Ang Ikalawang Aklat ni Nephi
Ang ulat ng kamatayan ni Lehi. Ang mga kapatid ni Nephi ay naghimagsik laban sa kanya. Binalaan ng Panginoon si Nephi na umalis at magtungo sa ilang. Ang kanyang paglalakbay sa ilang, at iba pa.
Kabanata 1
Si Lehi ay nagpropesiya ng tungkol sa isang lupain ng kalayaan—Ang kanyang mga binhi ay ikakalat at parurusahan kung itatakwil nila ang Banal ng Israel—Pinayuhan niya ang kanyang mga anak na isuot ang baluti ng katwiran. Mga 588–570 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na pagkaraang ako, si Nephi, ay matapos sa pagtuturo sa aking mga kapatid, ang aming amang si Lehi ay nangusap din ng maraming bagay sa kanila, at inulit sa kanila kung gaano kadakila ang mga bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila sa paglalabas sa kanila sa lupain ng Jerusalem.
2 At nangusap siya sa kanila hinggil sa paghihimagsik nila noong nasa katubigan, at sa mga awa ng Diyos sa pagkakaligtas sa kanilang buhay, na hindi sila nilulon ng dagat.
3 At nangusap din siya sa kanila hinggil sa lupang pangako, na kanilang natamo—kung gaano kamaawain ang Panginoon sa pagbababala sa amin na kami ay tumakas sa lupain ng Jerusalem.
4 Sapagkat, dinggin, sinabi niya, nakakita ako ng isang pangitain, kung saan nalaman ko na ang Jerusalem ay nawasak na; at kung tayo ay nanatili sa Jerusalem, tayo rin ay nangasawi.
5 Datapwat, wika niya, sa kabila ng ating mga paghihirap, ating natamo ang isang lupang pangako, isang lupaing pinili sa lahat ng ibang lupain; isang lupaing tinipan sa akin ng Panginoong Diyos na lupaing mamanahin ng aking mga binhi. Oo, itinipan sa akin ng Panginoon ang lupaing ito, at sa aking mga anak magpakailanman, at gayundin sa lahat ng yaong ilalabas sa ibang bansa ng kamay ng Panginoon.
6 Samakatwid, ako, si Lehi, ay nagpopropesiya alinsunod sa pamamatnubay ng Espiritu na nasa akin, na walang ibang makapaparito sa lupaing ito maliban sa sila ay dalhin ng kamay ng Panginoon.
7 Samakatwid, ang lupaing ito ay inilaan para sa kanya na dadalhin niya. At kung mangyayari na kanilang paglilingkuran siya alinsunod sa mga kautusang kanyang ibinigay, ito ay magiging lupain ng kalayaan sa kanila; kaya nga, hindi sila kailanman madadala sa pagkabihag; kung magkagayon man, ito ay dahil sa kasamaan; sapagkat kung ang kasamaan ay lalaganap ay susumpain ang lupain dahil sa kanila, ngunit sa mga matwid, ito ay pagpapalain magpakailanman.
8 At dinggin, ito ay karunungan na ikubli muna ang lupain sa kaalaman ng mga ibang bansa; sapagkat dinggin, maraming bansa ang sasakop sa lupain, kung kaya’t hindi magkakaroon ng pook na ipamamana.
9 Anupa’t ako, si Lehi, ay nagtamo ng isang pangako, na yamang ang yaong mga ilalabas ng Panginoong Diyos sa lupain ng Jerusalem ay sumusunod sa kanyang mga kautusan, sila ay uunlad sa ibabaw ng lupaing ito; at sila ay ikukubli mula sa lahat ng iba pang bansa, upang ang lupaing ito ay mapasakanila. At kung mangyayari na kanilang susundin ang kanyang mga kautusan, sila ay pagpapalain sa ibabaw ng lupaing ito, at walang gugulo sa kanila, ni aagaw sa lupaing kanilang mana; at sila’y makapananahan nang ligtas magpakailanman.
