Mga Hanbuk at Calling
24. Pagrekomenda at Paglilingkod ng mga Missionary


“24. Pagrekomenda at Paglilingkod ng mga Missionary,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“24. Pagrekomenda at Paglilingkod ng mga Missionary,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Larawan
mga missionary na naglalakad

24.

Pagrekomenda at Paglilingkod ng mga Missionary

24.0

Pambungad

Noong unang panahon, iniutos ng Panginoon na tipunin ang Israel sa “lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19; tingnan din sa talata 20). Pinanibago ng Panginoon ang utos na iyan sa mga huling araw na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 39:11; 68:6–8; 112:28–30). Lahat ng miyembro ng Simbahan ay nakipagtipan noong sila ay bininyagan na maging mga saksi ng Diyos at maglingkod sa iba (tingnan sa Mosias 18:8–10).

Ang paglilingkod sa Panginoon bilang missionary ay isang sagradong pribilehiyo. Naghahatid ito ng walang hanggang mga pagpapala sa tao at sa kanyang mga pinaglilingkuran (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:14–16).

Kabilang sa mga tawag na magmisyon ang isang tungkuling ituro ang ebanghelyo, suportahan ang gawain ng mga departamento o unit ng Simbahan, o maglingkod sa lokal na komunidad.

Hinihiling ng Panginoon sa lahat ng karapat-dapat at may kakayahang binata na maghanda para sa misyon at maglingkod sa misyon. Para sa mga kabataang lalaki na Banal sa mga Huling Araw, ang paglilingkod bilang missionary ay isang responsibilidad sa priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36:1, 4–7).

Malugod ring tinatanggap ng Panginoon ang mga karapat-dapat at may kakayahang kabataang babae na magmisyon kung nais nila. Para sa mga kabataang babae, ang misyon ay isang makapangyarihan ngunit opsiyonal na oportunidad. Ang paghahanda para sa misyon ay magpapala sa isang kabataang babae magpasiya man siyang maglingkod bilang missionary o hindi.

Kailangan din ang mga senior missionary at sila ay hinihikayat ding maghandang maglingkod.

24.1

Ang Tawag na Maglingkod

Bawat missionary ay tinatawag upang tulungan ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa Kanilang gawain. Ang mga missionary ay kumakatawan kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Sila ay naglilingkod sa Panginoon nang walang pag-iimbot at ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga anak nang may pagmamahal. Ang mga teaching at service mission ay pinagpapala kapwa ang missionary at ang ibang tao. (Tingnan sa Mateo 16:25; 22:36–40.)

Ang mga tawag na magmisyon ay ibinibigay sa mga miyembro na nagnanais na maglingkod, karapat-dapat, at may kakayahan. Ang mga miyembrong ito ay nagsisikap na paglingkuran ang Panginoon nang kanilang buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.” Pinalalakas nila ang kanilang “pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal.” Pinananatili nila ang kanilang mga mata na “nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.” Habang ginagawa nila ang mga bagay na ito, gagawin silang karapat-dapat ng Panginoon para sa gawain. (Doktrina at mga Tipan 4:2, 5; tingnan sa mga talaga 1–7.)

Ang mga missionary ay kumakatawan sa Panginoon at kailangang tawagin sa pamamagitan ng wastong awtoridad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5). Ang tawag na magmisyon ay karaniwang ibinibigay ng Pangulo ng Simbahan. Para sa mga senior service missionary, ang tawag ay ibinibigay ng stake president.

24.2

Mga Missionary Assignment

Ang tawag na maglingkod bilang missionary ay kinabibilangan ng isang partikular na assignment. Ang mga assignment na ito ay iba-iba. Karaniwang kabilang sa mga ito ang:

  • Assignment na maging teaching missionary o service missionary.

  • Lokasyon.

  • Haba ng panahon ng paglilingkod.

Ang bawat assignment ay ginagabayan ng paghahayag upang ito ay naaangkop sa missionary at sa mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos.

Ang isang assignment ay maaaring magbago sa pamamagitan ng paghahayag kapag nagbago ang mga sitwasyon. Mahalaga ang isang partikular na assignment. Gayunman, pumapangalawa lang ito sa tawag na maglingkod bilang missionary. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 80:3.)

24.2.1

Mga Nakababata pang Teaching Missionary

Ang mga nakababata pang teaching missionary ay inaatasang ituro ang ebanghelyo nang malayo sa tahanan. Ang mga assignment na ito ay ibinibigay ng mga Apostol sa pamamagitan ng paghahayag. Ang mga missionary na ito ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng isang mission president.

Ang mga binatang edad 18–25 ay maaaring maglingkod bilang mga teaching missionary. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng 24 na buwan.

Ang mga dalagang edad 19–29 ay maaaring maglingkod bilang mga teaching missionary. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng 18 buwan.

24.2.2

Mga Nakababata pang Service Missionary

Ang mga nakababata pang service missionary ay inaatasan na maglingkod sa Simbahan at sa komunidad habang nakatira sila sa kanilang tahanan. Ang mga assignment na ito ay ibinibigay ng mga Apostol sa pamamagitan ng paghahayag. Ang mga ito ay ibinibigay sa mga maglilingkod bilang missionary na ang mga sitwasyon sa buhay ay pinakaakma para sa isang service mission (tingnan sa 24.3.3).

Ang mga pamantayan sa paghahanda at pagiging karapat-dapat ng mga indibiduwal na ito ay kapareho ng sa mga inatasang maglingkod sa isang teaching mission. Lahat ng maglilingkod bilang mga nakababata pang missionary ay inirerekomenda sa iisang proseso.

Ang mga service missionary ay naglilingkod sa lokal na lugar sa ilalim ng isang mission president, na sinusuportahan ng mga service mission leader. Ang stake president ay nagbibigay ng suporta sa mga bagay na pansimbahan (tingnan sa 24.7.3).

Sa tulong ng kanilang mga service mission leader, ang bawat service missionary ay tumatanggap ng mga assignment na akma sa kanilang partikular na sitwasyon. Ang mga assignment ay nakabatay rin sa mga oportunidad na maglingkod (tingnan sa 24.7.1). Ang mga missionary na ito ay naglilingkod nang lubos sa abot ng kanilang makakaya.

Ang mga binatang edad 18–25 ay maaaring maglingkod bilang mga service missionary. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng 24 na buwan.

Ang mga dalagang edad 19–29 ay maaaring maglingkod bilang mga service missionary. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng 18 buwan.

Ang mga service mission para sa mga nakababata pang missionary ay hindi pa available sa buong mundo. Para sa listahan ng mga lugar kung saan mayroong mga service mission, tingnan ang ChurchofJesusChrist.org/service-missionary. Ang website na ito ay nagbibigay din ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga service mission. Kung saan walang mga service mission, ang mga nakababata pang miyembro ay maaaring maglingkod na tulad ng mga senior service missionary (tingnan sa 24.2.4).

24.2.3

Mga Senior Missionary

Ang mga miyembrong may-asawa na edad 40 pataas ay maaaring tawagin na maging senior missionary bilang mag-asawa kung wala silang mga anak na umaasa pa sa kanila.

