2010
Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon
Mayo 2010


Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon

Mahalagang tungkulin natin ang tulungan ang mga kabataan na maunawaan ang ebanghelyo at lubusan nila itong paniwalaan.

Larawan
Elder Robert D. Hales

Ngayong hapong ito nais kong hikayatin ang mga magulang at ang lahat ng tinawag na mamuno at maglingkod sa mga kabataan sa mundong ito. Ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith na tayo ay may “mahalagang tungkulin na utang natin sa lahat ng sumisibol na salinlahi” (D at T 123:11).

Sa buong buhay ko bilang ama at lolo, pinagnilay ko ang tanong na ito, ano ang aking tungkulin sa Diyos na may kaugnayan sa kabataan? Maaari bang ibahagi ko ang natutuhan ko mula sa aking pagmumuni-muni at patotoo?

Para sa ating lahat, ang pagganap ng ating tungkulin sa Diyos bilang mga magulang at lider ay nagsisimula sa pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa—patuloy na masigasig na ipinamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa tahanan. Kailangan nito ng determinasyon at sigasig araw-araw.

Para sa mga kabataan, walang kapalit ang makitang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo araw-araw. Hindi kinailangang pagtakahan ng mga kabataang kawal ang pinaniniwalaan ng kanilang mga magulang. Sabi nila, “Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (tingnan sa Alma 56:47–48). Alam ba ng ating mga anak ang alam natin?

May apo akong lalaki na gustong magpasama sa akin minsan para panoorin ang isang pelikula na gusto ng marami pero hindi tamang panoorin. Sinabi ko sa kanya na bata pa ako para panoorin ang pelikulang iyon. Naguluhan siya hanggang sa ipaliwanag sa kanya ng lola niya na hindi na akma ang rating system sa edad ng Lolo niya. Binalikan niya ako at sinabing, “Alam ko na po, Lolo. Kahit kailan hindi ninyo puwedeng panoorin ang pelikulang iyon, di po ba?” At tama siya!

Maliban sa pagpapakita sa mga kabataan ng tamang landas sa pamamagitan ng halimbawa, inaakay natin sila nang may pag-unawa sa kanilang nadarama at lumalakad na kasama nila sa landas ng ebanghelyo. Upang tunay na maunawaan ang kanilang nadarama, hindi dapat na magkakasama lang tayo sa pagdalo sa klase o sa mga aktibidad ng pamilya o Simbahan. Kailangang planuhin at samantalahin natin ang mga sandaling maturuan sila upang makintal ito sa kanilang puso at isipan.

Halimbawa, regular na nagpaplano ang mga lider ng Simbahan ng mga aktibidad sa Scouting at kamping—pero lagi bang nakakamit ng mga aktibidad na iyon ang pinakamahalagang layunin nito? Nalaman ko na ang pinakamakabuluhang aktibidad ng priesthood o Scout sa isang batang lalaki ay hindi ang pagtatamo ng merit badge kundi ang pagkakataong maupo at makausap ang isang lider na may malasakit sa kanya at sa buhay niya.

Gayundin, mga ina at ama, kapag inihahatid ba ninyo ang inyong mga anak sa eskuwela o sa iba’t ibang aktibidad nila, sinasamantala ba ninyo ang oras na makausap sila tungkol sa kanilang mga inaasam at pinapangarap at pinangangambahan at ikinagagalak? Nag-uukol ba kayo ng oras upang tanggalin nila ang mga earplug ng kanilang mga MP3 player at ng iba pang mga kagamitan upang marinig nila kayo at madama ang inyong pagmamahal? Habang nagkakaedad ako, lalo kong natatanto na ang mga sandali na naturuan ako, lalo ng aking mga magulang noong bata pa ako, ang humubog sa aking buhay at pagkatao.

Hindi puwedeng maliitin ang impluwensya ng mga magulang na nakauunawa sa mga saloobin ng kanilang mga anak. Ayon sa pagsasaliksik, sa pinakamahahalagang pagbabago sa buhay—kabilang na ang mga panahong mas malamang na lumayo ang mga kabataan sa Simbahan—ang pinakamatinding impluwensya ay hindi mula sa pag-iinterbyu ng bishop o ng iba pang mga lider kundi mula sa palagian, magiliw, mapagkaibigan, at mapagmalasakit na pakikipag-usap sa mga magulang.

Habang isinasaisip iyan, kapag nakaupo na tayo sa hapag-kainan, naroon ba ang buong pamilya natin? Naaalala ko noong binatilyo ako na nagpaalam akong maglaro ng baseball sa oras ng pagkain. “Ipakilagay na lang po ang pagkain ko sa oven,” sabi ko sa aking ina. Sagot niya, “Robert, gusto ko talagang makapaglaro ka, pero umuwi ka muna, sabayan mo ang pamilya natin sa pagkain, at pagkatapos puwede ka nang maglaro hanggang dumilim.” Itinuro niya sa aming lahat na kapag pagkain ng pamilya ang pinag-uusapan, hindi pagkain ang nagpapabusog kundi ang pag-uusap ng pamilya. Itinuro ng aking ina na ang pinakamatinding pagmamahal na maibibigay namin ay sa loob ng aming tahanan.

