Kabanata 25
Si Nephi ay nagagalak sa kalinawan—Ang mga propesiya ni Isaias ay mauunawaan sa mga huling araw—Ang mga Judio ay magbabalik mula sa Babilonia, ipapako sa krus ang Mesiyas, at ikakalat at parurusahan—Ipanunumbalik sila kapag naniwala na sila sa Mesiyas—Una Siyang paparito anim na raang taon matapos lisanin ni Lehi ang Jerusalem—Sinunod ng mga Nephita ang batas ni Moises at naniwala kay Cristo, na siyang Banal ng Israel. Mga 559–545 B.C.
1 Ngayon, ako, si Nephi, ay nagsasalita nang bahagya hinggil sa mga salitang aking isinulat, na winika ng bibig ni Isaias. Sapagkat dinggin, nangusap si Isaias ng maraming bagay na mahirap maunawaan ng marami sa aking mga tao; sapagkat hindi nila nalalaman ang hinggil sa paraan ng pagpopropesiya sa mga Judio.
2 Sapagkat ako, si Nephi, ay hindi nagturo sa kanila ng maraming bagay hinggil sa pamamaraan ng mga Judio; sapagkat ang kanilang mga gawain ay gawain ng kadiliman, at ang kanilang mga gawi ay mga gawing karumal-dumal.
3 Anupa’t sumusulat ako sa aking mga tao, sa lahat ng yaong makatatanggap ng mga bagay na ito na aking isinusulat, upang malaman nila ang mga kahatulan ng Diyos, na sasapit ang mga ito sa lahat ng bansa, alinsunod sa salitang kanyang sinabi.
4 Anupa’t makinig, O aking mga tao, na nabibilang sa sambahayan ni Israel, at pakinggan ang aking mga salita; sapagkat hindi malinaw sa inyo ang mga salita ni Isaias, gayunpaman, malinaw ang mga yaon sa lahat ng yaong puspos ng diwa ng propesiya. Subalit magbibigay ako sa inyo ng isang propesiya, alinsunod sa espiritu na nasa akin; anupa’t magpopropesiya ako alinsunod sa kalinawan na nasa akin mula sa panahong ako ay lumisan sa Jerusalem na kasama ng aking ama; sapagkat dinggin, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan para sa aking mga tao, upang matuto sila.
5 Oo, at ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga salita ni Isaias, sapagkat ako ay nagmula sa Jerusalem, at namasdan ng aking mga mata ang mga bagay ng mga Judio, at alam kong nauunawaan ng mga Judio ang mga ipinahayag ng mga propeta, at walang ibang taong makauunawa ng mga bagay na sinabi sa mga Judio na tulad nila, maliban kung sila ay naturuan alinsunod sa pamamaraan ng mga bagay ng mga Judio.
6 Subalit dinggin, ako, si Nephi, ay hindi nagturo sa aking mga anak alinsunod sa mga pamamaraan ng mga Judio; subalit dinggin, ako, sa aking sarili, ay nakapanirahan sa Jerusalem, kaya nga, nalalaman ko ang hinggil sa mga lugar sa paligid; at nagawa kong banggitin sa aking mga anak ang hinggil sa mga kahatulan ng Diyos, na sasapit sa mga Judio, sa aking mga anak, alinsunod sa lahat ng sinabi ni Isaias, at hindi ko isinulat ang mga ito.
7 Subalit dinggin, nagpapatuloy ako sa aking sariling propesiya, alinsunod sa aking kalinawan; kung saan nalalaman ko na walang sinuman ang maaaring magkamali; gayunpaman, sa mga araw na matutupad ang mga propesiya ni Isaias ay malalaman ng mga tao nang may katiyakan, sa mga panahong mangyayari ang mga ito.
8 Samakatwid, mahalaga ang mga yaon sa mga anak ng tao, at siya na nag-aakala na hindi mahalaga ang mga yaon, mangungusap ako lalo na sa kanila, at itatakda lamang ang mga salita sa aking sariling mga tao; sapagkat nalalaman kong magiging labis na mahalaga ang mga ito sa kanila sa mga huling araw; sapagkat sa araw na yaon ay mauunawaan nila ang mga ito; kaya nga, isinulat ko ang mga ito para sa kanilang ikabubuti.