Ang mga babaeng walang asawa na edad 40 pataas ay maaari ding tawagin na maging senior missionary kung wala silang mga anak na kasama sa bahay.

Ang mga lalaking walang-asawa na edad 40 pataas ay hindi tinatawag na maging senior missionary. Gayunman, maaari silang maglingkod bilang mga senior service missionary. (Tingnan sa 24.2.4.)

Lahat ng senior missionary ay hinihikayat na maghanap ng mga taong tuturuan at tulungan ang mga itong maghanda para sa binyag. Maaari ding atasan ang mga senior missionary na suportahan ang:

  • Mga miyembro, mga lider ng area, at mga lokal na lider.

  • Mga area, mga departamento ng Simbahan, at mga pasilidad ng Simbahan.

  • Mga organisasyong pangkawanggawa.

Ang mga senior missionary ay karaniwang naglilingkod nang malayo sa tahanan sa loob ng 6–23 buwan. Ang mga naglilingkod sa labas ng kanilang sariling bansa ay karaniwang naglilingkod nang hindi bababa sa 18 buwan.

Ang mga senior missionary ay hindi hinihilingang tularan ang ginagawa ng mga nakababata pang missionary sa haba ng oras ng paglilingkod, mga aktibidad, at mga inaasahan. Gayunpaman, ang kanilang paglilingkod ay hindi madali. Dahil dito, dapat silang magkaroon ng sapat na antas ng kalusugan para makapaglingkod. Dapat din nilang matugunan ang mga kwalipikasyon sa pananalapi (tingnan sa 24.3.4.2).

Mapanalanging pinag-iisipan ng mga bishop, stake president, at iba pang mga lider kung sino ang maaaring maglingkod. Maaaring interbyuhin ng mga bishop o stake president ang mga miyembrong ito upang malaman kung kailan sila maaaring maglingkod at anyayahan silang maglingkod.

Ang mga assignment para sa mga senior missionary ay ibinibigay sa pamamagitan ng paghahayag sa mga Apostol. Maaaring magrekomenda ang mga lider ng mga partikular na uri ng assignment para sa mga senior missionary. Gayunman, ang mga lider ay hindi dapat mangako tungkol sa matatanggap nilang assignment. Ang mga miyembrong maglilingkod ay maaaring magpahayag ng kagustuhan para sa isang assignment ngunit dapat handa silang tanggapin ang anumang assignment.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang SeniorMissionary.ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
mag-asawang missionary na nagtuturo sa isang babae

24.2.4

Mga Senior Service Missionary

Bukod pa sa mga calling sa kanilang home ward o stake, ang mga miyembro ay maaaring maglingkod sa Panginoon bilang mga senior service missionary. Ang mga missionary na ito ay nagbibigay ng mahalagang paglilingkod sa mga departamento, pasilidad, at mission ng Simbahan (tingnan sa 24.7.1). Nakatira sila sa kanilang sariling tahanan.

Ang mga kalalakihan at kababaihan na edad 26 pataas ay maaaring tawagin bilang mga senior service missionary.

Bukod pa rito, ang mga binatang edad 18–25 at ang mga dalagang edad 19–25 ay maaaring maglingkod na tulad ng mga senior service missionary kung nakatira sila sa lugar kung saan walang mga service mission para sa mga nakababata pang missionary. Maaari din silang maglingkod kahit may asawa na sila o nakapaglingkod na bilang nakababata pang teaching o service missionary.

Ang mga senior service missionary ay tinatawag ng stake president. Naglilingkod sila sa ilalim ng kanyang pamamahala. Ang haba ng oras ng kanilang paglilingkod sa isang linggo ay nakadepende sa kanilang kakayahan, mga oportunidad na maglingkod sa kanilang lugar, at sa patnubay mula sa Area Presidency.

Ang assignment ng mga senior service missionary ay inaaprubahan ng stake president. Sumasangguni siya sa missionary at sa iba at mapanalanging humihingi ng paghahayag tungkol sa bawat assignment. Maaari niyang rebyuhin ang SeniorMissionary.ChurchofJesusChrist.org kapag tumutukoy ng mga assignment.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga senior service missionary, tingnan ang 24.7.

24.2.5

Buod ng mga Missionary Assignment

Ibinubuod ng sumusunod na table ang mga uri ng missionary assignment.

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Ay tinatawag ng

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Pangulo ng Simbahan

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Pangulo ng Simbahan

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Pangulo ng Simbahan

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Stake president

Ay binibigyan ng assignment ng

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Isang Apostol

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Isang Apostol

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Isang Apostol

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Stake president

Sine-set apart ng

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Stake president

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Stake president

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Stake president

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Stake president o counselor

Nakatira

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Malayo sa tahanan

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Sa tahanan

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Malayo sa tahanan o sa tahanan

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Sa tahanan

Lider sa Simbahan

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Mission president o historic site president

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Stake president

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Mission, temple, o historic site president; o Area President

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Stake president

Nagrereport sa

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

Mission president o historic site president

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

Mission president, sa pamamagitan ng mga service mission leader

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

Mission, temple, o historic site president; Area President; visitors’ center director; o sa manager ng departamento o pasilidad ng Simbahan

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

Operation manager ng service assignment

Mga requirement sa edad

Nakababata pang Teaching Missionary
(tingnan sa 24.2.1)

18–25 (kalalakihan)
19–29 (kababaihan)

Nakababata pang Service Missionary
(tingnan sa 24.2.2)

18–25 (kalalakihan)
19–29 (kababaihan)

Senior Missionary
(tingnan sa 24.2.3)

40 pataas kung may-asawa o kung sister na walang asawa

Senior Service Missionary
(tingnan sa 24.2.4)

edad 26 pataas

24.3

Paghahanda at Paggiging Kwalipikado na Magmisyon

Hinihikayat ang mga prospective missionary na magmisyon dahil sa kanilang pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang mga anak. Dapat ay maging pamilyar sila sa missionary recommendation interview questions.

24.3.1

Pagbabalik-loob kay Jesucristo

Sinisikap ng mga prospective missionary na palakasin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sila ay:

  • Nagsisikap na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Nagpapalakas ng kanilang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Alma 5:45–47).

  • Nagsasabuhay ng doktrina ni Cristo sa pamamagitan ng “[pagpili na] magsisi at gumawa ng kabutihan” (Alma 13:10; tingnan din sa 2 Nephi 31:9–21).

  • Nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan (lalo na ang Aklat ni Mormon) at mga turo ng mga buhay na propeta, at sumusunod sa mga kautusan (tingnan sa Alma 17:2–3).

  • Nakikibahagi sa gawain sa templo at family history (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22).

  • Nakikibahagi sa seminary o institute (para sa mga kabataan at young adult).

24.3.2

Pag-abot sa mga Pamantayan ng Pagkamarapat

Sinisikap ng mga prospective missionary na maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu. Kailangan ito para sa epektibong paglilingkod bilang missionary (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:13–14). Ang pagiging marapat sa patnubay ng Espiritu ay kinapapalooban ng pagiging malinis mula sa kasalanan (tingnan sa Helaman 4:24; Doktrina at mga Tipan 38:42).

