Kaibigan
Handa na ang Almusal
Abril 2024


“Handa na ang Almusal,” Kaibigan, Abril 2024, 38–39.

Handa na ang Almusal

Nang lalong magpraktis ng pagluluto si David, lalo siyang nagkaroon ng tiwala sa sarili.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Larawan
Batang lalaking may oven mitt at apron

Kumalam ang tiyan ni David sa amoy ng spaghetti sauce. “Kailan magiging handa ang hapunan?”

“Ilang minuto na lang,” sabi ni Papá, habang hinahalo ang sarsa. Sinulyapan niya si David. “Ano ang ginagawa mo?”

Itinaas ni David ang kanyang Gabay na Aklat para sa mga Bata. “Sinusubukan ko pong pumili ng isang bagong mithiin. Pero hindi po ako sigurado kung alin ang gagawin ko. Maganda pong lahat ang mga ito.”

“Ano ang ilan sa mga opsiyon?”

Binuklat-buklat ni David ang gabay na aklat. “Kumanta ng isang awitin sa Primary, maglingkod sa iyong mga kapitbahay, malugod na tanggapin ang iba.…” Pagkatapos ay may nakita siyang isa pa. “Ay! Papá, matuturuan po ba ninyo akong magluto?”

“Oo naman,” sabi ni Papá. “Magluluto ako bukas ng aking espesyal na almusal sa araw ng Linggo. Gigising ka ba nang maaga para tulungan ako?”

“OK po!” sabi ni David.

Kinaumagahan, maagang gumising si David at nakita niya si Papá sa kusina. Habang inilalabas ni Papá ang mga sangkap, naghugas ng mga kamay si David.

Ipinakita ni Papá kay David kung paano humawak ng kutsilyo at maingat na maghiwa ng prutas. Ipinahalo niya kay David ang lahat ng sangkap para sa pancake. Pagkatapos ay oras na para sa pinakamagandang parte. Bacon!

Gumamit ng tong o sipit si David para maingat na baligtarin ang bacon sa kawali. Sumagitsit ang bacon, at natilamsikan ng kaunting mantika ang mga daliri niya. “Aray!” sabi ni David.

“Ingat,” sabi ni Papá. Binuksan niya ang gripo at ipinatapat kay David ang kamay nito sa malamig na tubig sa loob ng isang minuto. Pagkatapos ay pinagsuot niya ng oven mitt si David para hindi matilamsikan ng mainit na mantika ang mga kamay nito.

“Mahirap po palang magluto,” sabi ni David.

“Oo,” sabi ni Papá. “Mahirap matuto ng mga bagong bagay. Kaya kailangan mong matutuhan ang mga tamang pamamaraan.”

“At magpraktis nang madalas,” sabi ni David. “Natutuhan ko po sa Primary na kahit si Jesus ay hindi alam ang lahat ng bagay noong una.”

Tumango si Itay. “Kinailangan pa nga Niyang matutuhan ang mga bagay-bagay nang paunti-unti.”

Natapos silang magluto ng bacon at inihanda nila ang lahat ng pagkain sa mesa. Gustung-gusto ito ng buong pamilya.

Ngumiyaw ang pusa nilang si Nacho sa ilalim ng mesa.

“Palagay ko humihingi rin ng kaunti si Nacho!” sabi ng kapatid ni David na si Sarah.

Tinulungan nang madalas ni David si Papá sa kusina pagkatapos niyon. Pinakitaan siya ni Papá ng maraming resipe sa kanilang recipe book. Natutuhan ni David kung paano magsukat ng mga sangkap para sa cookies, paano magluto ng scrambled na itlog, at paano magtimpla ng kanyang paboritong inuming horchata. Nang lalo siyang magpraktis na magluto, lalo siyang nagkaroon ng tiwala sa sarili.

Pagkatapos isang Linggo ng umaga, naramdaman na rin ni David na handa na siya. “Papá, maaari po bang ako nang mag-isa ang magluto ng almusal ngayon?” tanong ni David nang samahan niya si Papá sa kusina.

“Sige,” sabi ni Papá. “Narito lang ako kung kailangan mo ng tulong.”

Inilabas ni David ang mga kailangan niya at nagsimulang magluto. Hiniwa niya ang mga strawberry at saging sa paraang naipakita sa kanya ni Papá. Maingat niyang ibinaligtad ang mga pancake nang wala ni isa mang nasusunog.

At nang magluto siya ng bacon, alam niya kung ano ang gagawin. Nagsuot siya ng oven mitt at apron para hindi siya matilamsikan ng mantika.

Nang tapos na siya, inihanda ni David ang lahat ng pagkain sa mesa. Umupo na ang buong pamilya. Nagdasal ang nakababata niyang kapatid na si Emily, at nagsimula na silang kumain.

“Ang sarap naman nito,” sabi ng kapatid niyang si Jeremie. “Salamat po, Papá.”

“Ang totoo,” sabi ni Papá, “si David ang mag-isang nagluto ng lahat ng ito.”

“Talaga po?” sabi ni Jeremie. Tumingin siya kay David. “Ang galing mo nang magluto!”

Masayang-masaya si David. Nagpraktis siyang mabuti, pero maganda ang pakiramdam ng pagluluto ng almusal para sa kanyang pamilya. Hindi siya makapaghintay na subukan ang iba pang mga resipe.

Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Liz Brizzi