapat-dapat iyon sa lahat ng pagtanggap ng Panginoon. Dahil sa rekord na ito ang mga ordenansa ay maisasagawa para sa at matatanggap ng ating mga namatay na ninuno, kung gugustuhin nila. Ang mga ordenansang iyon ay makapagpapalaya sa mga bilanggo sa daigdig ng mga espiritu.15

Ang aming mga anak, apo, ang “Mahal kong si Ruby,” at lahat ng aming mga apo-sa-tuhod ay nabibigkis ng pagmamahal. Nakabigkis din sila sa pagmamahal sa kanilang mga ninuno. Ang mga bigkis na iyon, na pinahigpit ng mga sagradong ordenansa, ay humahantong sa kadakilaan ng aming mga pamilya.16 Ang makamtan ng bawat isa sa atin ang sagradong mithiing ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:13; Mga Taga Galacia 3:28; 2 Nephi 26:33.

  2. Tingnan sa Moises 1:39.

  3. Juan 3:16.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:33.

  5. Sinabi kamakailan ni Pangulong Thomas S. Monson na 83 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ay hindi lalampas sa 200 milya (320 km) ang layo ng tirahan mula sa templo (tingnan sa “Pagbati sa Kumpernsya,” Liahona, Nob. 2009, 4.)

  6. Gordon B. Hinckley, “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Nob. 2005, 5–6.

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 433.

  8. Mababasa na sa mga wikang Ingles, Espanyol, Portuges, French, at German. Magkakaroon sa mga wikang Japanese, Chinese, at Korean sa huling bahagi ng taong ito.

  9. Mayroon tayong mahigit 4,000 mga family history center sa iba’t ibang panig ng mundo.

  10. Kung mayroon kayong magagamit na kompyuter, magpunta sa new.familysearch.org. Sa unang pagrehistro, kakailanganin ninyo ang inyong membership number at ang petsa ng inyong kapanganakan. Makukuha ninyo ang impormasyong ito sa inyong ward o branch clerk. Sa sandaling maka-log in na sa system, maaari na ninyong makita na nasa system na ang impormasyon tungkol sa inyong mga ninuno at kung anong mga ordenansa sa templo ang kailangan nila. Matutukoy ninyo ang mga ninunong hindi ninyo kilala, at maidaragdag ninyo sila sa inyong family tree. Mag-print ng Family Ordinance Request form na dadalhin sa templo at sa gayon ay masimulan na ang pagsasagawa ng kinakailangang mga ordenansa.

  11. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Ang Inyong Kasaysayan ng Mag-anak: Pagsisimula,” Liahona, Ago. 2003, 12–17.

  12. Sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency, isa o higit pang itinalagang mga high councilor ang nangangasiwa sa gawain sa templo at family history sa stake. Sa ward o branch, ang high priest group leader o elders quorum president ang nangangasiwa. Maraming mapagkukunan, kapwa nakalimbag at nasa internet, ang makatutulong sa mga family history consultant at mga lider ng priesthood para magampanan ang kanilang mga tungkulin.

  13. Kabilang sa mga bagong mapagkukunan ng tulong ang Member’s Guide to Temple and Family History Work (aytem blg. 36795) at Instructor’s Guide (aytem blg. 35804) na may kasamang DVD. Ang mga gabay na ito ay maaaring i-download o mapanood online sa lds.org o ma-order sa pamamagitan ng Distribution Services.

  14. Doktrina at mga Tipan 128:24.

  15. Tingnan sa Isaias 61:1; Lucas 4:18; Doktrina at mga Tipan 138:18, 31, 42.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18.