24.3.2.1

Pagsisisi

Ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan ay mga kaloob na maaaring matanggap ng lahat ng anak ng Diyos. Ang mga kaloob na ito ay naging posible dahil sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo. Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pananampalataya kay Cristo, pagkakaroon ng tunay na layunin, at pagsunod sa mga kautusan. Kabilang dito ang pagtatapat at pagtatatwa sa kasalanan. Para sa mabibigat na kasalanan, ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagtatapat sa bishop o stake president (tingnan sa 32.3 at 32.4 ng hanbuk na ito).

Ang isang taong nagsisisi ay pinatatawad at nililinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at biyaya ni Jesucristo. Hindi na naaalala ng Panginoon ang kasalanan. “Anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (Doktrina at mga Tipan 18:13; tingnan din sa Isaias 43:25; Jacob 6:5; Alma 34:15–17; Helaman 5:10–11; Doktrina at mga Tipan 58:42–43; at 32.1 ng hanbuk na ito.)

Ang mga miyembrong nagnanais na magmisyon ay dapat bumaling sa Tagapagligtas habang sila ay nagsisisi at naghahandang maglingkod. Maaari din nilang hingin ang mapagmahal na tulong ng mga kapamilya at mga lokal na lider ng Simbahan.

Ang isang maglilingkod bilang missionary ay kailangang napagsisihan na ang mabibigat na kasalanan bago isumite ng stake president ang kanyang rekomendasyon (tingnan sa 32.6–32.8; tingnan din sa 24.4.4). Ang proseso ng pagsisisi ay kinapapalooban ng sapat na panahon para maipakita ng tao sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay na natanggap niya ang espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37). Ang stake president ay sasangguni sa Area Presidency (o sa Area Seventy na inatasan nila) kung may mga tanong siya tanong tungkol sa haba ng panahon na kinakailangan para sa pagsisisi.

24.3.2.2

Nahuling mga Pagtatapat

Ang isang taong tumanggap ng tawag na magmisyon o nagsimulang maglingkod bilang missionary nang hindi nagsisi sa mabigat na kasalanan ay maaaring kailanganing manatili sa tahanan o umuwi. Depende sa mga sitwasyon, maaari siyang maglingkod pagkatapos magsisi (tingnan sa 24.6.3.2).

24.3.3

Pisikal, Mental, at Emosyonal na Kalusugan

Mahirap ang gawaing misyonero. Ang hinihingi nito sa pisikal, mental, at emosyonal na bahagi ng isang tao ay maaaring makapagdulot ng stress. Ang mga missionary ay kadalasang naglilingkod sa mga sitwasyong hindi pamilyar sa kanila. Maaaring maapektuhan ang kanilang kalusugan dahil sa bagong pagkain, klima, o kalagayan sa buhay. Mahirap din ang iskedyul ng missionary. (Tingnan sa Alma 17:5; 26:27–28, 30.)

Ang mga nakababata pang teaching missionary ay kailangang handa sa pisikal, mental, at emosyonal na aspekto ng buhay para lubos na makapaglingkod ayon sa iskedyul ng missionary. (Tingnan sa Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo [2019], 2.4.)

Ang mga nakababata pang service missionary ay naglilingkod ayon sa iskedyul na customized upang lubos nilang magamit ang kanilang mga talento, kasanayan, at mga kakayahan.

Ang mga prospective missionary ay naghahandang maglingkod sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan. Sinisikap din nilang maging matatag at self-reliant.

Maaaring kailanganin ng mga lider na maingat na payuhan ang isang maglilingkod bilang missionary tungkol sa kanyang mga hamon sa kalusugan bago ipasa ang rekomendasyon. Ang ilang mga maglilingkod bilang missionary ay maaaring kailanganing tumanggap ng propesyonal na pangangalaga para sa kanilang mga hamon sa kalusugan (tingnan sa 31.3.6). Ang isang maglilingkod bilang missionary na niresetahan ng gamot ay kailangang mangako na iinumin ito sa kabuuan ng kanyang paglilingkod ayon sa tagubilin ng isang propesyonal sa larangan ng medisina.

Larawan
mga missionary na nagtuturo sa isang pamilya

24.3.4

Pananalapi

Ang pinansiyal na sakripisyo ay bahagi ng paglilingkod bilang missionary (tingnan sa Marcos 1:17–18; Alma 15:16). Ang mga missionary at kanilang mga pamilya ang may pangunahing responsibilidad na mag-ambag ng salapi para sa kanilang paglilingkod bilang missionary. Dapat silang gumawa ng angkop na paghahanda at sakripisyo. Dapat silang maging self-reliant sa pinansiyal upang matugunan ang kanilang mga ipinangakong kontribusyon.

24.3.4.1

Pagtustos sa mga Nakababata pang Missionary na Naglilingkod nang Malayo sa Tahanan

Ang mga nakababata pang maglilingkod bilang missionary na naghanda ayon sa kanilang kakayahan ay hindi dapat ipagpaliban ang paglilingkod nang dahil sa pera. Ang mga nangangailangan ng tulong pinansiyal para magtugunan ang inaasahang pangakong kontribusyon ay maaaring makakuha ng tulong mula sa mga kamag-anak at mga kaibigan.

Kung kailangan pa rin, maaaring hilingin ng bishop o stake president sa mga miyembro ng ward o stake na mag-ambag sa ward missionary fund.

Hindi maaaring gamitin para dito ang pondo ng budget ng lokal na unit at handog-ayuno.

Buwanang pangakong kontribusyon. Ang mga nakababata pang teaching missionary at ang kanilang mga pamilya ay nag-aambag ng partikular na halaga bawat buwan para makatulong na mabayaran ang mga gastusin ng missionary program. Ang halaga ay itinatakda sa isa sa dalawang paraan:

  • Ang mga missionary mula sa ilang bansa ay nakikibahagi sa equalized contribution program. Nangangahulugan ito na magkakapareho ang halagang inaambag para sa bawat missionary saanman siya naglilingkod. Ang halaga ay itinatakda ng headquarters ng Simbahan. Maaaring kontakin ng mga lider ang Missionary Department (tingnan sa 24.9.3) o ang area office para sa listahan ng mga bansa na kasali sa programang ito at ang nakatakdang halaga.

  • Sa ibang mga bansa, nagsasanggunian ang bishop, stake president, missionary, at ang pamilya tungkol sa buwanang halaga ng kontribusyon. Isasaalang-alang ng bishop at stake president ang patnubay mula sa Area Presidency. Hinihikayat nila ang angkop na pagsasakripisyo ng pera at pag-asa sa sariling kakayahan batay sa mga kalagayan ng missionary at ng kanyang pamilya. Pinagkakasunduan nila ang halaga ng kontribusyon at itatala ito sa missionary recommendation. Ang missionary at ang kanyang pamilya ay nangangakong susundin ito. Maaari ding mag-ambag ang iba sa halagang ito kung nakatira sila sa bansa kung saan nagmula ang missionary (tingnan sa “Ward Missionary Fund” kalaunan sa bahaging ito).