Kung talagang gusto nating maantig ang puso ng mga kabataan, kailangang ibigay natin sa kanila ang atensyong ibinibigay natin sa isang pinagkakatiwalaang matandang kasamahan o matalik na kaibigan. Ang pinakamahalaga ay tanungin natin sila, pagsalitain sila, at maghandang makinig—oo, makinig nang makinig—gamit ang mga espirituwal na tainga! Ilang taon na ang nakalilipas nagbabasa ako ng pahayagan nang umupo sa tabi ko ang isa sa mga apo kong lalaki. Habang nagbabasa ako, natutuwa akong pakinggan ang malambing niyang tinig na salita nang salita. Para na ninyong nakita ang pagkabigla ko, nang ilang sandali pa ay pumagitna siya sa akin at sa binabasa ko. Hinawakan niya ang mukha ko at idinikit ang ilong niya sa ilong ko sabay tanong, “Lolo! Nandiyan po ba kayo?”

Inay, Itay, nariyan ba kayo? Lolo’t lola, nariyan ba kayo? Ang ibig sabihin ng nariyan ay nauunawaan ang nasa puso ng ating mga kabataan at nakikipag-ugnayan sa kanila. At ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay hindi lang pakikipag-usap sa kanila kundi paggawa din na kasama nila.

Kamakailan narinig kong ikinukuwento ng isang ina kung paano niya tinulungan ang kanyang tatlong anak sa pagkumpleto ng kanilang Pansariling Pag-unlad sa paggawa ng tulad ng dapat asahan—ang malaman ang nangyayari at pirmahan ang mga proyekto. Pagkatapos ay madamdamin niyang ipinaliwanag, habang tumutulo ang mga luha sa kanyang pisngi, “Nitong nakaraan magkasama naming ginawa ng pang-apat na anak ko ang mga proyekto niya. Ang laki ng nagawang kaibhan nito sa buhay at relasyon namin. Pero nalungkot ako nang matanto ko ang nawala sa akin dahil hindi ko ginawa ito sa tatlong anak ko.” Ang pinakamalungkot na binigkas at naisulat na mga salita ay ang pagsasabing, “Dapat sana’y gayon nga!”1

Dapat maunawaan ng matatandang miyembro ng Simbahan na ang mga ipinapagawa sa Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos ay hindi lamang mahahabang listahan ng gagawin. Ang mga ito ay mga pansariling mithiin na itinakda ng bawat kabataang lalaki at babae upang tulungan silang maging karapat-dapat na matanggap ang mga ordenansa sa templo, magmisyon, magpakasal sa templo, at magtamasa ng kadakilaan. Ngunit dapat na maunawaan ito: ang subukan ng mga kabataang lalaki at babae na isagawa ang mga mithiing ito nang mag-isa ay isang malaking kawalan at trahedya!

Mga ama, ina, at lider ng mga kabataan, hinihikayat namin kayong makibahagi sa Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos kasama ng inyong mga anak at mga kabataan. Hindi lamang sila uunlad; kayo rin ay uunlad. At kasinghalaga niyan, magkasama kayong uunlad sa bigkis ng pananampalataya at pakikipagkaibigan na magtutulot sa inyo na mapalakas ang isa’t isa at manatili sa landas ng ebanghelyo magpakailanman, upang maging isang pamilyang walang hanggan.

Ang isa pang mahalagang bahagi ng pagganap ng ating tungkulin sa Diyos bilang mga magulang ay ang pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga anak at paghahanda sa kanila na ganap na makibahagi sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas. Alalahanin ang aral tungkol sa mga tao ni Haring Benjamin. Dahil sa kanyang mga itinuro, marami sa mga matatanda ang nagkaroon ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2). Ngunit nakasaad na “marami sa mga bagong salinlahi ang hindi nakauunawa sa mga salita ni haring Benjamin, na maliliit na bata pa noong panahong siya ay mangusap sa kanyang mga tao; at hindi sila naniwala… . At ang kanilang mga puso ay matitigas” (Mosias 26:1, 3).

Mahalagang tungkulin natin ang tulungan ang mga kabataan na maunawaan at lubusang paniwalaan ang ebanghelyo. Maituturo natin sa kanila na lumakad sa liwanag, ngunit ang liwanag na iyon ay hindi mahihiram. Kailangang kamtin nila ito sa kanilang sarili. Kailangan nilang matanggap ang sarili nilang liwanag ng patotoo mula sa mismong Pinagmumulan ng epirituwal na liwanag—ang Diyos mismo—sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral at pagninilay. At dapat nilang maunawaan kung sino sila at ano ang nais ng Ama sa Langit na marating nila. Paaano natin sila tutulungan?

