Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 19


Kabanata 19

Si Isaias ay nangusap hinggil sa mesiyas—Ang mga tao na nasa kadiliman ay makakikita ng dakilang liwanag—Sa atin ay isisilang ang isang bata—Siya ang magiging Prinsipe ng Kapayapaan at maghahari sa trono ni David—Ihambing sa Isaias 9. Mga 559–545 B.C.

1 Gayunpaman, ang karimlan ay hindi magiging katulad ng kanyang paghihinagpis, nang sa una ay magaan niyang pinahirapan ang lupain ng Zabulon, at ang lupain ng Neptali, at pagkaraan ay higit na masidhing pinahirapan ang daan patungo sa Dagat na Pula sa kabila ng Jordan sa Galilea ng mga bansa.

2 Ang mga taong lumakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag; sila na nananahan sa lupain ng anino ng kamatayan, sa kanila sumikat ang liwanag.

3 Iyong pinarami ang bansa, at pinag-ibayo ang kagalakan—nagagalak sila sa iyong harapan alinsunod sa kagalakan ng pag-aani, at gaya ng pagsasaya ng mga tao habang hinahati ang kanilang nasamsam.

4 Sapagkat sinira mo ang pamatok na kanyang pasan, at ang singkaw sa kanyang balikat, ang panghagupit ng umaalipin sa kanya.

5 Sapagkat ang bawat digmaan ng mandirigma ay may nakalilitong hiyaw, at ang mga kasuotan ay nabalot sa dugo; subalit ito ay susunugin at igagatong sa apoy.

6 Sapagkat sa atin ay isinilang ang isang bata, ipinagkaloob sa atin ang isang anak na lalaki; at ang pamahalaan ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kahanga-hanga, Tagapayo, Ang Makapangyarihang Diyos, Ang Amang Walang Hanggan, Ang Prinsipe ng Kapayapaan.

7 Ang pag-unlad ng pamahalaan at kapayapaan ay walang katapusan, sa trono ni David, at sa kanyang kaharian upang isaayos ito, at upang itatag ito nang may kahatulan at may katarungan mula ngayon, maging magpakailanman. Ang pagpupunyagi ng Panginoon ng mga Hukbo ang tutupad nito.

8 Ipinasabi ng Panginoon ang kanyang salita kay Jacob at naliwanagan nito ang Israel.

9 At malalaman ng lahat ng tao, maging ng Ephraim at ng mga naninirahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa kapusukan ng kanilang puso:

10 Nagkahulog ang mga ladrilyo, subalit magtatayo tayo gamit ang mga tinabasang bato; ang mga sikomoro ay nangaputol, subalit papalitan natin sila ng mga sedro.

11 Samakatwid, patitibayin ng Panginoon ang mga kaaway ni Resin laban sa kanya, at pagsasamahin ang kanyang mga kaaway;

12 Ang mga taga-Siria sa harapan at ang mga Filisteo sa likuran; at bukang bibig nilang lalamunin ang Israel. Sa lahat ng ito, ang kanyang galit ay hindi napapawi, datapwat nakaunat pa rin ang kanyang kamay.

13 Sapagkat hindi bumabaling sa kanya ang mga tao na nagpapahirap sa kanila, ni hinahanap ang Panginoon ng mga Hukbo.

14 Samakatwid, puputulin ng Panginoon mula sa Israel ang ulo at buntot, ang sanga at tambo sa isang araw.

15 Ang matanda, siya ang ulo; at ang propetang nagtuturo ng mga kasinungalingan, siya ang buntot.

16 Sapagkat ang mga pinuno ng mga taong ito ang nagliligaw sa kanila; at silang pinamumunuan nila ay winawasak.

17 Samakatwid, hindi magkakaroon ng kagalakan ang Panginoon sa kanilang mga kabataang lalaki, ni kaaawaan ang kanilang mga ulila at babaeng balo; sapagkat bawat isa sa kanila ay mapagkunwari at mga manggagawa ng kasamaan, at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan. Sa lahat ng ito, ang kanyang galit ay hindi napapawi, datapwat nakaunat pa rin ang kanyang kamay.

18 Sapagkat ang kasamaan ay sumusunog na tulad ng apoy; tutupukin nito ang mga dawagan at tinikan, at mag-aalab sa kasukalan ng kagubatan, at paiilanglang sila tulad sa pagtaas ng usok.

19 Sa pamamagitan ng poot ng Panginoon ng mga Hukbo ay dumilim ang lupain, at ang mga tao ay magiging tulad ng gatong ng apoy; walang sinumang tao ang maaawa sa kanyang kapatid.

20 At susunggab siya sa kanyang kanang kamay at magugutom; at kakain siya sa kaliwang kamay at hindi sila mabubusog; kakainin ng bawat tao ang laman ng kanyang sariling bisig—

21 Si Manases, si Ephraim; at si Ephraim, si Manases; magkasama silang kakalaban sa Juda. Sa lahat ng ito, ang kanyang galit ay hindi napapawi, datapwat nakaunat pa rin ang kanyang kamay.