Ang mga kontribusyon ay ipinapasok sa ward missionary fund. Tinitiyak ng mga bishop na ang pondo ay iniaambag bawat buwan. Ang pondo na lampas sa buwanang halaga ay hindi dapat iambag nang maaga. Ang pondong iniambag nang maaga ay hindi maaaring isauli kung ang missionary ay umuwi nang maaga.

Mga gastusin sa mission field. Bawat buwan, ang mga nakababata pang missionary ay tumatanggap ng sapat na pondo mula sa mission para sa masustansyang pagkain, transportasyon, at iba pang mga pang-araw-araw na gastusin. Ang pondong ito ay sagrado. Ginagamit lamang ng mga missionary ang mga ito para sa mga layuning may kaugnayan sa misyon. Ito ay hindi dapat gamitin para sa personal na mga gastusin, ipunin, o ipadala sa mga kapamilya at iba pa. Ibinabalik ng mga missionary sa mission ang anumang pondo na hindi nila kailangan.

Ginagamit ng mga missionary ang personal na pondo para mabayaran ang iba pang mga gastusin. Ang mga personal na gastusing ito ay dapat kaunti lamang. (Tingnan sa Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo, 4.8.)

24.3.4.2

Pagtustos sa mga Senior Missionary na Naglilingkod nang Malayo sa Tahanan

Buwanang pangakong kontribusyon. Ang mga senior missionary na naglilingkod nang malayo sa tahanan ay nag-aambag sa missionary fund ng kanilang home ward bawat buwan. Ang mga kontribusyong ito ay tumutulong na matustusan ang gastusin sa tirahan at sasakyan (tingnan din sa “Mga karagdagang gastusin” kalaunan sa bahaging ito). Ang halaga ng kontribusyon sa tirahan ay batay sa mga karaniwang gastusin sa bawat mission. Ang mga halagang ito ay maaaring mas mataas o mas mababa kaysa sa halaga ng tirahan na laan ng Simbahan.

  • Ang mga senior missionary mula sa mga bansang nakikibahagi sa equalized contribution program ay nag-aambag ng nakatalagang halaga na nakalista sa call packet.

  • Sa ibang mga bansa, nagsasanggunian ang bishop, stake president, at missionary tungkol sa buwanang halaga ng kontribusyon. Hinihikayat ng mga lider ang angkop na pagsasakripisyo ng pera batay sa mga kalagayan ng missionary. Pinagkakasunduan nila ang halaga ng kontribusyon at itinatala ito sa missionary recommendation. Ang halagang ito ay dapat hindi bababa sa halagang tinukoy ng Area Presidency para sa mga senior missionary (sa pagsangguni sa Missionary Department). Ang iba pang nakatira sa sariling bansa ng missionary ay maaari ding mag-ambag sa halagang ito.

Tinitiyak ng mga bishop na ang pondo ay iniaambag bawat buwan. Ang pondo na lampas sa buwanang halaga ay hindi dapat iambag nang maaga.

Mga karagdagang gastusin. Bukod pa sa buwanang pangakong kontribusyon, na tumutulong na matustusan ang mga gastusin sa tirahan at sasakyan, dapat lubos na matustusan ng mga senior missionary ang iba pang mga gastusin, kabilang na ang pagkain, personal na mga gamit, at gasolina ng sasakyan.

24.3.4.3

Pagtustos sa mga Missionary na Naglilingkod sa Tahanan

Ang mga missionary na naglilingkod sa tahanan ang responsable sa lahat ng kanilang pinansiyal na pangangailangan. Ang mga nangangailangan ng tulong pinansiyal ay maaaring makakuha ng tulong mula sa mga kapamilya at mga kaibigan. Ang ward o stake missionary fund ay hindi maaaring gamitin para sa mga pangangailangang nauugnay sa gawaing misyonero.

24.3.4.4

Medical Insurance at mga Gastusin sa Pagpapagamot

Lahat ng missionary, kabilang na ang mga nakababata pang teaching missionary, ay mahigpit na hinihikayat na panatilihin ang kanilang kasalukuyang medical insurance kung maaari.

Ang mga missionary na naglilingkod mula sa kanilang tahanan ay kailangang maglaan ng medical insurance at iba pang insurance para sa kanilang sarili. Ang mga senior missionary na naglilingkod nang malayo sa tahanan ay dapat ding maglaan ng ganitong insurance para sa kanilang sarili. Ang mga senior missionary na maglilingkod sa labas ng kanilang bansa ay maaaring makakuha ng insurance sa pamamagitan ng Senior Service Medical Plan.

24.3.5

Papel na Ginagampanan ng mga Miyembro ng Pamilya at mga Lider sa Paghahanda sa mga Missionary

Tinutulungan ng mga miyembro ng pamilya, bishop, at iba pang lider ang mga kabataan na maghandang magmisyon. Inaanyayahan ng mga bishop ang bawat kabataang lalaki na maging missionary, gayundin ang bawat kabataang babae na nais maglingkod.

  • Tulungan silang maging epektibong mga miyembrong missionary sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo bago pa sila tumanggap ng tawag na maglingkod.

  • Bigyan sila ng mga pagkakataong maglingkod at magturo.

  • Magtakda ng mga pagkakataon para makasama nila ang mga full-time missionary.

  • Anyayahan ang mga kasalukuyang naglilingkod na missionary o iba pa na nagmisyon na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pagtuturo at paglilingkod.

  • Mahalin at hikayatin ang bawat tao na maging handang magmisyon.

  • Hikayatin sila na maglaan ng karagdagang oras sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, lalo na ng Aklat ni Mormon.

  • Mag-organisa ng missionary preparation course.

Hinihikayat ng mga miyembro ng pamilya at mga lider ang mga matatandang miyembro na isaalang-alang ang paglilingkod bilang senior missionary. Maaaring kabilang dito ang pagtulong sa kanila na:

  • Rebyuhin ang kanilang pisikal at pinansiyal na kakayahang magmisyon, nang malayo sa tahanan o habang nakatira sa tahanan.

  • Matukoy ang mga pagkakataong makibahagi sa gawaing misyonero na kaya nilang gawin.

  • Maging epektibong mga miyembrong missionary sa pagbabahagi ng ebanghelyo bago pa sila tumanggap ng tawag na maglingkod.

  • Maunawaan na magiging pagpapala para sa kanilang pamilya ang kanilang paglilingkod bilang missionary (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 31:5–6).

Hinihikayat ng mga miyembro ng pamilya at mga lider ang lahat ng maglilingkod bilang missionary na pag-aralan ang:

Tinutulungan ng mga miyembro ng pamilya at mga lider ang lahat ng maglilingkod bilang missionary na mangakong susundin nila ang mga pamantayan ng missionary. Hinihikayat nila ang mga maglilingkod bilang missionary na pag-aralan ang hanbuk ng pamantayan ng missionary na nauukol sa kanilang malamang na maging assignment:

24.4

Pagrerekomenda ng mga Missionary

Ang ilang maglilingkod bilang missionary ay wala pang isang taong tuluy-tuloy na naninirahan sa ward. Sa mga sitwasyong ito, ang bishop ay sasangguni sa bishop ng dating ward ng tao sa simula pa lamang ng proseso ng rekomendasyon.