Kapag tayo ay may family home evening, pulong ng pamilya, o kinakausap natin nang masinsinan ang ating mga anak tungkol sa ebanghelyo, may pagkakataon tayong tumitig sa kanilang mga mata at sabihin sa kanilang mahal natin sila at mahal sila ng Ama sa Langit. Sa ganitong mga sagradong pagkakataon, matutulungan din natin silang maunawaan, sa kaibuturan ng kanilang puso, kung sino sila at kung gaano sila kapalad na maisilang sa mundong ito at sa ating tahanan at makibahagi sa mga tipang ginawa natin sa templo upang maging isang pamilyang walang hanggan. Sa bawat pag-uusap, maibabahagi o maipapakita natin ang mga alituntunin at pagpapala ng ebanghelyo.

Sa mapanganib na mga panahong ito hindi sapat para sa ating kabataan na makaalam lamang. Kailangan silang kumilos. Ang buong-pusong pakikibahagi sa mga ordenansa, korum at auxiliary, inspiradong mga programa, at nakapagpapalakas na mga aktibidad ay tumutulong sa mga kabataan na maisuot ang buong baluti ng Diyos. Tutulungan ba natin silang isuot ang baluting iyan upang mapaglabanan nila ang nag-aapoy na sibat ng kaaway? Upang tunay na mapili ang landas ng Panginoon, kailangang alam nila ang Kanyang landas. At upang tunay na malaman ang Kanyang landas, dapat natin silang turuan at hikayating kumilos, makibahagi, gumawa.

Ang pinakadakilang pagmimisyon na magagawa natin ay sa loob ng ating tahanan. Ang ating mga tahanan, korum, at mga klase ay bahagi rin ng misyon. Ang ating mga anak at apo ang ating pinakamahahalagang investigator.

Ang pinakamahalagang gawain sa family history na gagawin natin ay sa loob ng sarili nating tahanan. Ang espirituwal na kahandaan ng ating mga anak sa bagong henerasyon, sa pamamagitan ng kanilang pagsunod, ang siyang titiyak sa walang hanggang pagkaligtas at pagpapatuloy ng ating mga pamilya sa susunod na mga henerasyon.

Ang pinakamalaking pagsagip, ang pinakamalaking pagpapaaktibo ay sa loob ng ating tahanan. Kung may isang miyembro ng inyong pamilya na nalihis ng landas, kayo ay isang tagasagip, na bahagi ng pinakamalaking pagsagip na isinasagawa ng Simbahan. Ito ang aking patotoo mula sa sarili kong karanasan: Walang pagkabigo kung walang pagsuko. Kahit kailan hindi napakaaga o napakahuli na para magsimula. Huwag alalahanin ang mga nangyari na. Damputin ang telepono. Sumulat. Bumisita. Anyayahan silang umuwi. Huwag matakot o mahiya. Ang inyong anak ay anak ng ating Ama sa Langit. Ginagawa ninyo ang Kanyang gawain. Ipinangako Niyang titipunin ang Kanyang mga anak, at kasama ninyo Siya.

Ang pinakamatibay nating pananampalataya ay nasa ating tahanan habang nananatili tayong matatag sa harap ng mga pagsubok at hirap ng pagiging magulang. Sa isang maliit na grupo ng mga ina, sinabi ni Pangulong Monson kamakailan, “Kung minsan ang dali nating husgahan ang epekto ng ating mga tagumpay at kabiguan.” Idaragdag ko ito, huwag ninyong ituring na walang katapusan ang mga pagsubok ninyo ngayon. Gagawin ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain sa bandang huli. “Marami pang naghihintay sa hinaharap,” sabi ni Propetang Joseph Smith. “Samakatwid, … ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya, at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:15, 17).

Sa Linggong ito ng Pagkabuhay umaasa akong magkakaroon tayo ng pagkakataong ibahagi ang ating mga patotoo na alam nating buhay ang Diyos at si Jesus ang Cristo. Umaasa akong magpapatotoo tayo upang malaman ng ating mga anak ang nilalaman ng ating mga puso at na mahal natin sila. Ang pinakadakilang pagmamahal at pinakadakilang mga turo ay dapat maranasan sa sarili nating mga tahanan.

Hiling ko sa Panginoon na pagpalain ang mga magulang at mga kabataan na pinalalaki sa matatapat na tahanan, na maunawaan nila ang kagalakan ng mapabilang sa isang tahanan at pamilya kung saan sila mamahalin, susubaybayan, at papatnubayan. Dalangin ko na nawa maging walang hanggan ang ating mga pamilya at magkasama-sama tayo habampanahon sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Ibinibigay ko ang aking natatanging saksi na si Jesucristo ay buhay. Siya ang pastol ng nawawalang tupa, ang tagasagip ng naliligaw ng landas, ang tagapagpahilom ng sugatang puso, ang pag-asa ng buong sanlibutan. Kasama Siya na ating Panginoon, gampanan natin ang ating tungkulin sa Diyos nang may pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa bawat isa sa atin, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

TALA

  1. Tingnan sa “Maud Muller,” The Complete Poetical Works of John Greenleaf Whittier (1876), 206.