10 Datapwat dinggin, kung dumating ang panahon na sila ay manghina sa kawalang-paniniwala, matapos na kanilang tanggapin ang gayong kalaking pagpapala mula sa kamay ng Panginoon—na taglay ang kaalaman ng paglikha ng mundo, at ng lahat ng tao, nalalaman ang mga dakila at kagila-gilalas na gawa ng Panginoon mula sa paglikha ng mundo; na taglay ang kapangyarihang ibinigay sa kanila upang magawa ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pananampalataya; na taglay ang lahat ng kautusan mula pa sa simula, at naakay sa pamamagitan ng kanyang walang hanggang kabutihan dito sa natatanging lupang pangako—dinggin, sinasabi ko, na kung dumating ang araw na kanilang itatakwil ang Banal ng Israel, ang tunay na Mesiyas, ang kanilang Manunubos at kanilang Diyos, dinggin, ang mga kahatulan niya na makatarungan ay sasapit sa kanila.
11 Oo, kanyang dadalhin ang mga ibang bansa sa kanila, at ipagkakaloob niya sa kanila ang kapangyarihan, at kanyang kukunin sa kanila ang mga lupaing kanilang pag-aari, at sila ay kanyang ikakalat at parurusahan.
12 Oo, habang ang isang salinlahi ay pumapalit sa isang salinlahi, magkakaroon ng mga pagdanak ng dugo, at masisidhing kaparusahan sa kanila; kaya nga, mga anak ko, nais kong inyong tandaan; oo, nais kong inyong pakinggan ang aking mga salita.
13 O, na kayo ay magising; magising mula sa mahimbing na pagkakatulog, oo, maging mula sa pagkakatulog ng impiyerno, at iwagwag ang mga kakila-kilabot na tanikala na sa inyo ay nakagapos, na mga tanikalang gumagapos sa mga anak ng tao, na siyang nagdadala sa kanila sa pagkabihag pababa sa walang hanggang look ng kalungkutan at kapighatian.
14 Gumising! at bumangon mula sa alabok, at makinig sa mga salita ng isang nanginginig na magulang, na ang mga biyas ay tiyak na malapit na ninyong ihimlay sa malamig at tahimik na libingan, kung saan walang manlalakbay na makababalik; mga ilang araw na lamang at ako ay yayaon sa lakad ng buong lupa.
15 Ngunit dinggin, tinubos ng Panginoon ang aking kaluluwa mula sa impiyerno; at namasdan ko ang kanyang kaluwalhatian, at ako ay nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal.
16 At nais kong inyong pakatandaang sundin ang mga batas at kahatulan ng Panginoon; dinggin, ito ang ikinababalisa ng aking kaluluwa mula pa sa simula.
17 Ang aking puso ay manaka-nakang bumibigat sa kalungkutan, sapagkat ako ay natatakot, na baka sa katigasan ng inyong mga puso ay dalawin kayo ng Panginoon ninyong Diyos sa kaganapan ng kanyang galit, na kayo ay mahiwalay at mamatay magpakailanman;
18 O, na ang isang sumpa ay sumapit sa inyo sa loob ng maraming salinlahi; at kayo ay dalawin sa pamamagitan ng espada, at ng taggutom, at kapootan, at akayin alinsunod sa kalooban at pagkabihag ng diyablo.
19 O mga anak ko, sana ay huwag sumapit sa inyo ang mga bagay na ito, bagkus kayo ay maging isang pinili at mga pinagpalang tao ng Panginoon. Datapwat dinggin, masusunod ang kanyang kalooban; sapagkat ang kanyang mga landas ay katwiran magpakailanman.
20 At kanyang sinabi na: Yamang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain; datapwat yamang hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay itatakwil mula sa aking harapan.
21 At ngayon, upang ang aking kaluluwa ay magkaroon ng kagalakan sa inyo, at ang aking puso ay lumisan sa daigdig na ito nang may kagalakan dahil sa inyo, upang ako ay hindi madala nang may pagdadalamhati at kalungkutan sa libingan, bumangon kayo mula sa alabok, mga anak ko, at magpakalalaki, at magkaroon ng pagnanais na maging isa sa isipan at isa sa puso, nagkakaisa sa lahat ng bagay, upang kayo ay hindi madala sa pagkabihag;
22 Upang kayo ay hindi sumpain ng isang masidhing sumpa; at gayundin, nang hindi ninyo matanggap ang galit ng isang makatarungang Diyos sa inyo, tungo sa pagkawasak, oo, ang walang hanggang pagkawasak ng kaluluwa at katawan.