24.4.1

Mga Pagsusuri sa Kalusugan

Malaki ang hinihingi ng gawaing misyonero sa aspektong pisikal, mental, at emosyonal. Lahat ng maglilingkod bilang missionary ay kinakailangang magpunta sa mga propesyonal sa larangan ng medisina para masuri ang kanilang kalusugan para sa paglilingkod.

Ang mga pagsusuri sa kalusugan ay nirerebyu ng area office at ng Missionary Department. Kung minsan, ang mga problema sa kalusugan ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng isang tao na maglingkod nang malayo sa tahanan. Sa ilang sitwasyon, ang rekomendasyon ay maaaring ibalik na may mga tagubilin kung paano mapagbubuti ng tao ang kahandaan ng kanyang kalusugan.

24.4.2

Mga Interbyu at mga Recommendation Form

Ang bishop at stake president ay nagsasagawa ng masusi, espirituwal na nagsasaliksik, at nakasisigla na mga interbyu sa bawat maglilingkod bilang missionary. Ginagamit nila ang missionary recommendation interview questions. Tinatalakay nila ang mga sumusunod tungkol sa maglilingkod bilang missionary:

  • Ang kanyang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa 24.3.1).

  • Kung naaabot niya ang mga pamantayan ng pagkamarapat (tingnan sa 24.3.2).

  • Ang kahandaan ng kanyang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan (tingnan sa 24.3.3).

  • Ang kanyang kahandaan sa pananalapi (tingnan sa 24.3.4).

Nirerebyu din ng bishop at stake president ang impormasyon tungkol sa mga pamantayan ng pagkamarapat at kalusugan sa Missionary Online Recommendation System. Kung may mga tanong ang isang stake president sa Estados Unidos o Canada, kokontakin niya ang Missionary Department (tingnan sa 24.9.3). Sa ibang lugar, kokontakin niya ang area office. Ang bishop at stake president ay hindi nagdaragdag ng anumang pamantayan sa pagiging karapat-dapat. Hindi rin nila binabago ang mga tanong sa interbyu.

Ang impormasyon sa recommendation form ay tumutulong sa proseso ng paghahayag sa pagbibigay ng mga tawag na magmisyon. Sinisiguro ng mga lider na lubos na naibigay ang lahat ng hinihiling na impormasyon.

Kung ang bishop at stake president ay mayroong pag-aalinlangan o tanong tungkol sa pagkamarapat ng taong maglilingkod bilang missionary o tungkol sa kahandaan ng kanyang kalusugan, sila ay sasangguni sa isa’t isa at sa tao. Sa pahintulot ng isang nakababata pang maglilingkod bilang missionary, maaari din silang sumangguni sa kanyang mga magulang. Hindi isinusumite ng bishop at stake president ang rekomendasyon hangga’t hindi napagsisihan ng tao ang mabigat na kasalanan (tingnan sa 24.3.2.1). Depende sa pisikal, mental, o emosyonal na kalusugan ng tao, maaari nilang talakayin ang posibilidad na maitalaga ito bilang service missionary.

Sa napakahalagang mga pagkakataon na wala ang bishop o stake president, maaari niyang iawtorisa ang isa sa kanyang mga counselor na isagawa ang mga interbyu na ito.

Sa mga district, ang mission president o isang inatasang counselor ang nag-iinterbyu at nagrerekomenda ng mga maglilingkod bilang missionary. Hindi isinasagawa ng mga district president ang mga interbyung ito.

Larawan
mga missionary na kausap ang isang lalaki

24.4.3

Pagsusumite ng mga Rekomendasyon

Maaaring isumite ng stake president ang rekomendasyon para sa maglilingkod bilang nakababata pang missionary hanggang sa 150 araw bago ang petsa na maaari siyang magsimulang maglingkod. Maaaring isumite ng stake president ang rekomendasyon para sa maglilingkod bilang senior missionary hanggang sa siyam na buwan bago ang petsa na maaari siyang magsimulang maglingkod. Ang petsa na maaari magsimulang maglingkod ang isang missionary ay ang panahon kung kailan natutugunan ang lahat ng sumusunod na kondisyon:

  • Naabot ng tao ang tamang edad para maglingkod.

  • Ang taong ito ay nakumpirmang miyembro ng Simbahan nang hindi kukulangin sa isang taon.

  • Ang tao ay nakapagtapos na o hindi na dumadalo ng high school, secondary school, o ng katumbas nito. (Angkop lamang ito sa mga maglilingkod bilang nakababata pang missionary na hindi magiging 19 na taong gulang sa petsa na maaari siyang magsimulang maglingkod.)

Nagpaplano ang mga maglilingkod bilang nakababata pang missionary at ang kanilang stake president kung kailan dapat isumite ng stake president ang rekomendasyon. Maaari nilang gamitin ang Submission Planning Tool at ang Mission Release Date Planning Tool para makakuha ng tulong.

Ang mga missionary recommendation ay karaniwang isinusumite sa pamamagitan ng home ward at stake. Ang mga bishop ng mga away-from-home ward (ward na malayo sa tahanan ng miyembro), tulad ng young single adult ward, ay maaaring magproseso ng missionary recommendation. Kailangan muna nilang sumangguni sa bishop ng home ward. Ang home ward ang dapat na ilista bilang ward na magpopondo.

24.4.4

Mga Hindi Kayang Maglingkod bilang mga Full-Time Missionary

Kung minsan, ang isang miyembrong nagnanais at inirekomenda na maglingkod bilang missionary ay maaaring hindi tawaging maglingkod bilang teaching o service missionary. Maaaring dahil ito sa mga hamon sa kalusugan, hindi pagkaabot sa mga pamantayan ng pagkamarapat, mga isyung legal, o iba pang mga sitwasyon. Ang bishop at stake president ay nagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat sa kahandaan ng miyembro na maglingkod. Maaaring iparating ng mga lider ang mga tanong sa Missionary Department sa 801-240-2179 o Missionary.Prefield@ChurchofJesusChrist.org.

Hinihikayat ng stake president at bishop ang miyembro na magpatuloy sa landas ng tipan bilang isang disipulo ni Jesucristo habambuhay. Hinihikayat din nila siya na pagsikapan ang iba pang mahahalagang gawain, tulad ng edukasyon o trabaho para sa mga nakababata pang miyembro.

24.5

Pagkatapos Matanggap ang Tawag na Magmisyon

Ang mga bagong tawag na missionary ay hinihikayat na basahin o basahing muli ang Aklat ni Mormon bago nila simulan ang kanilang misyon. Sinusunod nila ang payo ni Haring Benjamin na: “[bantayan] ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa,” (Mosias 4:30).

Kaagad silang tumutugon sa mga tagubilin na ibinigay sa tawag na magmisyon. Pinag-aaralan nila ang doktrina at mga alituntunin sa mga banal na kasulatan at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, na binibigyang-diin ang kabanata 3. Nirerebyu rin nila ang buklet na Pag-adjust sa Buhay-Missionary o Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet. Pinag-aaralan din nila ng kanilang pamilya ang mga kalagayan sa lugar kung saan sila maglilingkod.

