2021
Ana Cumandá Rivera
Hunyo 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ana Cumandá Rivera

Missionary at Guro sa Pagbabasa sa Ecuador

“Saang lugar po ninyo ako kailangang maglingkod?”

Larawan
woman in Ecuador holding books

Itinirintas ni Sister Ana Rivera ang kanyang mahaba at maitim na buhok at isinabit niya ang kanyang bag ng banal na kasulatan sa kanyang balikat. Simula na naman ng isang araw sa kanyang misyon. Sabik siyang makita kung ano ang mga himalang mangyayari!

Naglakad sa labas si Ana at ang kanyang kompanyon na si Sister Carrascal habang umiihip ang hangin sa umaga. Nakikita nila ang matataas na bulkan sa malayo habang naglalakad sila sa nayon. Sila ang ilan sa mga unang missionary na naglilingkod sa lugar na Otavalo. Bago pa lang ang Simbahan sa Ecuador, pero lumalago ito.

Hola!” sabi nila habang binabati ang isa sa mga pamilyang tinuturuan nila. Isang ina, ama, at ilang bata ang nagtipon para sa isang aralin.

“Ngayon ay magtuturo kami tungkol sa mga propeta,” sabi ng kompanyon ni Ana. Naghalinhinan sina Ana at Sister Carrascal sa pagpapaliwanag kung paano tumatawag ang Diyos ng mga propeta na magtuturo tungkol kay Jesucristo.

Nang oras na upang magbasa, binuksan ni Ana ang kanyang kopya ng Aklat ni Mormon. Palaging si Ana ang nagbabasa ng mga talata sa banal na kasulatan dahil hindi marunong magbasa o magsulat ni Sister Carrascal. Si Sister Carrascal ay makapangyarihang missionary pa rin.

“Alam ko na ang ibinahagi namin ngayon ay totoo,” sabi ni Ana pagkatapos ng aralin. “Gagawin ba ninyong manalangin upang malaman sa inyong sarili?”

Tumango ang pamilya. Napuspos ng magandang pakiramdam ang puso ni Ana.

Sa pagtatapos ng maghapon, sabi ni Sister Carrascal, “Maaari mo ba akong turuang magbasa at magsulat?”

Hindi alam ni Ana kung ano ang sasabihin. Hindi pa siya kailanman nakapagturo sa isang tao kung paano magbasa. Hindi niya alam kung kaya niya iyong gawin.

“Puwede kong subukan,” sabi ni Ana sa wakas. “Hindi ko alam kung magiging mabuting guro ako.”

Ngumiti nang todo si Sister Carrascal. “Turuan mo lang ako,” sabi niya. “Mananalangin ako sa Ama sa Langit na tulungan akong makaunawa.”

Namangha si Ana sa pananampalataya ni Sister Carrascal. “Sige. Tuturuan kita!” sabi niya.

Tuwing umaga, nagsisikap si Ana na tulungan si Sister Carrascal na matuto. Nagsanay sila na magsulat ng mga titik. Binigkas nila ang tunog ng mga salita. Nanalangin sila para sa tulong. Kalaunan, nakapagbabasa na si Sister Carrascal ng mga talata sa banal na kasulatan, nang paisa-isang salita!

Nang matapos ni Ana ang kanyang misyon, bumalik siya sa kanyang tahanan sa Quito, ang kabiserang lungsod ng Ecuador.

Ngunit gusto pa rin niyang maglingkod. “Ama sa Langit,” dalangin niya, “gusto ko pong patuloy na maglingkod, at kailangan ko pong makahanap ng trabaho. Tulungan po Ninyo akong malaman kung paano ako makapagtatrabaho at patuloy na makatutulong sa mga tao.”

Isang araw ay nasagot ang panalangin ni Ana. Isang lalaking nagngangalang Brother Mesa ang nagpunta sa kanyang bahay. Nagtatrabaho siya sa Church Educational System.

“Ana,” sabi niya, “kailangan ng Simbahan ng mga boluntaryo na magtuturo sa mga tao kung paano magbasa. Handa ka bang tumulong?”

“Opo!” sabi ni Ana. “Saang lugar po ninyo ako kailangang maglingkod?”

Napangiti si Brother Mesa. “Bumalik ka sa Otavalo!”

Napangiti si Ana habang naiisip niya ang pagbalik sa mga nayon na minahal niya. Nagpapasalamat siya para sa mga kaloob na ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit na maibabahagi niya—ang kaloob na magbasa at ang kaloob na ebanghelyo. Parehong himala ang mga ito.

Ang Otavalo ay isang rehiyon sa Ecuador na nasa bulubundukin ng Andes.

Ngayon, mayroong mahigit 250,000 miyembro ng Simbahan sa Ecuador.

Hindi magtatagal, magkakaroon na ng dalawang templo sa Ecuador.

Nabinyagan si Ana noong 1974. Nagmisyon siya pagkaraan ng isang taon.

Nagboluntaryo si Ana nang pitong taon upang tulungan ang mga tao na magbasa.

Ang paboritong awitin sa Primary ni Ana ay ang “Panalangin ng Isang Bata.”

Larawan
Friend Magazine, Global 2021/06 Jun

Mga paglalarawan ni Rodrigo Cordeiro