23 Gumising, mga anak ko; isuot ang baluti ng katwiran. Iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa inyo, at lumabas mula sa karimlan, at bumangon mula sa alabok.
24 Huwag na kayong maghimagsik pa laban sa inyong kapatid, na ang mga pananaw ay maluwalhati, at sumusunod sa mga kautusan mula pa sa panahong ating lisanin ang Jerusalem; at naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, sa pagdadala sa atin sa lupang pangako; sapagkat kung hindi dahil sa kanya, tayo sana ay tiyak na nangasawi sa gutom sa ilang; gayunpaman, hinangad ninyong kitlin ang kanyang buhay; oo, at siya ay nagdanas ng maraming kalungkutan dahil sa inyo.
25 At ako ay labis na natatakot at nanginginig dahil sa inyo, na baka siya ay muling magdusa; sapagkat dinggin, inyo siyang pinararatangan na siya ay naghahangad na magkaroon ng kapangyarihan at karapatan sa inyo; ngunit alam kong hindi siya naghahangad na magkaroon ng kapangyarihan at karapatan sa inyo, bagkus, ang kaluwalhatian ng Diyos ang hinahangad niya, at ang inyong walang hanggang kapakanan.
26 At kayo ay bumulung-bulong dahil sa siya ay naging tapat sa inyo. Sinabi ninyo na siya ay gumamit ng katalasan; sinabi ninyo na siya ay galit sa inyo; datapwat dinggin, ang kanyang katalasan ay katalasan ng kapangyarihan ng salita ng Diyos, na nasa kanya; at yaong tinatawag ninyong galit ay katotohanan, alinsunod sa yaong nasa Diyos, na hindi niya mapigil, walang takot na inilalantad ang hinggil sa inyong mga kasamaan.
27 At talagang kinakailangan na ang kapangyarihan ng Diyos ay mapasakanya, maging sa kanyang pag-uutos sa inyo na kayo ay kinakailangang sumunod. Datapwat dinggin, ito ay hindi siya, kundi ito ang Espiritu ng Panginoon na nasa kanya, na nagbubukas ng kanyang bibig sa pagsasalita kaya’t hindi niya ito maitikom.
28 At ngayon anak ko, Laman, at kayo rin, Lemuel, at Sam, at kayo ring mga anak ko na mga anak na lalaki ni Ismael, dinggin, kung kayo ay makikinig sa tinig ni Nephi, hindi kayo masasawi. At kung kayo ay makikinig sa kanya ay igagawad ko sa inyo ang isang pagbabasbas, oo, maging ang aking unang pagbabasbas.
29 Datapwat kung hindi kayo makikinig sa kanya ay babawiin ko ang aking unang pagbabasbas, oo, maging ang aking pagbabasbas, at ito ay mapapasakanya.
30 At ngayon, Zoram, ako ay nangungusap sa iyo: Dinggin, ikaw ay tagapagsilbi ni Laban; gayunman, ikaw ay inilabas sa lupain ng Jerusalem, at alam ko na ikaw ay isang tunay na kaibigan ng aking anak na si Nephi magpakailanman.
31 Samakatwid, sapagkat ikaw ay naging matapat, ang iyong mga binhi ay pagpapalain kasama ng kanyang mga binhi, kung kaya’t sila ay mananahan sa kasaganaan sa mahabang panahon sa ibabaw ng lupaing ito; at wala, maliban sa kasamaan sa kanila, ang makapipinsala o makagagambala sa kanilang kasaganaan sa ibabaw ng lupaing ito magpakailanman.
32 Samakatwid, kung susundin mo ang mga kautusan ng Panginoon, ilalaan ng Panginoon ang lupaing ito para sa katiwasayan ng iyong mga binhi, kasama ng mga binhi ng aking anak.