Mga Banal na Kasulatan
Moises 5


Kabanata 5

(Hunyo–Oktubre 1830)

Sina Adan at Eva ay nagkaroon ng mga anak—Si Adan ay nag-alay ng hain, naglingkod sa Diyos—Sina Cain at Abel ay isinilang—Si Cain ay naghimagsik, minahal si Satanas nang higit pa kaysa Diyos, at naging Kapahamakan—Ang pagpaslang at kasamaan ay lumaganap—Ipinangaral ang ebanghelyo mula pa sa simula.

1 At ito ay nangyari na, nang matapos ko, ang Panginoong Diyos, na itaboy silang palabas, na si Adan ay nagsimulang magbungkal ng lupa, at magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng hayop sa parang, at kainin ang kanyang tinapay sa pamamagitan ng pawis ng kanyang kilay, tulad ng ipinag-utos ko, ang Panginoon, sa kanya. At gayon din si Eva, na kanyang asawa, ay nagpagal na kasama niya.

2 At nakilala ni Adan ang kanyang asawa, at siya ay nagsilang sa kanya ng mga anak na lalaki at babae, at sila ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa.

3 At magmula sa araw na yaon, ang mga anak na lalaki at babae ni Adan ay nagsimulang mahati nang dala-dalawa sa lupa, at magbungkal ng lupa, at mag-alaga ng mga kawan, at sila ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki at babae.

4 At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay nanawagan sa pangalan ng Panginoon, at kanilang narinig ang tinig ng Panginoon sa daan patungo sa Halamanan ng Eden, nangungusap sa kanila, at siya ay hindi nila nakita; sapagkat sila ay pinagsarhan mula sa kanyang harapan.

5 At siya ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, na kanilang nararapat sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at nararapat ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon. At si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.

6 At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.

7 At sa gayon nangusap ang anghel, nagsasabing: Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.

8 Kaya nga, gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman.

9 At nang araw na yaon ang Espiritu Santo ay napasa kay Adan, na siyang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagsasabing: Ako ang Bugtong na Anak ng Ama mula pa sa simula, ngayon at magpakailanman, nang sa iyong pagkahulog ikaw ay matubos, at ang buong sangkatauhan, maging kasindami ng magnanais.

10 At sa araw na yaon, pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

11 At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.

12 At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae.

13 At si Satanas ay nakihalubilo sa kanila, nagsasabing: Ako rin ay isang anak ng Diyos; at kanyang inutusan sila, nagsasabing: Huwag ninyo itong paniwalaan; at sila ay hindi naniwala rito, at kanilang minahal si Satanas nang higit pa sa Diyos. At magmula sa araw na yaon ang mga tao ay nagsimulang maging makamundo, mahalay, at mala-diyablo.

14 At ang Panginoong Diyos ay nanawagan sa mga tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa lahat ng dako at nag-utos sa kanila na sila ay nararapat na magsipagsisi;

15 At kasindami ng mga maniniwala sa Anak, at magsisisi ng kanilang mga kasalanan ay maliligtas; at kasindami ng mga hindi maniniwala at hindi magsisisi ay parurusahan; at ang mga salita ay namutawi sa bibig ng Diyos sa isang matibay na kautusan; anupa’t ang mga ito ay kinakailangang matupad.

16 At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay hindi tumigil sa pagtawag sa Diyos. At nakilala ni Adan si Eva, na kanyang asawa, at siya ay naglihi at isinilang si Cain, at nagsabi: Pinagkalooban ako ng isang anak na lalaki ng Panginoon; kaya nga, hindi niya maaaring itatwa ang kanyang mga salita. Subalit masdan, si Cain ay hindi nakinig, sinasabing: Sino ang Panginoon na nararapat ko siyang makilala?

17 At siya ay muling naglihi at isinilang si Abel na kanyang kapatid. At si Abel ay nakinig sa tinig ng Panginoon. At si Abel ay isang tagapag-alaga ng tupa, samantalang si Cain ay isang tagapagbungkal ng lupa.

18 At minahal ni Cain si Satanas nang higit sa Diyos. At si Satanas ay nag-utos sa kanya, sinasabing: Maghandog ka sa Panginoon.

19 At sa paglipas ng panahon nangyari na nagdala si Cain ng isang handog na mga bunga ng lupa sa Panginoon.

20 At nagdala rin naman si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, at ng taba niyaon. At isinaalang-alang ng Panginoon si Abel, at ang kanyang handog.

21 Datapwat hindi isinaalang-alang si Cain at ang kanyang handog. Ngayon, alam ito ni Satanas, at ito ay ikinasiya niya. At napoot nang labis si Cain, at namanglaw ang kanyang mukha.