Sinusuportahan ng mga miyembro ng pamilya at mga lider ang mga missionary sa mga pagsisikap na ito. Binibigyang-diin din nila ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti at pananatiling karapat-dapat sa Espiritu.

24.5.1

Endowment sa Templo at Paglilingkod sa Templo

Ang mga bagong tawag na missionary ay hinihikayat na tanggapin ang endowment sa templo sa lalong madaling panahon at dumalo sa templo nang madalas hangga’t maaari (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:15–16; 105:33). Angkop ito sa mga teaching missionary at sa mga service missionary kung angkop sa kanilang mga kalagayan. Para sa impormasyon tungkol sa pagtanggap ng endowment, tingnan ang 27.2.

Ang mga bagong tawag na missionary na nakatanggap na ng endowment ay maaaring maglingkod bilang mga temple ordinance worker bago nila simulan ang kanilang paglilingkod bilang missionary kung naaangkop (tingnan sa 25.5).

24.5.2

Mga Sacrament Meeting

Inaanyayahan ng bishopric ang mga bagong tawag na missionary na magsalita sa sacrament meeting bago nila simulan ang kanilang misyon. Ito ay isang regular na sacrament meeting. Dapat itong nakauton sa sakramento at sa Tagapagligtas. Ang missionary ay dapat anyayahang magsalita tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, at sa kagalakang nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo at paglilingkod sa iba.

Ang mga kapamilya at kaibigan ng missionary ay karaniwang hindi inaanyayahang magsalita. Ang regular na oras ng sacrament meeting ay hindi dapat palawigin.

Dapat iwasan ng mga miyembro at mga lider ang anumang bagay o gawain na maaaring makagambala sa kabanalan ng isang tawag na magmisyon o maging dahilan ng hindi kinakailangang gastos. Halimbawa, hindi sila dapat:

  • Mag-print ng mga espesyal na programa sa sacrament meeting.

  • Bumuo ng pila para mabati ng mga miyembro ang taong magmimisyon pagkatapos ng sacrament meeting.

  • Magdaos ng mga open house, maliban kung para sa mga pagtitipon ng pamilya. Kung magdaraos ng pagtitipon ng pamilya, inirerekomenda na huwag itong gawin kasabay ng mga miting sa araw ng Linggo.

24.5.3

Pag-set Apart ng mga Missionary

Ang home stake president ang nagse-set apart sa bawat missionary sa pinakamalapit na petsa bago magsimula ang kanyang misyon. Sa napakahalagang mga pagkakataon na wala ang stake president, maaari niyang iawtorisa ang isa sa kanyang mga counselor na i-set apart ang mga missionary. Maaari din niyang italaga sa isang counselor ang responsibilidad ng pagse-set apart sa mga senior service missionary.

Ang mission president ang nagse-set apart sa mga missionary na tinawag mula sa mga district sa kanyang mission. Ang district president ay hindi nagse-set apart ng mga missionary.

Ang isang lalaki na maglilingkod nang malayo sa kanyang tahanan ay dapat munang matanggap ang Melchizedek Priesthood bago i-set apart bilang missionary. Ang isang lalaki na maglilingkod bilang service missionary ay dapat na hawak ang Melchizedek Priesthood kung angkop sa kanyang sitwasyon. Para sa mga tagubilin tungkol sa ordinasyon sa isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood, tingnan ang 18.10.

Bago i-set apart ang isang missionary, iinterbyuhin muna ito ng stake president o ng isang inatasang counselor. Kung hindi na nasusunod ng missionary ang mga pamantayan ng pagkamarapat o kung may mga pagbabago sa kalusugan na maaaaring makaapekto sa paglilingkod ng missionary, hindi siya ise-set apart. Kokontakin ng stake president ang Missionary Department (tingnan sa 24.9.3) o ang area office para sa patnubay.

Ang pagse-set apart ay dapat isang espesyal na karanasan. Maaaring dumalo ang mga miyembro ng pamilya at malalapit na kaibigan. Tinutulungan sila ng stake president na maunawaan at madama ang kasagraduhan at kahalagahan ng tawag na maglingkod bilang kinatawan ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

Hindi dapat itala ang pag-set apart at ang kaakibat na basbas. Gayunman, hinihikayat ang missionary na isulat sa kanyang journal ang tungkol sa karanasan at itala ang mga bahagi ng basbas na makabuluhan sa kanya.

Ipinaliliwanag ng stake president na dapat sundin ng tao ang mga pamantayan ng missionary pagkatapos niyang ma-set apart.

Ang pag-set apart sa isang missionary ay para sa tawag na maglingkod, hindi para sa isang partikular na missionary assignment. Kung nagbago ang assignment ng isang missionary, hindi na siya muling ise-set apart. Kung ang isang missionary ay ni-release at kalaunan ay inaprubahang bumalik sa paglilingkod (tingnan sa 24.6.3.2), siya ay muling ise-set apart bilang missionary.

24.6

Paglilingkod nang Malayo sa Tahanan

24.6.1

Pagpunta sa Mission Field

Ang Simbahan ang nagbabayad para sa paglalakbay ng mga nakababata pang teaching missionary papunta at mula sa missionary training center (MTC) at sa mission assignment. Ang Simbahan din ang nagbabayad sa gastusing ito para sa mga senior missionary na naglilingkod nang malayo sa kanilang tahanan nang mahigit sa isang taon.

Ang isang missionary ay maaaring ihatid sa MTC ng kanyang malalapit na kapamilya. Gayunman, hindi sila inaasahang gawin ito. Ang MTC ay hindi nagdaraos ng isang miting para makapag-paalam ang mga pamilya sa kanilang mga missionary.

Para sa airport security at iba pang mga kadahilanan, ang mga pamilya at iba pa ay hindi hinihikayat na makipagkita sa mga missionary sa mga airport kapag umalis na ang mga missionary sa MTC papunta sa kanilang mission assignment.

Larawan
mag-asawang missionary na nagtuturo sa kababaihan

24.6.2

Sa Mission Field

24.6.2.1

Pagdedestino ng mga Missionary

Nagsasanggunian ang mga stake president at mission president tungkol sa pangangailangan sa mga missionary sa partikular na mga ward at branch. Hindi kailangang magtalaga ng mga missionary sa bawat unit. Ang ilang unit ay maaaring may mahigit sa isang companionship. Ang mission president ang nagpapasiya kung saan idedestino ang mga missionary.

24.6.2.2

Paglilingkod sa mga Miyembro at sa Komunidad

Nagsasanggunian ang mga stake president at mission president kung paano makapaglilingkod ang mga missionary sa mga miyembro at sa komunidad. Maaari nilang gamitin ang JustServe.org kung saan ito ay magagamit.

24.6.2.3

Tirahan, Pagkain, at Transportasyon

Ang stake president at mission president ang nagpapasiya kung maglalaan at kung hanggang saan dapat maglaan ang mga miyembro ng tirahan at pagkain para sa mga missionary. Ang paglalaan ng tirahan o pagkain ay hindi dapat maging pabigat sa mga lokal na miyembro.

