Lumang Tipan 2022
Nobyembre 7–13. Hoseas 1–6; 10–14; Joel: “Malaya Ko Silang Iibigin”


“Nobyembre 7–13. Hoseas 1–6; 10–14; Joel: ‘Malaya Ko Silang Iibigin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 7–13. Hoseas 1–6; 10–14; Joel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
lalaki at babaeng ikakasal na nasa bakuran ng templo

Nobyembre 7–13

Hoseas 1–6; 10–14; Joel

“Malaya Ko Silang Iibigin”

Anyayahan ang Espiritu na maging bahagi ng iyong pag-aaral ng Hoseas at Joel. Pansinin ang mga mensaheng ikinikintal ng Espiritu sa iyong puso at isipan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang tipan ng Israel sa Panginoon ay nilayong maging malalim at makahulugan kung kaya ikinumpara ito ng Panginoon sa isang kasal. Ang tipan, tulad ng kasal, ay kinabibilangan ng walang-hanggang katapatan, mga karanasang pinagsasaluhan, magkasamang pagbuo ng buhay-pamilya, lubos na katapatan, at higit sa lahat, buong-pusong pagmamahal. Mataas ang inaasahan sa ganitong uri ng katapatan—at napakalungkot ng mga bunga ng pagtataksil. Sa pamamagitan ni propetang Hoseas, inilarawan ng Diyos ang ilan sa mga kinahinatnang naranasan ng mga Israelita dahil sa paglabag sa kanilang tipan. Gayunman ang Kanyang mensahe ay hindi “tatanggihan ko kayo magpakailanman sa pagiging hindi matapat.” Sa halip ito ay “aanyayahan ko kayong muli” (tingnan sa Hoseas 2:14–15). “Gagawin kitang asawa ko sa katuwiran,” sabi ng Panginoon (Hoseas 2:19). “Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil, malaya ko silang iibigin” (Hoseas 14:4). Ito ang mensaheng ibinibigay rin Niya sa atin ngayon sa paghahangad nating ipamuhay nang may pagmamahal at katapatan ang ating mga tipan.

Gayon din ang mensaheng ibinahagi ni Joel: “Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos; sapagkat siya’y mapagbiyaya at mahabagin” (Joel 2:13). “Ang Panginoon ay kanlungan sa kanyang bayan, at muog sa mga anak ni Israel” (Joel 3:16). Habang binabasa mo ang Hoseas at Joel, isiping mabuti ang kaugnayan mo sa Panginoon. Pag-isipan kung paano ka nagaganyak ng Kanyang katapatan na maging tapat sa Kanya.

Para sa maikling paliwanag tungkol sa mga aklat nina Hoseas at Joel, tingnan ang “Hoseas” at “Joel” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Hoseas 1–3; 14

Lagi akong inaanyayahan ng Panginoon na bumalik sa Kanya.

Ang asawa ni Hoseas na si Gomer ay hindi tapat sa kanya, at itinuro ng Diyos ang malungkot na pangyayaring ito upang ituro sa mga Israelita kung ano ang nadama Niya tungkol sa kanila at sa kanilang mga tipan sa Kanya. Habang binabasa mo ang Hoseas 1–3, pagnilayan kung ano ang turing ng Panginoon sa Kanyang ugnayan sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Maaari mong pagnilayan ang mga paraan na ikaw, tulad ng mga Israelita, ay maaaring hindi tapat sa Panginoon at kung paano ka Niya natulungan. Halimbawa, ano ang itinuturo sa iyo ng Hoseas 2:14–23 at Hoseas 14 tungkol sa pagmamahal at awa ng Panginoon? Paano mo ipinapakita sa Kanya ang iyong pagmamahal at katapatan?

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona,,” Mayo 2007, 99–101.

Larawan
babaeng nakaupo sa lupa at ipinapatong ng lalaki ang kamay sa ulo

Ang makasalanang si Gomer, na kumakatawan sa Israel, ay inalok ng pagtubos ng Panginoon. Paglalarawan ni Deb Minnard, lisensyado mula sa goodsalt.com

Hoseas 6:4–7; Joel 2:12–13

Ang katapatan sa Diyos ay kailangang madama sa kalooban, hindi lang sa panlabas na anyo.

Inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na mag-alay ng mga hayop. Ngunit kahit sumusunod sa batas na iyon ang mga tao sa panahon ni Hoseas, nilalabag nila ang mas mahahalagang kautusan (tingnan sa Hoseas 6:4–7). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang Panginoon ay “nalulugod sa katapatan, kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog”? (Hoseas 6:6). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang kabutihan ay maging parang ulap o tulad ng hamog? Sa ano dapat matulad ang ating kabutihan? (tingnan sa Isaias 48:18; 1 Nephi 2:9–10).