22 At sinabi ng Panginoon kay Cain: Bakit ka napopoot? Bakit nagdilim ang iyong mukha?

23 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, ikaw ay tatanggapin. At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nag-aabang ang kasalanan sa pintuan, at si Satanas ay nagnanasa na maangkin ka; at maliban kung ikaw ay makikinig sa aking mga kautusan, akin kitang pababayaan, at mangyayari sa iyo alinsunod sa kanyang naisin. At ikaw ang papanginoonin niya;

24 Sapagkat simula sa oras na ito, ikaw ang magiging ama ng kanyang mga kasinungalingan; ikaw ay tatawaging Kapahamakan; sapagkat ikaw ay naroon din bago pa ang daigdig.

25 At ito ang sasabihin sa panahong darating—Na ang mga karumal-dumal na gawaing ito ay mayroon na mula pa kay Cain; sapagkat kanyang tinanggihan ang dakilang payo na nagmula sa Diyos; at ito ay isang sumpa na aking ipapataw sa iyo, maliban kung ikaw ay magsisisi.

26 At si Cain ay napoot, at hindi na nakinig pang muli sa tinig ng Panginoon, ni kay Abel, na kanyang kapatid, na lumakad sa kabanalan sa harapan ng Panginoon.

27 At si Adan at ang kanyang asawa ay nagdalamhati sa harapan ng Panginoon, dahil kay Cain at sa kanyang mga kapatid.

28 At ito ay nangyari na, na kumuha si Cain ng isa sa mga anak na babae ng kanyang mga kapatid na lalaki upang maging asawa, at kanilang minahal si Satanas nang higit pa sa Diyos.

29 At sinabi ni Satanas kay Cain: Sumumpa sa akin sa pamamagitan ng iyong lalamunan, at kung ipagsasabi mo ito, ikaw ay mamamatay; at pasumpain ang iyong mga kapatid sa pamamagitan ng kanilang mga ulo, at sa buhay na Diyos, na ito ay hindi nila ipagsasabi; sapagkat kung kanilang ipagsasabi ito, sila ay walang pagsalang mamamatay; at ito ay upang hindi ito malaman ng iyong ama; at sa araw na ito ay ibibigay ko ang iyong kapatid na si Abel sa iyong mga kamay.

30 At si Satanas ay nanumpa kay Cain na gagawin niya ang naaalinsunod sa kanyang mga utos. At lahat ng bagay na ito ay ginawa nang lihim.

31 At sinabi ni Cain: Tunay na ako si Mahan, ang panginoon ng malaking lihim na ito, upang ako ay makapaslang at makinabang. Anupa’t si Cain ay tinawag na Panginoong Mahan, at siya ay nagmapuri sa kanyang kasamaan.

32 At si Cain ay nagtungo sa parang at nakipag-usap si Cain kay Abel, na kanyang kapatid. At ito ay nangyari, na habang sila ay nasa parang, naghimagsik si Cain laban kay Abel, na kanyang kapatid, at siya’y pinatay.

33 At si Cain ay nagmalaki sa yaong kanyang ginawa, sinasabing: Ako ay malaya na; tunay na ang mga kawan ng aking kapatid ay mahuhulog sa aking mga kamay.

34 At sinabi ng Panginoon kay Cain: Saan naroon si Abel, na iyong kapatid? At sinabi niya: Hindi ko nalalaman. Ako ba ay tagapagbantay ng aking kapatid?

35 At sinabi ng Panginoon: Ano itong ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.

36 At ngayon, susumpain ka sa lupa na nagbuka ng kanyang bibig upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.

37 Sa pagbubungkal mo ng lupa, ay di na niya ibibigay mula ngayon sa iyo ang kanyang lakas. Ikaw ay magiging isang takas at hampas-lupa sa mundo.

38 At sinabi ni Cain sa Panginoon: Tinukso ako ni Satanas dahil sa kawan ng aking kapatid. At ako ay napoot din; sapagkat inyong tinanggap ang kanyang handog at ang sa akin ay hindi; ang aking kaparusahan ay higit kaysa mababata ko.

39 Masdan, ako ay itinataboy ninyo ngayon mula sa harapan ng Panginoon, at mula sa inyong harapan ako ay matatago; at ako ay magiging isang takas at hampas-lupa sa mundo; at ito ay mangyayari, na siya na makasusumpong sa akin ay papatayin ako, dahil sa aking mga kasamaan, sapagkat ang mga bagay na ito ay hindi natatago sa Panginoon.

40 At ako, ang Panginoon ay nagsabi sa kanya: Sinumang pumatay sa iyo, ay makapitong gagantihan siya. At ako, ang Panginoon, ay naglagay ng isang tanda kay Cain, nang hindi siya patayin ng sinumang makasumpong sa kanya.