Ang mga miyembro ay hindi inaasahang regular na maglaan ng transportasyon para sa mga missionary, mga tinuturuan nila, o mga bagong binyag.

Ang Area Presidency ay maaaring magbigay ng patnubay sa pagbibigay ng tirahan, pagkain, at transportasyon para sa mga missionary sa kanilang area.

24.6.2.4

Larawan
icon, mga tuntunin sa pag-aangkop
Mga Missionary na may Katungkulan sa Branch

Sa hindi karaniwang mga sitwasyon, ang mga missionary na naglilingkod nang malayo sa tahanan ay maaaring atasan na maglingkod sa mga katungkulan sa branch. Kung ang isang branch ay nasa isang stake, ang missionary ay ise-set apart sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency, nang may pag-apruba ng mission president.

Kung ang isang branch ay nasa isang district, ang missionary ay hindi sine-set apart. Ang awtoridad na maglingkod sa isang unit na nasa ilalim ng mission ay kasama na sa pag-set apart bilang missionary. Kung ang mga elder ay gumaganap sa isang gawain na nangangailangan ng mga susi ng priesthood, ginagawa nila ito nang may itinalagang awtoridad mula sa mission president.

24.6.2.5

Mga Kahilingan para Suportahan ang Iba sa Pananalapi o Pag-aaral o Pangingibang-bansa

Ang mga missionary at kanilang pamilya ay hindi dapat magbigay ng pinansiyal na suporta para sa mga taong nakatira sa lugar kung saan naglilingkod ang mga missionary, kabilang na ang pinansiyal na suporta para sa pag-aaral. Ang mga missionary at kanilang mga pamilya ay hindi rin dapat maging sponsor ng mga taong nais mangibang-bansa (tingnan sa 38.8.19).

24.6.2.6

Gamot

Responsibilidad ng mga missionary ang anumang gamot na maaaring kailanganin nila. Ang mga miyembro ng pamilya o iba pa ay hindi dapat magpadala o maghatid ng gamot sa mga missionary. Kung wala ang gamot sa mission, sumasangguni ang missionary sa mission president.

24.6.2.7

Pagkamatay ng Isang Malapit na Kapamilya

Kung namatay ang isang malapit na kapamilya ng isang missionary, maaaring piliin ng missionary na pansamantalang umuwi para sa burol at funeral service. Gayunman, ang missionary ay karaniwang pinapayuhan na manatili sa mission field. Kung posible, maaari niyang panoorin ang funeral service sa pamamagitan ng internet streaming.

Kung pipiliin ng isang missionary na umuwi para sa burol, kokontakin ng mission president ang Missionary Department.

24.6.2.8

Mga Membership Record at Ikapu

Nananatili sa home ward ng isang missionary ang kanyang membership record. Ang home ward din ang nagtatala ng kanyang tithing status. Ang mga missionary ay hindi nagbabayad ng ikapu para sa pondong natatanggap nila mula sa mission. Gayunman, nagbabayad sila ng ikapu kung mayroon silang personal na kita.

24.6.3

Pag-uwi mula sa Mission

24.6.3.1

Pag-uwi ayon sa Orihinal na Iskedyul

Ang mga missionary at kanilang mga kapamilya ay hindi dapat humiling ng maagang pag-release o pagpapahaba ng paglilingkod para sa personal na kaginhawahan.

Ang mga nakababata pang missionary ay dapat diretsong umuwi mula sa kanilang misyon. Ang iba pang pagbibiyahe ay inaaprubahan lamang kapag kasama ng missionary ang isang magulang o tagapag-alaga.

Ang mga missionary ay hindi inire-release hangga’t hindi sila nagrereport sa kanilang stake president. Sinusunod nila ang mga pamantayan ng missionary hanggang sa panahong iyon.

24.6.3.2

Pag-uwi nang Maaga

Ang ilang teaching at service missionary ay maagang inire-release dahil sa kalusugan, pagkamarapat, o iba pang mga kadahilanan. Ang mga bishop at stake president ay nagbibigay ng espesyal na suporta sa mga returned missionary na ito. Tinutulungan sila ng mga lider na bumuti ang kanilang kalusugan o bumalik sa paglilingkod kung maaari.

Para sa mga teaching o service missionary na handa nang bumalik sa paglilingkod, kokontakin ng stake president ang Missionary Department para irekomenda ito (tingnan sa 24.9.3). Ang ilang teaching missionary na babalik sa paglilingkod ay maaaring italagang maglingkod sa ibang teaching mission o sa isang service mission.

Kapag hindi posible ang pagbalik sa paglilingkod, hinihikayat ng mga lider ang miyembro na magpatuloy sa landas ng tipan bilang isang disipulo ni Jesucristo habambuhay. Hinihikayat din sila ng mga lider na pagsikapan ang iba pang mahahalagang gawain, tulad ng edukasyon o trabaho para sa mga nakababata pang missionary.

Larawan
collage ng mga missionary

24.7

Mga Service Mission

24.7.1

Pagtukoy ng mga Oportunidad para sa mga Service Missionary

Para sa mga senior service missionary, ang bishop, stake president, at mga missionary ay nagsanggunian upang matukoy ang mga lokal na oportunidad para sa paglilingkod.

Para sa mga nakababata pang service missionary, ang mga service mission leader ang tumutukoy ng mga angkop na oportunidad na maglingkod. Ang mga magulang o tagapag-alaga ng missionary ay karaniwang nakikibahagi sa talakayang ito.

Ang paglilingkod ay maaaring gawin nang personal o online. Maaaring gamitin ng mga lider ang sumusunod na resources para makahanap ng impormasyon tungkol sa mga oportunidad na maglingkod:

24.7.2

Tirahan at Transportasyon

Ang mga service missionary ay tumitira sa kanilang sariling tahanan o kasama ang isa pang kapamilya na inaprubahan ng Missionary Department. Sila ang naglalaan o nag-aasikaso ng sarili nilang transportasyon papunta sa kanilang lugar ng paglilingkod kung kinakailangan.

Ang mga nakababata pang service missionary ay hindi dapat magpalipas ng gabi o tumira sa bahay ng mga teaching missionary.

24.7.3

Pagsasanay at Pangangasiwa

Ang mga service missionary ay sinasanay at pinangangasiwaan sa lugar kung saan sila naglilingkod. Tumatanggap din sila ng patnubay, tulong, at pagsasanay ukol sa araw-araw nilang mga tungkulin mula sa mga service mission leader (para sa mga nakababata pang service missionary) o sa manager ng kanilang service assignment (para sa mga senior service missionary).

Ang stake president ang lider sa Simbahan para sa mga senior service missionary at mga nakababata pang service missionary. Siya at ang bishop ay regular na iniinterbyu ang mga nakababata pang service missionary ukol sa kanilang pagiging karapat-dapat. Nagsasagawa rin sila ng mga interbyu para sa mga temple recommend, pagsulong sa priesthood, at mga patriarchal blessing kapag angkop.