Maaari mo ring basahin ang Mateo 9:10–13; 12:1–8 para malaman kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang Hoseas 6:6 sa Kanyang ministeryo noon. Paano nakatutulong ang mga talatang ito para maunawaan mo ang mga salita ni Hoseas?

Sa pagbabasa sa Joel 2:12–13, maaaring makatulong na malaman na ang pagpunit o pagsira sa kasuotan ng isang tao ay kaugalian noon na panlabas na pagpapakita ng pagdadalamhati o kalungkutan (halimbawa, tingnan sa 2 Cronica 34:14–21, 27). Sa paanong paraan naiiba ang pagkabiyak sa ating mga puso sa pagpunit o pagsira ng ating mga kasuotan?

Tingnan din sa Isaias 1:11–17; Mateo 23:23; 1 Juan 3:17–18.

Joel 2

“Ibubuhos ko ang aking espiritu sa lahat ng laman.”

Noong nagpropesiya si Joel tungkol sa “araw ng Panginoon,” inilarawan niya ito bilang “araw ng kadiliman at pagkulimlim,” “dakila at kakila-kilabot” (Joel 2:1–2, 11). Naharap ang Israel sa maraming malalaki at kakila-kilabot na araw sa buong kasaysayan nito, at ang pinagtipanang mga tao ng Diyos ay marami pang mararanasan na ganito sa hinaharap. Ano ang tumatak sa isip mo sa payo na ibinigay ng Panginoon sa Joel 2:12–17? Pansinin din ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa Joel 2:18–32. Bakit kaya lalong mahalaga ang mga pagpapalang ipinangako sa mga talata 27–32 sa mga araw na tulad ng inilarawan sa Joel 2, kabilang na ang ating panahon?

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “ibubuhos ng Panginoon ang [Kanyang] Espiritu sa lahat ng laman”? (Joel 2:28). Paano natutupad ang mga propesiya sa Joel 2:28–29 ? (Tingnan sa Mga Gawa 2:1–21; Joseph Smith—Kasaysayan 1:41.)

Maaari mong pagnilayan ang mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na maligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 96). Bakit napakahalaga ng paghahayag sa ating espirituwal na kaligtasan? Paano mo madaragdagan ang iyong kakayahang makatanggap ng personal na paghahayag?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Hoseas 2:19–20.Ginamit ng Panginoon ang talinghaga ng kasal upang ilarawan ang Kanyang tipan ng pakikipag-ugnayan sa Israel (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bridegroom,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Maaaring talakayin ng inyong pamilya kung bakit ang kasal ay magandang talinghaga para sa ating mga tipan sa Diyos. Paano tayo matutulungan ng Hoseas 2:19–20 na maunawaan kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa atin? Paano tayo magiging tapat sa ating mga tipan sa Kanya?

Hoseas 10:12.Maaaring masiyahan ang mga bata sa pagdodrowing ng orasan at pagpaplano ng mga paraan na mahahanap nila ang Panginoon sa iba’t ibang oras sa buong maghapon.

Joel 2:12–13.Para matulungan ang inyong pamilya na pag-usapan ang Joel 2:12–13, maaari ninyong ilagay ang larawan ng Tagapagligtas sa isang panig ng silid at ang salitang kasalanan sa kabilang panig. Anyayahan ang mga kapamilya na maghalinhinan sa pagharap sa karatula at pagkatapos ay bumaling sa Tagapagligtas habang ibinabahagi nila ang mga bagay na makatutulong sa atin na bumaling sa kanya “nang [ating] buong puso.” Hikayatin ang mga kapamilya na isipin ang lahat ng aspeto ng kanilang buhay, kabilang na ang mga aktibidad, trabaho, paaralan, at mga relasyon.

Joel 2:28–29.Ano ang ibig sabihin ng Espiritu na “ibubuhos” sa atin? Maaari mo itong ipakita sa pamamagitan ng pagbuhos ng likido at pagkatapos ay paghahambing ng pagbuhos na ito sa pagpatak o kakaunting pagdaloy ng tubig.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ituro ang doktrina. “Huwag palagpasin ang pagkakataon na tipunin ang mga anak para pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo. Bibihira ang gayong mga sandali kumpara sa mga pagsisikap ng kaaway” (Henry B. Eyring, “The Power of Teaching Doctrine,” Ensign, Mayo 1999, 74).

Larawan
nakatayo sa may pintuan si Jesus

Magsilapit Kayo sa Akin, ni Kelly Pugh