9 At tulad ng pagkalipol ng isang salinlahi ng mga Judio dahil sa kasamaan, gayundin sila nalipol sa bawat sali’t salinlahi alinsunod sa kanilang kasamaan; at hindi kailanman nalipol ang sinuman sa kanila maliban lamang na ito ay ibinadya sa kanila ng mga propeta ng Panginoon.
10 Samakatwid, sinabi sa kanila ang hinggil sa pagkawasak na sasapit sa kanila pagkatapos na pagkatapos lisanin ng aking ama ang Jerusalem; gayunpaman, pinatigas nila ang kanilang mga puso; at alinsunod sa aking propesiya ay nalipol sila, maliban sa mga yaong nadalang bihag sa Babilonia.
11 At ngayon, sinasabi ko ito dahil sa espiritu na nasa akin. At bagama’t sila ay dinala palayo, sila ay muling magbabalik, at aangkinin ang lupain ng Jerusalem; kaya nga, maibabalik silang muli sa lupaing kanilang mana.
12 Subalit dinggin, magkakaroon sila ng mga digmaan, at alingawngaw ng mga digmaan; at kapag dumating ang araw na ang Bugtong na Anak ng Ama, oo, maging ang Ama ng langit at ng lupa, ay ipakikita ang kanyang sarili sa kanila sa laman, dinggin, kanilang itatakwil siya, dahil sa kanilang mga kasamaan, at sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa katigasan ng kanilang mga leeg.
13 Dinggin, kanilang ipapako siya sa krus; at matapos siyang ilagay sa libingan sa loob ng tatlong araw ay babangon siya mula sa mga patay, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak; at ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan ay maliligtas sa kaharian ng Diyos. Anupa’t ang aking kaluluwa ay nalulugod na magpropesiya hinggil sa kanya, sapagkat nakita ko ang kanyang panahon, at pinupuri ng aking puso ang kanyang banal na pangalan.
14 At dinggin, ito ay mangyayari na matapos bumangon mula sa mga patay ang Mesiyas, at ipakita ang kanyang sarili sa kanyang mga tao, sa kasindami ng maniniwala sa kanyang pangalan, dinggin, wawasaking muli ang Jerusalem; sapagkat sa aba nila na kumakalaban sa Diyos at sa mga tao ng kanyang simbahan.
15 Anupa’t ang mga Judio ay ikakalat sa lahat ng bansa; oo, at wawasakin din ang Babilonia; kaya nga, ang mga Judio ay ikakalat ng mga ibang bansa.
16 At matapos silang ikalat, at parusahan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ibang mga bansa sa loob ng maraming salinlahi, oo, maging sa bawat sali’t salinlahi hanggang sa sila ay mahikayat na maniwala kay Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagbabayad-sala, na walang hanggan para sa buong sangkatauhan—at kapag dumating ang araw na yaon na maniniwala sila kay Cristo, at sasambahin ang Ama sa kanyang pangalan, nang may mga pusong dalisay at malilinis na kamay, at hindi na maghihintay pa ng ibang Mesiyas, doon, sa oras na yaon, darating ang araw na talagang kinakailangang maniwala sila sa mga bagay na ito.
17 At muling itataas ng Panginoon ang kanyang kamay sa ikalawang pagkakataon upang ipanumbalik ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan. Samakatwid, magpapatuloy siyang gumawa ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain sa mga anak ng tao.
18 Kaya nga, isisiwalat niya ang kanyang mga salita sa kanila, na mga salitang hahatol sa kanila sa huling araw, sapagkat ibibigay ang mga yaon sa kanila sa layuning hikayatin sila sa tunay na Mesiyas, na itinakwil nila; at sa paghihikayat sa kanila na hindi na nila kinakailangang maghintay pa sa pagparito ng isang Mesiyas, sapagkat wala nang darating pa, maliban sa isang huwad na Mesiyas na manlilinlang sa mga tao; sapagkat iisa lamang ang Mesiyas na tinutukoy ng mga propeta, at ang Mesiyas na yaon ang siyang itatakwil ng mga Judio.