Itinatakda ng mission president at ng kanyang asawa ang mga inaasahan sa espirituwal at sa pag-uugali sa mission. Regular silang nakikipagsanggunian sa mga service mission leader na namamahala sa iskedyul, mga takdang-gawain, at kabuuang kalusugan ng missionary. Magkasama nilang tinutulungan ang missionary na maunawaan at masunod ang mga pamantayan ng service missionary.

Inilalapit ng mission president sa stake president ng missionary ang mga bagay na nauukol sa personal na pagkamarapat ng missionary.

Ang mga nakababata pang service missionary ay hindi pumapasok sa MTC. Tumatanggap sila ng virtual na pagsasanay, at pagsasanay sa lugar kung saan sila maglilingkod.

Para iba pang impormasyon tungkol sa pagsasanay at pangangasiwa, tingnan ang Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission.

24.7.4

Mga Service Missionary sa mga Calling sa Ward o Stake

Maaaring bigyan ng bishop o stake president ang mga service missionary ng calling sa ward o stake kung ang mga calling ay hindi magiging sagabal sa kanilang mga mission assignment o iskedyul. Para sa mga nakababata pang service missionary, ang mga lider na ito ay nakikipag-ugnayan sa mga service mission leader.

24.7.5

Pagtatapos ng Service Mission

Ang mga nakababata pang service missionary ay karaniwang tinatawag na maglingkod sa loob ng 18 o 24 na buwan. Inaasahan na kukumpletuhin ng bawat missionary ang panahon ng paglilingkod na nakasaad sa kanyang assignment.

Sa ilang sitwasyon, matapos matanggap ng isang missionary ang tawag na maglingkod, ang missionary, mga magulang, at mga service mission leader ay maaaring magsanggunian para matukoy ang alternatibong petsa ng pag-release. Isinusumite ng mga service mission leader sa mission president ang anumang mungkahing pagbabago sa petsang ito. Kung aaprubahan niya ang pagbabago, aabisuhan ng mga service mission leader ang stake president ng missionary tungkol sa bagong petsa ng pag-release.

Kung minsan kailangang tapusin nang maaga ng isang service missionary ang kanyang misyon dahil sa kalusugan, pagkamarapat, o iba pang mga kadahilanan. Sa ganitong mga sitwasyon, inaabisuhan ng stake president ang mission president, mga service mission leader, at mga area service mission specialist. Pagkatapos ay kokontakin ng stake president ang nakatalagang in-field representative sa Missionary Department para marebyu at maaprubahan ng isang nakatalagang General Authority ang bawat maagang pag-release.

Ang mga service mission para sa mga nakababata pang missionary ay hindi lalampas ng 24 na buwan para sa kalalakihan. Ang mga mission na ito ay hindi lalampas ng 18 buwan para sa kababaihan.

Maaaring palawigin ng mga senior service missionary ang kanilang paglilingkod sa petsang napagkasunduan ng stake president, operations manager, at ng missionary.

Larawan
babaeng nagsasalita sa pulpito

24.8

Pagkatapos ng Paglilingkod ng Missionary

24.8.1

Mga Temple Recommend

24.8.1.1

Mga Nakababata Pang Missionary na Naglilingkod nang Malayo sa Tahanan

Para sa mga tagubilin tungkol sa mga temple recommend para sa mga nakababata pang missionary na uuwi, tingnan ang 26.5.3.

24.8.1.2

Mga Senior Missionary na Naglilingkod nang Malayo sa Tahanan

Kung kailangan, maaaring magsagawa ang mission president ng interbyu para sa temple recommend. Kung karapat-dapat ang missionary, magbibigay ang mission president ng bagong recommend na mawawalan ng bisa pagkalipas ng dalawang taon.

24.8.1.3

Mga Service Missionary

Dapat kontakin ng mga nakababata pang service missionary at mga senior service missionary ang kanilang mga lokal na lider para mainterbyu para sa pagpapanibago ng kanilang temple recommend (tingnan sa 26.3.1).

24.8.2

Missionary Release Interview

Ang stake president ang nagre-release sa mga teaching at service missionary at nagsasagawa ng release interview. Maaaring i-release ng isa sa kanyang mga counselor ang mga senior service missionary. Sa mga district, karaniwang ang mission president o isang inatasang counselor ang nagre-relase sa mga missionary. Para sa mga eksepsyon, tingnan ang 6.3.

Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tuntunin para sa interbyu na ito.

  • Purihin sila sa pagmimisyon.

  • Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa misyon.

  • Hikayatin silang magpatuloy bilang disipulo ni Jesucristo habambuhay.

  • Payuhan sila na ipagpatuloy ang mabubuting gawi na natutuhan nila bilang missionary.

  • Hikayatin sila na sundin ang Espiritu araw-araw at mamuhay nang marangal.

  • Hikayatin silang pag-isipan at paghandaan ang hinaharap, kabilang na ang edukasyon at trabaho para sa mga nakababata pang missionary. Tulungan silang magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga plano kung kailangan. Rebyuhin ang progreso sa My Plan kasama ang mga nakababata pang missionary.

  • Iwasang mangako ng partikular na mga pagpapala bilang gantimpala para sa paglilingkod bilang missionary.

  • Hikayatin sila na palaging mamuhay nang marapat para sa temple recommend.

24.8.3

Mga Missionary Report at Pagsasalita sa Sacrament Meeting

Inaanyayahan ng mga stake president at district president ang mga bagong na-release na teaching at service missionary na magbigay ng ulat tungkol sa kanilang paglilingkod sa isang high council meeting o district council meeting. Maaari ding anyayahan ng mga bishop ang mga bagong na-release na missionary na magbigay ng report sa isang ward council meeting.

Kung naaangkop dahil sa distansya o iba pang mga sitwasyon, ang mga bagong na-release na missionary ay maaaring ibigay ang kanilang report gamit ang teknolohiya o sa isang ward council meeting lamang.

Nag-iiskedyul ng oras ang bishopric para sa mga bagong na-release na teaching at service missionary na magsalita sa isang sacrament meeting. Ang miting ay isang karaniwang sacrament meeting. Tinitiyak ng bishopric na nasusunod ang mga alituntunin sa 24.5.2.

Ang mga bagong na-release na missionary ay maaaring magsalita sa mga sacrament meeting sa iba pang mga ward ayon sa paanyaya ng isang miyembro ng stake presidency o district presidency. Maaari din silang anyayahan ng isang miyembro ng high council o district council.

24.8.4

Mga Calling

Kaagad na binibigyan ng mga lider ng mga ministering assignment at calling ang mga bagong na-release na teaching at service missionary. Kabilang dito ang pagsasaalang-alang sa kanila na maging temple ordinance worker kung naaangkop (tingnan sa 25.5).

24.9

Resources para sa Pagrekomenda at Paglilingkod ng mga Missionary

24.9.1

Mga Manual at Form

24.9.2

Mga Website

24.9.3

Contact Information

Missionary Department:

  • Telepono: 1-801-240-2222 o 1-800-453-3860, extension 2-2222

Service Mission Office:

  • Telepono: 1-801-240-4914 o 1-800-453-3860, extension 2-4914