Mga Kapansanan
Mga Tulong para sa mga Lider


“Mga Tulong para sa mga Lider,” Disability Services: Mga Lider (2020)

“Mga Tulong para sa mga Lider,” Disability Services: Mga Lider

Mga Tulong para sa mga Lider

Larawan
Man in wheelchair greeting others at church

Mga Kapansanan

Kapag naglingkod kayo sa mga pangangailangan ng iba, matutulungan ninyo silang makaranas ng kagalakan at kaligayahan. Maipapaunawa rin ninyo sa kanila na “bawat isa [sa atin] ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,”). Bawat isa sa atin ay nabigyan ng kakaibang mga kaloob na magagamit upang mapagpala at mapaglingkuran ang mga nasa paligid natin. Kailangan tayong lahat sa Simbahan ni Jesucristo.

Para matupad ang banal na tadhanang hangad ng ating mga Magulang sa Langit para sa atin, kailangan nating lahat ang pagkakataong matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Anuman ang mga kahinaan, marapat ang lahat ng anak ng Diyos na magkaroon ng pagkakataong gumawa ng mga tipan at tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Kapag nakipagtulungan kayo sa mga miyembrong may kapansanan na may mga hamon sa buhay, mapanalanging pag-isipan ang mga katotohanang ito:

  • Ang isipan at espiritu ng lahat ng anak ng Diyos ay may kakayahang lumago.

  • Bawat anak ng Diyos ay nagdaragdag ng yaman at halaga sa pamilya ng tao at sa Simbahan.

  • Ang mga sagradong tipan ay nilayong magpala sa buhay ng lahat ng naghahangad at kayang makibahagi.

  • Lahat ng miyembro ng Simbahan, pati na ang mga may diperensya o kapansanan, ay dapat magkaroon ng mga makabuluhang pagkakataong maglingkod, magturo, at mamuno.

  • Ang isang kapansanan ay hindi isang parusa—sa indibiduwal man o sa mga magulang (tingnan sa Juan 9:1–3).

Lahat ay may maiaambag. Pagpapala at responsibilidad nating sundan ang halimbawa ni Jesucristo at hanapin ang nawawala.

Ipadama sa iba na sila ay kabilang.

Mababasa natin sa I Mga Taga Corinto 12:25–27 ang tungkol sa katawan ni Cristo:

“Huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa’t isa.

“[At] kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.

“Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa’y mga bahagi.”

Hindi tayo kumpleto nang wala ang bawat miyembro. Hindi makapag-aambag ang mata sa paraang katulad ng nagagawa ng kamay, ni hindi magagawa ng mga paa ang nagagawa ng mga tainga. Mas magaling tayo kapag natututo tayong pahalagahan ang mga kalakasang hatid nating lahat sa Simbahan. Nagiging mas katulad tayo ni Cristo sa pangangalaga natin sa isa’t isa.

Ano ang magagawa natin para maipadama sa iba na sila ay minamahal at kabilang sa buong katawan ni Cristo sa sarili nating mga ward at stake? Sa 3 Nephi 22:13 mababasa natin, “Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon.” Madali sanang basahin ang talatang iyan nang, “Ang iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon.” Itinuturo nito na pinili ng Diyos na isama ang katagang lahat. Kailangan nating tanggapin na lahat ng anak ng Diyos ay marapat na magkaroon ng pagkakataong matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo. Bawat tao ay may maiaambag sa Simbahan ni Jesucristo.

Magtanong ng mga bagay na tunay at mapagmahal.

Tinutulungan natin ang iba na mas lubos na ipamuhay ang ebanghelyo kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya para makalikha ng ligtas na puwang para sa kanila sa pisikal, intelektuwal, emosyonal, at espirituwal. Madalas ay magagawa ito sa pamamagitan ng pagkausap sa kanila nang isa-isa at pagtatanong ng mga bagay na tulad ng “Ano ang gusto mong malaman ko?” o “Ano ang ilang bagay na magagawa namin para maging isang lugar ang Simbahan kung saan magiging maunlad ka o ang inyong anak?” Kadalasan ang personal na paglapit upang mag-anyaya at magtanong ng mga bagay na taimtim at mapagmahal ay maaaring maging unang hakbang upang mas maipadama sa iba na kabilang sila sa kanilang pananampalataya.

Magbigay ng mabuting halimbawa.

Ang iba ay madalas umasa sa kanilang mga magulang at lider ng Simbahan para malaman kung paano sila tutugon sa isang sitwasyon. Paano kayo magpapakita ng pagmamahal, tiyaga, at pag-ibig sa kapwa-tao kapag nagpakita kayo ng halimbawang susundan ng iba?

Tandaan na mas magkakatulad tayo kaysa magkakaiba sa isa’t isa. Sa Simbahan, malaki ang magagawa natin para maibigay ang ilan sa mga bagay na kailangang-kailangan ng mga tao na hindi man lamang nangangailangan ng anumang training—mga bagay na katulad ng pagiging kaibigan. Ang pagtutulungan ng mga indibiduwal ang laging pinakamagandang resource upang makahanap ng mga solusyon kapag sinabi ng mga miyembrong may kapansanan ang kanilang mga pangangailangan at mapagmahal na nakikinig at tumutulong ang iba.

May makukuhang resources para sa sumusunod na mga paksa:

Dalawang Layunin: Pagtanggap at Paglalahok sa mga Taong May Kapansanan

Print