19 Sapagkat ayon sa mga salita ng mga propeta, paparito ang Mesiyas sa loob ng anim na raang taon mula sa panahong nilisan ng aking ama ang Jerusalem; at ayon sa mga salita ng mga propeta, at gayundin sa salita ng anghel ng Diyos, ang kanyang magiging pangalan ay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
20 At ngayon, aking mga kapatid, nagsasalita ako nang malinaw upang hindi kayo magkamali. At yamang buhay ang Panginoong Diyos na naglabas sa Israel mula sa lupain ng Egipto, at nagbigay ng kapangyarihan kay Moises upang mapagaling niya ang mga lipi matapos silang matuklaw ng mga makamandag na ahas, kung ibabaling nila ang kanilang mga paningin sa ahas na itinaas niya sa kanilang harapan, at nagbigay rin ng kapangyarihan sa kanya na hampasin niya ang malaking bato at bumugso ang tubig; oo, dinggin, sinasabi ko sa inyo, na yamang totoo ang mga bagay na ito, at yamang buhay ang Panginoong Diyos, wala nang ibang pangalang ibinigay sa ilalim ng langit maliban sa Jesucristo na ito, na aking sinabi, na makapagliligtas sa tao.
21 Anupa’t sa kadahilanang ito ay ipinangako sa akin ng Panginoong Diyos na ang mga bagay na ito na aking isinusulat ay itatago at iingatan, at ipapasa-pasa sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi, upang matupad ang pangako kay Jose, na ang kanyang mga binhi ay hindi kailanman masasawi habang nakatindig ang mundo.
22 Samakatwid, ang mga bagay na ito ay hahayo sa bawat sali’t salinlahi habang nakatindig ang mundo; at ang mga ito ay hahayo alinsunod sa kalooban at kasiyahan ng Diyos; at ang mga bansang magmamay-ari ng mga yaon ay hahatulan niyon alinsunod sa mga salitang nasusulat.
23 Sapagkat masigasig kaming nagsusumikap na makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, pagkatapos ng lahat ng ating magagawa.
24 At, bagama’t naniniwala tayo kay Cristo, sinusunod natin ang batas ni Moises, at matatag na naghihintay kay Cristo, hanggang sa matupad ang batas.
25 Sapagkat sa layuning ito ibinigay ang batas; kaya nga, naging patay ang batas sa atin, at nabuhay tayo kay Cristo dahil sa ating pananampalataya; gayunman, sinusunod natin ang batas dahil sa mga kautusan.
26 At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung saan sila babaling para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
27 Anupa’t nangungusap kami hinggil sa batas upang malaman ng aming mga anak ang pagiging patay ng batas; at sila, sa pamamagitan ng pagkaalam sa pagiging patay ng batas, ay makapaghintay sa buhay na yaong na kay Cristo, at malaman ang layunin kung bakit ibinigay ang batas. At matapos matupad ang batas kay Cristo, na hindi na nila kinakailangang patigasin pa ang kanilang mga puso laban sa kanya kapag kinakailangan nang wakasan ang batas.
28 At ngayon, dinggin, aking mga tao, kayo ay mga taong matitigas ang leeg; anupa’t nagsalita ako nang malinaw sa inyo, upang hindi kayo magkamali ng pag-unawa. At ang mga salitang aking sinabi ay tatayong saksi laban sa inyo; sapagkat sapat na ang mga yaon upang ituro sa sinumang tao ang tamang landas; sapagkat ang tamang landas ay maniwala kay Cristo at huwag siyang itatwa; sapagkat sa pagtatatwa sa kanya ay inyo ring itinatatwa ang mga propeta at ang batas.
29 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang tamang landas ay maniwala kay Cristo, at hindi siya itatwa; at si Cristo ang Banal ng Israel; anupa’t kinakailangan kayong lumuhod sa kanyang harapan, at sambahin siya nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip, at lakas, at nang buo ninyong kaluluwa; at kung gagawin ninyo ito, hindi kayo maitataboy sa anumang paraan.
30 At, yamang kinakailangan ito, dapat ninyong sundin ang mga gawain at ordenansa ng Diyos hanggang sa matupad ang batas na ibinigay kay Moises.