2010
Ang Bato ng Ating Manunubos
Mayo 2010


Ang Bato ng Ating Manunubos

Pinatototohanan ko na ang yaong mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay magkakaroon ng ibayong pananampalataya at pag-asa. Bibigyan sila ng lakas upang madaig ang lahat ng pagsubok ng buhay.

Larawan
Elder Wilford W. Andersen

Maraming taon na ang nakalipas, binisita ko ang Nauvoo, Illinois, kasama ang pamilya ko. Doon nagpunta ang mga Banal noon para maghanap ng kanlungan. Marami ang nawalan ng kanilang mga tahanan at sakahan, at may ilang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pang-uusig. Sa Nauvoo, sila ay nagtipon at nagtayo ng isang bago at magandang lungsod. Ngunit walang tigil ang pang-uusig, at noong 1846, muli nilang sapilitang iniwan ang kanilang mga tahanan—sa pagkakataong ito, sa kalagitnaan ng taglamig. Nakapila ang kanilang mga bagon sa Parley Street habang hinihintay ang kanilang pagtawid sa nagyeyelong tubig ng Mississippi River papunta sa di-tiyak na kinabukasan.

Habang nakatayo kami sa Parley Street at pinag-iisipan ang mapanganib nilang katayuan, natuon ang mga mata ko sa mga karatulang kahoy na nakapako sa mga bakod na kung saan ay nakasulat ang mga sipi mula sa mga diary ng nagdurusang mga banal. Habang binabasa namin, namangha kami na matuklasan sa kanilang mga salita hindi ang kawalan ng pag-asa, kundi ang pagtitiwala at katapatan at maging kagalakan. Puno ang mga iyon ng pag-asa, pag-asang mababanaag sa siping ito mula sa diary ni Sarah DeArmon Rich, Pebrero, 1846: “Ang simulan ang gayong paglalakbay sa taglamig … ay parang paglakad sa panga ng kamatayan, ngunit nanampalataya kami … (at) nagagalak kami na ang araw ng aming pagkaligtas ay dumating na.”1

Ang mga banal na ito ay walang tahanan, ngunit di sila nawalan ng pag-asa. Nadurog ang kanilang mga puso, ngunit ang kanilang espiritu ay malakas. Natutuhan nila ang malalim at mahalagang aral. Natutuhan nila na ang pag-asa, at kaakibat nitong mga pagpapala ng kapayapaan at kagalakan, ay hindi batay sa kalagayan. Natuklasan nila na ang tunay na pinagmumulan ng pag-asa ay pananampalataya—pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, ang nag-iisang tiyak na pundasyon na dapat pagsaligan ng ating buhay.

Ngayon, isa pang grupo ng mga pioneer ang nagpapakita ng mahalagang tuntuning ito. Noong Martes, ika-12 ng Enero, isang malakas na lindol ang yumanig sa bansang Haiti. Iniwan ng lindol ang kabiserang lungsod ng Port-au-Prince na puno ng mga guho. Matindi ang pinsalang dulot nito—tinatayang 1,000,000 katao ang nangawalan ng tahanan, at mahigit 200,000 ang naiulat na nangamatay.

Habang nakasubaybay ang mundo sa di mapapantayang pagtugon ng mga bansa, isa pang kahanga-hanga at nagbibigay-inspirasyong pagsagip ang isinasagawa sa Port-au-Prince—ito ay pinamahalaan ng isang komiteng binuo ng mga lokal na lider ng Simbahan sa Haiti na inorganisa ayon sa huwaran ng priesthood at kumilos ayon sa inspirasyon. Ang mga miyembro ng komite ay kinabilangan ng dalawang stake president at ng dalawang stake Relief Society president sa Port-au-Prince, at ng mission president, na sa edad na 30 ay namumuno sa mahigit 74 na mga full time missionary sa Haiti, Port-au-Prince Mission. Lahat ng kanyang mga misyonero ay Haitian, at himalang wala ni isa sa kanila ang nasugatan sa mapaminsalang lindol na ito.

Sa kamay ng mga lokal na lider na ito ipinagkatiwala ang mga mapagkukunan ng Simbahan, na kinabibilangan ng bukas-palad na kontribusyon ng marami sa inyo. Sa mga kontribusyong ito, ang mga mamamayan ng Haiti ay labis na nagpapasalamat. Sa ilalim ng pamamahala ng komite, mga trak na may lulang pagkain ang halos dumating agad mula sa Dominican Republic. Ilang araw matapos ang lindol, isang eroplanong may lulan na pagkain, mga water purification system, tolda, kumot, at mga gamot, kasama ang isang grupo ng mga doktor ang dumating.

Ang siyam na kapilya doon at sa paligid ng Port-au-Prince ay halos walang sira—isa pang kagila-gilalas na himala. Nang sumunod na mga linggo pagkatapos ng lindol, naging kanlungan ang mga ito ng mahigit 5,000 mga Haitian at doon ipinamahagi ang mga pagkain, tubig, at tulong medikal. Natugunan ang mga pangangailangan, at nagkaroon ng kaayusan sa gitna ng kaguluhan.

Bagamat nagdusang mabuti ang matatapat na Banal na Haitian, sila ay puno ng pag-asa sa hinaharap. Tulad ng mga pioneer noong 1846, nadurog ang kanilang mga puso ngunit ang kanilang espiritu ay malakas. Sila rin ay nagtuturo sa atin na ang pag-asa at kaligayahan at galak ay hindi bunga ng kalagayan, kundi ng pananampalataya sa Panginoon.