41 At pinagsarhan si Cain sa harapan ng Panginoon, at kasama ang kanyang asawa at marami sa kanyang mga kapatid ay nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.

42 At nakilala ni Cain ang kanyang asawa, at siya ay naglihi at isinilang si Enoc, at siya rin ay nagkaroon ng maraming anak na lalaki at babae. At siya ay nagtayo ng isang lunsod, at tinawag niya ang lunsod alinsunod sa pangalan ng kanyang anak na lalaki, na si Enoc.

43 At isinilang kay Enoc si Irad, at iba pang mga anak na lalaki at babae. At isinilang kay Irad si Mehujael, at iba pang mga anak na lalaki at babae. At isinilang kay Mehujael si Metusael, at iba pang mga anak na lalaki at babae. At isinilang kay Metusael si Lamec.

44 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa ay Ada, at ang pangalan ng isa pa ay Zilla.

45 At isinilang ni Ada si Jabal; na siyang naging ama ng nangagsisitahan sa mga tolda, at sila ay mga tagapag-alaga ng mga hayop; at ang pangalan ng kanyang kapatid na lalaki ay Jubal, na siyang ama ng lahat ng tumutugtog ng alpa at flauta.

46 At si Zilla, isinilang naman niya si Tubal Cain, na isang mamamanday ng lahat ng kagamitang tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal Cain ay tinawag na Naama.

47 At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa, kina Ada at Zilla: Pakinggan ninyo ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec, makinig sa aking salaysay; sapagkat pumatay ako ng isang tao sa aking ikasusugat, at ng isang binata sa aking ikasasakit.

48 Kung makapitong gagantihan si Cain, tunay na si Lamec ay makapitumpu at pito;

49 Sapagkat si Lamec sa pakikipagtipan kay Satanas, alinsunod sa pamamaraan ni Cain, kung saan siya ay naging Panginoong Mahan, panginoon ng malaking lihim na ibinigay kay Cain ni Satanas; at si Irad, na anak na lalaki ni Enoc, na nakaaalam ng kanilang lihim, ay nagsimulang ipahayag ito sa mga anak na lalaki ni Adan;

50 Dahil dito, si Lamec, sa galit, ay pinatay siya, hindi katulad ni Cain, sa kanyang kapatid na si Abel, upang makakuha ng pakinabang kundi kanyang pinatay siya dahil sa sumpa.

51 Sapagkat, mula noong mga araw ni Cain, ay mayroon nang lihim na pakikipagsabwatan, at ang kanilang mga gawain ay nasa dilim, at kanilang nakikilala ang bawat tao na kanyang kapatid.

52 Dahil dito isinumpa ng Panginoon si Lamec, at ang kanyang sambahayan, at silang lahat na nakipagtipan kay Satanas; sapagkat hindi nila sinunod ang mga kautusan ng Diyos, at ito ay hindi ikinalugod ng Diyos, at siya ay hindi naglingkod sa kanila, at ang kanilang mga gawain ay karumal-dumal, at nagsimulang lumaganap sa lahat ng anak na lalaki ng tao. At ito ay nasa mga anak na lalaki ng tao.

53 At sa mga anak na babae ng tao ang mga bagay na ito ay hindi sinabi, sapagkat yaong si Lamec ay sinabi ang lihim sa kanyang mga asawa, at sila ay naghimagsik laban sa kanya, at ipinahayag ang mga bagay na ito sa paligid, at hindi mga naawa;

54 Dahil dito si Lamec ay kinamuhian, at pinalayas, at hindi na nakihalubilo sa mga anak na lalaki ng tao, na baka siya ay mamatay.

55 At sa gayon ang mga gawain ng kadiliman ay nagsimulang mangibabaw sa lahat ng anak na lalaki ng tao.

56 At isinumpa ng Diyos ang lupa ng isang matinding sumpa, at nagalit sa masasama, sa lahat ng anak na lalaki ng tao na kanyang nilikha;

57 Sapagkat sila ay ayaw makinig sa kanyang tinig, ni maniwala sa kanyang Bugtong na Anak, maging sa kanya na ipinahayag niya na paparito sa kalagitnaan ng panahon, na siyang inihanda bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.

58 At sa gayon sinimulang ipangaral ang Ebanghelyo, mula sa simula, na ipinahayag ng mga banal na anghel na isinugo mula sa kinaroroonan ng Diyos, at sa pamamagitan ng kanyang sariling tinig, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo.

59 At sa gayon pinagtibay kay Adan ang lahat ng bagay, sa pamamagitan ng isang banal na ordenansa, at ang Ebanghelyo ay ipinangaral, at isang utos ang ipinadala, na ito ay nararapat na manatili sa daigdig, hanggang sa wakas niyon; at gayon nga ito. Amen.