Ang propetang si Mormon, na dumanas din ng mga kahirapan, ay naunawaan at malinaw na itinuro ang doktrinang ito:

“At muli, mga minamahal kong kapatid, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa… .

“… Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo … , at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.

Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.”2

Ang pag-asa ay nagmumula sa pananampalataya kay Jesucristo. Nadaig na Niya ang mundo at nangako na papahirin Niya ang ating mga luha kung babaling lamang tayo sa Kanya at maniniwala at susunod.3

Ang ilan sa ngayon na nakadarama ng kawalan ng pag-asa ay maaaring magtaka kung paano sila magkakaroong muli ng pag-asa. Kung isa ka sa kanila, tandaan na ang pag-asa ay dumarating bilang bunga ng pananampalataya. Para magkaroon tayo muli ng pag-asa, kailangan tayong manampalataya.

Sa pananampalataya sa Tagapagligtas, hindi lamang paniniwala ang kailangan. Itinuro ni Apostol Santiago na kahit ang mga diyablo ay nagsisisampalataya at nagsisipanginig.4 Ngunit ang tunay na pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa. Ang kaibhan ng mga diyablo at matatapat na miyembro ng Simbahang ito ay hindi ang paniniwala kundi ang gawa. Ang pananampalataya ay umuunlad sa pagsunod sa mga kautusan. Kailangan tayong gumawa at sumunod sa mga utos. “Mula sa Bible Dictionary mababasa natin na “hindi nagbubunga ang mga himala ng pananampalataya; subalit nahuhubog ang malakas na pananampalataya sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo; sa madaling salita, nagmumula ang pananampalataya sa kabutihan.”5

Kapag sinisikap nating sundin ang mga utos ng Diyos, na pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, at nangangakong gawin ang lahat upang sundin ang Tagapagligtas, nagsisimula tayong magtiwala na sa Pagbabayad-sala, magiging maayos ang lahat. Ang mga damdaming iyon ay pinagtitibay ng Espiritu Santo na nagtataboy, sabi nga ng ating mga ina at amang pioneer, ng “pighati.” Sa kabila ng ating mga pagsubok, maganda pa rin ang ating pakiramdam at gustong umawit na kasama nila ng “kay-inam ng buhay.”6

Hindi ko minamaliit ang katunayan ng sakit na depresyon. Para sa ilan, ang mga solusyon sa depresyon at pagkabalisa ay malalaman sa pagkonsulta sa mahuhusay na doktor. Ngunit sa karamihan sa atin, ang lungkot at takot ay nagsisimulang mapawi at napapalitan ng kaligayahan at kapayapaan kapag nagtiwala tayo sa May-akda ng plano ng kaligayahan at kapag nanampalataya tayo sa Pangulo ng kapayapaan.

Kamakailan isang mahal kong kaibigan ang pumanaw dahil sa kanser. Siya at ang kanyang pamilya ay mga taong may malaking pananampalataya. Nakasisigla ang makita kung paano nakatulong ang kanilang pananampalataya sa napakahirap na sandaling ito. Puspos sila ng kapayapaan ng kalooban na nagtaguyod at nagpalakas sa kanila. Sa pahintulot nila nais kong basahin ang liham ng isang kapamilya na isinulat ilang araw bago namatay ang kanyang ama:

“Ang huling ilang araw ay naging napakahirap… . Kagabi habang nakatipon kami sa tabi ng kama ni Itay, damang-dama ang Espiritu ng Panginoon, at talagang inalo kami. Panatag na kami… . Iyon ang pinakamahirap na karanasan ng sinuman sa amin, ngunit dama namin ang kapanatagan sa kaalaman na … nangako ang ating Ama sa Langit na muli kaming magkakasama bilang isang pamilya. Pagkatapos sabihin ng doktor kay Itay sa ospital na wala nang magagawa pa, tumingin siya sa aming lahat nang may ganap na pananampalataya at buong tapang na nagtanong, “May problema ba kayo sa plano ng kaligtasan?” Wala kaming problema, at nagpapasalamat kami sa ama at ina na nagturo sa amin na magtiwala nang lubusan sa plano.”

Nagsasalita ako sa lahat ng nagdurusa, sa lahat ng namimighati, sa lahat ng may kinakaharap o makakaharap na mga pagsubok at hamon sa buhay na ito. Ang mensahe ko ay sa lahat ng nag-aalala o natatakot o nanghihina ang loob. Ang mensahe ko ay pag-uulit lamang, paalala tungkol sa nakapapanatag na payo mula sa mapagmahal na Ama sa Kanyang mga anak sa simula pa lang ng mundo.

“Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”7

Nagpatotoo ako sa Kanya, na nadaig Niya ang mundo, na hindi Niya tayo kailanman kalilimutan o iiwan dahil tayo ay inanyuan Niya sa mga palad ng Kanyang mga kamay.8 Nagpapatotoo ako na ang sumusunod sa Kanyang mga utos ay magkakaroon ng ibayong pananampalataya at pag-asa. Bibigyan sila ng lakas upang madaig ang lahat ng pagsubok ng buhay. Madarama nila ang kapayapaang di masayod ng pag-iisip.9 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. Sarah DeArmon Rich, sa Carol Cornwall Madsen, Journey to Zion: Voices from the Mormon Trail (1997), 173–74; ginawang makabago ang pagbaybay.

  2. Moroni 7:40–42.

  3. Tingnan sa Paghahayag 7:14–17.

  4. Tingnan sa Santiago 2:19.

  5. Bible Dictionary, “Faith.”

  6. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 30.

  7. Helaman 5:12.

  8. Tingnan sa 1 Nephi 21:16.

  9. Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7.